Maaga pa ay narinig na ni Uno ang pag-ring ng kanyang cellphone. Tinakpan niya ang tainga gamit ang unan dahil bitin na bitin siya sa tulog.
Nanghihinayang siya sa naudlot na panaginip sapagkat abot-kamay na sana niyang maitali nang patiwarik si Varny, The Purple Dinosaur. Masamang-masama ang loob niya sa nasabing hayop dahil sa pagsira nito sa kanyang kabataan at pagbibigay sa kanya ng trust issues. Noong nasa kindergarten pa ay ang show nito ang palaging pinapapanood ng ina kaya akala niya ay kaibigan ito ng katulad niyang mga bata. Nang makatuntong na ng elementary, nagimbal siyang malaman na salbahe pala ito at hindi talaga sila mahal.
"Tsk! Malapit na malapit na, e!" nanlulumo na nasambit niya habang sinusubok ulit na makatulog. Subalit, desidido ang tumatawag sa kanya kaya nais man niyang balikan si Varny, napilitan na siyang bumangon at sagutin ang nangungulit.
Nang damputin ang cellphone mula sa katabing mesa ay nakita niya na ang pinsang si Luis pala ang maysala ng alanganing pagkagising niya. Nais man niyang ibalibag ang gadget sa inis ay nagpigil siya dahil mamahalin iyon at may sentimental value pa.
"Luis," pagsagot na niya sa tawag. "Ang aga-aga mo naman, 'Tol!"
"Solve na ang problema mo, cousin dear!" excited na pagbati nito. "Kaya na-excite ako!"
"Problema?" pagtataka niya sa pahayag nito. "Anong problema? Maaga pa at huwag mo sana akong ipa-prank dahil magagalit talaga ako!"
"Ang init naman kaagad ng ulo mo! Siguro, kulang ka sa vitamins!" pagbibiro pa ng nasa kabilang linya sapagkat alam na nitong may kasungitan nga si Uno kapag bagong gising. "Basta! Pumunta ka mamaya sa Black Swan Resto mamayang alas sais. May ka-date ka na!"
"Date?" Biglang nagising ang diwa niya sa binalita ng pinsan. "Paano? Wala naman akong naaalala na kikitaing babae."
"May nakita ako na reliable na 'dating app' daw," excited na pagmamalaki pa nito. "Magugulat ka kung sinong ipapares ko sa iyo! Big time 'to, Dude! Nagmula pa sa Italy!"
"Sandali! Ayaw kong makipag-date! I-cancel mo!" pagtutol sana siya sa plano ngunit pinutol na ni Luis ang tawag. Sinubukan niya itong kontakin ngunit unattended na ang cellphone nito.
"Nakakainis!" tiimbagang na pagrereklamo na lang niya. Isa pa naman sa pinakaayaw niya ay ang nirereto siya kung kani-kanino dahil base sa mga naging karanasan niya, sumasablay ang mga iyon.
Humiga siya muli at nagmuni-muni kung nararapat bang magpunta sa blind date. Wala pa naman siya sa mood na makihalubilo sa ibang tao mamayang gabi kaya medyo nairita siya sa nagawa ni Luis na wala man lang paalam. Nagkasunod-sunod din ang fan meeting niya kaya pagod na rin siya. Ang plano sana niya ngayong araw ay umuwi nang maaga pagkatapos ng car racing practice at magpahinga muna.
Isa pa na dahilan kung bakit gusto sana niya ng kaunting break ay napag-usapan nila ni Alfa na tuturuan niya itong magluto ng adobo. Kahapon kasi ay nagtangka itong magtimpla ng nasabing ulam subalit napasobra ang nilagay na suka kaya kilawin ang kinalabasan.
Nanghinayang siya dahil nais sana niya na makakwentuhan ang kakatwang kasambahay at mausisa pa ang pagkatao nito. Nais niyang malaman kung bakit mga pangbanyaga ang alam nito na mga putahe at tinapay, at mas pino pang kumilos kaysa sa kanya.
Marahil, pag-aanalisa niya, prinsesa talaga ito na nagkukunwaring kasambahay.
Nahihiwagaan talaga siya sa dalaga.
Sa taglay din nitong lakas at liksi na tila ba walang kapaguran ay mapapaisip kahit sinuman kung normal pa ba ito.
"Anu-anong na-i-imagine mo mo!" pagsaway niya sa sarili. "Baka marami lang siyang nainom na tiki-tiki noong baby pa siya kaya ganoon!"
Mabigat man ang kanyang katawan ay tumayo na siya dahil kailangan niyang makarating nang maaga sa isang fans event at pagkatapos naman ay magpa-practice pa sa hapon. Matamlay at may pagkalutang na nagtungo siya sa banyo upang mag-toothbrush, mag-poop at maligo.
Habang naghihilod gamit ang sponge, nagdalawang-isip siya kung tutuloy pa ba sa date. Sa lalim nang iniisip ay dumulas tuloy ang hawak na sabon at na-shoot pa sa toilet bowl.
"Na naman!" nanghihinayang na nasambit niya. Nakailang beses na siyang nahuhulugan ng sabon sa inidoro kaya napabuntong-hininga na lang siya. Dahil nagmamadaling matapos maligo, pinindot na lang niya ang flush para lumubog iyon ngunit sa kamalas-malasan ay bumara pa. Umapaw ang tubig at umabot pa sa may paa niya.
Napakamot na lang siya ng ulo dahil sa pagkairita. Kahit nakakadiri man ay napilitan na siyang sungkitin ang sabon mula sa bowl gamit ang kamay upang tumigil na ang paglabas ng tubig.
"Sumama ka na!" nagawa pa niyang utusan ang sabon na nagmamatigas pa rin mula sa pinagbarahan.
Sa wakas ay dumulas na ito palabas ngunit dahil sa pressure ay tumalsik ang tubig paitaas sa kissable lips ni Uno. Sa tingin niya ay nakainom pa siya ng ilang kutsara ng tubig-inidoro. Napadura na lamang siya at humiling na sana ay walang masamang elemento ang pumasok sa kanyang katawan.
Kahit male-late na sa event ay inulit pa rin niyang maligo sapagkat hindi niya kayang humarap sa mga fans na amoy inodoro. Nag-alcohol pa siya para siguradong 99.99% germ-free.
"Aalis ka na kaagad?" paghabol sa kanya ni Alfa nang makita na mabilis itong nagtungo sa may sala. "Hindi ka na ba mag-aalmusal? Naghanda ako ng croissant with hazelnut filling at brewed arabica coffee. Kumain ka, kahit kaunti lang..."
"Hindi muna kita masasabayan," pagpapaalam ni Uno habang inaayos ang suot na kurbata. "Kailangan ko na kasing umalis."
Dahil sa pagmamadali ay hindi niya maayos ang pagkakatali ng necktie sa kanyang kuwelyo. Nayamot siya at hinugot na iyon mula sa kanyang leeg at inilapag sa mesa. Hindi na sana niya isusuot ang accessory ngunit nag-offer na ng tulong si Alfa.
"Boss, gusto mo ba, ako na lang ang mag-ayos ng kurbata mo?"
"Sige nga," pagpayag naman niya kaagad. "Hindi ko talaga maayos-ayos kung papaano."
"Paano na lang kayo kung walang babae sa buhay niyo?" humahagikgik na pagbibiro naman ng dalaga. "Ganyan din ang tatay ko. Hindi alam ang gagawin sa kurbata na 'yan."
"Kaya nga. Ang sarap ngang batukan ng taong nagpauso niyan!" seryosong sinabi ni Uno na may tono pa ng pagbabanta. "Gagawa na lang ng fashion, pinahirap pa ng hinayupak!"
"Huwag naman!" halos napatili si Alfa dahil sa nakakapanindig-balahibo na pahayag ng kausap. "May purpose din 'yan sa damit, pandagdag pogi points."
Marahan niyang hinaplos ang necktie at inayos sa lugar. Dahan-dahan din niyang hinawi ang wavy na buhok ni Uno palayo sa mukha upang mas makita ang mapupungay na mga mata nito na kulay milk chocolate. Nang matanaw ang tantalizing eyes ng kaharap, nanghina na ang mga tuhod niya dahil sa anyong mas kaakit-akit pala sa malapitan.
Maganda kasi ang kombinasyon ng pinaghalu-halong lahi na mayroon ang binata. May dugo itong Filipino-Chinese sa side ng ama at Chinese-Portuguese naman sa ina. Ganoon pa man ay hindi matapang ang pagkamestiso nito at mas nanaig din ang itsurang Asyano na kayumanggi. Sa unang tingin ay mapagkakamalan pa itong modelo lalo na at maganda ang tindig at porma ng pangangatawan.
"Ayan, poging-pog-" Natigilan si Alfa sa pagsasalita nang mapagtantong halata siya masyado na may crush sa among lalaki. Pag-angat ng tingin ay namula na ang kanyang mukha sa hiya nang magtama ang kanilang mga mata.
"Poging-pogi ako?" pagtutuloy ni Uno sa mga salita na dapat ay kumawala sa bibig ng dalaga. Hindi na niya napigilang mapangisi dahil alam naman din niya na may itsura talaga siyang maipagmamalaki at natutulala ang mga babae sa kanya. "Dahil sa tinawag mo akong 'pogi', gumanda na ang mood ko. Maraming salamat at honest ka!"
"A, haha...oo...poging-pogi!" hiyang-hiya na tinuloy na niya. Maya't-maya ay napahagikgik na siya at napatakip pa ng mukha. "Nakakahiya! Sorry na, Sir! Ang gwapo mo naman kasi e at ang bait pa! Beautiful inside and out. Sana dumami pa ang katulad mo."
"Hindi ko alam kung matutuwa ang mga pinsan ko kung dadami nga ako," pakurap-kurap na pag-aanalisa pa ng lalaking kausap. "Pero salamat sa compliment, you made my day!"
Hindi man nagpahalata, na-flatter talaga si Uno dahil unang pagkakataon na narinig niya nang diretsahan mula sa babae ang ganoong klaseng papuri.
Ramdam niya ang sinseridad ng mga salita nito kaya na-touch ang kanyang heart.
Sa katunayan ay natutuwa talaga siya sa presensya ni alien girl. May pagkamadaldal at masayahin ito kaya naaaliw siya sa bawat pagkakataon na nagkakakuwentuhan sila. Tila ba nawawala ang pagod niya sa trabaho at gumaganda ang sumpong sa oras na kinausap na siya nito. Mag-iisang buwan pa lang sila na magkasama ay magaan na talaga ang loob niya rito.
Nais man niyang magtagal pa ang kanilang usapan ay male-late na siya. Binuksan na niya ang pintuan upang lumisan. Bago lumabas ay tumigil muna siya at lumingon sa babaeng unti-unti nang nagpapalambot sa kanyang puso.
"Mamaya, tuturuan kitang magluto ng adobo," may ngiti sa labi na sinabi niya. "Pero king mahuli man ako ng uwi, matulog ka na. Bukas na lang natin itutuloy."
Tumango si Alfa at sinamahan siya sa may garahe. Kumaway-kaway pa ito habang hinahatid siya ng tingin kahit na malayu-layo na ang sasakyang minamaneho.
"Mahiwagang babae," binulong niya sa sarili. Natuwa pa siya nang makita mula sa side mirror ang imahe nito na nakasilip pa rin sa may gate.
"Anong mahika ang mayroon ka at hindi kita mawaglit sa aking isipan?"
Tila narinig ni Alfa ang katanungan ni Uno sapagkat nasamid siya bigla at napalingon pa sa kabilaang daan.
"May nakakaalala kaya sa akin?" pagtataka niya. Habang ikinakandado ang tarangkahan, napaisip na siya ng numero. Naniniwala kasi niya na kung ano ang unang rumehistro sa isipan ay doon magsisimula ang letra ng pangalan ng nakakaalala.
"Hmmm, number twenty-one. A, B, C, D..." pagbibilang niya gamit ang isipan. Nanlaki ang mga mata niya nang mapag-alaman ang katumbas na letra ng numero.
"U? Uno!" kilig na kilig na napabulalas niya. "Naiisip ako ni Fafa Uno! I knew it! Hahaha!"
Habang nagdiriwang si Alfa, nasamid naman ang binata. Sumakto na nag-red naman ang ilaw sa daan kaya paghinto, nagkaroon siya ng pagkakataon na i-text ang babaeng kinatutuwaan.
"Nasamid ako. Number One ang naisip ko," paninimula na niyang magbalita. Maaligasgas man ang pakiramdam ng lalamunan, may kislap sa mga matang nag-type pa rin siya gamit ang cellphone.
"Ang sabi nila, 'yun letter daw na katumbas niyon ang nakakaalala sa akin. Totoo ba 'yun? Letter A kasi..."
Panandalian muna siyang nanimbang kung nararapat ba na i-send ang mga nakasulat. May halong kaba man ay naglakas-loob na siyang ipadala iyon bago pa man mag-green light. Umasa siya na hindi nito mamasain ang sasabihin sapagkat nais lang naman niyang malaman kung may puwang siya sa isipan ng dalaga.
"Naalala mo ba ako?" pagtutuloy niya sa mensahe. "Iniisip mo rin ba ako?"
"Alfa..."