KABANATA 24

3025 Words
KABANATA 24 TINA Inunat ko ang kaliwang kamay ko at may nahawakan akong mainit at matigas. Biglang napamulat ang mga mata ko at nakita ko ang kamay ko na nakahawak sa abs ni Blake! Kaya mabilis kong tinanggal ang kamay ko. Kagabi naman may suot siyang t-shirt. Putok na putok nga lang sa kanya kasi kay Itay ‘yon. ‘Yung shorts nga na binigay ko sa kanya hindi niya sinuot kasi hanggang tuhod lang daw niya at hindi na niya maiangat pa. Kaya ngayon naka-boxer shorts na lang siya. “Good morning!” Nakatagilid siya nang higa at nakapalumbaba habang masayang nakatingin sa ‘kin. “Ba’t nakahubad ka?” “Sa sobrang sikip ng t-shirt na binigay mo sa ‘kin, napunit ko ‘yung manggas kaya hinubad ko na lang. Sorry, papalitan ko na lang.” “Hindi na. Bakit pala nakapalumbaba ka pa d’yan? Hindi ka pa ba luluwas?” “Sana dala ko ‘yung cellphone ko para na-picture-an kita kanina paggising ko.” Ang layo ng sagot niya sa tanong ko. Teka, naalala ba niya ‘yung ginawa niya dati para sa scrapbook na regalo niya sa ‘kin noong pasko? “Bakit nakakunot ‘yang noo mo?” Nilagay pa niya ‘yung hintuturo niya sa pagitan ng mga mata ko. “Pumunta ako sa apartment natin and nakita ko ‘yung scrapbook.” Napangiti siya. “I can’t believe na gumising ako kanina na katabi ka. Akala ko hindi ko na magagawa ‘yon.” Hay naku Blake! Ang aga-aga bakit mo ‘ko pinapakilig?! Sabi mo manliligaw ka pa, pero bakit ngayon pa lang parang gusto na kitang sagutin?! Mula sa mukha niya nalipat ang tingin ko sa kwintas na suot niya at sa pendant na nakalagay rito. Parang ito 'yung couple ring namin. "Sinusuot mo pala..." Bahagya siyang napayuko at hinawakan niya 'yung singsing at saka siya tumango. "Mula nang ibigay mo sa 'kin 'to, palagi ko nang suot. Hindi nga lang sa daliri ko." Ito siguro 'yung hawak niya noong nakita ko siyang hinihintay ako sa may lobby noong unang dinner namin, na bigla niya ring tinago. Masyado na niya talaga akong pinapakilig. Nalulusaw ang puso ko. Mapapasagot ata agad ako ng oo rito kahit hindi niya 'ko tanungin kung pwede nang maging kami uli.  Buti na lang may kumatok sa pintuan at napigilan ang karupukan ko. “Tina…” Nanlaki ang mga mata ko! Ang inay! Napabangon kaming pareho. Si Blake, tinakpan ko ng kumot hanggang leeg. “Magtakip ka. Makikita ka ni Inay,” pabulong na sabi ko. “Paano? Mas mahaba pa ‘ko sa kumot mo.” Nang ibaba niya ‘yung kumot, kita 'yung mukha niya hanggang kalahati ng abs niya. Nang itaas naman niya kita naman ‘yung paa niya hanggang kalahati ng hita niya. “Tuwalya ata ‘to, hindi kumot.” “Tina…” Tinatawag na naman ako ni Inay! “Magbihis ka. Nasaan ba ‘yung damit mo?” Natataranta kong sabi. “Naiwan ko sa banyo. Nakasabit sa likod ng pintuan.” “Bakit iniwan mo?” “Basa kasi.” “Mahiga ka na lang sa kama. Mamaluktot ka. Pagkasyahin mo ‘yung sarili mo sa kumot.” “Ha?!” Halata sa itsura niya na hindi niya alam kung paano gagawin ‘yung sinabi ko pero bahala na siya. Gawan niya ng paraan. Bumalik siya sa kama at pilit na namaluktot kaya natatawa ako. “Tina… Gising ka na ba? Si kapitan nandito. May kasamang mekaniko.” “O-opo Inay! Gising na po ako. Sandali po.” Dahan-dahan kong binuksan ‘yung pintuan.  “Kanino ba ‘yung kot—.” Napahinto si Inay nang mapasilip siya sa loob ng kwarto ko. “Sino ‘yung nakahiga sa kama mo?” Napalingon ako kay Blake na natatakpan ang kalahati ng katawan pero nakalabas naman ang likod at pwetan. Kinagat ko ‘yung labi ko para hindi ako matawa. Wala ring saysay 'yung pagtatago niya ng topless niyang katawan. Lumabas ako ng kwarto at isinarado ko ‘yung pinto. “Si Blake po,” sabi ko nang hindi makatingin kay Inay. “Nandito uli si Blake? Kayo na ba uli?” Nag-aalangang tanong ni Inay. “Hindi pa po Inay. Mamaya ko po ipapaliwanag ah? May kukunin lang po muna ako.” Iniwan ko muna si Inay at pumunta ako ng banyo para kunin ang mga damit ni Blake. Pagbalik ko, si Inay nasa labas na at kausap na sina Kapitan, kaya pinuntahan ko naman si Blake para makapagbihis na siya.  Pagpasok ko sa kwarto, nakaupo na si Blake sa kama. Napatingin siya sa ‘kin at tumayo para salubungin ako. Ang gwapo pa rin niya kahit medyo magulo ang buhok niya. ‘Yung mga ganitong eksena sa umaga ang isa sa mga na-miss ko. Bumaba ang tingin ko sa katawan niyang parang biyaya ng Diyos na nakahain sa ‘kin. Napalunok ako. Bago pa ‘ko dalhin sa kung saan ng isip ko, inabot ko sa kanya ang mga damit niya. “Magbihis ka na. Hihintayin kita sa labas.” Pagkakuha niya ng damit, mabilis na akong lumabas. Ito naman kasing si Blake, ang lagkit kung makatingin!  Habang kausap ni Blake si Kapitan at ‘yung kasamang mekaniko nito, naghanda kami ng agahan ni Inay. “Tina, pwede mo na bang ikwento sa ‘kin kung bakit magkasama kayo ni Blake?” tanong ni Inay habang nagdudurog ng bahaw na kanin. Magsisinangag kasi kami. “Ihahatid niya lang po ako dapat kagabi kaso nasiraan po kami. Ipinahatak na nga lang po namin sa barangay kagabi ‘yang kotse niya at pinakiusapan si Kapitan na tumawag ng mekaniko,” sagot ko naman habang ginagayat ko ‘yung bawang para sa sinangag. “Hindi ba talaga kayo nagkabalikan?” “Hindi po. Manliligaw daw  muna po siya. Gusto niyang ipakita muna sa ‘kin na seryoso siya sa pakikipagbalikan sa ‘kin. ‘Yung nakita n’yo po kanina, wala lang po ‘yon. Wala pong nangyari sa ‘min kahit natulog kami na magkatabi. Wala naman po kasi siyang tutulugan kundi sa kama ko.” Hindi ako makatingin kay Inay habang sinasabi ko ‘yung huli. Wala naman kaming ginawa ni Blake, pero nahihiya pa rin ako kay Inay pagdating sa mga gano’ng usapan. “Hindi naman ako tutol kung magkabalikan kayo. Alam ko kung gaano mo kamahal si Blake. Gusto ko rin naman siya para sa ‘yo, pero syempre ikaw pa rin ang magdedesisyon sa huli kung tatanggapin mo pa siya uli. Ang sa akin lang, kung magkakabalikan kayo, mag-ingat kayong dalawa. Hindi mo na maibabalik pa ‘yung nawala, pero meron kang pwedeng gawin ngayon para gumawa ng tama. Sigurado akong marami kang natutunan sa mga nangyari noon. Huwag padalos-dalos. Mga bata pa kayo.” “Opo ‘Nay.” Alam kong labis ding nasaktan si Inay para sa ‘kin. Binigo ko rin siya dahil sa ginawa kong paglilihim. Hindi naman ako nagsisisi na ibinigay ko nang maaga ang sarili ko kay Blake pero kung may pwede akong itama sa nakaraan ‘yon ay ‘yung sana mas nag-ingat kami. Naging padalos-dalos kami at nangibabaw sa ‘min ‘yung pagnanasa namin para sa isa’t isa. Kung sakali man na mapunta uli ako sa ganoong sitwasyon sana lang mapigilan ko na ‘tong sarili ko dahil iba talaga ang hatak ni Blake sa ‘kin. *** “Kain muna kayo,” yaya ko kina Blake, Kapitan at sa mekaniko. “Mamaya n’yo na tapusin ‘yan.” Nabigla ako nang umakbay sa ‘kin si Blake. Napatingin ako sa kanya. “Gutom na nga ako. Babe, an—.” Natigilan siya nang mapansin niyang nakatingin ako sa kanya at mabilis niyang tinanggal ang pagkakaakbay sa ‘kin. Sa ilang segundo na ‘yon, pakiramdam ko bumalik ‘yung dating siya noong panahon na hindi pa siya naaaksidente. ‘Yung bigla na lang yayakap o kaya aakbay, tapos tinawag pa niya ‘kong Babe kahit na mas sanay siya ngayon na tawagin ako sa pangalan ko. Napangiti ako at siya naman parang nahiya. “Tara na sa loob,” sabi ko sa kanya at  tiningnan ko naman sina Kapitan, “Kapitan, manong, kain po muna.” *** Pinagsaluhan namin ‘yung simpleng agahan na hinanda namin ni Inay. Sinangag, itlog na maalat at pritong galunggong na maliliit na sa sobrang lutong pwede nang kainin pati tinik na maliliit. Sinabayan pa namin ito ng mainit na na kape kaya nakakabusog talaga. Si Blake ang daming nakain at kumuha pa siya ng bagong saing na kanin. “Paborito mo pala ang galunggong,” sabi ni Inay kay Blake. “Si Tina po ang nagturo sa ‘kin na kumain nito. Nire-request ko pa nga po sa kanya na gusto ko ‘yung mas maliliit dahil crispy. Pinagbibigyan naman po niya ‘ko kahit na mahirap linisan ‘yung isda.” “Naalala mo ‘yon Blake?” nagtatakang tanong ko. “Oo, baki—.” Napatigil siya nang ma-realized niya na ‘yung alaala na ‘yon, nangyari bago ‘yung aksidente, noong nagsasama pa kami. “Dahil siguro mas nakakasama kita, kaya naaalala ko 'yung mga memories natin na nalimutan ko. Ikaw 'yung gamot sa amnesia ko.” “May amnesia ka hijo?” tanong ni Kapitan. “Opo.” “Sa pelikula at sa palabas sa TV lang ako nakakakita ng tulad mo. Totoo pa lang nangyayari ‘yung ganyan ano? Bakit? Paano?” “Naaksidente po si Blake. Bumangga ‘yung kotse niya,” ako ang sumagot sa tanong ni Kapitan. “Mabuti at alaala lang ang nawala sa ‘yo.“ “Hindi rin po. ‘Yung mga alaala po kasing nawala sa ‘kin, napaka-importante. Dahil po sa pagkawala ng mga alaalang ‘yon, may isang taong nawala sa ‘kin,” sagot ni Blake habang nakatingin sa ‘kin. “Hindi pa naman ata huli ang lahat,” singit ni manong na mekaniko na Mang Lino pala ang pangalan. Nakangiti siya at palipat-lipat ang tingin sa ‘min ni Blake. Hindi ko sigurado, pero parang may alam si Mang Lino tungkol sa relasyon namin ni Blake. Si Kapitan naman bigla na lang kumanta ng Muling Ibalik. Napangiti na lang kaming pareho ni Blake. “Kapitan, kanta mo ba ‘yan kay Mareng Norma?” biro ni Inay. Hiwalay na kasi sa asawa si Kapitan at matalik na kaibigan ni Inay ang asawa nito kaya alam niya ang buhay pag-ibig nila. “Naku naman Amelia, pinaalala mo pa. Isang taon ko na ngang nililigawan ‘yung kaibigan mo na ‘yon. Nangako  naman akong hindi na titingin sa iba pero matigas pa rin ang puso para sa akin.” “Gayahin mo kasi si Ador ko. Kahit kailan hindi ko nakitang nabali ang leeg no’n para tumingin sa ibang babae.” Totoo ‘yon. Kahit kailan hindi nag-away ang mga magulang ko nang dahil sa pangangaliwa. Mas pinagtatalunan pa nga nila noon kung ano’ng susunod na uulamin namin. Ang Inay kasi mahilig sa isda habang ang Itay mahilig sa baboy. “Loyal na nga ako. Pati nga pag-inom ko, tinigil ko na rin.” “Mabuti ‘yan. Tuloy mo lang ‘yan at baka balikan ka ni Norma.” Nag-kwentuhan kami hanggang sa matapos kumain. Ito kasing si Kapitan napakaraming tanong kay Blake. Nang matapos kaming mag-agahan, umalis na si Kapitan at naiwan naman si Mang Lino para tapusin ang pag-aayos sa kotse ni Blake. Dahil may pasok ako sa resort, naligo na ako at nag-ayos. Gusto sana akong ihatid ni Blake pero hindi pa tapos ‘yung kotse niya. “Hindi mo ‘ko kailangan ihatid. May tricycle naman. Magkita na lang tayo sa resort mamaya, bago ka umuwi.”   ***   Ang sabi ko magkita kami sa resort bago siya umuwi, pero ang ginawa niya binantayan ako. Pagdating niya sa resort, imbis mag-ayos ng gamit at umuwi ng Manila, tinulungan niya ‘ko maglinis. “Blake, bitawan mo nga ‘yang vacuum.” Kukunin ko sana sa kanya ‘yung vacuum, pero nilayo niya sa ‘kin. “Ako na. Kaya ko naman ‘to.” “Alam ko, pero mapapagalitan ako ni Madam, kapag nakita ka rito. Guest ka. Hindi ka dapat naglilinis ng kwarto.” “Nakakainip sa kwarto.” “Bakit kasi hindi ka pa lumuluwas? Absent ka na nang isang araw sa school. Bukas ba balak mo rin um-absent?” “Maaga pa naman.” “Ayokong abutan ka ng dilim sa daan. Ayusin mo na ‘yung mga gamit mo. Lumuwas ka na. Huwag mo ‘kong pag-alalahanin habang nasa byahe ka pauwi.” “Mag-aalala ka sa ‘kin?” “Anong klaseng tanong ‘yan Blake? Malamang. Kaya bitawan mo na ‘yan at mag-ayos ka na. Uwi na.” “Okay, uuwi na ‘ko, pero pangako, babalik ako every weekends. Palagi kitang tatawagan. Kahit malayo ako liligawan kita.” “Blake, huwag kang mangako, para hindi ako ma-disappoint kapag hindi mo nagawa.” Hinawakan niya ang mga kamay ko. “I’m sorry na umabot ka sa punto na hindi mo magawang paniwalaan ‘yung mga sinasabi ko. Sige, I won’t make promises anymore, gagawin ko na lang.” “Ehem!” Napatingin kami sa nakabukas na pintuan at nakita ko si Madam na nakatayo sa labas at nakapamewang. Mabilis kong binitawan ang kamay ni Blake at binigyan nang malapad na ngiti si Madam. “Aalis na po siya. Nagpapaalam lang,” nakangiti pa ring sabi ko kahit kinakabahan na ako. Napaka-istrikto pa naman ni Madam. Nakangiting lumabas si Blake ng kwarto habang nakatingin kay Madam habang si Madam napakataas pa rin ng isang kilay. “Linisin mo ‘yang mabuti,” masungit na sabi nito sa ‘kin habang si Blake nasa likuran na niya at kumakaway pa sa ‘kin. Lokong lalaking ‘to. Pilit ko tuloy pinipigilan ‘yung tawa ko.   ***   Wala pang ilang oras na nakakaalis si Blake may dumating na isang binatilyo sa resort at may dalang bulaklak at isang paperbag para sa ‘kin. “Galing po kay Kuya Blake.” “Kay Blake?” Kinuha ko ‘yung bulaklak at paperbag sa kanya. “Opo. Dumaan po siya sa talyer kanina. Pamangkin nga po pala ako ng mekaniko na nag-ayos ng kotse ni Kuya Blake kanina.” “Ah, pamangkin ka ni Mang Lino.” “Opo. Alam n’yo po ba, akala ko sinukuan na kayo ni Kuya Blake. Ang lungkot po kasi niya noong umalis siya noong nakaraang buwan na pumunta siya rito. Kwento pa nga po sa ‘kin ni Inang Maria naglasing si Kuya Blake at nagbasag ng ilang bote doon sa kwarto na nirentahan niya. Nalungkot po siya nang malaman niya na may bago na kayong boyfriend. Buti na lang po hindi n’yo po pala boyfriend ‘yung nakita niya na kasama n’yo kaya may tsansa na magkabalikan pa kayong dalawa. Mahal na mahal po kayo ni Kuya Blake. Wala siyang sinabi tungkol sa inyo kundi puro maganda.” “Pinuntahan niya ‘ko?” “Opo. Sabado po ‘yon eh. Nasiraan siya ng kotse kaya pinagawa niya kay Tiyo Lino. Tapos sinamahan ko siya kay Inang Maria na mag-renta ng kwarto. Nanghingi pa siya ng direksyon papunta rito. Pinayuhan naman siya ni Tiyo na magtanong sa baranggay. Akala ko nga po magtatagal siya pero nang araw din na ‘yon bumalik siya at kinabukasan umuwi na. Nagulat nga po ako kanina nang makita ko siya uli at dala niya ‘yang mga ‘yan.” “Gano’n ba. Salamat. Ano nga pala ang pangalan mo?” “Jojo po. Mukhang mapapadalas po ang pagkikita natin. Sabi po kasi ni Kuya Blake sa tuwing may gusto siyang ipadala sa inyo, ako raw po ang uutusan niya. Ngayon nga po binigyan niya ako ng 1000 pesos.” Napangiti ako. Sa sobrang daldal nitong si Jojo, mukhang mabubuking lahat ng sorpresa ni Blake sa ‘kin. Sa mga kwento ni Jojo, ngayon alam ko na kung bakit alam ni Blake ‘yung daan papunta sa bahay namin dahil nakapunta na pala siya sa ‘min, hindi lang siya nagpakita. Ito siguro ‘yung isa sa mga araw na nagpunta si Theo sa bahay. Nakita niya kami at inakala niyang boyfriend ko na si Theo. “Nice to meet you Jojo. Ayos lang sa ‘kin na palagi tayong magkikita. Salamat sa pagdala ng mga ‘to. Sige, pwede ka nang umuwi sa inyo.” “Okay po!” Pagkaalis ni Jojo may narinig akong kanta. Ito ‘yung kinanta ni Kapitan kanina sa bahay at mukhang nanggagaling sa paperbag na hawak ko. Mukhang alam ko na kung ano’ng lamang ng paper bag. Cellphone. Nang ilabas ko sa box ‘yung cellphone, si Blake ang tumatawag at videocall pa. Hindi ko mapigilan ‘yung ngiti ko nang sagutin ko ‘yung tawag niya. “Nag-text si Jojo. Natanggap mo na raw, kaya tumawag agad ako.” “Nasa byahe ka pa ‘di ba. Tumabi ka nga muna.” “Nakatigil ako sa gilid. Ayoko na ng isa pang aksidente. Pabalik pa lang ‘yung mga alaala ko. Ayokong mawala uli.” “Salamat sa bulaklak at bagong cellphone. ‘Yung cellphone na bigay ni Tita Lorie, ayoko sana ibenta kaso kailangan ng gamot ni Itay.” “Hindi mo kailangan magpaliwanag. It’s okay. Cellphone lang ‘yon. Mas importante ‘yung kalusugan ng Itay mo.” “Blake…” “Yes?” Gusto kong sabihin sa kanya na miss ko na agad siya kahit na nakikita ko siya ngayon sa screen ng cellphone, pero nagbago ‘yung isip ko. Hahayaan ko na lang muna na patunayan niya ‘yung sarili niya sa ‘kin, kaya ito na lang ang sinabi ko. “Salamat…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD