Chapter 2

1527 Words
Napalingon ang mga magsasaka sa bisikletang huminto di-kalayuan sa bukiring sinasaka nila. "Mga kasama, si Ma'am Ava nandito na naman," masayang balita ng isa sa mga magsasaka. "Mukhang may dala na naman si Ma'am Ava na pagkain para sa atin," komento naman ng isa nang makitang may hawak na basket ang babaeng tinatawag nilang Ma'am Ava. Maya-maya pa ay makikitang naglakad sa pilapil ang babaeng iyon palapit sa mga magsasaka. "Napaka suwerte ng mapapangasawa ni Ma'am Ava. Bukod sa napakaganda at napakayaman, napakabait pa at walang kaarte-arteng babae," nakangiting sabi naman ng isa. "Kumusta ho kayo rito? Nasaan ho si Mang Julio?" pagbungad ni Ava sa mga ito. Nakasuot ito ng mahaba at puting t-shirt na tinernuhan ng itim na leggings. May suot din itong bota. Sabay-sabay na napatingin ang lahat kay Mang Julio na hinahanap ni Ava. "M-Ma'am, bakit po?" alanganing tanong ni Mang Julio. "May ubo raw ho kayo at masama ang pakiramdam kaninang paggising ninyo? Bakit ho nagpunta pa kayo rito, sana'y nagpahinga na lamang kayo," malambing ang boses na ani Ava. "N-naku ma'am, ayos lang naman po ako at kaya ko—" hindi naituloy ni Mang Julio ang sasabihin dahil bahagya itong napaubo. "Sige na ho Mang Julio, umuwi na lang ho muna kayo at ng kayo'y makapagpahinga," natatawang sabi ni Ava kaya naman napatawa na rin ang iba. Halata kasing pinipilit lang ni Mang Julio na maging okay sa harapan ni Ava. "Eh kasi ma'am sayang naman ang kikitain ko ngayong araw. May sakit na nga ho ako ay mawawalan pa ako ng kita," napapakamot sa ulong saad ni Mang Julio. "Mas importante ho ang kalusugan ninyo, Mang Julio. Mas lalo ho kayong mawawalan ng kita kapag humina lalo ang pangangatawan ninyo," pangangaral ni Ava sa maayos na tono. "Sige, Ma'am Ava, uuwi na lang po muna ako," nahihiyang pagsagot ni Mang Julio. "Tara na ho munang lahat doon at nang makapag meryenda muna kayo. May dala akong makakain kaya sabayan niyo na ako," yakag ni Ava sa iba pa bago ito nagpatiunang bumalik sa hinintuan niya ng kaniyang bisikleta kanina. Masaya namang nagsunuran ang lahat kay Ava. Nagulat naman nang bahagya si Ava nang makita si Yexel na nakatayo malapit sa bisikleta niya. Nakita rin ni Ava na naroon ang kotse ni Yexel. Si Yexel ay kababata ni Ava at alam niyang nagpaparamdam din ito sa kaniya. "Yexel, anong ginagawa mo rito?" nakangiting tanong ni Ava na lumapit pa nang bahagya sa lalaki. Ngumiti rin si Yexel bago nagsalita, "O, huwag masyadong lumapit. Lalo akong naiinlove sa ganda mo eh," may halong pagbibiro nitong sabi. Napairap naman kunwari si Ava, "Tigilan mo ako Yexel, ha. At saka huwag mong masyadong sandalan iyang bisikleta ko at baka matumba na lang basta dahil sa bigat mo," dinaan ni Ava sa biro ang pagsagot sa sinabi ni Yexel. Bigla namang nagtawanan ang mga magsasakang nakakarinig sa biruan nina Ava at Yexel. Hindi naman mataba si Yexel. Malaki lang talaga ang pangangatawan nito at sadyang nagbibiro lang si Ava. "Mag meryenda na ho kayo riyan," natatawang saad ni Ava bago lumapit sa mga ito at tinulungan silang ilabas ang laman ng basket na dala niya. Maya-maya ay may isang babaeng dumating at tinawag si Julio. "Mang Julio, ang asawa ho ninyo. Sinusundo na kayo para may makasabay ho kayo sa pag-uwi," tawag ni Ava kay Mang Julio. "Uuwi ho pala kayo, Mang Julio? Sumabay na ho kayo sa akin, paalis na rin ako," si Yexel. "Ha? Saan ka pupunta? Naligaw ka lang ba rito?" biro na naman ni Ava. "Never akong maliligaw kung nasaan ka. Tiningnan ko lang kung nandito ka nga kasi nanggaling ako sa inyo at sabi nga ni tita ay nagpunta ka raw dito," pagsagot ni Yexel bago ito naglakad papunta sa kotse niya, "halina ho kayo, Mang Julio," tawag na nito. Lihim namang napapangiti muli ang mga magsasaka habang nagmemeryenda. Maging ang asawa ni Mang Julio ay tila kinilig pa sa sinabi ni Yexel. Hindi naman na iyon pinansin ni Ava at lumingon na kay Mang Julio. "Mang Julio, eto ho ang sahod ninyo para sa araw na ito. Magpagaling ho muna kayo bago ulit kayo magtrabaho ha," bilin ni Ava habang iniaabot ang sahod ni Mang Julio. "N-naku, Ma'am Ava, bakit naman ho buo pa rin ang sahod ko samantalang wala pa akong dalawang oras—" "Huwag na ho ninyong isipin iyon. Ang mahalaga ay magpagaling kayo," putol ni Ava kay Mang Julio. Todo-todo ang pasasalamat ni Mang Julio kay Ava ng mga sandaling iyon at halos mangiyak-ngiyak pa ito. Nakangiti namang tinanaw ni Ava ang sasakyan ni Yexel palayo sakay sina Mang Julio. Napapailing pa siya dahil nga nagpunta roon si Yexel pero umalis din kaagad pero wala namang sinasabi sa kaniya. Hindi lang niya basta kababata si Yexel kundi tinuturing niya rin itong matalik na kaibigan. Ngunit alam niyang si Yexel ay higit pa sa kaibigan ang tingin sa kaniya. Ramdam niya iyon ngunit binabalewala niya dahil wala siyang nararamdaman para rito at hanggang kaibigan lang talaga. May ibang hinahanap ang puso niya. May ibang laman ang puso niya. Ngunit ang taong iyon ay labinlimang taon niya ng hindi nakikita o nakakausap man lang. Napabuntung hininga na lamang siya bago muling hinarap ang mga magsasakang malapit na ring matapos sa pagmemeryenda. Sa loob naman ng sasakyan ni Yexel ay nagulat si Mang Julio sa sinabi ng asawa nito. "Ano?! Nagbigay si Ma'am Ava sa 'yo ng pera pampakonsulta sa doktor?" nanlalaki ang mga matang baling ni Mang Julio sa asawa. Nakaupo ito sa shotgun seat at nasa backseat naman ang asawa. "Oo. Eh nanggaling kasi siya sa bahay kanina. Nakausap niya raw kasi iyong isa sa mga kasamahan mo at nabanggit na baka raw hindi ka makakapunta sa bukid ngayon dahil nga inuubo at masama ang pakiramdam mo. Kaya nagpunta si Ma'am Ava sa bahay para kumustahin ka kaso nga wala ka roon. Tapos ayun, inabutan ako ng pera para raw makapagpa check-up ka at makabili ng mga gamot," mahabang paliwanag ng asawa ni Mang Julio. "Tapos ibinigay pa ni Ma'am Ava ng buo ang sahod ko sa araw na ito... Sana hindi mo na tinanggap ang perang iniabot ni ma'am eh," hindi mapakaling saad ni Mang Julio na napatingin pa kay Yexel. Napangiti naman si Yexel bago nagsalita, " Hayaan na ho ninyo, Mang Julio. Sigurado naman akong tumanggi ang asawa ninyo pero sigurado rin akong hindi pumayag si Ava na hindi tanggapin ang ibinibigay niya," aniya. "Ay tama ho kayo riyan, Sir Yexel. Hindi nga ho pumayag si ma'am na tanggihan ko ang pera," kiming pagsagot ng asawa ni Mang Julio. "Ano pa nga bang magagawa ko kundi ang manatiling mabuting trabahador ni Ma'am Ava dahil sa kaniyang kabutihan," komento na lamang ni Mang Julio na bahagya pang umubo. "Alam mo, Sir Yexel, bagay kayo ni Ma'am Ava. Pareho kayong may mabuting kalooban. Parehong mayaman. Parehong maganda at guwapo. Sa tingin ko ay kayo ang magkakatuluyan," dagdag komento pa ni Mang Julio na sinang-ayunan naman ng asawa nito. Hindi naman umimik si Yexel sa sinabi ni Mang Julio. Pero nadagdagan ng kaunting pag-asa ang puso niya sa simpleng sinabing iyon ni Mang Julio. Hindi niya direktang nililigawan si Ava subalit may mga pagpaparamdam siyang ginagawa. Bata pa lamang ay magkakilala na sila ni Ava at kahit noon pa man ay may gusto na siya rito. Si Ava ang itinuturing niyang first love niya at ito pa lang talaga ang babaeng nagustuhan niya. Ngunit alam niyang may isang taong itinatangi si Ava magpahanggang ngayon. "Maraming salamat ho, Sir Yexel," saad nina Mang Julio matapos makababa sa kotse ni Yexel. Tumango at kumaway naman si Yexel sa mga ito bago siya umalis. Uuwi muna si Yexel sa kanila upang kumuha ng pera. Wala kasi siyang dalang wallet. Pupunta siya sa bilihan ng mga bisikleta upang mamili ng gagamitin niya. Hilig kasi ni Ava ang pagbibisikleta at kung minsan kapag pumupunta ang babae sa bukid ng mga ito, madalas ay nagbibisikleta ang babae at ayaw pahatid sa kaniya gamit ang kaniyang kotse. Kaya naman naisipan niyang bumili na lamang ng bisikleta upang sabayan na lamang si Ava kung saan ito nagpupunta. Napalingon si Yexel sa nadaanang malaking bahay katabi ng bahay nina Ava. Nakita niyang nawala na ang karatulang nakasabit doon at may nakalagay na house for sale. Palaisipan din sa kaniya kung bakit ni minsan ay hindi na bumalik doon ang may-ari ng bahay. Iyon lang naman ang bahay ng taong itinatangi ni Ava. Si Jinbong Castro. Natatandaan niyang noong umalis si Jinbong ay may komunikasyon pa ito kay Ava. Subalit makalipas ang dalawang taon, bigla na lamang hindi makontak ni Ava si Jinbong. At mula nga noon ay hindi na nagparamdam pa ang lalaki kay Ava. At fifteen years na nga ang nakakalipas. Nabuhayan siya ng pag-asa kaya naman nagpatuloy ang pagtangi niya kay Ava. Sinusubukan niyang mabingwit ang puso ng babae. Wala siyang balak sumuko lalo pa at wala namang ibang lalaki na nagugustuhan si Ava. Kahit pa gaano katagal, nakahanda siyang hintayin ang panahong siya na rin ang itatangi ni Ava...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD