Una at Huli

2086 Words
Dalawang uri lang mayroon ang tao. Ang makapagyarihan—mga politikong gahaman sa kayamanan—at ang mga aliping isang kahig isang tuka ang sinasaligan. Mga mas mahihirap pa sa daga kung ituring ng bayan. Bakit ang mga mayayaman kapag nagnakaw, hindi pansin ng sanlibutan? Pero kaming mga mahihirap, kulang na lang ay ibitin patiwarik upang umamin sa hindi ginawang kasalanan? Bakit ang mga may pera, bumili man ng milyong halaga na gamit, hindi pinapansin at sa halip ay hinahangaan pa? Samantalang ang isang tulad ko na minsan lang magsuot ng magarang damit, tatawagin pang magnanakaw at salot sa lipunan. Ganyan ba kabaligtad ang isip ng tao? Ganyan ba kakitid ang utak nila mula sa mga hindi nakasanayan? Kung ganoon nga ang tingin sa akin, bakit hindi ko na lang totohanin? Sa Divisoria, na karaniwang dinudumog ng tao, ako nagtatrabaho. Madali lang naman itong gawain ko. Sisipat ako ng mga taong naglalabas ng pitaka, may mga hawak ng mamahaling gamit, o may suot na alahas sa dibdib o tainga at saka ko aagawin. Sa sobrang dali ng trabaho kong ito, ni pagpawisan nga ay hindi ko nararanasan. Naglalakad ako sa daang makikipot na naghihiwalay sa mga tindahan na matatagpuan dito. Nagmamasid ng mga maaring maging biktima ng espesyal na talentong ito. Upang makilatis ng magaling kong mga mata ang kinang ng bawat gintong mayroon sila. Sinanay ko na ang sarili sa ganitong buhay. Praktisado na ako upang hindi mapansin at mahalata. Pinag-iisipan kong mabuti ang bawat kilos—dahan-dahan at walang ingay—upang manatili sa mundong tanging katulad ko lang ang mabubuhay. Ngayong araw na ito, dalawang dalaga na ang nakuhanan ko. Ayos nga, eh. Isang Iphone 4S at pitakang naglalaman ng apat na libo ang nadukot ko. Kung magtatrabaho ako ng marangal, sa tingin ninyo, saan ko makukuha ang ganito kalaking halaga sa isang araw lang? Wala. Pagpapawisan pa ako at pagagalitan ng amo ko kapag gumawa ng isang kamalian na hindi sunod sa layaw nila. Kung hindi magugustuhan ang serbisyo, tatanggalin sa trabaho o kaya ay walang bayad para sa araw na iyon. Ganyan ang buhay. Kung sino ang mas mataas, sila ang masusunod. Kung sino ang may pera, sila ang makapangyarihan. “Tangina! Ayan na parak!” Nanigas ang mga tuhod ko nang umalingaw-ngaw ang tinig ni Jopet. Nakarinig kasi ako ng mga salitang ikababaligtad ng sikmura ko. Ramdam pati ang masaganang pagtulo ng pawis sa sentido ko. Hinampas niya ang braso ko sabay sabing, “Gago ka ba? Ano pa'ng hinihintay mo? Pasko?” Tumalilis na siya ng takbo bitbit ang mga supot na halos hindi na niya madala dahil sa bigat nito.  Natauhan ako sa ginawa ni Jopet. Mabilis kong dinampot ang pinaglalagyan ng mga pagkain at perang nakulimbat ko sa tindahang ito. Kumaripas ako ng takbo sabay ang pagparagan ng pang-itaas sa salawal upang doon ilagay ang supot at hindi mahulog ang pinaghirapan ko. Puta! Sayang ang mga naiwan. Sa dami ng puwede kong makuha, iilan lang ang nadala ko dahil sa labis na pagmamadali. Lecheng mga pulis ito. Kasalukuyan kasi silang nagro-ronda sa pamilihan. Palabas na kami nang tuluyan sa tindahang aming ninanakawan nang makarinig kami ni Jopet ng hiyaw mula sa loob. Isang lalaki ang lumabas mula sa isang kuwarto habang hawak ang napukpok niyang ulo. Putok nga rin ang kilay niya at ngiwi ang kanyang mukha dahil sa sakit na iniinda. Pagewang-gewang siya sa paglalakad at hirap sa pagmulat ng mga mata. “Mga putangina ninyo! Magnanakaw! Ninakawan ako! Tulong!” Patuloy ang palahaw niya kahit hirap sa pagkilos at pagsasalita. Natigilan kami ni Jopet sa pagtakas. Nakuha nito ang atensiyon ng mga mamamayan—mga tindero ng sigarilyo at candy, nagtitinda ng mga damit, pagkain, at laruang pambata —na walang kaalam-alam sa ginagawa naming ito ni Jopet. “Hoy!” Lumipat ang tingin namin nang marinig ang baritonong boses na iyon. Namurirat ang mga mata ko nang makita ang lalaking nakauniporme ng asul na may bota hanggang tuhod at may baril sa kanyang tagiliran. “Gago! Takbo na!” sigaw ni Jopet. Tila ba nagayuma ako sa mga binitiwang salitang iyon ng matalik kong kaibigan. Nag-umpisang humakbang ang mga paa ko—matulin at mabilis—upang tumakas na empiyernong aming pinasukan. Tumakbo ako nang tumakbo—singbilis ng mga kabayong walang kapaguran. Hindi ko na inintindi ang mga bilaong naglipana sa kalsada—kalamansi, paminta, sariwang hipon, mga gulay, at prutas na gumugulong sa daan. “Tumigil ka!” sigaw ng nasa likuran ko. Habang tumatakbo ay sinilip ko siya upang masigurong ako ang hinahabol niya. Natanaw ko naman si Jopet na malayo na ang nararating nang bumalik ang mga mata ko sa daan. “Tarantado ka! Tumigil ka sinabi!” Halos pumutok na ang ugat sa leeg ng pulis. Hindi ako tanga para magpahuli sa’yo! Pumasok ako sa pasilyo katorse. Doon ang karaniwang takbuhan ko sa tuwing mahuhuli ng mga pulis patolang ito. Nilandas ko ang mahabang daang iyon at saka lumiko sa bilihan ng mga tela. Diretso lang ang mga hakbang ko nang marating ang tindahan ng mga buko. Walang masyadong tao na dumadaan dahil gawing dulo na ito ng palengke. Mabilis kong binaba sa basurahang nadaanan ko ang bag na dala. Tinabunan ko iyon ng ilang dahon ng repolyo, pechay at maruruming plastic para hindi mahalata. Babalikan ko na lamang iyon kapag tapos na ang moro-morong laro na ito. Sa kabutihang palad, hindi na ako nasundan. Talagang magandang lugar ang bukuhan para pagtaguan. Marami rin kasing tirador na kabataan sa paligid kung kaya walang naglalakas-loob na pumasok dito. Pinili kong dumaan sa kanang parte ng lugar. Magpapalit ako ng damit upang hindi makilala at makapang-biktima na muli ng ilang mamimili. Pero habang papalakad ako, natanaw ko si Jopet na maligsing tumatakbo papalapit sa akin. Nakangiti ko pang itinaas ang kamay ko upang salubungin siya. Humahangos ang itsura niya at malalaking butil ng pawis ang nakapilapil sa kanyang noo. Mukhang malayu-layo ang tinakbo ng kaibigan kong ito. Laking gulat ko nang dambahin niya ako at ipalupot ang braso sa leeg ko. May kinuha siya sa kanyang bulsa at saka iyon tinutok sa sentido ko. “Pare, anong ginagawa mo?” nangilabot ako sa kanya lalo na nang mahagip ng mata ko ang bagay na nasa ulo ko. Baril. Lumipat ang tingin ko sa lalaking maka-uniporme ng asul na bagaman malaki ang tiyan at pagod sa pagtakbo, nandoon pa rin ang tigas ng kanyang katawan. Dahil sa kaganapang iyon, nakuha namin ang atensiyon ng lahat ng tao. Ang karamihan ay tumalilis na upang lumayo sa gulo at ang ilan ay para makinuod. Gulung-gulo ang isipan ko sa ugaling ipinapakita ni Jopet ngayon. Bakit niya ako tinututukan ng baril? Hindi ba’t magkaibigan kami? “Bata, ibaba mo ang baril. Hindi kita sasaktan. Basta ibaba mo ang hawak mong ‘yan,” pakiusap ng pulis. Hingal na hingal si Jopet. Tila nga may umiihip na malakas na hangin sa gawi ng tainga ko. Nagdadala ito sa akin ng matinding takot at kaba. Nag-umpisang mamawis ang mga palad ko, noo at maging kili-kili. Tangina mo Jopet! Ano'ng plano mo?! “Ibaba mo ang hawak mo,” ulit na naman ng pulis. Pero tila walang naririnig ang nasa likuran ko. Ramdam ko ang pangangatog ng kanyang tuhod dahil siguro sa matinding pangamba. Bakit ako tina-traydor ng kaibigan ko? Kahit anong salita mula sa kanya ay wala akong narinig. Hindi ko man lang alam ang plano niya. Palabas lamang ba ito o sadyang hindi isang kaibigan ang turingan naming dalawa? Nagpupuyos ang dibdib ko sa galit. Tinuring ko siyang kaibigan. Pero ano itong ipinapakita niya?  Dahan-dahan kong kinuha ang matulis na patalim sa bulsa ko. Walang ingay upang hindi niya ako mahalata. Madalas kong dala ang kutsilyong ito upang ipangtanggol sa aking sarili. Nakakatuwa mang sabihin pero si Jopet ang nagsuhestiyon na dalin ko ito. Sabi nga niya, iba na ang handa. Mukhang sa kanya ko pa yata gagamitin ang natutunan kong ito. “Huwag kayong lalapit! Ipuputok ko ito!” Itinutok ni Jopet ang baril sa paligid. Tinakot ang mga tao kung kaya nagsitakbuhan silang lahat at natira na lang kami dito—ako, si Jopet at ang nag-iisang pulis. Umaksyon agad ang nakaunipromeng asul at tinutok ang baril niya kay Jopet. “Huwag mo nang hayaang umabot pa tayo sa dahas, bata. Ibaba mo ang baril mo,” utos nito. Ngunit sa hindi malamang dahilan, agad kong itinarak kay Jopet ang kutsilyong hawak ko. Napaupo siya sa sahig habang tinatakpan ang natamong sugat. Nahirapan siya sa paghinga. Kita ko iyon sa pagtahip ng kanyang dibdib. Mulat ang kanyang mga mata dahil sa gulat. Hindi pa man lang siya nakakahuma dahil sa ginawa ko, sumugod agad ako at muling ibinaon ang kutsilyong puno na ng dugo. Paulit-ulit. Walang palya. Walang pag-aalinlangan. Baon na baon kong itinusok sa kanya ang patalim. Nang magsawa ako, palihim kong isinuksok sa tagiliran ang baril na hawak ni Jopet kanina lang. Tumayo ako habang habol ang hininga. Nakangiti kong pinagmasdan ang duguan kong kaibigan na minsan nang ninais na wakasan ang buhay ko. Ang sarap pala sa pakiramdam nang ganito. Tila ba lumulutang ako sa himpapawid na malayang lumilipad kasama ng mga ibon. Napunan ang sakit at hapdi na nadarama ko mula sa mga pang-aalipusta ng mga tao sa isang tulad kong mahirap at may walang kuwentang buhay. “Magaling ang ginawa mo, bata,” komento ni Manong Baldo—ang pulis na naghahawak sa mga kabataang tulisan sa Divisoria. Lumapit siya sa akin at tinapik ang balikat ko. Isa si Jopet sa mga batang hindi hawak ni Manong Baldo. May sarili siyang paraan para kumita. Kahit sino, ninanakawan niya. Sumasama ako sa kanya dahil magaling siyang dumiskarte. Mabuti iyon para sa akin para may maibigay akong ‘lagay’ sa matapobreng pulis. Kahit ayain ko siya na sumali sa grupo namin, hindi niya ginagawa. Hindi raw siya interesado. Kaya nang malaman ni Mang Baldo na kaibigan ko si Jopet, pinapili niya ako. Kung mapipilit ko ang kaibigan kong si Jopet sa pagsali sa amin, reregaluhan niya ako. Pero kung hindi, papatayin ko siya at makakalaya ako sa kamay ni Manong Baldo. Namili ako. At ito ang pinili ko. Ang patayin ang kaibigan ko upang maging malaya mula sa tanikalang iginawad ng walanghiyang pulis na katabi ko. “Ganyan ang mga nangyayari sa hindi sumusunod sa akin,” dagdag pa niya. Sumilay ang ngiti sa mga labi ko. Agad akong pumihit paharap sa kanya at ipinutok ang baril sa tiyan niya na isinuksok ko sa tagiliran ko kanina. Limang putok. Walang lubay. Walang humpay. Tila nga siya isang baboy na nagkakakawag sa harap ko habang sinasalo ang lahat ng bala na nagmumula sa baril na hawak ko. Humandusay siya sa sahig kasabay ang masaganang pagtagas ng pulang likido sa kanyang sikmura. Labas ang kanyang bituka. Sumabog iyon dahil sa lakas ng puwersa ng nakatutok na baril. Mas lumawak ang ngiti ko nang makitang walang buhay si Manong Baldo—ang taong nagpamukha sa akin na walang kuwenta ang buhay ko. Ang taong nagbigay ng dahilan upang lumaban ako at ipakitang makahahanap ako ng sarili kong mundo. Siya ang taong pinagtiisan kong yurakan at tapakan ang pagkatao kong ni minsan ay walang bumuo. Upang gawing malinis ang trabaho kong ito, ipinunas ko ang hawak na baril sa damit ko upang mawala ang mga bakas ng palad ko. Ibinalik ko iyon sa kamay ni Jopet. Humakbang na ako paalis sa krimeng sinimulan ko. May malapad na ngiti, masayang sumisipol at sinasabayan ang tugtog na aking naririnig. Binalikan ko ang iniwang gamit sa basurahan at isinukbit iyon sa balikat ko. Ibinaliktad ko rin ang suot na damit dahil kita ang dugong tumalsik doon. Tangina. Ang sarap sa pakiramdam! Tumapat ako sa isang tindahan. “Aling Mering, puwede po bang makitawag?” Sabay abot ng beinte pesos sa tindera. Pumindot ako ng mga numero at hinitay na may sumagot sa kabilang linya. “Ako ito,” bungad ko. “Nagawa mo ba?” tanong ng nasa kabilang linya. “Nagawa ko na. Wala na si Baldo.” Bumuntong hininga ito. Alam kong nakangiti siya sa kabilang linya kahit na hindi ko siya nakikita. “Mabuti. Makukuha mo ang bayad pagkatapos ng dalawang araw. Isunod mo na rin si Quirino.” “Sige po, Mayor. Salamat. Ako nang bahala.” At binaba ko na ang telepono. Sa susunod, ikaw na ang nasa listahan ko, Mayor. Ito ang mundong pinasok ko. Ako ang makapangyarihan, ako ang masusunod. Gusto mo tayo naman ang maglaro ng Bang Sak? Babarilin mo ako, sasaksakin kita. Tara, maghabulan na tayong dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD