“STACY…!” Napalingon siya sa tumawag sa kanya at nakita si Francisca o Iska kung tawagin nila na papalapit sa kanya sakay ng kabayo.
Tumigil siya sa pagpapakain ng hayop at nagpunas ng kamay.
“May problema ba?” tanong niya.
“Wala naman. Itatanong ko lang kung anong nangyari sa dinner niyo kagabi? Balita ko nagalit si Kuya Lauro,” anito na ang tinutukoy ay ang Papa niya. Si Iska ang katiwala nila sa farm kasama ang asawa nito. Matanda ito ng sampung taon sa kanya.
“Gano’n pa rin. Pero this time nagsalita na ang Papa.”
“That’s good for you. Sa wakas ay titigilan ka na ng pakialamera s***h inggetera mong mga kamag-anak,” anito.
“I wish! Next weekend hindi na nga ako magpapakita sa family dinner. Sa inyo na lang ako pupunta,” aniya.
“Kung gano’n ipagluluto kita ng paborito mong kaldereta na maraming patatas. Pero may kapalit…” Nakangising turan nito.
Bahagya siyang natawa. “At ano naman ‘yon?”
“Bantayan mo si Chino, please? Kailangan namin ni Gino ng “us” time.” Sumenyas pa ito ng quote sign. “Alam mo naman kapag may anak na parang ang hirap-hirap ng magkaroon ng oras para sa isa’t isa—”
“Alam ko? Paano ko malalaman? Mukha bang may anak na ‘ko?” Marahan niya itong tinapik sa braso at nameywang. “Curvy lang ako pero wala pa akong anak ‘no? Ni wala ngang boyfriend!”
Humagalpak naman ng tawa si Iska at ginantihan siya ng tapik. “Sorry, sorry. Hindi naman literal ang ibig kong sabihin. Pero basta kailangan ko ng bebe time. Sa AniLag lang naman kami pupunta. Mga two hours lang kaming mawawala,” anito.
Ang tinutukoy nitong AniLag ay ang festival na ginaganap sa bayan ng Santa Cruz. Ipinagdiriwang ito tuwing Marso para sa masaganang ani.
“Hindi ba unang araw palang naman? Anong papanoorin niyo do’n?” tanong niya.
“Parada ng mga arko. Alam mong taon-taon kong inaabangan ‘yon. Isa pa, katulong si Gino sa paggawa ng arko natin. Gusto kong makita kung maganda ang arko ng Magdalena at kung mananalo na ba tayo ngayong taon,”
“Okay. Goodluck!” Nagkibit siya ng balikat.
“Ikaw, bakit hindi ka pumupunta?” Usisa nito. Naglalakad na sila dahil ibinalik na nito ang kabayo sa kwadra.
“Wala naman akong kasama, ‘no? Alangan naman maging third wheel ako sa inyo.” Seryosong saad niya. Dati ay palagi siyang nasa festival kasama si Renz pero nang maghiwalay sila ay para bang nawalan na siya ng gana.
Hindi na nagsalita si Iska marahil ay napagtanto nito kung ano ang tunay niyang dahilan.
“O, ANAK, nandiyan ka na pala.” Napatigil si Stacy sa unang baitang ng hagdan nang marinig ang boses ng ama.
“Bakit ho, Papa?”
“May gusto sana akong sabihin sa ‘yo. Maaari ka bang makausap sandali?” Lumapit siya sa kinauupoan nito sa living room.
“May problema po ba?” tanong niya at naupo sa kaibayong silya.
Umiling ito at hinubad ang reading glass. “Wala, wala. Maaari ka bang magtungo bukas sa airport at sunduin ang bisita natin?”
Kumunot ang noo niya. “Sino hong bisita? May darating ho ba tayong kamag-anak?”
Ngumiti ang Papa niya. “Darating si Gerard, iyong kababata mo. Natatandaan mo pa ba iyong laging sumusundo sa iyo sa paaralan?”
“Gerard?” Banggit niya sa pangalan habang nakakunot pa rin ang noo. Inaalala niya kung sino ang tinutukoy nito. “Parang natatandaan ko ho siya pero hindi ang itsura niya,”
“Bueno, makikita mo rin siya bukas. Magdala ka lang ng welcome banner para makita ka niya,” anito at itinuloy na ang pagbabasa ng aklat.
Kinabukasan ng hapon ay naghanda na si Stacy para sunduin ang bisita nila. Halos apat na oras din ang biyahe patungo sa NAIA kaya kailangang agahan niya ang alis ng farm.
Akala niya ay masasamahan siya ni Gino pero nagkaroon ito ng biglaang lakad kaya siya na lang mag-isa ang bi-biyahe. Muntik pa siyang ma-stuck sa loob ng closet dahil sa tagal niyang pumili ng masusuot. Halos labinlimang taon silang hindi nagkita ni Gerard. Ni hindi na niya tanda ang hitsura nito kaya dapat lang na maging presentable siya at ma-impress ito.
Sa huli ay isang floral maxi dress na pinatungan ng maong na jacket na lang ang isinuot niya. Habang ang mahaba at alon-alon niyang buhok ay tinalian niya ng pulang laso. Naglagay lang siya ng manipis na makeup at lipstick saka siya lumabas ng villa.
“Aba, posturang-postura ka a! Saan ka pupunta?” nakakalokong tanong ni Iska na kasalukuyang nagbababa ng mga inaning gulay.
“Ipinapasundo ko ‘yong kababata niya sa airport. Magbabakasyon ‘yon dito. Magkikita na sila pagkatapos ng maraming taon,” sabat ng Papa niya na lumabas mula sa likod ng truck at may dala ring gulay. Malakas pa rin ito sa kabila ng edad nito na limampu’t lima.
“Single ba ‘yon, Kuya? Baka siya na ang hinihintay ni Stacy,” si Iska pa rin na nakangisi.
“Aba’y nakalimutan kong sabihin single pa ‘yon, anak,” tatawa-tawa ring sagot ng ama.
“Hindi kayo sigurado, ano? Nakatira ‘yon sa States kung saan liberated ang mga babae,” napapailing na katuwiran niya. Wala pa man ang bisita ay binubuska na siya ng mga ito. Paano pa kaya kung naroon na?
“Hija, sigurado ka bang hindi ka na magdadala ng pagkain? Baka magutom ka sa biyahe?” tanong ni Marina, ang ina niya.
“Hindi na ho, Ma. Marami naman kaming madadaanang kainan. Titigil na lang ho kami kapag nagutom kami. Salamat po,” aniya.
“O, siya, mag-iingat ka sa pagmamaneho ha? Sigurado ka bang kaya mong magmaneho?”
Inakbayan niya ang ina. “Opo, Ma. ‘Wag na ho kayo mag-alala sa ‘kin. Tatawagan ko ho kayo kapag nasa airport na ‘ko.”
“Hanggang ngayon ba ay nag-aalala ka pa rin sa anak natin, Marina? Aba’y matanda na ‘yan. Isa pa’y ilang beses na ‘yang pabalik-balik ng Maynila. Alam na niya ang pasikot-sikot doon,” wika ng Papa niya na umakbay sa kanilang dalawa.
“Tama si Papa, Ma. Kaya siguro hindi ako makapag-asawa kasi masyado niyo ‘kong bini-baby,” biro niya.
“I’m sorry. Alam mo naman na nag-iisa ka lang na anak namin hindi ba?” tugon ng ina.
“I know, Ma. Sige na po, aalis na ako para hindi ako maipit sa traffic.” Hinalikan niya ang mga ito sa pisngi at lumulan na siya ng sasakyan.
Kumaway pa siya sa mga ito bago siya tuluyang umalis.