Chapter 3: Tonio

1773 Words
CAMILLA Amoy usok na naman ang club. Ilang beses ko nang hinabilinan ang mga guwardiya na tigilan nila ang pagyoyosi sa loob hangga’t hindi pa dumarating ang mga customers. Maaga akong pumasok dito at ibinaon ko na lang ang hapunan ko para maiwan ko kaagad ang mag-nobyo sa apartment. Hindi ko nagugustuhan ang ipinapahiwatig ni Roger sa akin. Ayokong masira kay Violet, kaya iilagan ko na lang siya. “Kuya Vic. Diba sabi ko sa inyo huwag muna kayong mag-yosi sa loob kapag nakasara ang club? Ang kulit n’yo naman eh.” Reklamo ko. Kaagad namang nagdahilan ang tagabantay namin at itinuro ang paparating na lalaki. “Hindi ako, ah. Si Tonio.” Nakangisi niyang tugon sa akin. Nagulat si Tonio, ang pinakabata naming bouncer sa club. Napatingin siya sa akin at yumuko ng pagbati. Hindi naman ako nakakibo kahit na alam kong nagsisinungaling si Kuya Vic sa akin. Tahimik si Tonio kapag kami ang kanyang kaharap. Pero magiliw itong sumagot sa mga costumers, lalo na sa mga babae. Pantasya rin siya ng mga G.R.O. dahil sa kanyang aking kagwapuhan at kakisigan. Malinis ang gupit, parating mabango at napakaamo ng hitsura. Ang sabi ng mga nakakatandang trabahador ay kamukha raw niya si Aga Muhlach noong kabataan niya, kayumangging bersyon nga lang. Kaya naman isa siya sa mga dahilan kung bakit ang dami naming mga kolehiyalang mga manginginom dito. Pinagkakaguluhan siya ng mga maykayang mga babaeng estudyante bago sumapit ang kababalaghan sa dance floor tuwing sasapit ang hatinggabi. Probinsiyano siya kagaya ko. Kung galing ako ng La Union, siya naman ay sa Surigao. Ang balita sa club ay namasukan siyang isang factory worker sa Clark pero nakaaway niya ang kanyang bisor kaya natanggal sa trabaho. Gusto ko mang paniwalaan ang tsismis na ito, mahirap itong lunukin sapagkat mabibilang mo kung ilang beses lang itong magsalita sa buong magdamag. Kahit na may kalakihan ang katawan niya, alam kong hindi niya kayang makipag-away ng walang dahilan. “M-Maaga ka yata ngayon…?” Bati ko sa kanya nang magkasalubong kami sa silid-pahingahan ng mga trabahador. Tumango ito at parang nag-isip ng maisasagot. “O-Oo. Wala akong magawa sa bahay.” Tugon nito ng may punto pa ng pagka-Cebuano. Wala na akong maisip pang idugtong sa usapan namin kaya naglakad na lang ako pabalik sa loob ng club. “Camilla.” Tawag niya sa akin. Muli ko siyang nilingon. Mabilis namang bumaba papunta sa sahig ang kanyang mga mata at humawak sa batok. “May gagawin ka ba mam—” “Camilla! Nandiyan na si Ma’am Lerma!” Sigaw ni Kuya Vic. Hinintay ko siyang magsalita pero tila naduwag itong ituloy ang nais niyang sabihin. Sa halip ay itinuro na lang niya ang daan papunta sa loob ng bar. Tumango na lang ako at binuksan naman niya ang cabinet niya. “Magandang hapon po, Ma’am!” Nagagalak kong bati sa aming amo. “Oh, Camilla! Ang aga mo yata!” Nakangiting sagot niya sa akin ng may paghaplos pa sa aking buhok. “Eh, gusto ko po sanang linisin muna itong counter bago magbukas ang bar.” Sagot ko. “Ang sipag mo talagang bata ka. Ang swerte ko sayo. Actually, dumaan lang ako para dalhan kayo ng pansit. Bumili kasi ako ng isang bilao para sa lahat. Pagsaluhan n’yo mamaya bago kayo magbukas, ha?” “Opo, Ma’am. Maraming salamat po.” “Ikaw na ang bahala sa kita. Pagkasara niyo ng bar, kuwentasin mo ang mga pera at resibo. Dapat ay balanse ang mga ito, ha?” “Opo, Ma’am.” “Ikaw na ang magbilang. Pumapalya minsan si Kikay.” Si Kikay ay ang kasalitan kong kahera na tibo. Tinawag siyang Kikay ng mga taga-rito kahit na mas brusko pa ito kaysa kay Kuya Vic. “Pagkatapos, ilagay mo sa vault. Alam mo na ang gagawin.” Mariing habilin ni Ma’am Lerma. Tumango ako ng nakangiti. “Oh, siya— Hi, Tonio!” Bati niya sa aming bouncer at nawala siya bigla sa kanyang sinasabi nang masilayan niya si Tonio. “Magandang hapon po, Ma’am.” Magalang na sagot ng binata sa kanya. Tinitigan siya ng malagkit ni Ma’am Lerma. Ewan ko pero nakaramdam ako ng selos kaya pinutol ko na ang kaharutan ng aking amo bago pa ito mauwi sa ayokong mangyari. “Opo, Ma’am. Ilalagay ko po sa vault.” Usal ko. Nagulat si Ma’am Lerma at napatawa ng may pagkadismaya. “Oo nga. Aalis na ako. Bahala ka na, ha? Bye, Tonio!” Sambit niyo at lumabas ulit ng bar. Nagkatinginan kami ni Tonio pagkatapos. Kinilatis ko kung ano ang naramdaman niya nang subukan siyang landiin ng aming pinuno. Tumagilid lang ang kanyang mga mata at tumango, pagkatapos ay muling bumalik sa likod ng bar. --- Pinagmamasdan ko si Tonio habang kausap ang mga babaeng sa tingin ko ay ka-edaran ko lamang. Alas-siyete pa lang ng gabi ay nandito na sila at nag-iinuman. “Martes pa lang, ah. Parang walang pasok bukas.” Pagmumukmok kong bulong sa sarili. Manaka-naka kong sinusulyapan si Tonio kada paglipas ng limang minuto. Naka-suot siya ng vest na gray na nakapatong sa puti niyang sando. Magkahawak ang kanyang mga kamay sa kanyang harapan habang ang haliparot na kumakausap sa kanya ay hinihimas ang kanyang makapal na braso. Wala namang ibang reaksyon si Tonio kundi ang ngitian at kausapin ng maayos ang babae. Pero nagmamaktol ang damdamin ko sa hindi malamang dahilan. “Hindi naman siya waiter pero siya ang kumakausap sa mga iyon. Eh kung bumalik na lang kaya siya sa puwesto niya, ano? Isumbong ko kaya siya kay Ma’am Lerma…” Kausap ko sa sarili ko habang padabog akong nagtutupi ng tissue sa isang mesa. “Camilla.” Tawag sa akin ng tagapagluto. “Po.” Tugon ko. “Sisig. Table six.” Utos sa akin. Tumayo ako at lumapit sa malaking butas ng kusina. Hinila ko ang laylayan ng aking blouse dahil lumilitaw ang aking balakang. Kinuha ko ang umuusok pang putahe at nilapag ko ng may paggalang ang order ng mga kalalakihan sa mesa. Nagpasalamat muna ako bago ko sila iniwan. Napatalon ako ng bahagya sa gulat nang pasadahan ng kamay ng isang lalaki ang aking hita. Tumingin ako sa kanya. Umiwas siya ng tingin sa akin. “Ganda. Pakilinis mo nga itong table namin at nagmamantika.” Utos sa akin ng isa pang lalaki sa table. Tumango ako at sinunod ang kanilang kahilingan. Nag-spray ako ng tubig sa kanyang harapan at pinunasan ito. Umusog ako ng kaunti sa table para abutin ang parteng may lagkit. Muli na naman akong tsinansingan ng lalaki. Hinimas niya ang pisngi ng aking puwitan at pinisil pa ito. Tumigil ako sa pagpupunas at muling sumulyap sa kanya. “Sir. Pasensya na po pero bawal po ‘yun.” Malumanay kong paalala sa kanya. “Ang alin? Ito?” Tugon niya at isinilid niya ang kanyang kamay sa pagitan ng aking mga hita. Hinaplos niya ang aking binti pataas hanggang sa maabot niya ang aking nakaumbok kong b****a sa pantalon. Kinilabutan ang buo kong katawan. “Sir!” Medyo garalgal at mataas na boses kong saway sa kanya. Nagtawanan ang kanyang mga barkada. “Huwag ka nang umarte! Sa t*ti rin naman namin ang bagsak mo. Pumayag ka na. Mas malaki pa ang kikitain mo.” Pambabastos niya sa akin ng may paghimas sa aking zipper. Namula ang pisngi ko sa galit. Gusto ko siyang sampalin ngunit iniisip ko ang aking estado sa trabaho. Pinilit kong kumawala sa pagkakasukbit ng kanyang kamay sa aking hita. Tumayo ang lalaki at itinutok niya sa aking mukha ang bibig niyang amoy alak. Hinampas niya ang mesa at ang kasunod ay kumapit siya sa aking pulsuhan. “Pakipot ka pa! Ilapag mo na! May 500 ka sa akin mamaya!” “Siiir!” Sigaw ko. Iwinasiwas ng lalaki ang aking braso at hindi ko nakontrol ang kilos ng aking manipis na katawan. Takot na takot ako sa kanya. Akmang hahalikan niya ako nang biglang may sumulpot na lalaki sa aking likuran at sinakmal ang baba ng nambabastos sa akin. “Nakikiusap ako, Sir. Bitawan mo siya. Kahera namin siya, hindi entertainer.” Pakiusap ni Tonio sa lasing na lalaki na may halong tono ng pagbabanta. “Gago ka pala eh!” Sigaw ng lalaki. Hinagis ako ng nambastos sa akin at napahandusay ako sa sahig. Lumipad ang kamao nito papunta sa mukha ni Tonio pero mabilis na nakaiwas ang aming bouncer. Sinikmuraan niya ang lalaki at nanguyukot ito sa semento. Tumayo ang tatlo pa niyang kasama at pinagtulungan ang aming bouncer. --- “A-Ah!” Angal ni Tonio. Nilalagyan ko ng alcohol ang sugat na tinamo niya sa kanyang labi. “Hindi ka na dapat tumulong. Kaya ko namang lusutan iyon.” Mutawi ko. Nilunok niya ang laway niya at nakita ko ang pagkilos ng kanyang lalagukan. Hindi siya makatingin sa akin dahil iilang dangkal lang ang pagitan ng aming mga mukha. “Nangati kasi ang kamao ko. W-Walang puwedeng manakit sayo…” Halos pabulong niyang sagot sa akin. Umurong bigla ang kanyang mukha nang madampian ko ng bulak na may alcohol ang kanyang sugat. Napahawak siya sa aking kamay, pero mabilis niya din itong binawi sa hiya. “Alam mo namang puhunan ng bar ang mukha mo. Dumadami ang mga costumer nating mga dalaga dahil sayo, kuya.” Napalingon siya sa akin at naturo ang sarili. “K-Kuya?” Iritableng tanong niya. Mukhang hindi niya ata nagustuhan ang itinawag ko sa kanya. Huminga ako ng malalim. Inawat ko ang kanyang kamay at ibinaba ito. Pagkatapos ay muli akong lumapit sa kanya para alisin ang namuong dugo sa kanyang labi. Nang lapitan ko siya ay bigla siyang tumingala sa bubong ng bar. “Oh, ano na naman?” Tanong ko. Suminghap siya at binuksan niya ang kanyang mga labi. Hinintay ko kung ano ang sasabihin niya pero hindi niya magawang makapagbitaw ng kahit isang salita. Ang tanging nagawa lang niya ay hawakan ng maingat ang kuwelyo ng blusa ko at inangat pataas. Napaurong ako. Hindi ko namalayan na dumudungaw na pala ang guhit ng malulusog kong dibdib sa aking damit at nakatutok ito sa mga mata niya. Tinakpan ko ang aking dibdib at ako naman ang namula sa hiya. ‘Yan tuloy at nag-alinlangan akong ituloy ang aking panggagamot sa kanyang sugat. “Violet?” Bigla niyang sambit. Nagulat ako. Sinundan ko ang mga mata ni Tonio na nakatingin sa bandang likuran ko. Bumalikwas ako at nakita ko si Violet na nagyoyosi sa medyo madilim na parte ng gilid ng bar. Lumabas ako ng pintuan kanina at dumaan doon pero hindi siya nahagip ng aking mga mata. “A-Ate?” Tawag ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD