X NAKAPAKO ang tingin ko sa unregistered number sa cellphone ko nasa missed call. Palaisipan pa rin kung sino ang tumatawag sa akin kanina. Saglit na nabura sa isip ko ang tawag dahil sa naging busy ako sa mga klase pero nang muling tumunog ang cellphone ko at makita na naman ang hindi nakarehistrong numero ay hindi ko mapigilang mabagabag. Hindi lalampas sa sampu ang numero na nakarehistro sa cellphone ko. Wala rin akong natatandaan na may pinagbigyan ako ng number. "Is there a problem?" Mabilis kong naibaba ang cellphone ko nang narinig ang boses mula sa likod. Paglingon ko ay bumungad sa akin si Leighton na may hawak na tray na puno ng pagkain. Tumayo ako at kinuha ang dala-dala niya. Sa lalim nang iniisip ko ay hindi ko na namalayang nakabili na pala siya ng pagkain naming dalawa.

