Karera ng magkaaway

1954 Words
Chapter Two Kagaya nga ng napag-usapan, tinawagan at sinundo siya ni Red kinabukasan. Bago umalis, humalik sa ina ang dalaga. Nagpaalam din si Red saka bumeso sa ina ni Shyve. “Mag-iingat kayong dalawa sa biyahe,” bilin ng mama ni Shyve. “Opo, ‘ma.” “Red, ingatan mo itong pinsan mo. Babae pa rin iyan kaya huwag mong hahayaang mahiwalay sa iyo.” “Opo, Tita. Ako na po ang bahala kay Shyve. Aalis na po kami baka po gabihin pa kami sa daan.” “Mama, mag-iingat din po kayo rito. Pasama po kayo kina Ate Tess at Ate Lori,” ang tinutukoy ni Shyve ay ang mga malapit nilang kapitbahay. Wala na ang kaniyang ama kaya dadalawa na lamang sila ng mama niya sa buhay. “Sige, pupuntahan ko sila mamaya sa kanilang bahay. Umalis na kayo ni Red at mag-iingat ka, anak,” wika ng kaniyang ina saka niyakap siya nang mahigpit. “Huwag mong kalimutang tumawag sa akin kapag nakarating na kayo sa pupuntahan ninyo.” “Opo, ‘ma. Sige po, pasok na po kayo sa loob ng bahay,” sagot ni Shyve sa ina. Unti-unti, kapuwa naglaho na sa paningin ng ina ni Shyve ang dalawa habang papalayo. Ilang oras din ang ibiniyahe ng mag-pinsan patungo sa Barangay Tala. Naroong huminto muna sila at kumain dahil sa humahapdi na ang kanilang tiyan. Pagkatapos makapagpahinga ay nagpaharurot na naman. Gabi na sila nang makarating sa Barangay Tala. Naghanap sila ng paupahang bahay na  puwede nilang matuluyan at pansamantalang pahingaan. “Wala ka bang kakilala rito kung saan tayo puwedeng manatili na muna?” tanong ni Shyve na nakahiga sa maliit na kama. Isang maliit na kuwarto lang kasi ang nahanap nila. “Ang sikip kasi ng kuwartong nakuha mo.” “Wala, eh. Hayaan mo na, ilang araw lang naman tayo rito,” sagot naman ni Red habang nakahiga sa sahig na may nakalatag na banig. Saglit na katahimikan ang namayani sa paligid. “Ang lamig naman sa lugar na ito,” mayamaya’y wika ng dalaga sabay takip ng kumot sa buong katawan. “Matulog ka na lang. Maaga pa tayo bukas. Sa hapon gaganapin ang karera kaya dapat maaga tayo at kailangan pa nating maghanda ng mga gamit,” ani Red saka ipinikit ang mga mata nito. “Sige, goodnight,” sabi naman niya rito saka dahan-dahang ipinikit ang mga mata at tuluyang nakatulog na. Pasado ala-singko pa lang ng umaga ay bumangon na si Red habang si Shyve ay natutulog pa at nakabalukot pa rin sa kumot. Naligo siya saka lumabas saglit upang bumili ng makakain para sa kanilang almusal. Pagbalik niya ay kakagising lang ni Shyve. “Ang aga mo, ah,” bungad ng dalaga sa pinsan. Tumungo na rin ito sa banyo at saka naghilamos. “Heto, binili ko riyan sa labas nang may makain tayo,” wika nito sabay lapag ng pagkain sa maliit na mesa. “Maligo ka na rin dahil mayamaya ay pupunta na tayo sa venue at kakausapin ko ‘yung punong tagapamahala sa gaganaping karera.” “Almusal na muna tayo, Red. Humahapdi na kasi ‘yung tiyan ko,” sabi niya sabay hawak sa tiyan nito nang makalabas na sa banyo. “Sige, kumain na tayo,” ani Red. “Siyanga pala, natawagan mo na ba ang mama mo?” “Tapos na. Tinawagan ko kanina pagkagising ko.”  Kinuha ni Shyve ang dalang pagkain ni Red take out iyon galing sa malapit na restaurant. Habang kumakain ay biglang natahimik ang dalaga, parang biglang may sumagi sa kaniyang isipan. “Oh! Malalim yata ang iniisip mo, Shyve. May problema ba?” Napansin siya ni Red habang kinukuha ang inumin nitong tubig. “Ewan ko pinsan. Kakaiba ang pakiramdam ko ngayon. Hindi ko maintindihan,” wika ni Shyve at hawak-hawak ang plastik na kutsara na may laman na pagkain. “Baka naman kinakabahan ka sa karera ngayong araw. Huh! Pinsan, marami ka nang nasalihan na karera, ngayon ka pa ba naman kakabahan?” natatawang sabi ni Red habang nakatitig sa kaniya. “Hindi naman ako kinakabahan. Kakaiba lang talaga ang pakiramdam ko ngayon,” sagot ni Shyve at saka muling sumubo. “Kumain ka na nga lang, Red. Huwag mo na akong pansinin. Mawawala rin ito mayamaya.”  Pagkatapos mag-almusal ay tumungo na sila sa venue at nang makarating ay naghanda na agad. Kinondisyon muna nila ang kanilang motor na gagamitin sa karera.   Habang naghahanda ay nilapitan si Shyve ng isang lalaking kalahok. Wala si Red nang sandaling iyon dahil sa umalis saglit. “Isa ka ba sa mga kalahok?” tanong nito sabay tingin kay Shyve mula ulo hanggang paa. “Oo,” tipid nitong sagot sa kaharap niya. “Hindi ka ba natatakot?” “At bakit naman ako matatakot?” pagtatakang tanong ni Shyve rito. “Hindi ka ba natatakot na baka masaktan ka lang kung sasali ka sa ganitong klaseng sport? Ang ibig kong sabihin, babae ka at masyadong delikado sa isang katulad mo ang sumali rito,” nakangising wika nito na parang iniisip nito na hindi kakayanin ni Shyve ang pakikipagkarera.  Lumapit kay Shyve nang kaunti ang lalaki at inakbayan siya sabay sabi. “Ang mabuti pa, maupo ka na lang doon sa may audience at panoorin mo na lang ako habang nakikipagkarera sa iba,” nakangisi na naman ang lalaki sa kaniya. “Ang ganda mo pa naman. Sayang naman kung matutumba ka lang at magagasgasan pa ‘yang maganda mong mukha.” Hinaplos pa nito ang pisngi ng dalaga. Sa inis ni Shyve, siniko niya ito at agad na nagpakawala ng isang malakas na sipa. Napaatras ang lalaki at napa-upo ito sa isang silya na nasa likuran. Nanlaki ang mga mata nito dahil sa gulat nang biglaang paglipad ng sipa ni Shyve. Tumayo naman agad at saka susugod upang makaganti. “Ang tapang mo, ah!” galit nitong sabi. Akmang susuntukin nito si Shyve, nang sa pag-angat ng kaniyang kamao ay pinigilan ito ni Red. Hawak-hawak ngayon ni Red ang braso ng maangas na lalaki. “Brad, kalma lang. Kalalaki mong tao pumapatol ka sa babae,” sabi ni Red. Ang totoo, kanina pa niya napapanood ang eksena sa pagitan ng pinsan niyang si Shyve at ng lalaki. Alam niyang kayang-kaya itong patumbahin ng pinsan dahil sa angking kagalingan sa Taekwondo, pero pumagitna na siya dahil sa karera na gaganapin ilang minuto na lang.  “Pasensya na, ‘tol. Puwede bang kalimutan na muna natin itong nangyari? May sasalihan pa tayong karera.”  “Hoy, Red! Bakit ikaw pa ang humihingi ng pasensya sa bastos na lalaking ‘yan!” galit na wika ng dalaga. “Ako na nga itong nabastos.” “Shyve, ano ba? Puwede bang patapusin mo muna itong karerang ito at saka ka manggalaiti sa galit?” kalmadong sabi niya, kahit siya man ay naiinis sa lalaking nambastos sa pinsan. “Daanin na lamang natin sa karera ito,” sabat ng lalaki. “Kapag nanalo ako, ikaw babae, luluhod sa harap ko at hihingi ng tawad,” sabi nito sabay turo kay Shyve. “Ako, luluhod?!” asik ni Shyve. “Ano ka, sinusuwerte?” “At kapag ikaw ang nanalo, ako ang luluhod sa harapan mo,” saad ng lalaki na ngayong nakangisi na matapos magalit sa ginawang pagsiko at pagsipa ni Shyve sa kaniya kanina. At pagkatapos magsalita, lumayo na sa kanila. “Ang bastos na iyon! Nagawa pang makipagkasundo, eh, siya itong naunang lumapit sa akin. Inakbayan ba naman ako na parang magkakilala kami,” inis niyang sabi. “Nakakairita talaga. Ang yabang!” Napahampas tuloy siya sa silya na nasa tabi lamang niya. “Maghunos-dili ka nga, Shyve.” Nilapitan ni Red ang dalaga saka tinulungang isuot ang helmet sa ulo nito. “Ang gawin mo pinsan, patunayan mo na kaya mong makipagsabayan sa aming mga lalaki. Ipakita mong hindi porket babae ka ay limitado lang ang nagagawa mo. Talunin mo ang mayabang na iyon.” “Tama ka pinsan. Paluluhurin ko talaga ang lalaking ‘yon. Makikita niya!” “Iyan! Tara na. Ipakita mo sa lalaking iyon na kaya mo siyang talunin.” Nagkasundo ang bawat kampo. Ilang sandali na lang ay magsisimula na ang karera. Number seven and six ang numero nina Shyve at Red. Habang nasa ika-lima naman ang kalabang lalaki. Gaya ng napagkasunduan, idinaan  sa karera ang away nina Shyve at ng lalaki. Simula pa lang ng karera ay agad na pinaharurot ng kalabang lalaki ang kulay pula nitong motor. Nauna ito kay Shyve habang si Red naman ngayon ang nahuli.  Tama nga ang nakuhang impormasyon ni Red tungkol sa track na dadaanan nila. Lubhang mahirap ito at makitid pa. Maraming matataas na puno at lubak-lubak masyado ang daan.  Subalit hindi naging hadlang iyon para umatras si Shyve sa laban at pursigido siyang manalo dahil bukod sa nais makabili ng bagong motor, dumagdag pa sa rason niya ang lalaking naka-away kanina. Hindi siya ang dapat na humingi ng tawad kundi ang lalaking nambastos sa kaniya. Sampung kalahok ang sumali sa karera subalit lima sa sampung iyon ang nawala na sa track. Ang iba ay umatras na dahil sa hindi na nakayanan ng motor nila ang daraanan. Ang iba naman ay nawalan ng balanse at natumba.  Humaharurot pa rin ang lalaking kalaban ni Shyve pero sa kasamaang palad ay naunahan ito ng dalaga. Si Shyve na ngayon ang nauuna  at pumapangalawa naman si Red. Sa inis ng lalaki ay pinatulin niyang maigi ang pagtakbo ng kaniyang motor. Naabutan at naunahan nito si Red.  Nasa pinakamakitid na daan na sila. Ang daang tinutukoy ni Red na isang motor lang ang makakadaan.  Pinabilisan ni Shyve ang kaniyang pagtakbo sa motor niya. Nauna siyang dumaan sa makitid na daanan. Todo-balanse siya dahil sa konting mali niya lang ay mahuhulog siya sa gilid nito na pangpang. Tuloy-tuloy ang kaniyang pagpapatakbo hanggang sa may ‘di kalayuan ay may naaninag siyang kumikinang na malaking bagay  sa pagitan ng dalawang malalaking puno.  “Ano ang bagay na iyon?” tanong ni Shyve sa sarili habang papalapit sa kumikinang na bagay. Malaking kumikinang na lagusan ang ngayo’y nasa kanilang harapan at parang malabo na nila itong maiwasan. Nakikita ng dalaga ang kanilang mga repleksiyon sa malaking bagay na iyon. Imbes na tumigil, nagpatuloy na lamang sa pagpapatakbo ng kaniyang motor si Shyve at dahil sa bilis, hindi na niya iyon makontrol. Sumunod na rin sina Red at ang lalaki. Hindi na nila magagawang iwasan dahil ito lang ang tangi nilang madadaanan upang makarating sa finish line. Hindi nila alam kung papaanong nagkaroon ng ganito sa lugar na iyon. Ang kanina’y maliwanag na sikat ng araw, bigla na lang binalot ng maiitim na ulap tila nagbabadya ng masamang panahon. “Shyve, mag-ingat ka!” buong lakas na sigaw ni Red sa pinsang nasa unahan nila. Lumusot ang kanilang mga motor sa kumikinang na malaking lagusan. Naramdaman nila ang parang tubig na bumabalot dito. Kakaiba ito at hindi ordinaryo. Matapos makalusot, natagpuan na lamang nila ang kanilang mga sarili na kaharap ang isang malaking  bahay. Wala na ang kanilang minamanehong motor. Nilingon ng kasama nilang lalaki ang napasukang salamin saka nilapitan. Sinipat niya ito at hinawakan.  “Ito na ba ang lagusan?” anas nito habang dinadama ng kaniyang palad. “Shyve, saan ka pupunta?” tanong ni Red. Hindi pinansin ni Shyve ang pinsan habang papalapit siya sa pintuan ng malaking bahay. Sa pag-alala naman ni Red, sinundan siya nito at sinubukang pigilan. Ang lalaking kasama nila ay sumunod na rin nang makita silang papasok sa malaking bahay. Marahang lumapit si Shyve sa pinto at tuluyan itong binuksan. Bumungad sa kanila ang malawak na loob ng bahay. Sabay silang pumasok at walang anu-ano, bigla silang nahulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD