"NO!" Hiningal na napabalikas ng bangon si Aloha. Agad din niyang nasapo ng kaniyang kamay ang tapat ng kaniyang dibdib sa sobrang lakas ng tahip n’yon. Ramdam din niya ang panginginig ng kaniyang katawan. Naghahalo rin ang pawis at luha niya sa kaniyang mukha kaya naihilamos niya ang mga kamay roon, pagkuwan ay napayuko siya. Pakiramdam niya totoo ang lahat. Natigilan siya at agad nag-angat ang tingin niya sa may pintuan. Nakahinga naman siya nang maluwag nang makitang sarado iyon at naka-locked pa naman. Gano’n din ang pintuan papuntang balkunahe. God! Akala niya totoong nandito si James at hinahabol siya. Pero bakit mukha ni Xavier ang huling nakita niya at siyang humahabol sa kaniya? Ano ang ibig sabihin n’yon? Hapong-hapo rin ang pakiramdam niya na tila galing siya sa pagtakbo.

