THIRD PERSON POINT OF VIEW
Masayang naglalakad ang isang babaeng nagngangalang Pia. Katatapos lamang niya sa mga labahin sa Faith Palace.
Kasalukuyang naglalakad din pauwi ang isang lalaki. Isa itong tagapaghatid ng liham. Biglang nagkasalubong ang dalawa kaya nagkabanggaan.
Muntikan na ang babae matumba ngunit kaagad itong nasalo ng lalaki. Ang lalaking ito ay nagngangalang Rolin Farrant.
Walang ibang taong nakakita sa kanila. Tanging silang dalawa lamang ang nasa lugar na kinaroroonan nila. Malapit sila sa daan palabas ng Faith Palace.
“A-ayos ka lang b-ba, binibini?” tanong ng lalaking si Rolin Farrant kay Pia. Nabighani siya sa angking kagandahan nito. Mayroon itong kulay puting buhok. Bumilis ang t***k ng puso niya.
Nagpapasalamat siya sapagkat ang mga mata nito'y parehong kulay-kape. Nasa batas na ng Faith Palace na ang mga babaeng may puting buhok at magkaibang kulay ng mata ay ipakakasal sa young master.
“A-ayos lang a-ako. Salamat,” ani ni Pia. Nang mapatingin si Pia sa kamay nilang magkahawak ay natanto ni Rolin na mali iyon. Mahigpit na ipinagbabawal iyon lalo na't hindi pa sila kasal. Maingat na binitiwan ni Rolin si Pia.
“Patawarin mo ako binibini sapagkat nahawakan ko kayo. Nararapat mo akong ipakulong,” nakayukong saad ni Rolin. Napangiti naman si Pia.
“Ayos lang, hindi kita ipakukulong. Nakikita ko sa iyong mga mata kung gaano ka kabait. Maraming salamat muli,” nakangiting sabi ni Pia bilang tugon.
“Maraming salamat sa inyo, binibini. Siya nga pala, maaari ko bang malaman ang iyong pangalan? Ako si Rolin, Rolin Farrant. Ikaw? Anong pangalan mo magandang binibini?” nakangiting tugon ni Rolin kay Pia. Lihim na napangiti si Pia sa matamis na sinabi ni Rolin. Bumilis ang t***k ng kaniyang puso.
“Pia, tawagin mo na lang akong Pia. Ikinagagalak kong nakilala kita Rolin. Hanggang sa muli,” saad ni Pia at hindi pa rin nawawala ang ngiti nito sa labi. Mabilis siyang naglakad patungong tarangkahan palabas ng palasyo. Hindi pa rin mapuknat ang ngiti niya.
Hindi niya alam pero kakaiba ang nararamdaman niya kay Rolin. Inaamin niyang gwapo ang binata. May kulay-abo itong buhok. Mayroon ding parehong kulay berdeng mata.
Nagpapasalamat siya at hindi rin magkaiba ang kulay ng mga mata nito. Dahil kung sakaling babae lang ang anak ng reyna at hari, tinatawag itong young lady. At ang mga young lady ay ipinapakasal sa mga lalaking may kulay-abo na buhok. At saka, mayroong magkaibang kulay ng mata.
Nakangiti siyang naglalakad pauwi sa kanilang bahay. Mag-isa na lamang siya dahil maagang namayapa ang kaniyang mga magulang. Dahil din doon wala siyang sapat na edukasyon. Kaya naman, paglalaba lang ang makukuha niyang trabaho. Ganito sa loob at labas ng Faith Palace.
Nang makarating sa loob ng tahanan, kaagad niyang kinandado ang pinto. Lumuhod sa sahig sa harapan ng isang bagay. Ang bagay na iyon ay doon nakalagay ang abo ng kaniyang mga magulang.
“Pagbati, ama, ina. Magandang araw pong muli. Hangad ko pong maging masaya kayo kung nasaan man kayo. Mahal na mahal ko po kayo,” nakangiting aniya. Pagkatapos ay nagsimula na si Pia magluto ng sariling hapunan.
Nagluto siya ng sinigang na baboy at nagsaing ng bigas. Pagkatapos ay masaya siyang kumain. Hindi niya alam pero palaging pumapasok sa kaniyang isipan si Rolin. Palagi niyang naiisip ang gwapo at maganda nitong katauhan.
“Sana, sana magkita tayong muli. Naniniwala akong pagtatagpuin muli ang ating landas,” nakangiting bulong ni Pia at tinapos ang pagkain. Masaya siyang nahiga. Sa sahig lamang siya nahihiga. May sapin iyon na banig at may dalawa siyang unan, may isa ring kumot na makapal.
Samantala, si Rolin naman ay napapailing-iling na lang. Hindi rin mawala sa kaniyang isipan si Pia. Sa tuwing ipinipikit niya ang kaniyang mga mata ay naaalala niya ito. Ang magandang mukha nito. Halata rin ang kabutihan sa puso nito.
Kung tutuusin, maaari siya nitong ipakulong dahil hinawakan niya ito at hindi sila kasal. Pero hindi nito ginawa, bagkus nagpasalamat pa.
“Pia, Pia, Pia. Magkikita rin tayo Pia. Nararamdaman ko iyon. Sana, sana bukas maglandas ang ating daan. Ano bang ginagawa mo sa akin Pia? Unang beses pa lang ito na nagkita tayo. Nakakabighani ang ganda mo. Nakatakip man ng belo ang ibang parte ng mukha mo, alam kong maganda ka. Kitang-kita ko iyon,” nakangiting bulong ni Philip. Pagkatapos ay nagsimulang uminom ng alak.
Hanggang sa makatulog siya, si Pia pa rin ang nilalaman ng isipan niya.
Sumapit ang liwanag at masayang naligo si Pia. Ganoon din si Rolin. Masaya rin ang dalawa kumain ng agahan.
Kagaya ni Pia, patay na rin ang mga magulang ni Rolin. Lumuhod siya sa harapan ng abo ng mga magulang.
“Pagbati, ina, ama. Magandang umaga po sa inyo. Mahal na mahal ko po kayo. Magpapaalam po muna ako para makapagtrabaho,” saad ni Rolin at pagkatapos ay tumayo na ito.
Ganoon din ang ginawa ni Pia sa ina at ama niya. Nakasuot ng mahabang damit pantaas at pambaba si Pia. Pareho iyong kulay asul. Ang manipis na belo naman niya'y kulay puti, pareho sa kaniyang buhok.
Balot na balot halos ang katawan ng kababaihan. Ang mga kalalakihan naman, mahabang pambaba at pang-itaas din.
Nakangiting naglalakad si Pia papasok sa tarangkahan ng Faith Palace. Panibagong araw na naman ito sa kaniya.
“Sana magtagpo ulit ang landas namin,” sabi muli ni Pia at hindi na naman mapuknat ang ngiti niya.
Masaya siyang pumasok sa palasyo ng reyna at hari. Nang makita niya ang reyna at hari ay kaagad na lumuhod si Pia para magbigay ng galang at para bumati na rin.
“Magandang umaga po, aking kamahalan,” saad ni Pia at yumuko pagkatapos bumati.
“Magandang umaga rin Pia. Ah siya nga pala Pia, hintayin mo muna ang liham na ihahatid ng isang binata. Aalis muna kami ngayon, may mahalaga kasing pagpupulong. Ang young master, naroon kay Shane,” nakangiting ani ng reyna.
“Masusunod po, mahal na reyna,” tugon ni Pia at may halong paggalang.
“Maaari ka nang tumayo, Pia. Salamat,” sabi naman ng hari.
“Masusunod po, mahal na hari. Maraming salamat po,” nakangiting sagot muli ni Pia. Sa loob at labas ng Faith Palace, mahalaga ang respeto.
Nang tumayo si Pia ay tumabi siya at yumuko para makaraan ang reyna't hari. Hindi siya umalis sa pwesto dahil hinihintay niya ang tagapaghatid ng liham.
Maya-maya pa may isang binatang nakasuot ng sombrero. Hindi niya makitang maiigi ang mukha nito. Pero pakiramdam niya, parang kilala niya na ito. Naglalakad ito patungo sa kaniya. Nakayuko ito at nakita niyang may hawak-hawak na sobre. Ang sobreng puti na alam niyang pinaglalagyan ng liham.
“Narito na pala ang tagapaghatid ng liham,” mahinang saad niya sa sarili. Nang makalapit sa kaniya ang binata ay tinanggal nito ang sombrero. Nanlaki ang mga mata niya lalo nang umangat ang paningin nito.
“I-ikaw?”