Hindi ko malaman kung tatanggapin ko ba iyon bilang puri o insulto. He just freaking said that I’m good in dancing at hindi ako halos makapaniwala roon!
Sa totoo lang ay hindi naman iyon literal na sayaw. Para lang akong lasing na sumasabay sa tugtog dahil tunog-disco’t pamparty ang ingay. Buong akala ko’y nasa trabaho siya maghapon. Bakit yata ang aga naman niyang umuwi.
Napamura ako nang mahina nang makabalik ng kwarto. Upang makaiwas sa kaniya ay magtatagal na lang siguro ako rito. Lalabas lang ako kapag kakain na. Lalabas lang ako kapag nandito na si Ate Dahlia. Masyado na akong nilamon ng hiya sa mga pinagagagawa ko. Though hindi naman iyon kasalanan ni Kuya Alet, paulit-ulit akong nadala.
Ganoon nga ang nangyari. Tahimik lang akong kumain sa kusina nang makaramdam ng gutom. Tahimik din akong gumawa ng gawain habang siya ay nasa kwarto. Kung sana’y nandito lang si Ate Dahlia, baka mas umaliwalas pa ang araw ko.
Habang naghuhugas ng plato sa sink, naramdaman ko ang mga yapak na papalapit dito sa kusina. Napapikit-pikit na kaagad ako dahil alam kong siya na iyon.
“Anong ulam?” aniya nang ma-awtoridad. Damang dama ko ang bangis ng kaniyang presensya kahit na hindi ko pa siya nakikita sa puntong ito.
“May afritada po riyan,” sagot ko sa matinis at malumanay na boses, tila kuting na takot sa kaharap na leon.
Ipinagpatuloy ko ang ginagawa rito sa lababo habang naririnig ang kalansingan. Tanging mga kubyertos na lang ang namumutawi sa paligid. Ang hirap ng ganito. Mahirap kung paulit-ulit ang ganitong klase ng araw. Kailan kaya ako magiging kumportable sa kaniya? Kailan ko kaya mararamdaman na parang hindi ako nakagapos sa poder niya? Kung tutuusin ay mabait naman siya at hindi ganoon kahigpit. May mga pagkakataon lang na hindi ako satisfied sa kinikilos ko dahil baka hindi iyon umaayon sa kaniya.
“Kumain ka na?” tanong pa niya habang nagbabanlaw na ako ng baso. Luminga-linga muna ako saglit sa kisame saka sumagot.
“Opo, kumain na po ako.”
Mga ilang minuto bago ko natapos ang aking gawain. Uminom ako ng isang basong tubig sa harap ng ref.
Iniwan ko na ang kusina nang hindi na siya muli pang nagtanong. Napahinga ako nang maluwag nang mapagtantong hindi niya ni-open up kung ano ang nangyari kanina.
I crawled down my bed at inisip kung ano na naman ang gagawin. Paulit-ulit ang araw. Walang ibang nangyayari kundi ang mamalagi lang dito sa bahay, tuwing linggo lang yata ako halos nakalalabas. Sa sobrang busy ng dalawa kong kasama rito, ang maiwang mag-isa ay hindi talaga biro. Kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko. Tinitiis ko na lang umiyak dahil hanggang ngayon, wala pa rin talagang balita sa Agunaya.
Lumipas ang maraming buwan. Sa mga buwan na iyon, doon ko mas nasaksihan ang araw-gabing away ni Ate Dahlia at Kuya Alet. Kung hindi nagsisigawan ay hindi rin sila nagpapansinan. Ngunit hindi rin nagtatagal ang sigalot sa pagitan nila. Mga dalawang araw lang ang lumilipas, magkakabati na ulit sila.
Sa mga nasaksihan kong relasyon, hindi ko maitatanggi na sila ‘yong madalas away-bati. Nais ko mang maki-usyuso, hindi malinaw sa akin kung ano ba ang talaga ang nagiging ugat ng pag-aaway nila. Minsan overtime, minsan tungkol sa trabaho… sa nakikita ko, may isa sa kanila ang workaholic at ayaw naman ito ng isa.
“Mag-aaway na naman ba tayo?” dinig ko kay Ate Dahlia habang nakaupo ako rito sa hagdanan. Nasa sala naman sila ngayon at heto, mukhang mag-aaway na naman.
“We’ve already talked about this. Bakit ba ayaw mong makinig?” nai-iritang tugon ni Kuya Alet.
“Ano? Sa tingin mo ganoon kadali? Sige, ikaw ang mag-nurse, ako ang mag-model!”
“Fuck.”
Sa mga ganitong sitwasyon, mataman ko ring inabangan kung mababanggit ba sa kanilang sagutan ang aking pangalan. Dahil sa totoo lang, sa oras na ako na ang pag-awayan nila, hindi ako magdadalawang isip na magkusang umalis dito upang magka-ayos sila.
Pero hindi eh. Trabaho lang ang pinag-aawayan nila. Pinagtatalunan nila ang oras na hindi nailalaan para sa isa’t isa. Naisip ko pa minsan kung sa paanong paraan ba ako makakatulong. Pero paano kung ang tanging solusyon ay mag-resign ang isa sa kanila sa trabaho?
Base sa napapansin ko, laging overtime si Ate Dahlia. Sa dalawang buwan na lumipas ay ako lagi ang kasabay ni Kuya Alet sa pagkain. Gising kaming pareho nang naka-alis na si Ate at makakatulog nang hindi pa rin siya nakararating. May nalalaman kaya si Kuya Alet kaya siya nagkakaganito?
Ano man iyon, sana ay maayos na nila ito.
Maya-maya’y humupa na rin ang sigawan. Narinig ko na lang ang malakas na pagkakasara ng pinto at ang padabog na pagbukas ng gate. Sino kaya sa kanila ang lumabas?
Tumayo na ako at dahan-dahang naglakad pababa. Sa pagtapak ko sa sahig, namataan ko si Ate Dahlia sa sofa, nakayuko at umiiyak.
Ibig sabihin, si Kuya Alet ang umalis?
Kung sabagay, linggo ngayon at walang pasok si Ate. Saan naman kaya pupunta si Kuya?
Marahan akong humakbang papalapit sa sofa. Tumabi ako kay Ate at pinagmasdan siyang umiiyak. Nang mapansin niyang nakatabi na ako sa kaniya, mabilis niyang hinawi ang kaniyang mga luha at nakangiting humarap sa akin.
“Ay nandyan ka pala, pasensya na at nag-aaway na naman kami ni Arlet,” aniya sa medyo basag na boses. Pilit akong ngumiti at mas lumapit sa kaniya. Hinagod ko ang kaniyang likod, sa pagkakataong ito ay napayakap na siya sa akin. “Gosh, sana ay hindi ka naiipit sa away namin. Maaayos din naman namin ito.”
“Ayos lang po, wala pong problema sa akin.”
She smiled with her eyes swelling. Napagdesisyunan naming kumain nang magkasabay at doon mag-usap nang matagal.
“Ay siya nga pala,” wika niya at nilunok muna ang kinakain. “May dadaluhan tayong party sa martes kaya mamaya dadalhin kita sa salon para makaranas naman ‘yang mukha mo ng make-over.”
Bigla akong nanabik sa kaniyang sinabi. Party? Pupunta kami sa party? Sa wakas ay may lakad din akong mapupuntahan.
Magkakaroon kaya ako ng bagong kakilala? Anong klaseng party kaya iyon?
Nabasa yata ni Ate ang iniisip ko kaya sinagot na niya ito. Birthday party daw iyon ng kasamahan niya sa trabaho.
Sa mga minutong iyon, napag-isip-isip ko kung sasama ba si Kuya Alet. Busy din kaya siya? Sana’y magbati na ulit silang dalawa.
Nang dumako ang tanghali, sinuot ko ang plain pink na sleeveless saka binagayan ng mini skirt. Nakasanayan ko rin naman ang ganitong klaseng pananamit, malayong malayo sa manang kong istilo noong nasa isla pa lamang ako.
Hinayaan ko ang bagsak ng aking buhok at hindi na ito itinali. Hindi na rin ako nag-abala pang gumamit ng make-up lalo’t aayusan din naman ako mamaya.
Eleven ng tanghali nang marating namin ang mall. Dahil linggo at kasagsagan ng day off, halos dumugin ng tao ang loob. Sabi ni Ate Dahlia, mayroon daw kasing mall show kaya ganoon na lang ang dami ng tao. Ilang sandali pa ay narating na rin namin ang salon.
Si Ate Dahlia na ang kumausap sa parlorista kung anong ayos ba ang gagawin sa akin. Ang sabi, hindi ko na raw kailangan ng hair treatment lalo’t maganda na ang ayos ng aking buhok. Nag-focus na lang sila sa aking kilay, pilik-mata, at ilang parte ng aking mukha.
Namatyagan ko naman sa repleksyon ng salamin si Ate Dahlia. Prente siyang nakaupo sa likuran at abala lang sa kaniyang cellphone. Halos antukin na ako sa tagal ng make-over, mabuti na lang at natapos din kalaunan.
“Oh my God! Ang ganda mo Diana!” sigaw ni Ate at pumalakpak. Natawa ang mga parlorista sa kaniyang reaksyon habang ako ay tumitig naman sa salamin.
Ang totoo niyan ay kaunti lang naman ang naayos. Kaunti lang din ang pagbabago ngunit prominente ang enhancement na naganap. Sinubukan kong ngumiti. Wala akong masabi dahil kahit ako ay nagandahan din sa sarili ko.
Hindi naman ako maputi. Katamtaman lamang ang kulay ng aking kutis dahil na rin laki akong isla. Bagaman nahihiya nang kaunti, naglakas-loob akong magpasalamat kay Ate Dahlia dahil binigyan niya ako ng pagkakataon upang maranasan ito.
Pagtapos sa salon, saka kami dumeretso sa isang fast food resto upang magtanghalian. Halos manakam ako sa sarap ng nakahain dahil masyado akong ginutom sa tagal ng make-over.
“Ilang taon ka na nga ulit Diana?” ani ate habang nasa kalagitnaan kami ng pagkain. Marami-rami ang tao ngayon kaya sa dulo kami nakapwesto.
“Nineteen po.”
“Oh? Wala ka pang naging boyfriend?”
Nangingiwi akong tumango. “Wala pa po.”
“Wow, NBSB, bakit? Study first ba muna?”
Sinabi ko sa kaniya na pag-aaral muna ang prayoridad ko. Pinanghahawakan ko kasi ang sinabi sa akin ni Ate Ada na dapat ay makapagtapos ako. Hindi sa sinasabi kong sagabal ang love life, pero mas mapapadali kasi ang concentration ko kung iisa lang priority ko.
Hindi ko maipagkakaila na may mga sumubok na manligaw sa akin noon. Ngunit dahil nasa iisang bagay ang fix ng focus ko, hindi ko na sila pinayagan. Siguro’y higit na sila sa lima, nasanay na lang akong tumanggi at mambasted gaya ng sabi nila.
Aaminin kong nagkagusto ako sa isang tao noon pero hanggang doon lang eh. Bagaman umamin din iyon sa akin, mariin pa rin akong kumapit sa aking prinsipyo.
“Dahlia?” sabay kaming napalingon ni Ate sa pinagmulan ng boses. Nang mapalingon doon, nakita namin ang isang babae na halos ka-edad lang niya at katabi nito ang isang lalaki na sa akin ngayon ang tingin. May bitbit siyang tray at matikas na tumitindig.
“Oh! Leticia!” Tumayo si Ate at lumapit sa babae. Nagbeso sila at nagkamustahan.
“Mabuti at nakauwi ka na! Ano, kumusta sa Switzerland? Upo kayo.”
Lumipat ng pwesto si Ate at tumabi sa akin. Ipinatong naman ng lalaki ang tray sa tapat saka umupo. Bigla akong nailang dahil katapat ko siya mismo. Katapat naman ni Ate Dahlia si Ate Leticia.
“Anyway, sino ang kasama mo?” tukoy ni Ate sa lalaki. Kaya sa halip na si Ate Leticia ang sumagot, mismong lalaki na ang nagsalita.
“Kahlil po, pinsan niya,” aniya sa malalim na boses. Hinid ko maipagkakaila na may kagwapuhan siyang taglay. Mula sa matangos na ilong, mala-rosas na labi, magandang pilik-mata, at maayos na hawi ng buhok, hindi malabong heartthrob ito sa kanilang school.
Naramdaman kong sinundot ako ni Ate Dahlia sa tagiliran, dahilan kung bakit napatingin ako sa kaniya.
“Magpakilala ka.”
Tumango-tango ako at muling ibinalik ang tingin sa dalawa, partikular na kay Kahlil. “Ako si Diana, nice to meet you po.”
Humagikhik si Ate Dahlia at hindi ko malaman kung bakit. Ganoon din si Ate Leticia na nakipag-apir pa sa kaniya.
Iba yata ang naiisip nila eh.
Nagpatuloy kaming lahat sa pagkain. Buong oras yata ay pinanatili ko lang ang mga mata ko sa pagkain. Nahihiya akong tumingala dahil baka magtama ang mga mata namin ni Kahlil.
Tanging ang dalawa lang ang maingay, heto’t abala sa pagkukwento tungkol sa kanilang mga pinagkaka-abalahan. Nang mapansin nila na kanina pa kami tahimik, kami naman ngayon ang pinuntirya nila.
“Anong grade ka na Diana?”
“Isang semester na lang po at matatapos ko na ang grade 12.”
“Ah so grade 12 ka ngayon?”
“Opo, kailangan ko pa po munang huminto para maka-catch-up sa academic calendar ng school na lilipatan ko.”
“Ah kaya pala. Eto kasing si Kahlil ay first year college na. Ewan ko ba’t parang tamad mag-aral. Nakahilata lang sa bahay.”
“Tss. Ate naman,” napapahiyang tugon ni Kahlil sa kaniyang pinsan. Nang magtama ang aming tingin, saka ko ibinabang muli sa pagkain ang aking pansin.
Hindi ko alam. Mailap yata talaga ako sa mga lalaki kaya ganito na lang ako kung mahiya. Ang totoo’y nais kong makipagkaibigan pero hindi ko feel na maging kaibigan siya.
Nang matapos na kami sa pagkain, kaniya-kaniya na kaming paalam. Ngunit bago pa man kami maghiwalay ng landas, ganoon na lang ang gulat ko nang lumapit sa akin si Kahlil.
“Uhm, may I take your phone number?” aniya. Napipi ako at napatulala sa kaniya. Narinig ko naman ang hagikhikan ng dalawa sa aming gilid.
“N-number ko? B-bakit?”
Napahimas siya sa kaniyang batok. “I find you interesting though. Kung okay lang?”
“Ibigay mo na Diana,” agap ni Ate Dahlia. Napangiwi na lang ako at ni-type sa cellphone ni Kahlil ang number.
“I’ll text you soon, ingat!” paalam niya saka kami tuluyang naghiwalay ng landas.
Samantala, todo naman ang tukso sa akin ni Ate Dahlia. Natatawa na lang ako dahil ang cute niya habang ginagawa iyon. Hanggang sa pag-uwi ay bukambibig pa rin niya si Kahlil, napapangiwi na lamang ako dahil hindi ko alam kung seryoso ba siya o nagbibiro-biro lang.
“Pag nanligaw, sagutin mo agad! For sure, matino naman iyon si Kahlil,” aniya habang naghahain ng pagkain. Napalinga-linga ako sa paligid upang hanapin si Kuya Alet. Mukhang hindi pa rin siya umuuwi.
Umupo ako sa silya at naghiwa ng rekados para sa lulutuing ulam ni Ate. Habang ginagawa iyon ay napa-isip-isip ako sa kaniyang sinabi.
Posible kayang manligaw si Kahlil? Kung oo, subukan ko kaya siyang sagutin para malaman ang kapasidad ko bilang isang girlfriend, ano kaya ang mangyayari?