"MA'AM Issa! Ikinagigiliw namin na makita kayong muli," masiglang bati ng madre bago lumapit kay Issa upang yumakap at makipagbiso.
"Mother Lily, ako rin po! Ikinatutuwa kong makita kayong lahat," magiliw na tugon ni Issa habang isa-isang niyayakap ang mga staff ng ampunan.
"Teacher Issa, ano po 'yung mga regalo niyo sa amin? Hehehe!" sabat ng isang payat na batang babae.
"Ayy, siyempre marami! Bakit, may mga hula na ba kayo?" biro naman ni Issa sa mga bata.
"Laruan po?" birit ng isang makulit na batang lalaki.
"Hala, mga manika po ba o Barbie? Nakakatuwa naman po, Teacher Issa!"
Dinumog na ng mga bata si Issa, na ikinatuwa naman ng dalaga habang paboritong pinupugay at pinaggugulo ang buhok ng mga ito.
Sa likod naman ay tahimik lang na nagmamasid si Lana.
"Oh, isa-isa lang. 'Wag masyadong mangungulit kay Teacher, maliwanag ba?" mahinang saway ng madre.
Napapayuko ang mga bata habang napahagikhik.
"Kung ano man ang mga naiisip niyo o 'yung mga hiling niyo... oo naman! Lahat ng 'yon ay dala ko. Ready na ba kayo?"
Masayang tumango ang mga bata at ang iba pa nga ay nagtatalon-talon sa tuwa.
"Pero bago niyo makita ang mga regalo ko, may ipakikilala muna ako sa inyo..." Umayos ng tayo si Lana nang ilahad ni Issa ang kamay nito patungo sa kanya.
Nakatitig sa kanya ang lahat. Bahagya niyang itinaas ang kanyang kanang kamay, kumaway sa ere, at ngumiti nang maluwag.
"Hello po sa inyong lahat. Ako po si Lana," pakikilala niya sa sarili.
Nginitian siya ng mga matatanda at ang iba ay bahagyang yumukod. Samantala, ang mga bata naman ay kyuryosong nakatingin sa kanya, ngunit ang ilan ay mabilis ding sumukli ng kaway at ngiti.
Subalit saglit lamang ang atensyon ng mga bata sa kanya dahil mabilis na lumipat ang tingin ng mga ito sa kanyang likuran. Nagulantang si Lana nang biglang magsitakbuhan ang mga bata patungo sa gawi niya—iyon pala ay lalagpasan lamang siya.
"Dahan-dahan! Huwag maingay at 'wag magtulakan, ha? Lahat kayo mabibigyan," paalala ng isang volunteer. May iilang volunteers pala na naglapag ng malalaking kahon sa likod ni Lana, kaya doon nagkumpulan ang mga bata.
Napabuga ng hangin si Lana at nilapitan na lang si Issa na kausap na ngayon ng mga empleyado ng ampunan.
"Si Mayor ba, hindi napadalaw ngayon sa pagbisita niyo?" takang tanong ng isang lalaking nasa late 50s na may kalakihan ang tiyan.
"Oo nga, Kuya Bert. Masyado po kasing busy kamakailan si Cyrus, pero ibinilin niya na lang po sa akin ang kanyang pagbati at paumanhin sa inyong lahat."
"Ayy, naku! Walang problema sa amin 'yon, Ma'am. Sapat na po ang presensya niyo para sa mga bata dahil kayong dalawa naman ang iniidolo nila," saad ng isang babaeng empleyado na tila kinikilig pa.
Nakiisa naman si Issa sa pakikipagtawanan sa biro ng matanda.
"Kumusta ka, iha?"
Napalingon si Lana nang kalabitin siya ng madre na may magiliw na ngiti sa mga labi. Naagaw nito ang kanyang atensyon mula kina Issa.
"Hello po, Sister," magalang niyang bati.
"Bagong kaibigan ka ba ni Issa, 'neng?" tanong pa ng madre.
"Ah, bago lang po kaming nagkakilala."
Mahinang hinawakan ng madre ang kanyang balikat at iginaya siya paitaas sa entrance ng gusali.
"Kung ganon, halika! Ipapasyal ka namin sa loob nitong orphanage," nakangiting alok ng matanda.
Nakangiting tumango si Lana at pinaunlakan ang madre kahit nag aalinlangan. Nagkatinginan muna sila ni Issa habang naglalakad sila papalapit dito.
"Ipapasyal ko muna itong kaibigan mo, iha," paalam ng madre kay Issa.
Mabilis namang tumango si Issa at nginitian silang dalawa. "No worries po, kayo na muna ang bahala kay Lana, Mother. Okay lang ba sa 'yo, Lana, na mamaya na ako sumunod sa inyo?" mahinhing tanong ni Issa.
"Ah, yeah. Papasama lang ako kay Sister. Okay lang ako," tipid na sagot ni Lana.
Iginaya na nga siya ng madre pamasok sa loob habang naiwan naman sa labas si Issa kasama ang mga tauhan.
"Ah, Ma'am... bagong kaibigan niyo po?" usisa ni Bert kay Issa nang makapasok na sina Lana.
Naputol ang pagtingin ni Issa sa pinto nang sumara ito at muling nilingon ang mga kausap.
"Ah, hindi po. Isinama ko lang siya rito para hindi naman siya ma-bored sa mansyon ni Cyrus."
"Ang ganda niya, Ma'am! Kaibigan ba siya ni Mayor? Parang turista, ah?"
Biglang nakaramdam ng inis si Issa sa komento ng tauhan, ngunit hindi niya iyon ipinahalata sa kanila. Bahagya siyang natawa habang iniaayos ang buhok sa kanyang balikat.
"Ah... Masyado po kasing komplikado ang estado nilang dalawa ni Mayor, Manang Pacita," tipid niyang sagot.
Napasinghap ang mga kababaihan, tila may sarili nang hula kung ano ang papel ni Lana sa buhay ng alkalde. Napapitik naman sa noo ang katabi ni Pacita.
"Ahh! Bagong girlfriend ba ni Mayor, Ma'am Issa?" biglang sagot ni Bogs kaya hinampas pa ito nang pabiro ng kasama.
Natatawang umiling si Issa ngunit napangiwi sa reaksyon ng mga ito.
"Isa po siya sa mga babae ni Cyrus. Alam niyo naman po ang Mayor—habulin ng mga babae. At siyempre, men have their simple pleasures, 'di ba, Kuya Bogs?"
"Ahh... Gano'n ba..." sang-ayon ng lahat sa sinabi ni Issa.
Palihim na nag-tsismisan ang mga matatandang babae habang nakangisi namang napapailling sina Bogs. Si Pacita naman ay napahawak sa dibdib at napasensyas pa ng sign of the cross.
"But we don't judge naman po, 'di ba? Kaya sa atin-atin na lang po 'yon. Maliwanag ho ba?" siguradong tanong ni Issa sa mga tauhan.
Nagsitanguhan ang iba at umaayon sa kanyang sinabi.
"Makakaasa po kayo, Ma'am Issa! Hahaha!" biro pa ni Bert.
"Paldo pala si Mayor, eh!" hirit pa ni Bogs.
Napahalakhak si Issa at inaya na ang mga ito upang tumulong sa pagbibigay ng mga regalo. Lihim siyang natuwa dahil nakuha niya ang loob ng mga tauhan nang gano'n kadali—gamit lamang ang kaunting paninirang-puri.
PAGALIT na inihagis ni Cyrus ang isang makapal na folder sa harap mismo ng mga Board Member na nagulat sa biglaang pagdating ng Mayor.
Nasa loob sila ng isang pribadong silid sa munisipyo kung saan sila nagkasundong magtipon..
"Mayor, huli na kayo sa meeting, tapos magkakaganyan ka pa?" reklamo ng isa.
Dire-diretso ang lakad ni Cyrus patungo sa unahan at hindi man lang pinansin ang reklamo ng kasama.
"Hinay-hinay lang sa kilos, Mayor. Masyado nang mainitin ang ulo mo simula noong nakaraang araw," banta ng isang Board Member na pinakamatapang sa lahat. Nakangisi itong nagpapbuga ng usok mula sa kanyang sigarilyo, na sinabayan pa ng tawa ng iba pang opisyal.
Tinapunan lamang siya ng nanlilisik na tingin ng Mayor. Akmang tatayo ang Board Member upang sitahin siya ngunit mabilis itong pinigilan ng mga katabi. Pasalampak na umupo si Cyrus sa kanyang upuan sa gitna. Sinundan siya ng tingin ng mga tao sa loob, takang-taka sa kanyang inasal
"Go ahead. You want to beat me? Gaya ng pagpapabugbog mo sa isa sa mga magsasaka sa kabilang barangay? Ha!"
Sa sinabi niyang iyon, natigilan ang matapang na Board Member.
"Ano bang problema mo, Mayor?" kunot-noong tanong ng isang kapitan.
Biglang natahimik ang buong paligid.
"Someone needs to be out of his seat," nangangalaiting sabi ni Cyrus habang nakatitig sa pandak at nag-yoyosing Board Member na nagulat sa kanyang tono.
"HAHAHAHA!" Malakas na tumawa ang lalaki nang makabawi sa gulat.
"At saan mo naman nakuha ang fake news na 'yan? Akala mo kung sino ka! Tandaan mo, mas mataas pa rin ang posisyon ko sa 'yo—"
"Hindi na mahalaga kung saan ko nalaman!" putol ni Cyrus sa sasabihin nito. "Ang isyu rito, isa kang pabaya at gagong Board Member!" sarkastikong dagdag ng Mayor na ikinapula ng mukha ng lalaki sa galit.
Napaigting ang panga ng lalaki habang itinuturo si Cyrus, ngunit hindi nagpatinag ang alkalde. Binuklat niya ang mga folder sa harap mismo ng nagwawalang opisyal.
"Aba, sumosobra ka na!" pilit na kumakawala ang lalaki sa hawak ng mga kasama.
"Nakasulat dito ang napakaraming reklamo ng mga magsasaka at mangingisda. Hinihingi nila na ibalik mo sa kanila ang ibinulsa ninyong mga buwis na—"
"Aba, punyeta! Nagsusumbong pa!" natatawang sabi ng lalaki at pumalakpak nang malakas.
"May mga armadong namimilit na kunin ang kita nila. At nang may naglakas-loob na humindi, anong ginawa mo? Dinurahan mo at pinabugbog nang walang awa!"
Nagsimulang magbulungan ang ibang mga opisyal at Board Member nang malaman iyon. Ang iba ay napayuko at halatang naiilang.
Malakas at walang preno na binasa ni Cyrus ang mga dokumento mula sa folder.
"So, the question is... what do they owe you for stealing their rights, Hon. Cecilio 'Go' Ignacio? That is not how you treat the people who voted you into this seat!" Turo niya pa kay Ignacio na halos atakihin na sa sobrang galit.
"What do you think, folks?" malumanay ngunit may pagbabantang tanong ni Cyrus sa mga Board Member na nanatiling walang imik.
Nanlalaki ang mga mata ni Ignacio sa galit, ngunit mas naramdaman ng lahat ang matinding awtoridad at poot ng Mayor.
"ENOUGH!"