"Okay ka lang ba, Pare? Kanina ka pa walang kibo," tanong ni Zander kay Joshua habang kasalukuyan silang romo-ronda sa bayan. "Parati namang walang kibo 'yan, ah. Hindi ka pa ba sanay?" tumatawang biro naman ni Vince. "Oo nga pala." Pumalatak pa si Zander. "Pero nakakunot-noo kasi, eh. Mukhang malapit na ngang malunod sa sobrang lalim ng iniisip." "Magtaka ka kung ngumingiti-ngiti siya habang rumoronda." Umamba ng suntok si Zander kay Vince dahil sa pambabara nito sa lahat ng sabihin niya. Natawa lang naman ang huli. Samantala, si Joshua naman ay tila walang naririnig. "Rivera," Bahagya pang tinapik ni Vince ang balikat ni Joshua para lang mapansin sila. "Ha?" nagtinginan na lamang ang dalawa dahil sa reaksyon ng binata. "Kanina pa kami salita ng salita rito pero hindi ka naman pala

