MATAGAL nang nakaalis ang sasakyang kinalululanan ni Diana ngunit hindi pa rin inaalis ni Matt ang paningin sa entrada ng gate ng hotel. “Napakagaling mo talagang maglihim, cous’, ha,” untag sa kaniya ni Abigail na noon ay tinabihan siya sa pagkakatayo habang nakahalukipkip ito at nakatingin din sa may gate. Bumaling siya rito saka tiim-bagang na bumuntong-hininga bago walang-kibo na umiling-iling. Hindi na siya nagsalita pa. Sa halip ay pumasok na lang siya sa loob ng hotel ngunit ang atribidang pinsan niya ay mabilis pa siyang sinabayan sa paglalakad. “So, how did the two of you meet? Type mo ba siya?” curious na sunod-sunod na tanong nito habang ang mga mata ay nakatuon sa dinaraanan nila. Bahagya siyang tumigil sa paglalakad at hinarap ito. Gusto sana niya itong sigawan ngunit pi

