LIBRA AMOR
PANIMULA
“Ako ay ikaw, Ikaw ay ako pero kailanman ay hinding hindi tayo magiging magkapareho…”
Bata pa lang ako, hilig na ni Papa ang magkwento. Siguro ‘yon din ang dahilan kung bakit nalapit ang loob ko sa pagsusulat at pagbabasa ng mga piksyon na libro. Sa dami na nang naikwento niya sa akin, isang kwento lang ang nananatiling sariwa sa alaala ko. Kahit lumipas man ang maraming taon, malinaw pa rin sa isip ko ang kwento tungkol sa Asul na Buwan, kasing linaw nang nangyari labing tatlong taon na ang nakararaan.
---
January 7, 2008
MALALIM na ang gabi. Wala na halos tao at sasakyan na dumaraan. Ilang oras na lang din ay malapit nang matapos ang kaarawan ko. Wala akong ibang napapansin nang gabing ‘yon kundi ang perpektong hugis ng buwan pero wala ni isang bituin sa langit. Manghang mangha ako sa pagkinang at pagkukulay asul nito. 'Yon ang unang beses na makita ko ang buwan sa ganoong anyo sa tinagal tagal kong pagtanaw dito kaya hindi maalis ang pagkakatitig ko. Matagal ko ring hinintay at hiniling ang pagkakataon na 'yon. Ang isa sa pinakamasaya at paboritong gabi ng buhay ko.
“Libra, anak.”
Nakangiti kong tiningnan si Papa habang hawak hawak nang mahigpit ang kamay ko. Hindi ko na namalayan na tumigil na pala kami sa paglalakad. Nang ilibot ko ang paningin ko, kaming dalawa lang ang magkasama sa isang tulay.
“Masaya ka ba ngayon?”
Muli ko siyang tiningnan at nakangiting tumango bilang pagsang-ayon.
“Papa, natupad na po ang hiling ko na makita ang asul na buwan kaya sobrang saya ko po ngayon! Kailan po ba ako bibisitahin ng diwata ng mga stories sa book?” nasasabik na saad ko.
"Gusto mo ba ulit makarinig ng kwento mula kay Papa?" saad niya at lumuhod para makapantay ako.
"Umh!" masayang tango ko.
"Pero bago magkwento si Papa, kailangan mo munang magpromise sa tatlong sasabihin ni Papa, okay?"
"Umh!"
"Una, promise mo na kahit anong mangyari ay aalagaan mo sina Mama't bunso, okay ba?"
"Promise!Cross my heart!" seryosong sabi ko.
"Be a good girl, okay? 'Wag magiging pasaway."
"Umh!"
Ngumiti siya saka ginulo ang buhok ko.
"Pangalawa, promise mo kay Papa na ito na ang huling gabi na babanggitin mo ang tungkol sa asul na buwan."
"But why?!" agarang tutol ko sa sinabi niya.
"Dahil walang magandang maidudulot sa 'yo ang asul na buwan."
"But why?! Hindi po ba kayo masaya na natupad ang wish ko?"
"I am... Balang araw maiintindihan mo rin kung bakit. Just promise me, Libra, okay?"
"I... I don't know..."
"Promise me." seryosong sabi niya habang nakatitig sa mga mata ko.
"Pero Papa..."
"Promise me."
"I... Promise..." labag sa loob na pagsang-ayon ko.
Muli siyang ngumiti at ginulo ang buhok ko.
"The last one..."
Sandaling tumahimik ang paligid at hinawakan niya nang mahigpit ang kanang kamay ko.
"Simula ngayon, hindi ka na magsusulat at magbabasa ng mga piksyon na libro."
Doon gumuho ang mundo ko.
"No!" buong sigaw na pagtutol ko at lumayo sa kaniya.
"Libra..."
"Nooooo!" buong loob na sigaw ko sa kaniya.
"Papa! No! Ayoko!" naiiyak kong saad.
Paulit ulit akong umiling at naramdaman ko na lang ang pagtulo ng luha ko. Handa kong kalimutan ang asul na buwan pero hindi ang pagsusulat. Parte na ng buhay ko ang pagsusulat na kapag itinigil ko ay para na rin akong nawalan ng hininga.
Niyakap niya 'ko nang mahigpit at pinatigil sa pag-iyak.
"Shhh... tahan na. Nagkamali si Papa. Shhh..."
"Papa... ayoko..."
"Okay okay. Hindi na."
Humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin saka pinunasan ang mukha ko.
"'Wag nang umiyak, okay?" nakangiting sabi niya.
"Close your eyes."
"Why?"
Hinawakan niya ang balikat ko saka pinatalikod sa kaniya.
"'Wag kang didilat hangga’t ‘di sinasabi ni Papa, okay?”
Nagtataka akong tumango at agad ipinikit ang mga mata ko. Naramdaman ko ang paglayo niya sa akin. Dumaan ang ilang segundo at minuto nang mapadilat ako nang marinig ang pagtawag sa akin ni Mama. Puno ng pag-aalala ang mukha niya at agad akong niyakap nang mahigpit nang makalapit sa akin. Sa gitna ng pag-aalala niya ay ang paglibot ng tingin ko kung nasaan si Papa pero hindi ko na siya nakita.
Matapos ang gabing ‘yon, maraming nagbago. Isang linggong walang malay si Papa sa ospital at nang magising siya, bigla na lang siyang nagbago. Ang dating masaya at kumpletong pamilya ay bigla na lang nawala na parang isang bula kasabay ng pagkasira ng lahat ng mga pangarap ko.
All Rights Reserved
little_hand
@2021
Ang istoryang ito ay kathang-isip lamang hango sa imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakapareho sa pangalan, bagay, lugar at pangyayari ay hindi sinasadya.