“Kung iisipin mo dapat sawa na ang mga tao sa mga paulit-ulit na love songs ano?” tanong ko kay Orion.
Napatawa ng mahina ang katabi kong multo at tumingin sa kaniyang paligid bago umiling. “Sa nakikita ko, mukha namang hindi, Astra”.
“Hindi ko ba alam kung saan mas nai-in love ang tao. Sa kanta o doon sa kumakanta?” magkahalong inis at taka kong balik tanong sa aking katabi.
Nagkibit balikat naman si Orion at tumayo sa harap ko at pilit inayos ang kaniyang basang buhok at ngumiti sa akin. “Ano namang mali? Ang mahalaga nagmamahal sila diba?”
“Hindi ko gets. Uuwi na ako,” paalam ko sa kaniya.
Tumango naman siya at sumunod sa akin nang nagsimula na akong maglakad papauwi.
“Tayo na ba, Astra?” pasimpleng tanong ni Orion nang makarating na kami sa gate ng aking bahay.
Napatawa naman ako at umiling, “Siyempre, hindi. Sige, una na ako,” sabi ko sabay lakad papalayo sa kaniya.
“Mamayang gabi ulit, Astra,” tahimik niyang paalam at paglingon ko ay wala na siya sa aking likuran.
Sa gulat ko ay sa halip na kilabutan ako sa bigla niyang pagkawala, napangiti pa ako at napatingin sa papalubog na araw.
I’m starting to get used to him.
-0-
“Ang ganda naman dito, Orion,” masaya kong sabi sa lalaking nakatayo sa gilid ng puno kung saan nakasabit ang duyan na aking inuupuan ngayon.
Nasa taas kami ng burol sa likod ng chapel kung saan may nakatanim na malaking puno ng narra at may isang duyan sa sanga nito na nakatapat sa papalubog na araw.
Kumindat siya sa akin, “Oo naman. Pero syempre, mas maganda ka pa rin, Astra,” nakangising sagot niya.
Napatawa na lang ako at nagsimula ko nang iduyan ang sarili ko at naramdaman kong hinihipan ng hangin ang aking katawan habang parang papalapit ako sa araw na kulay kahel na ngayon.
“Paborito ding lugar ito ng best friend ko. Lagi kaming tumatambay dito dati at nagkukwentuhan,” nakangiting sabi ni Astra habang nakatingin sa akin.
“Nasaan na ba ang best friend mo na iyan? Bakit hindi mo multuhin?” biro ko sa kaniya.
Tumawa naman nang malakas si Orion at tumango, “Minumulto ko na nga siya kaso parang hindi siya nakakaramdam man lang,” napapailing na tugon niya sa akin.
Napatigil ako sa pagduyan at kita ko sa kaniyang mga mata na malungkot na malungkot siya kahit natawa siya.
“Wag kang susuko Orion. Kaya ba hindi ka maka-move on kasi hindi ka pa napapansin ng best friend mo?”
Tumango siya sabay tingin sa araw, “Oo Astra. Pero hindi ako susuko,” determinado niyang sagot.
“Mabuti ‘yan,” nakangiti kong sabi sabay tayo.
“Parang sa iyo, Astra. Hindi din ako susuko hanggat hindi nagiging tayo,” singit niyang sabi sa akin.
Sa halip na mainis ay natatawa na lang ako sa kakulitan niya at umiling ako, “Tigilan mo nga ako Orion. Humanap ka ng babaeng multo at ‘yon ang ligawan mo. ‘Wag ako, may balak pa akong magtagal sa mundong ito,” sabi ko sa kaniya.
Napailing lang siya sa akin. “Tigas talaga ng ulo”.
Pinagtaasan ko na lang siya ng kilay bago mabilis na tumakbo pababa ng burol.
Sa laking gulat ko ay nakita ko na lang siya na nag-aabang sa akin sa ibaba habang pilyong nakangisi, “May advantages din ang pagiging multo.”
“Che!”
-0-
Kinabukasan ay lumabas kami ulit ng multo kong manliligaw.
This time sa beach naman niya ako dinala.
There is something nostalgic about it. Kung malinaw lang sana ang memorya ko sana naalala ko na kung ano iyon. Pero these past few months, parang ang dami ko nang nakakalimutan. Marahil ay dahil sa aking problema.
“Paano ka namatay, Orion?”
Napatigil siya sa paglalakad at dahan-dahang itinuro ang dagat. “Lumubog ang barko na sinasakyan namin ng best friend ko. Tumalon ako sa dagat pero nalunod ako,” malungkot niyang sabi.
“Orion...”
Umiling siya at pilit na ngumiti sa akin, “Alam mo ba na may mga nakapagsabi sa akin na katulad kong patay na totoo ‘yong lugar kung saan hindi ka na daw maghihirap pa. Walang nasa taas o nasa ibaba, lahat pantay pantay. Hindi ka malulungkot o iiyak kahit kailan.”
“Totoo kaya ang lugar na iyon? Parang Paraiso, ‘di ba?” tugon ko sa kaniya at sabay kaming napatingin sa malawak na dagat.
“Oo. Pero ang tanong, gaano katagal akong maghihintay bago makarating doon? Totoo ba iyon o isang pangarap lang?” natatawa niyang tanong na parang natatangahan siya sa sarili niya.
Nagkibit balikat ako at huminga nang malalim. “Sinong may alam?” mahina kong balik tanong sa kaniya.
“Mahal kita, Astra. Sana mahalin mo din ako. Kahit ganito ang kinahinatnan ko, sana malaman mo na hindi ako tumigil mahalin ka. Bago pa maubos ang oras natin magkasama sana masuklian mo ang pag-ibig ko sa’yo,” malinaw niyang sabi habang nagsusumamo ang kanyang mga mata sa akin.
For the first time since we met, nakaramdam ako ng kakaiba. Bumilis ang t***k ng puso ko at kung dati ay alam na alam ko isasagot ngayon ay parang na blangko na ang utak ko.
Habang nakatingin ako sa kaniya na nakatayo sa buhangin at dinig ang hampas ng alon sa dalampasigan ay parang may kung anong pilit na kumukurot sa aking puso na hindi ko maipaliwanag.
Tumalikod ako sa kaniya at pilit hinanap ang boses kong biglang nawala, “U-uwi na ako, Orion,” paalam ko sa kaniya.
Pumatak ang aking mga luha.
Naalala ko sina Mama at Papa. Ang pangako nila na mamahalin nila ako lagi. Na walang iwanan.
Pero nauwi din sa lahat ang kanilang mga pangakong parang isinulat sa buhangin sa dalampasigan at dahan-dahang binubura ng alon ng panahon.
Ngayon meron na namang isang tao na nagsabing mahal nila ako. Pero bakit pakiramdam ko mauuwi din sa wala ang kaniyang mga binibitawang pangako?
“Tama na iyang pag-iyak mo, Astra,” malumanay niyang alo sa akin.
Nakatalikod ako sa kaniya pero ramdam ko ang sinseridad ni Orion.
“Kahit pakiramdam mo ay nag-iisa ka, nandito naman lagi ako. Hindi kita iiwan. Hanggang sa huling sandali ng oras ko dito sa mundong ito na walang ginawa kundi iparamdam sa iyo na hindi ka na nababagay dito. Nandito naman lagi ako. Mahal na mahal kita, Astra...”
“Orion?” mahina kong tawag nang hindi na siya muling nagsalita pa makalipas ang ilang sandali.
Pero walang sumagot sa akin.
Pag lingon ko ay wala na siya sa aking likuran.
Naiwan akong nag-iisa sa dalampasigan walang kasama kundi ang buhangin at ang alon na pumupukaw sa aking damdamin at isipan.