1. Prison

2312 Words
1.      Prison MATINDING HIYAWAN sa buong paligid ang maririnig. Paghalakhak, pagwawala at pag-uutos ng mga naroon na saktan pa siya nang labis. Pinunasan niya ang dugong lumalandas sa kanyang pisngi at pinilit na tumayong muli. Hindi siya maaaring mamatay nang hindi lumalaban. Kailangan niya pang mabuhay. Siya si Alluka. Burado na sa bukabolaryo niya ang sumuko sa hamon ng buhay. Pikit-mata niyang gagawin ang lahat upang mabuhay. Tanging rehas na bakal lang ang kakampi niya. Wala siyang ibang masasandigan at mapagkakatiwalaan maliban sa sarili niya. Kaya, pinipilit niyang magpakatatag sa kabila ng bawat laban. Kailangan niyang tumayo nang paulit-ulit kahit ang kapalit ay sakit. Lumpuhin man siya ng panahon ay muli't muli siyang babangon. Ikulong man sa rehas ng takot at pangamba, gagawin niya ang lahat para makawala... Napahiyaw siya sa sakit nang muling sipain sa sikmura ng kalaban. Tila nilapirot ang kanyang internal organs. Sa kabila nito ay nakabawi siya't ngumising muli. Sa ganitong paraan niya lamang maikukubli ang sakit. Sanay na siyang nasasaktan sa loob ng bilangguan, inaapi, at pinagtutulungan. Ngunit iba ang araw na ito. Ipinangako niya sa sariling lalaban kahit malagutan pa ng hininga. May tiwala siya sa kanyang abilidad. Alam ng dalaga na kaya niyang ipagtanggol ang sarili. Hindi siya makapapayag na magwawakas ang buhay niya nang hindi nalilinis ang pangalan. Kailangan niya pang makita ang kapatid na nawawala. Hindi niya inaasahan ang pagsabunot ng isa sa kanya. Iyon ang dahilan kung bakit bumalik ang isipan niya sa kasalukuyan. Halos matanggal ang kanyang anit! Napamura siya sa matinding sakit. "Ano, hindi ka lalaban? Duwag!" pangbubuska ng isang preso. Habang nasa ganoon siyang sitwasyon, naalala niya ang inang naghirap sa bago nitong asawa. Araw-araw na binubugbog at pinapahirapan. Hindi lumilipas ang buong araw na wala itong latay sa katawan. Nagsimulang mandilim ang kanyang paningin dala ng matinding galit. "Mahina!" hinawakan siya ng dalawang babae at walang-habas na pinagsusuntok sa kung saan-saang parte ng katawan. Naging paulit-ulit ang pagdaing niya dala ng matinding hirap na nararanasan. Bakit nga ba ako napunta lugar na ito? Tanong niya sa sarili. Unti-unting lumalandas sa kanyang pisngi ang luha na kanina pa gustong kumawala. Naalala niya na. Napatay niya ang kanyang amain. Ang akala niya, sa kulungan siya dadalhin ngunit nagkamali siya. May dumukot sa kanya habang binabaybay nila ang daan patungong presinto. Dinala siya sa isang lugar kung saan naroon ang mga dalagang katulad niya. Ang dahilan? Hindi niya pa rin alam. Hindi niya sinasadya ang nagawa. Ipinagtanggol niya lamang ang sarili at ang taong nag-alaga sa kanya noong panahong wala siyang maalala. Ngunit hindi parating maganda ang mundo. Minsan, ang batas ay bulag, ang pera ay may paa, at ang kapangyarihan ay may katawan. Isa lamang siyang puwing ng lipunan. Ano bang laban niya? Wala. Mas pipiliin niya pang mapunta sa impyerno kaysa dungisan ng iba ang kanyang pagkatao. Sira na ang buhay niya. Hindi na siya makakapayag na wasakin pa iyon ng iba. Iminulat niya ang kanyang mga mata. Wala ng nararamdamang sakit ang kanyang katawan. Natutunan na nitong maging manhid sa paglipas ng panahon. Animo'y isa na siyang halimaw na kayang lapain ang kung sinumang mananakit sa kanya. Lahat ng magtangkang lumapit ay gulpi ang matatamo. Tama na ang panghahamak ng lahat sa kanyang pagkatao. Pagod na pagod na siya sa ganoong senaryo. Hindi siya nabuhay sa mundo para apihin lang ng kahit sino. Nagwawala siya. Sumisigaw. Inilalabas ang mga naipong galit sa dibdib. Sinuntok niya ang isa pang lumapit sa kanya. Tinadyakan. Wala na siyang ibang naririnig sa paligid bukod sa paghihinagpis ng mga taong nasaktan niya. Gusto niyang isarado ang kanyang taynga upang hindi marinig ang pagmamakaawa ng mga ito. Nanunuot ang konsensya sa kanyang pagkatao. Ngunit kailangan niyang ipagpatuloy ang laban. Hindi siya maaaring huminto sapagkat uulitin na naman ng mga ito ang pagpapahirap sa kanya. O baka, kung hindi siya lalaban, siya naman ang mapapatay. May nagtangkang humawak sa kanyang balikat kaya hinarap niya ito. Bakas sa mukha nito ang matinding gulat. Sinipa niya ang pobreng babae sa tiyan. Tumumba ito at lumagpak ang ulo sa semento. Ipinatikim niya rin ang suntok, sabunot, at sampal na natamo niya kanina sa isa pa. "How's the taste of it?" walang emosyon niyang tanong sa mga ito. Hinila niya ang buhok ng isa pa kaya nakaladkad ang babae. Mapapatay niya ito kung hindi pa siya hihinto ngayon ngunit hindi niya na kayang pigilan pa ang sarili. Pikang-pika na siya. Patid na ang pisi ng pasensya ng kanyang pagtitimpi. Nalukob na ng pagkamuhi ang buo niyang pagkatao... Tila isang bulkan na bumubuga ng apoy ang dalaga. Walang makakatakas hangga’t hindi humuhupa ang galit niya. "Sige. Tapusin mo na iyan, Alluka!" utos ng kapwa niya preso. Ngayon naman, sa kanya kumakampi ang mga ito. Muling hinila ng isang babae ang kanyang buhok. Mula sa likod ay sinipa siya nito. Napasigaw siya sa matinding pagkayamot. Parang natanggal ang natutuklap ang kanyang anit. Inakyat ni Alluka ang rehas at tumalon pasampa sa kanyang kalaban. Habang bumabagsak ang katawan nito ay binalian niya ito ng leeg. Narinig niya pa ang paglagatok niyon. Natauhan siya sa ginawa. Ano bang iniisip niya? Alam niyang maraming pagkakasala ang babaeng iyon. Pumapatay ito ng taong walang kalaban-laban. Ngunit tama rin ba ang ginawa niya? Maling ilagay niya sa mga kamay ang batas pero kung hindi niya iyon ginawa, uunahan siya ng babae. "Pinatay mo siya?" hindi makapaniwalang tanong ng kaibigan ng kalaban niya. "Are you blind or what? Nabali ang kuko ko," simple niyang wika habang umiiling na nakatingin sa kukong bali. "Sinubukan kong magpakabait, kaso inubos niyo ang pasensya ko. Kayo ang dahilan kung bakit ako nagkaganito. Inosento ako." "Mamamatay tao ka!" pag-aakusa nito. "Why me?” nagtataka niyang tanong sa mga ito. “You unlock the cage of the devil so don't blame me. You know what? I'm not saint nor an angel, but I can be a demon. So, don't provoke me again." "A-anong ibig mong sabihin?" tanong ng isang nagrereyna-reynahan sa loob ng kulungan. Bakas ang takot sa mukha nito habang kaswal siyang nakatingin dito. Tila ang kaninang liyon ay naging tupa na... Bakit napakahirap sa taong ipaglaban ang tama? Siguro dahil kailangan ng matinding tapang ng loob upang harapin ang bawat balakid na haharang sa pupuntahan. Kapag nagkandaloko-loko na ang lahat, tila mga nabahagan na ng buntot. Ganoon ang mga kasama niya sa loob. Walang nagtangkang tumulong sa kanya. Nanonood lamang ang mga ito habang miserable siyang naghihirap sa takot na matulad sa kanya. "Your turn... what kind of burial do you want?" unti-unti siyang lumapit dito. Matagal ang naging pagsasanay niya upang maging malakas. Tiniis niya ang lahat ng paghihirap sa hawlang iyon. Inihahanda niya lamang ang sarili sa magandang pagkakataon at ito na iyon. Tapos na ang pagpapanggap niya bilang mahina. Ang nais lang naman niya ay makalaya. Hindi niya na kasalanan kung dedepensahan niya ang sarili. "I am too polite to say this but, Grim Reaper is already there and waiting for your last breath. Darling, tap the notification if you want to live." Ngayon niya napatunayang kayang gawin ng tao ang lahat upang mailigtas ang sarili.  Siya ang patunay niyon. Makalabas lang sa lugar na iyon. Makasama lang muli ang ina. Mahanap lang ang kanyang kuya... Hindi totoo ang kasabihang kung sino ang mayaman, sila ang papaburan. Sapagkat kapag pinaglaruan ka ng tadhana, wala ka ng ibang pagpipilian kung hindi ang lumaban. Katulad niya, prominente ang pamilyang kinabibilangan ngunit sa isang iglap ay narito siya. Unti-unti ng naglalaho ang mga pangarap niya para sa kanilang clan. Isa siya sa tinitingala ng lahat dati. Ngunit sa isang iglap ay narito siya sa lusak. Tinanggalan ng magandang buhay at binago ang pangalan. Kung hindi sana siya nawalan ng memorya baka hindi nagkandaletse-letse ang buhay niya. Ngayong napatay niya ang mga kasamahan ay nasisigurado niyang dalawa lamang ang kanyang kahahantungan: mabulok sa kulungan o kamatayan. Ngunit, hindi siya makakapayag. Kahit ang makipaglaro kay kamatayan ay gagawin niya, mailigtas lamang ang sarili. Naghihintay lamang siya ng pipigil sa kanya. Ayaw niya namang magmukhang namasaker ang loob ng selda. Bago pa man siya muling sumugod, isang malakas na pagpito ang kanilang narinig na kasunod ng pagputok ng baril. Napayuko ang lahat ng kababaihang preso upang protektahan ang sarili maliban sa kanya. Nagmistulang usa ang mga ito sa pagdating ng isang buwaya. "Ikaw na naman, Alluka!" sigaw ng namamaos na pinuno ng mga bantay. "Hindi ka na yata tinatalaban ng bartolina!" naglalabasan na ang ugat sa leeg nito dahil sa malakas na pagsigaw. Nakangisi lamang siya at walang pakialam. Sanay na siyang mapagbintangan sa lahat ng kaguluhan, ngunit natutuwa siya ngayon sapagkat tama na ang pag-aakusa ng mga ito. Hindi siya mangmang para hindi malamang balak siyang itumba ng mga kasama. Kung hindi siya marunong lumaban, baka patay na siya ngayon. "What's the big news, Majimbo? Ah..." kunwari siyang nag-isip. "Ako na talaga ang gumawa niyan promise. You must be proud of me," sarkastiko niyang wika. Kumukulo talaga ang dugo niya sa panot at malaking tiyan na pinuno ng sindikato. "Kung makalaya ako rito, parang gusto kitang regaluhan ng antena at pintura na kulay pink. Bagay na bagay sa iyo 'yon. Kamukhang-kamukha mo kase si Majimbo." "Ano?" galit nitong tanong. "Panot na nga, bingi pa. Saan ka pa?” Bumuntonghininga siya. “Noon bang nagpaambon ng kagwapuhan, tulog na tulog ka, Majimbo? Pero ang katangahan, sinalo mong lahat!" Halos umusok ang ilong nito sa galit. Pulang-pula rin ang mukha nito nang maintindihan ang ibig niyang sabihin. Sige lang. I know what you are doing. Nakikipagsabwatan ka sa kanila. Tignan lang natin kung hanggang saan ang pisi ng pasensya mo. "I find it boring inside the cage of an animal like you. So, I was playing, Majimbo. Is it bad?" inosente niyang tanong dito habang nakatingin sa kukong nabali. Ngumisi ito na sinundan ng magkakasunod na halakhak. Kinabahan siya nang sumenyas ito sa mga tauhan. Nagsilapit ang mga galamay ng pinuno at hinawakan siya upang hindi makapalag. Nandiri siya sa sunod na ginagawa ng pinuno sa kanya. Pinilit niyang magpumiglas ngunit hindi niya kaya. Masyadong marami ang nakahawak sa kanya. Naubos na rin ang lakas niya sa pakikipaglaban. "Maganda ka, alam mo ba?" inaamoy-amoy nito ang kanyang buhok. "Manyak!" kinikilabutan siya. "Makinis," ipinapasok nito ang kamay sa kanyang panloob na damit. Napapikit siya dala ng matinding takot. Kulang na lang ay banggitin niya ang lahat ng Santo nang mga sandaling iyon. Ngunit ang makasalanan bang katulad niya ay may karapatang magdasal? Alam