"Good morning Fifi," pagbati niya sa alagang ipis. Masayang gumalaw ang mga antenna nito nang marinig ang boses ng amo. "Ibibilad muna kita para may Vitamin D! Matagal ka na kasing hindi nakakalabas kaya magpaaraw ka muna!"
Paglabas sa silid ay lumingon-lingon muna siya upang siguruhin na wala sa paligid si Uno. Naisip niya na maaga pa naman at malamang ay tulog pa ito kaya walang problema kung ilalabas muna si Fifi. Iniiwasan kasi niya na makita ng iba ang baby pet at baka patayin din, katulad ng ginawa ng binata sa isang kaawa-awang insekto noong isang linggo. Pinatong niya ang garapon sa may garden table at nagsimulang nagwalis habang nagsa-sunbathing naman ang alaga.
Naaalala niya bigla na parang hindi pala natanggal ang saksakan mula sa plantsa kaya kailangan muna niyang balikan sa loob ng bahay.
"Wait lang, baby ko," pagpapaalam muna niya sa ipis. Isinara muna niya ang bote upang siguruhing hindi ito tatakbo palabas. "Papasok lang ako saglit, ha. Wait ka lang diyan."
Pakanta-kanta pa siya nang bumalik sa bakuran subalit pagtingin doon, natigilan siya nang mapansin na wala ang boteng pinaglalagyan ni Fifi.
"Fifi!" aligagang pagtawag niya. Naghanap pa siya sa ilalim ng mga upuan at damuhan ngunit hindi niya makita ang pinakamamahal na alaga. "Lumabas ka na! Masamang biro ito!"
"Anong hinahanap mo?" pag-uusisa ni Uno nang mapansin na kanina pa paikot-ikot ang dalaga.
"Nakita mo ba 'yun garapon dito?" maluha-luhang naitanong naman nito. "'Yun may butas-butas sa itaas at may kulay blue 'yun takip?"
"Oo," tugon naman niya. "Mga four liters ang laki?"
"'Yun nga! Nasaan?" pagpa-panic na nito.
"Tinapon ko. Dumaan kasi 'yun nangongolekta ng basura kaya isinama ko na sa sako," pahayag niya. "May matabang ipis pa nga, kadiri!"
Hindi inaasahan ni Alfa na napaaga pala siya ng gising at kanina pa nasa labas ng garahe. Nang makita ang waste management truck ng subdivision, inilabas na niya ang mga basura at dinampot na rin ang bote na may nakapaloob na ipis.
Halos himatayin ang dalaga nang dahil sa nagawa nito. Kahit na nanghihina ang mga tuhod sa pagkabigla ay pinilit pa rin niyang kumilos upang hanapin ang truck ng basura.
"Sandali!" pagpigil ni Uno sa kanya. "Saan ka pupunta?"
Dahil sa pagmamadali ay hindi na niya nasagot ito. Dalu-daling lumabas na siya ng gate para iligtas si baby Fifi.
Kinuha niya ang cellphone upang malaman kung nasaan ang insekto. Maswerte siya at nalagyan ng micro chip ito kaya na-trace niya kaagad kung nasaan. Nasa kabilang barangay na pala ang truck kaya kailangan niyang magmadali bago matabunan ang garapon ng iba pang mga basura.
Nakisakay pa siya sa motor ng kapitbahay upang makarating sa kinaroroonan ng trak. Hindi pa nakakapreno ang sinasakyan ay tumalon na siya at nagsisigaw.
"Mga manong!" pagpapatigil niya sa mga kolektor ng basura. "Wait lang po! May kukinin ako!"
Sumampa na siya sa tuktok ng trak at nagsimulang maghanap. Pinagkaguluhan pa siya ng mga naroon dahil sa ginagawa niyang kakatwa.
Wala na siyang pakialam doon dahil ang tanging nasa isip niya ay ang mahanap si Fifi.
Pagkatapos ng paghahalungkat sa ilalim ng mga patong-patong na garbage bags ay matagumpay naman niyang nakita ang ipis na hilong-hilo na dahil sa kakagulong sa kinalalagyan nito.
"Baby!" may luha ng kagalakan na niyakap niya ang garapon. "Sorry na, hindi dapat kita iniwan!"
Gumalaw-galaw ang mga antenna ng kausap at maliksing umikot-ikot sa kinaroroonan bilang pahayag na maligaya itong makita muli ang amo. Lubos na natuwa naman si Alfa sapagkat maayos ang kalagayan nito at hindi naman pala nagtatampo sa kanya.
Pagbaba niya ng sasakyan ay nagbulungan ang mga tao. Kapansin-pansin na bakas sa mga mata nila ang pandidiri at pangungutya sa kanya.
"Eeew, baliw yata," binulong ng isang pangit na babae sa boyfriend niya na pangit din.
"Sayang, maganda pa naman..."
"Sino ba nasa katinuan ang mag-aalaga ng ipis?"
"May sayad yata!"
"Hahaha!"
Dinig na dinig niya ang malakas na tawanan ng mga naroon nang dahil sa sitwasyon niya. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay nanliit siya lalo na at mabilis nila siyang hinusgahan.
Kung sa mundo niya ay mala-prinsesa ang trato sa kanya, ngayon ay para siyang pulubi na minamaliit ang pagkatao.
Sa ngayon ay hindi na niya alam kung tama ba ang desisyon na paglalayas. Naisip pa niya na marahil, mas maayos ang kanyang buhay kung hindi umalis sa planeta, kaysa ganito na nagtitiyaga siya bilang kasambahay at walang tunay na identity. Mas maraming privileges din bilang nobility, kahit na ang kapalit ay ang maipakasal sa prinsipe na hindi naman niya mahal.
Inanalisa pa niya na hindi naman ganoon kasama na matali siya sa fiance. Kababata niya ito at maaruga, kaya matitiyaga naman niya kung habang-buhay silang magsasama.
Subalit, kaagad din na kumontra ang kanyang puso sa naiisip ng kanyang utak. Pinahiwatig nito na hindi talaga niya kayang ipagpilitan ang nararamdaman ng kanyang puso.
Hindi rin kasi para sa kanya ang buhay ng prinsesa dahil wala siyang kalayaan. Bawat galaw niya ay binabantayan at kaunting pagkakamali lang ay isang malaking kahihiyan na sa mga dugong-bughaw.
Dahil sa g**o ng kanyang isipan, humingi na siya ng senyales sa Diyos kung ano nga ba ang nararapat niyang gawin.
Babalik na ba siya at magpapakumbaba sa magulang at papayag na sa nais nila?
O mananatili siya at ipaglalaban ang kalayaang inaasam-asam niya?
Naantala ang malalim niyang pag-iisip nang makilala ang busina ng sasakyan ni Uno. Nagmamadali itong lumabas upang sunduin na siya. Bahagyang nanlaki ang mga mata nito nang makitang yakap niya ang garapon. Nanginig sa takot si Fifi nang makita ang lalaki kaya mas niyakap ni Alfa ang bote nang mahigpit bilang depensa.
"Sumakay ka na. Uuwi na tayo," panuto nito sa dalaga. Pinagbuksan pa siya nito ng pinto at tinuro ang passenger's seat. Nais man niyang makaalis na sa lugar, nag-alinlangan naman siyang pumasok sapagkat marumi at mabaho na siya.
Nang mapansin ang pagkabalisa ni Alfa, marahan siyang hinawakan ni Uno sa mga balikat upang akayin na sumakay.
"Tara na. Sumama ka na sa akin."
Habang pauwi ay nanatiling tahimik ang dalawa at nagpapakiramdaman. Aminadong nababagabag pa rin ang dalaga dahil sa muntikang pagkawala ng ipis na naging karamay niya noong mga oras na pinakamalungkot siya. Tinitigan niya ang insekto na dahan-dahang umiikot-ikot sa garapon at masuyong tinititigan pa siya na tila ba nagtatanong kung OK lang ba ang pakiramdam niya.
"Baby," maluha-luhang binulong niya rito. "Don't leave me..."
"Hindi ko alam na alaga mo pala iyan," paninimula na ni Uno sa usapan dahil hindi na siya kumportable sa pagkabalisa ng katabi. "Pasensya na at akala ko ay kinatatakutan mo ang mga iyan kaya naitapon ko kaagad."
"Sa pinanggalingan ko, domesticated ang mga ipis," pagpapaliwanag na niya. "Katulad ng mga aso at pusa, part of the family ang trato namin sa kanila."
Napakunot ang noo ni Uno habang pilit na iniintindi ang mga salitang nagmula sa kasama. Sa katunayan ay noon pa man, nais na niyang tanungin si Alfa sa tunay na pagkakakilanlan nito subalit pinipigil lang niya ang sarili upang hindi magmukhang mapanghimasok sa buhay nito. Subalit, nang dahil sa aksidenteng pagkakatapon kay Fifi, napagdesisyunan na niyang mag-usisa, hindi upang manghusga kungdi para maintindihan ang kalagayan ng dalaga at maiwasang masaktan ang damdamin nito.
"Huwag mo sanang mamasamain ang katanungan ko," pangingilatis na niya. "Saan ka ba talaga nanggaling, Alfa?"
Ilang sandali rin na nagdalawang-isip siya kung nararapat na bang umamin. May takot man na ipagtabuyan, nagdesisyon na siyang sabihin ang totoo habang mas maaga.
Mahirap din kasi para sa kanya ang mabuhay sa kasinungalingan lalo na at habang tumatagal, mas napapamahal siya kay Uno. Ayaw niyang dumating ang araw na kung kailan masyado na siyang napaibig, doon pa malalaman ang pagkatao niya at palalayasin. Para sa kanya, napakasakit na ganoon nga ang mangyayari at kasalanan pa niya sapagkat naglihim siya.
"Huwag kang magugulat, ha," halos pabulong niyang pagtatapat. "Huwag mo rin sana akong huhusgahan..."
"Try me," paniniguro naman ng kausap.
"Nagmula ako mula sa Galaxy 100, 000, 007," paglalahad na niya. "Tumakas ako mula sa aking tahanan dahil s*******n akong pinapakasal sa prinsipe ng aming bansa na Bow-wow. Ako rin ang may kasalanan ng nationwide brownout dahil bumangga ang aking spaceship sa tore ng kuryente. Maaaring isa nga akong alien pero tao rin ako katulad niyo na Earthlings. May pagkakaiba tayo pero marami rin pagkakahawig.
"OK," kalmadong reaksyon ni Uno. "Now I know!"
"Hindi ka ba natatakot sa akin?" hindi makapaniwalang napabulalas na niya sa dahil para bang wala lang sa kausap ang rebelasyon niya. "Doble o higit pa ang lakas namin kumpara sa inyo! Kung iisipin mo, delikado nga kami kasi pwedeng-pwede namin kayong sakupin kung aming nanaisin!"
"Bakit naman ako matatakot sa iyo, Prinsesa?" pabirong tugon naman nito sa kanya. "Huwag mo lang ipapapugot ang ulo ko kapag nagalit ka. Dapat pala, relaxed at happy ka lang, hahaha!"
Nakahinga nang maluwag si Alfa dahil sa napag-alamang tanggap nga siya nito. Nabalot din ng tuwa ang kanyang puso sa nakitang "sign" na binigay ng langit sa kanya na tama ang desisyong manatili muna sa Earth. Napatawa na siya at bahagyang tinapik ang braso ni Uno.
"Salamat sa pag-unawa," sinambit niya sa katabi na mas lalong napapaibig siya dahil sa angking kabutihan at pag-unawa. "Sorry dahil naglihim ako. Natakot kasi ako na baka ipahuli mo ako sa "Men in Black*".
(Isang Americam film na tungkol sa mga agents na nagbabantay sa mga extra terrestrial beings)
"Huwag ka nang mag-alala," paniniguro naman nito na mapagkakatiwalaan at hindi siya ilalaglag kahit na dumating pa ang mga imbestigador ng extraterrestrial life. "Ituring natin na normal din ang lahat. Friends na tayo, hindi ba? Kaya huwag mo akong ibabalibag, ha?"
"Yes naman! Friends!" masayang kinumpirma niya. Tila ba nabunutan pa siya ng tinik sa puso dahil sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakatagpo ng kaibigan na kayang sakyan ang lahat ng ka-weirduhan niya. "Hindi naman kita ibabalibag, hihihi! For your information, hindi ako bad alien!"
"Nabanggit mo na may fiance ka?" pag-uusyuso naman ng binata sa kanya. Bigla tuloy nanaig ang pagiging tsismoso niya sapagkat nais niyang malaman kung talaga bang wala ng pag-asa na balikan ni Alfa ang prinsipeng tinakasan. "Hindi mo ba talaga siya nagustuhan?"
"A. E...naku...mahabang istorya," nag-alangan naman na sumagot si Alfa. Nanatili siyang walang kibo at umiwas na ng tingin sa katabi nang dahil sa awkwardness na nararamdaman.
"Mukhang hindi ka pa ready na pag-usapan siya," pagdadahilan na ni Uno para sa kanya nang mapansin na bigla siyang nanahimik. "Sorry kung may napaalala pa ako na hindi dapat."
"Kababata ko siya," paninimula naman niyang magkuwento. Na-realize niya na tutal ay magkaibigan na sila ni Uno, nararapat lang na maging open at honest. "Kahit anong gawin ko, kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Napagkasunduan lang kasi ng aming mga magulang na i-engage kami kahit kontra ako. Dahil sa pamimilit nila ay naglayas na ako. Ilang buwan na rin ang nakaraan na nakipag-break ako, siya lang ang ayaw akong pakawalan. Gusto ko na lang din na mag-move-on kasi para sa akin, tapos na talaga ang relasyon namin."
"Kung ako rin ang nasa sitwasyon mo ay tatakas din ako," pagsang-ayon ni Uno, na lihim na natuwa nang malaman na hindi na balak makipagbalikan ni Alfa sa ex. "Kung ipipilit ang ayaw, magiging miserable lang ang buhay mo."
"Sa palagay mo ba, tama ang ginawa ko?"
"Oo naman."
"Kaso, medyo nangangapa ako sa lahat ng bagay dito sa Earth. Humihingi na ako ng pasensya dahil parang naging sponsor pa kita. Sorry na kung malakas akong kumain at uminom ng tubig, ha. Pangako, hindi ako magiging pabigat sa iyo."
"Magkaibigan na nga tayo," pag-uulit ng binata. "Huwag ka nang mag-alala dahil sagot kita."
"Talaga?" Halos maiyak siya sa tuwa nang dahil sa narinig. Kani-kanina lamang ay gulong-g**o na siya kung tama nga ba ang maging desisyon na paglisan sa planeta. Dahil sa pagsuporta ni Uno ay mas lumakas ang loob niya na panindigan ang mga plano niya.
"Uhmm...may sasabihin pa ako..."
"Ano 'yun?"
Napakagat siya sa labi na tulad ng isang musmos dahil sa sobrang pananabik. Kahit na nahihiya ay kinapalan na niya ang mukha dahil naisip niya na ito na ang pagkakataon na humirit sa iniibig.
"Pwede bang maging best friend na kita? May BFF* ka na ba? Kung wala, pwede ba na ako na lang?"
(Best friends forever)
Napangisi ang binata dahil sa kakaiba niyang kahilingan. Ganoon pa man ay malaki ang pasasalamat niya na nais pala siya nitong maging best friend. Karamihan kasi sa mga kaibigan niya ay mga lalaki at hindi man maasahan katulad ni Alfa. Alam niya na sa good times lang niya sila kasama pero kapag kailangan na niya ng moral support, nawawala na. Nandiyan man ang mga pinsan niya na sina Wiz, Francis at Mike upang tumulong, nahihiya naman siyang gambalain palagi ang mga ito sapagkat may kanya-kanya rin silang mga inaasikaso. Hindi niya inaasahan na babae pa pala ang magiging karamay sa lahat ng oras, sa hirap man o ginhawa.
"Pwede," pagpayag niya. "Pero wala akong alam masyado sa girl stuffs. Kung pabibilhan mo ako ng napkin, OK lang. Sabihin mo lang sa akin kung may wings o wala. Sa makeup, wala rin akong alam pero kaya kitang lagyan ng lipstick."
"Yehey!" napatili na siya sa tuwa.
"Narinig mo 'yun? May best friend na akong Earthling!" pagbabalita niya kay Fifi na medyo nagseselos dahil may kahati na sa atensyon ng amo. Umirap pa ito at tinalikuran siya bilang pahiwatig na nagtatampo sapagkat all these years, akala niya ay siya ang best friend ni Alfa.
Niyakap niya ang garapon at kilig na kilig na pinagmasdan ang one and only love.
"Uno, ikaw na ang best friend ko forever and ever!" sigaw ng kanyang isipan.