Mabilis akong umibis ng sasakyan pagkagarahe nito ni Vien sa parking lot ng university. Wala naman akong pakielam sa kung ano ang sasabihin ng iba. Pero hangga’t maaari ay ayokong nakakakuha ng atensyon.
“Dito lang kayo o kaya naman ay pumunta muna kayo sa kung saan n’yo man gusto. Basta wag n’yo lang akong susundan,” paalala ko sa kanila nang may pagbabantang tingin.
Hindi naman na kasi ako elementary o high school student pa para bantayan nila ang bawat kilos ko. I’m a graduating college student, for mafia’s sake!
Bakas ang pag-aalinlangan sa kanilang mga mukha pero napatango rin sila.
“Good.”
Iniwan ko na sila at nagsimula na akong maglakad patungo sa Business Administration building. Ramdam ko na napapatingin ang bawat taong nadaraanan ko sa ’kin pero wala akong pinag-ukulan ng atensyon ni isa sa kanila. Kapag ganitong nasa labas ako ay hindi ako tumitingin sa kahit na sino.
Magmula ng mangyari ang malagim na insidenteng ’yon ay hindi na ako nagtangka na makipagkaibigan o makipaglapit pa sa kung sino. Ayokong may iba na namang madamay nang dahil sa gulo ng mundong ginagalawan ko.
Malayo pa lang ako sa classroom namin ay rinig ko na ang malakas at nagkakatuwaang boses ng mga kaklase ko. Ngunit sa pagpasok ko ng pinto nito ay bigla silang nanahimik nang mapalingon sa direksyon ko na para bang may anghel na dumating.
Too bad; I’m far from being an angel.
Taas noong naglakad ako papasok at dumiretso sa dulo. Pagkaupo ay agad na isinalampak ko ang earphones sa magkabila kong tainga at pumikit.
Wala naman talaga akong pinapakinggan na musika. Sadyang ayoko lang na istorbohin nila ako.
Ilang minuto pa ang lumipas ay dumating na ang unang professor namin para sa araw na ’to. Pero dumaan lang ang naging klase namin na halos makatulog ako. Wala pa naman kasing masyadong pinag-usapan at ginawa dahil unang araw pa lang naman ng klase.
Ngunit magmula ng mangyari ang insidenteng ’yon ay aminado akong nawalan na ako ng gana mag-aral. Napalitan ng baril ang dati ay hawak kong mga libro. Nababad ang oras ko sa pag-eensayo na rati kong inilalaan para sa pagre-review.
Kaya hindi ko alam kung paanong nagagawa ko pa ring manguna sa klase sa kabila ng lahat ng ’yon. O baka naman sadyang may kakayahan lang ako na maintindihan agad ang mga salita na naririnig ko kahit hindi ko ito gaanong binibigyan ng atensyon hanggang sa tumambay na ito sa utak ko.
“Narinig mo ba ang tungkol sa nangyaring insidente sa bayan kagabi? Balita ko ay may nakita raw na bangkay ng isang babae na para bang inatake ng isang mabangis na hayop.”
Napakunot noo ako nang marinig ang pinag-uusapan ng mga kaklase ko na katapat ko lang. Break time namin ngayon kaya balik sa pagkukuwentuhan ang mga kaklase ko. Dalawa lang ang subject namin ngayong araw at mamaya pa naman ang isa.
Hindi ko alam kung bakit pero nakuha ng pinag-uusapan nila ngayon ang interes ko.
“Oo nga! Ang nakakaloka pa roon ay marami raw itong sugat at may kagat pa sa leeg. Halos maubusan nga raw ng dugo, eh,” sagot ng isa pa.
Napaayos ako ng upo. Sa totoo lang ay aware naman ako sa tila sunod-sunod na insidente ng mga kababaihan na bigla na lang nawawala at natatagpuan na lang na patay. Pero ngayon ko lang narinig ang buong detalye tungkol dito.
“Nakakatakot na talaga ang panahon ngayon! Nang dahil tuloy sa mga nangyayari ay paniguradong maghihigpit lalo sa ’kin sila mama. Mahihirapan na naman akong magpaalam para gumala nito.” Napalabi pa ang babaeng mismong katapat ko.
“Kaya nga, eh.”
Tinaasan ko sila ng kilay. Akala ko pa naman ay natatakot sila dahil mismo sa nangyayari. Mas takot pala sila na hindi mapayagang lumabas.
What a brat!
“Pero ang sabi ng matatanda ay baka aswang daw ang may gawa no’n,” dagdag ng isa pa.
Nagsalubong ang kilay ng kausap niya. Hindi kasi ako masyadong pamilyar sa pangalan ng mga kaklase ko.
“Seryoso ba?”
Napapikit ako at nagkunwaring hindi nakikinig sa anumang pinag-uusapn nila. Hindi ako naniniwala sa mga aswang o ano pa man. Pero hindi ko rin maiwasan ang mapaisip.
Kailan pa nagkaroon ng mabangis na hayop sa lugar namin?
Kung totoo man ’yon ay wala akong panahon para sa bagay na ’yon ngayon. May isang tao akong kailangan hanapin. Saka ko na lang iisipin ang tungkol sa nangyayari nitong mga nakaraang araw.
Sa totoo lang ay tinanong ko rin si Papa tungkol sa bagay na ’yon para makasiguro. Pero wala raw siyang alam sa insidenteng sunod-sunod na nagaganap sa lugar namin.
Sabagay, bilib na ako kung may kakayahan din silang paamuhin at gawing tauhan ang isang mabangis na hayop.
Abala ako sa pag-iisip ng kung anu-ano nang matigil sila sa pag-uusap at biglang magtilian. Agad na iminulat ko ang mga mata para alamin ang nangyayari.
Napansin kong nakasilip silang lahat sa pinto at bintana. Hindi ko naman ugaling makiusyoso. Ngunit dala ng kuryosidad ay napatayo ako para makitingin na rin. Napairap na lang ako nang makita ang dalawang kaklase naming lalaki na nagsusuntukan sa labas. Away bata lang pala.
Wala sana akong balak na mangielam. Pero rinding-rindi na ako sa tilian ng mga kaklase kong babae na pinipilit ang mga kalalakihan na pigilan ang dalawa. Ngunit tila wala naman silang naririnig at nag-e-enjoy pa silang panoorin na mag-away ang dalawa kong kaklase.
Kaya naman ay walang pagdadalawang isip na pumasok ako sa eksena. Akmang susuntukin na naman nila ang bawat isa nang sabay kong sanggain ang magkabila nilang kamao.
Biglang tumahimik ang paligid. Maging sila ay gulat na napatitig sa ’kin.
Nang makabawi sa pagkakabigla ay akmang iaamba pa ng isa ang kabila niyang kamao. Pero mabilis na sinipa ko ang tuhod niya dahilan para mapaluhod siya. Bumakas naman ang takot sa mukha ng kalaban niya at bigla itong napaatras.
Tapos ang problema.
Natigilan lang ako nang marinig ang isang tila dumadagundong na boses.
“Anong nangyayari rito?” tanong ng sa tingin ko ay professor din dito sa university habang inaayos ang suot niyang salamin pagkalapit sa ’min.
Pagkakita niya sa ’ming tatlo ay biglang naningkit ang kanyang mga mata.
“To the discipline office, now!”
Tila naluging sumunod naman ang dalawang lalaki na nag-aaway kanina at nagbalikan na sa kanya-kanyang classroom ang iba pa. Pabalik na rin sana ako nang bigla niya akong tawagin.
“You, young lady, you need to go as well!”
Hindi makapaniwalang napalingon ako sa kanya.
What the f**k?
Akmang aangal pa ako nang may kung anong bigla na lang na bumundol sa likod ko. Kung tutuusin ay simpleng pagkakabunggo lang ’yon pero halos mawalan ako ng balanse nang dahil sa lakas ng puwersa na nakapaloob doon.
Napasinghap ako at marahas na nilingon ang may gawa no’n. Pero tila naumid ang dila ko nang bumungad sa ’king paningin ang isang matangkad na lalaki. Hindi ko gaanong makita ang kanyang mukha dahil bukod sa nakatungo siya ay nakasuot pa siya ng sombrero.
“Sorry,” he said in a low, deep voice that made me shiver, then walked past me.
Before I could even utter a word, he was no longer around. Just who the hell is that guy?