niyang walang makikinig sa kanya. Walang tutulong sa maliban sa sarili niya. Nararamdaman niya ang matinding galit na unti-unti na namang kumakawala. "May pinagmamalaking hubog ng katawan—" bago pa man nito mahawakan ang kanyang dibdib ay iniuntog niya na ang kanyang ulo sa ilong nito. "Don't you dare to touch me again. Assh*le!" nagawang makawala ng kanyang kaliwang kamay kaya mabilis niyang nakuha ang kutsilyo sa kanyang bulsa at itinusok niya sa hita ng isang pulis na nasa kaliwa niya. Napadaing ito sa matinding sakit at paulit-ulit siyang minumura. Mabilis niyang naagaw ang baril sa isa pang lalaki. I'm done playing with your old tactics! I'm not Alluka Naraja for no reason... "Sige. Lumapit kayong mga hayop kayo! I warned you, right? But you didn't hear me!" Sinubukang lumapit ng isa pa. Itinutok niya ang baril at walang pagdadalawang-isip na ipinutok iyon sa semento. "Bullsh*t deaf idiot!" Minasahe niya ang kanyang sentido habang tumatawa. Pinapasakit ng mga ito ang ulo niya. "Nakakatanga kayo, alam niyo iyon?" seryoso niyang tanong, ngunit kasabay ng pagngiting iyon ang panlalabo ng kanyang paningin dahil sa luhang unti-unting pumapatak nang lumingon siya sa kanyang kanan. "Mama..." naguguluhan niyang saad. Anong ginagawa ng mama niya rito? Hindi siya maaaring magkamali sa kanyang nakikita... Ngunit nagulat siya sa sunod na ginawa ng mga lalaking nakaitim. Biglaan itong sumulpot sa likuran ng mama niya. Kapwa tinutukan ng mga ito ang ulo ng kanyang nanay at ibinaba papunta naman sa dibdib. "Anak, mag-iingat ka! Huwag mong intindihin si mama. Huwag kang papatalo—lumaban ka!" "Ma?" "Mahal na mahal kita..." "M-ma..." nanlalaki ang kanyang mata sa gulat nang barilin ito. Napatakbo siya sa direksyon ng kanyang ina ngunit pinigilan siya ng mga naroon. Nagmukha siyang batang papasok sa unang araw ng eskwela na ayaw mawalay sa piling ng ina. "Mama!" patuloy sa pag-agos ang kanyang mga luha nang makita ang paglabas ng dugo sa bibig ng kanyang ina. Napaluhod ito sa semento at hinawakan ang dibdib na nabaril. "Get off!" Pinagsisipa niya ang mga lalaking nakaitim ngunit walang talab. Mahigpit ang pagkakahawak ng mga ito sa kanya. Ngumiti ang babaeng kumupkop at nag-aruga sa kanya. Hindi niya man ito tunay na ina ngunit dama niya ang pagmamahal nito sa kanya. Ito ang naroon noong wala siyang maalala at naghahanap ng kalinga sa iba. "Anak..." "Mama!" galit na galit siya at patuloy sa pagpupumiglas upang makawala. Pinagsisipa niya rin ang hadlang na rehas upang mayakap niya ang ina matapos bitawan ng mga lalaki. Ang taong pinakamamahal niya ay wala na, kinitil ang buhay nito sa harapan niya. Gusto niya mang alisin sa memorya niya ang itsura ng ina na naliligo sa sariling dugo ngunit hindi niya alam kung paano sapagkat tila ibinaon na iyon at iminarka roon. Nakadilat ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Ang kanang kamay ay pilit inaabot sa kanya... Nanlalamig ang buo niyang katawan. Ang puso ay napakabilis sa pagpintig. Naestatwa siya kinalalagyan habang walang tigil sa pagragasa ang mga luha. Kasabay ng matinding galit niya at paghihinagpis ay siya namang pagbaon ng isang tranquilizer sa kanyang leeg. Unti-unti niyang nararamdaman ang pagkahilo. "Mama..." kahit nahihirapan ay ginapang niya ang sahig upang mas makalapit sa ina. Tila napakaraming palaso ang tumatama sa kanyang dibdib. Ang pinaka-masaklap sa lahat ay wala siyang magawa. Nang mahawakan niya ang kamay nito ay unti-unting bumibigat ang talukap ng kanyang mata. Nakatitig lamang siya sa ina hanggang sa mawalan ng malay...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD