NANG SUMUNOD na araw, sinikap magpakakaswal ni Kate. Hindi niya hinayaan ang sarili na mag-isip masyado. Ginawa niya ang lahat upang mabaling sa ibang mga bagay ang kanyang isipan. Ginawa niya ang mga tipikal na ginagawa sa araw-araw. Sinikap niyang ikondisyon ang isipan at katawan na tila hindi ganap na nag-iba ang ikot ng kanyang mundo.
Kahit na paano ay napagtatagumpayan ni Kate ang mga nais gawin dahil sa pag-iisip niya kay Eric. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyari kahapon. Hindi niya mapaniwalaan na nilapitan siya nito at kinausap. Ramdam kaagad niya ang pagkakaroon nila ng koneksiyon. Tila masarap bigyan ng kulay ang kanayang nararamdaman. Tila masarap i-romanticize. Tila masarap isipin na sila ang nakalaan para sa isa’t isa, ngunit hindi niya gaanong hinayaan ang sarili.
Unang-una, kabaliwan iyon. Pangalawa, wala siyang karapatang umibig o mag-isip man lang na may lalaking iibig sa kanya. Mamamatay na siya.
Muli kinontento na lamang ni Kate ang sarili sa eksperyensiya na makasama at makakuwentuhan si Eric. Nakilala niya ang lalaking kanyang hinahangaan. Tahimik siya nitong sinamahan kahapon sa parke. Hinawakan nito ang kanyang kamay at hinayaan lamang siyang umiyak nang umiyak. Hinayaan lang siya nitong maipalabas ang kanyang nadarama. Nang sa wakas ay nagsawa siya sa pag-iyak, naramdaman niya ang bahagyang paggaan ng kanyang dibdib. Hindi na iyon gaanong naninikip o nananakit. Nagpaalam na siya kay Eric dahil nahihiya siyang ipakita ang mukhang pulang-pula at mga matang magang-maga. Nagbalik ang lalaki sa ospital habang siya ay umuwi na sa bahay. Hindi na siya gumawa ng puto flan, nagkulong lamang siya sa silid niya maghapon.
Napansin ni Karol ang pamumugto ng kanyang mga mata at kaagad siya nitong tinanong kung okay lang siya, kung may problema. Sinabi niyang sumakit lamang ang kanyang ulo at walang anuman iyon. Nakita niyang tila nais pa siya nitong usisain ngunit pinigilan nito ang sarili na kanyang ipinagpasalamat. Kahit na pilitin niyang umakto na walang pinagdadaanan, alam niyang napapansin pa rin ng bunsong kapatid ang kaibahan. Naisip marahil nito na hindi siya magsasalita kung pipilitin siya.
Nais yakapin ni Kate nang mahigpit si Karol ngunit pinigilan niya ang sarili. Kailangan niyang magpakatatag. Kailangan niyang mag-isip nang husto dahil kailangan niya ng mga plano.
Binigyan ni Kate ng libreng tig-dalawampung piraso ng puto flan ang mga suki niya. Nagpasalamat siya sa pagtitiwalang ibinigay ng mga ito sa kanya. Nabaghan ang karamihan nang yakapin pa niya ang mga ito. Ang ilan ay natawa at binirong “nag-e-emo” siya.
Ayaw na sanang bumalik ni Kate sa ospital ngunit alam niyang kailangan. Hindi niya maaaring kaligtaan na lamang basta ang kanyang mga responsibilidad. Kailangan niyang ituloy ang karaniwang takbo ng kanyang buhay hanggang sa makabuo siya ng isang solidong plano at desisyon.
Nakaabang na si Andre sa kanya sa canteen. Hindi nito suot ang white coat kaya alam niyang hindi naka-duty ang bayaw. Hindi muna niya ito pinansin. Nakangiti niyang ibinigay ang mga puto flan kay Aling Len at sandaling nakipaghuntahan. Matiyaga namang naghintay si Andre hanggang sa matapos siya. Dahil alam niyang hindi siya makakatakas, nagpaalam na si Kate kay Aling Len at nilapitan si Andre. Nais sana niyang magtungo sa ikatlong palapag at hanapin si Eric, ngunit malinaw na hindi na niya iyon magagawa ngayon.
“Bakit?” malamya niyang pambungad kay Andre.
Kaagad nagsalubong ang mga kilay ng bayaw. “Bakit?” naiirita nitong gagad. “Tinanong mo `ko kung bakit?”
Pinagmasdan ni Kate ang mukha ni Andre. Kaagad mahahalata ng sinuman na hindi ito nakatulog kagabi. Imbes na tumugon ay nagsimula na lang siyang maglakad patungo sa klinika nito kung saan mas magkakaroon sila ng privacy.
“I can’t lie to Kristine,” sabi kaagad nito pagpasok na pagpasok nila sa loob ng klinika. “She’s my wife.”
Naupo muna si Kate bago tumugon. “Alam kong mahirap pero patuloy mong gagawin. Hindi mo maaaring sabihin sa kapatid ko ang tungkol sa kalagayan ko.”
“She has the right to know, Kate!” Naiinis na naihagod nito ang mga daliri sa buhok. “Pag-uwi ko kahapon, nahirapan akong yakapin siya, nahirapan akong tumingin sa mga mata niya. She knows something’s wrong and I badly wanted to tell her.”
“Hindi mo maaaring sabihin. May utang ka sa akin, Andre. Inagaw mo sa akin ang kapatid ko.”
Nababaghang napatingin sa kanya ang bayaw. Kapagkuwan ay napailing-iling. “Oh, you can’t do this to me right now! Hindi mo maaaring gamitin ang guilt card. No, Kate.” Patuloy si Andre sa pag-iling-iling.
“Kung gayon, isipin mo na lang ang magiging kalagayan ng anak mo. Alam mong labis na mag-aalala si Kristine kapag nalaman niya ang tungkol sa kalagayan ko at hindi makabubuti sa kanya ang stress. Alam mo na kung ano ang magiging epekto niyon sa kanya. Maselan ang pagbubuntis ng kapatid ko, Andre.” Ginagamit pa rin niya ang guilt card, ngunit alam niya na uubra ang taktika na iyon. Alam niyang mas iisipin ni Andre ang kalagayan ng asawa at anak nito kaysa sa kalagayan niya kagaya ng mas iniisip niya kung ano ang magiging kalagayan ng mga kapatid niya sa hinaharap.
Mahabang sandali ang lumipas at tila hindi pa rin mahanap ni Andre ang mga tamang salitang sasabihin. Tila nais nitong makipag-argumento ngunit wala itong maapuhap na akmang salita na maibabato sa kanya. Nanahimik din si Kate. Hindi na niya kailangang sabihin na tama siya, hindi makabubuti kay Kristine na malaman ang kalagayan niya.
“We can... still do something,” ani Andre kapagkuwan. “Maaari tayong maupo at makipag-usap nang masinsinan sa mga doktor. Baka may magagawa sila upang mapataas ang tsansa mong mabuhay. We can ask for a second opinion. We can look for someone—a better doctor.”
Sinabi na iyon sa kanya ni Andre kahapon ngunit determinado siyang mapag-isa. Nagpasalamat siya nang hindi siya nito pilitin. Anuman ang narinig niya kahapon mula kay Andre at sa mga doktor ng Healing Hearts ay sapat na. “Isa ang Healing Hearts sa pinakamahuhusay sa ospital sa bansa, hindi ba, Andre? Anuman ang sinabi sa `yo ng mga espesyalista ay iyon na. Napakaliit ng tsansa, Andre. Bakit ako gagasta ng daang-daan libo para sa munting porsyento ng tagumpay?” At hindi na niya kailangang sabihin sa bayaw na wala siyang daang-daang libong piso.
Bakas ang paghihirap ng kalooban ni Andre. Alam ni Kate na dahil sa pagmamahal nito kay Kristine kaya labis itong nag-aalala at nagmamalasakit. Labis na niya iyong ipinagpapasalamat. Mas nasemento sa kanyang isipan na nakatagpo ng isang mabuting lalaki si Kristine. Dahil kay Andre, hindi na niya kailangang masyadong mag-alala sa mga iiwanan niya. May malakas na tinig na nagsasabi sa kanya na hindi nito pababayaan maging si Karol.
“Maaari tayong magpunta sa ibang ospital, ibang doktor. Kahit sa ibang bansa. Let’s hear some second opinion. Third. Fourth. Baka kaya ng iba,” giit ni Andre.
Napailing-iling si Kate. “Doktor ka. Alam kong alam mo na pareho lang ang maririnig mo sa ibang doktor.”
“Bakit ba masyado kang nagmamarunong! Hindi mo naman alam kung ano ang maaaring sabihin ng ibang doktor. There are great doctors out there. Great doctors that can perform miracles. They’re out there. Let’s find them. Huwag muna tayong susuko kaagad, ha?” Mataas ang tinig nito sa simula ngunit unti-unti ring naging malumanay, halos nakikiusap na sa kanya sa huling pangungusap.
“Wala akong pera na pampaopera.”
“Hindi iyon problema! Kung kinakailangan nating magpunta ng ibang bansa, gagawin natin.” Bumalatay ang masidhing determinasyon sa mga mata ni Andre, sa buong pagkatao nito.
Umiling si Kate. “Alam kong marami kang pera. Pero hindi ko maaaring tanggapin.”
“Kate, don’t be stubborn. We’ll figure something out. Huwag mo nang alalahanin ang pera.”
Humugot nang malalim na hininga si Kate. Nagpapasalamat siya sa labis na pagmamahal ni Andre sa kanyang kapatid. Kung hindi nito mahal si Kristine, malamang na hindi siya nito pag-aksayahan ng panahon. Hindi mag-aalala at maliligalig nang ganoon si Andre kung hindi nito napangasawa ang kanyang kapatid. Nais tuloy niyang humingi ng paumanhin dahil nadamay ito sa miserableng buhay niya.
“Huwag ka nang mag-abala, Andre. O-okay lang ako. Anuman ang nais mong ibigay sa akin, itabi mo na lang.”
“Kate—”
“Para kay Karol.” Bahagyang humapdi ang kanyang mga mata dahil sa luha. “K-kapag nawala ako, mapupunta sa `yo ang responsibilidad kay Karol. Alam kong kalabisan, Andre. Kung may pagpipilian lang sana ako.” Tila awtomatiko na sa pagbuo ng mga plano ang kanyang isipan.
“May pagpipilian ka, Kate. Please, makinig ka naman sa akin. Isipin mong maigi ang mga kapatid mo. Hindi mo sila maaaring iwanan na lang. Fight. Hindi ka naman lalaban mag-isa. Narito kami sa tabi mo. Hindi ka namin pababayaan. Please, Kate?”
Hindi na niya gaanong pinakinggan ang mga sinabi nito. “Sana ay mapag-aral mo si Karol hanggang sa matapos siya. Siguro ay tatanggi siya sa umpisa, igigiit na titigil na lang at magtatrabaho. Ganoon ko kasi siya pinalaki. Hindi basta-basta tumatanggap ng tulong mula sa iba. Kailangang paghirapan ang lahat ng mayroon. Huwag mo sana siyang pakikinggan. Gusto talaga niyang maging engineer. Alam kong masyado ka pang bata upang maging stand-in father o guardian ng isang teenager, pero sana ay kayanin mo, Andre. Mabait naman si Karol. Hindi ka niya masyadong bibigyan ng sakit ng ulo, ng sama ng loob. Maaari mong ibenta ang bahay. Aayusin ko ang titulo sa lalong madaling panahon. Iyon ang tanging pagmamay-ari naming magkakapatid. Maliit lang iyon pero pinagpursigehan ni Tatay na maipundar. Noong mga panahong hirap na hirap kaming magkakapatid ay maraming beses na sumagi sa isipan kong ibenta o isanla ang bahay na iyon. Pero hindi ko ganap magawa. Natakot kasi ako na baka hindi ko na mabawi kapag isinanla o ibinenta ko. Palagi kong naiisip, paano kung umuwi sina Nanay at Tatay at madatnan nilang ibang tao na ang naninirahan doon?”
Napalunok si Kate nang sunod-sunod. “Hindi na siguro sila babalik. Ang totoo, ako lang naman ang naghihintay sa kanila talaga. Natanggap na nina Kristine at Karol na wala na sila, na ulila na kami sa mga magulang. Kaya puwede mo na iyong ibenta kapag wala na ako. Idagdag mo sa pag-aaral ni Karol para hindi naman gaanong mabigat para sa `yo.” Tumingin siya kay Andre na tiim pa rin ang ekspresyon ng mukha. “Ganap kong ipagkakatiwala sa `yo ang mga kapatid ko, Andre. Alam kong hindi mo sila pababayaan. Kaya labis akong nagpapasalamat sa pagdating mo sa buhay ni Kristine, sa buhay namin. Tama nga ang sinasabi nila, palaging may dahilan ang mga pangyayari sa buhay. Palaging may mas magandang plano ang Panginoon. Ito pala iyong dahilan kaya ka ibinigay sa amin.”
“Kate, please...” Kahit na ang mga mata nito ay nagsusumamo na sa kanya.
Binigyan niya ng tipid na ngiti si Andre. “Kahit na gustuhin kong lumaban, hindi ako mananalo, Andre.”
“You don’t know that. We don’t know that.”
“Doktor ka, Andre. Alam mo na hindi ako mananalo sa labang ito. Sumuko ka na. Suko na ako.” Tumayo na si Kate at lumabas ng klinika. Nanikip at nanakit ang kanyang lalamunan sa pagpipigil ng mga luha. Nagpasalamat siya na nakalabas siya ng ospital na hindi nararamdaman ang pagsunod ni Andre. Dalangin niyang sana ay matiis pa nitong magsinungaling sa asawa nito. Para na rin sa ikabubuti ni Kristine.
Tumawid si Kate ng kalsada at nagtungo sa parke, naupo sa pamilyar na wooden bench. Humugot siya nang malalim na hininga, pilit kinakalma ang sarili. Hindi nagtagal ay naramdaman niya ang pagtabi ng kung sino. Halos wala sa loob na napangiti siya. Kahit hindi lumingon ay alam ni Kate kung sino ang naroon.