IKAAPAT NA KABANATA

1234 Words
PAULINE POINT OF VIEW Palinga-linga ako sa nilalakaran ko. Nakikita ko na naman ang kakaibang tingin sa akin ng mga tao. Makikita sa kanilang mga mata ang inggit at pagkamangha. Malamang dahil iyon sa maputi kong buhok na nakikita pa rin kahit na may manipis na tela sa ulo ko. “Ang swerte naman niya. May pag-asa siyang maikasal sa young master,” bulungan ng mga ibang tao. “Oo nga eh, sana ipinanganak din akong may puting buhok at magkaibang kulay ng mata,” tugon ng isa pang babae. Napailing-iling na lamang ako. Hindi ko gusto na may puti akong buhok. Hindi ko rin gusto na magkaiba ang kulay ng mga mata ko. Ayokong ikasal sa young master. Mas gusto kong ikasal sa taong mamahalin ako habang buhay at ganoon din ako sa kaniya. “Pauline! Pauline!” Napalingon ako sa tumatawag sa akin. Si Achiana lang pala 'yon. Ngumiti ako sa kaniya at hinintay siya. “Galing ako sa bahay niyo't sabi nila tiya, nauna ka na raw. Pasensya na, ang sabi ko pa naman maaga akong pupunta. Nahuli na naman ako ng gising,” aniya at ngumuso. Saglit ko siyang tinawanan. “Ayos lang 'yon, ano ka ba? Tara na at baka mahuli tayo sa klase. Baka mapalo na naman ang puwet natin,” tugon ko at natawa kaming pareho sa huli kong sinabi. Mabilis kaming naglakad patungong eskwelahan. Hindi pa rin naaalis ang paningin ng iba sa bawat pagdaan ko sa kanila. “Ibang klase talaga ang karisma mo, Pauline!” saad ni Achiana na may halong paghanga. Medyo tinawanan ko na lang ulit siya. Pinagpapasalamat naming hindi kami nahuli sa klase. Naaalala ko pa noong nahuli kami. Napakasakit nang pagpalo ng stick sa puwet namin bilang parusa. “Magandang umaga!” pagbati ng aming guro. Siya ang guro namin tungkol sa mga nakaraang panahon. Isa-isang itinuturo ang tungkol sa tinuturing na bayani. Mga nagawa nila at marami pang iba. Halos paulit-ulit na lamang ang itinuturo mula pa bata kami. Ang mga matataas lang ang posisyon ang nakakapag-aral ng iba't ibang paksa. Paksa ng mga numero, wikang Ingles at iba pa. “Isa sa mga kilalang bayani natin ay ang mga ninuno ng hari at reyna ng Faith Palace. Nang panahon na sinakop tayo ng napakaraming pirata. Halos isang daang libo ang kalaban noon. Pero nagtagumpay ang mga bayani na manalo kahit wala silang kawal na nasa isang daang libo. Ang kanilang mga damit, ginamit na proteksyon sa katawan, panangga, espada at iba pa ay nasa loob ng museyo,” saad pa ng guro at ipinagpatuloy iyon. Matapos ang mahabang diskusyon ay nagkaroon kami ng pagsusulit. Dahil paulit-ulit naman naming napag-aralan iyon ay napakabilis na sagutan ng pagsusulit. “May iiwan ako sa inyong takdang aralin. Itong mga nakasulat sa pisara ay kailangan niyo bigyan ng kahulugan. Ang walang sagot sa takdang aralin bukas ay magkakaroon ng parusa. At alam niyo na kung ano iyon, papaluin ang inyong puwet o kamay dahil sa hindi pagsunod. Pakikopya na ang takdang aralin.” Sinunod namin ang sinabi ng guro. Kinopya nga namin ito at pagkatapos ay nagpaalam na siya. Nang lumabas na ay sumunod ang guro na iba naman ang ituturo sa amin na tungkol sa kasaysayan. Puro kasaysayan ang pinag-aaralan namin. Nang matapos ang buong klase ay doon lang kami nakahingang maluwag. “Sana sa mataas din tayong pamilya nanggaling ano? Nakakasawa na, puro kasaysayan na lang ba ang pag-aaralan natin? Kabisadong-kabisado na natin ang kasaysayan. Mula bata pa tayo puro kasaysayan na hanggang ngayong paglaki natin. Pare-pareho lang din ang paksa,” sabi ng isa sa mga kaklase ko. “Manahimik ka na lang. O kaya huwag mo masyadong lakasan ang boses mo. Alam mo na, baka mapala ka sa puwet niyan ng limang beses,” ani naman ng kasama niya. Hindi na ako nagsalita pa. Wala naman kaming magagawa kung ito lang ang pag-aaralan namin. “Hayaan niyo na lang. Isipin na lang natin 'yong sakripisyo ng mga magulang natin mapag-aral lang tayo. Saka, malapit na rin ang pagtatapos natin. Makatutulong na rin tayo sa mga magulang natin,” saad bigla ni Achiana. “Oo, tama nga si Achiana. Umuwi na tayo kasi baka hinahanap na tayo ng mga magulang natin. Mauuna na ako sa inyo, paalam,” sabi naman ni Ogie at lumabas na sa silid-aralan. “Achiana, umuwi na rin tayo. Kailangan ko pa magluto ng aming hapunan. Malamang pagod sila inay galing sa trabaho.” Sumang-ayon naman sa akin si Achiana. Nagpaalam pa kami sa iba naming kaklase bago lumabas. “Iyong sinabi ni Rinaldo kanina, sang-ayon ka ba?” tanong bigla ni Achiana sa akin. Nabasag ang katahimikang bumabalot sa amin habang naglalakad. “H-hindi k-ko alam. Ayoko magkomento riyan, Achiana,” sagot ko. “Sabagay, mas maiigi ngang huwag na magbigay komento. Mahirap na sa sitwasyon natin ngayon lalo na't galing lang tayo sa mahirap na pamilya,” tugon naman niya. Hindi na ulit ako nagsalita pa. Binalot ulit kami ng nakabibinging katahimikan hanggang sa makauwi. Ginamit ko ang susi para buksan ang pinto at kinandado rin iyon pagkapasok. Nanalangin ako sa harap ng abo nila lola at lolo ko. Pagkatapos ay nilapag ko na ang gamit ko sa kuwarto at nagpalit agad ng damit. Dumiretso ako sa kusina para magluto na ng hapunan. “Ano kaya ang pwedeng lutuin dito?” tanong ko sa sarili at nakakita ng talbos ng kangkong. May nakita rin akong tokwa na nasa may baunang may yelo. Ito na lang lulutuin ko. Adobong kangkong na may tokwa. Hiniwa ko ang tokwa at saka hinugasan ito. Prinito rin at pinalamig muna saka hiniwa-hiwa ulit sa maliliit na piraso. Nakuha ko na rin ang maayos na dahon sa talbos ng kangkong. Matapos ang lahat ay sinimulan ko na ito adobohin hanggang sa matapos. napagdesisyonan ko na ring magsaing na. Malapit-lapit na dumilim at malamang parating na sila inay at itay. Nang marinig kong may komakatok na ay agad akong napapunta sa may sala. “Anak! Anak!” “Sandali lang po, inay, itay!” Mabilis akong kumilos at binuksan ang pintong nakakandado. “Mano po,” magalang kong saad. Pagkatapos niyon ay nanalangin din sila sa harap nila lolo at lola bago tuluyang nagpalit ng damit. “Asikasuhin ko lang po 'yong sinasaing ko inay, itay!” malakas kong sabi mula sa kusina. “Sige anak!” malakas ding tugon ni inay. Medyo inangat ko ang takip ng kaldero nang kumukulo na ang sinasaing. Nilagyan ko rin ito ng dahon ng pandan. Nang maluto na ay agad akong naghain. Sakto ring ala sais na ng gabi. “Kakain na po!” Nakita ko na sila nanay na patungo na rito at naupo na. Pinaghanda ko rin sila ng maiinom na tubig. “Salamat anak!” “Wala po 'yon. Alam ko pong pagod kayong dalawa galing sa trabaho. Manalangin na po tayo,” nakangiting tugon ko. Nanalangin kami at nagsalo-salo kaming kumain. Napapangiti ako sa tuwing pinupuri ako nila inay at itay. Bata pa lang ako, natuto na akong magluto. “Malapit na pala ang pagtatapos mo, Pauline. Mag-iipon na kami para sa mga babayaran sa inyong eskwelahan. Hangang-hanga kami sa iyo anak. Ipagpatuloy mo lang 'yan,” nakangiting sabi ni itay. “Salamat po, itay!” nakangiting sagot ko. “Salamat din anak sa pagpapahalaga sa sakripisyo namin! Sulit ang pagsasakripisyo namin para sa iyo. Ipagpatuloy mo iyan anak,” nakangiting sabi naman ni inay. Masayang natapos ang aming hapunan. Magkatabi sila inay at itay na natutulog at ako naman ay hiwalay na sa kanila. Nanalangin muli ako bago ipinikit ang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD