Samantala, sa bahay ng mga Madrigal. Makikitang may kausap si Allian ang ama ni Ashley.
“Kailangang makita ko ang nag-iisang anak ni Robert. Gusto kong makabawi sa kanya kahit sa pamamagitan na lang ng kanyang anak.” kausap ni Allian ang kanyang pinsan na isang private investigator na si Harley.
“Huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat ng paraan para makita ang anak niya. May ilan na akong mga impormasyon pero kinokompirma ko pa ito.” ani Harley.
May kurot sa damdamin ng maalala ni Allian ang kanyang matalik na kaibigan. Itinaya niya ang buhay niya para sa akin hanggang sa huling sandali. Malaki ang utang na loob ko sa kanya. Sa isip ni Allian.
Ilang linggo na ang nakalipas mula ng mangyari ang insidente. Sariwa parin ang sugat ni Cedrick sa dibdib at tuluyan nang mabubulag ang kanyang mata ang sabi ng doktor sanhi ng mga maliliit na bubog na pumasok dito.
“Hindi pa ako nakakahanap ng eye donor mo pero pinapalakad ko na si mama sa mga charity na hawak niya. Sa oras na makahanap tayo ay pwede ka ng maoperahan anytime.” wika ni Adrian. Sinisipat nito ang mata ng kaibigan na tuluyan na talagang hindi nakakita. Siya ang pansamantalang kasa-kasama nito habang hindi pa maayos ang kalagayan nito.
“Bakit mo ba kasi iniligtas yung babaeng yun? Tingnan mo tuloy ang nangyari sayo.” may halong paninisi sa boses ng kaibigan. Tiim ang tingin nito kay Cedrick.
“Hindi siya dapat madamay sa paghihiganti ko. Wala siyang alam. Ang ama niya ang kalaban ko ‘pre.” sagot nito.
“Ang kasalanan ng ama ay kasalanan na rin ng anak.” matigas na salita ni Adrian.
“Sa tono ng salita mo parang sila ang may atraso sayo.” himig panunukso ni Cedrick sa kaibigan
“Alam mo namang malapit sa akin si tito, para ko na ring ama ang ama mo at tinuring niya rin akong parang anak niya.”
“Bakit ka ba kasi nasa lugar na iyon kung nasaan yang Ashley na yan. Nadamay ka pa tuloy sa kung sino man ang gumawa nito sa kanya.” tanong ni Adrian. Nag-iwas ng tingin ang kaibigan at hindi sumagot. Paano ba niya maipapaliwanag na may nararamdaman siyang pag-aalala sa dalaga, alam niyang may mga death threat na natatanggap ang ama nito.
Inalalayan siya nito patayo at naglakad silang dalawa papunta sa beranda ng bahay, naupo doon at sumimsim ng kape. Sa di-kalayuan ay namataan ni Adrian na may isang itim na kotse ang kanina pa nakaparada. Walang bahay sa kabilang parte ng kalsada at magkakalayo ang bahay sa lugar na iyon dahil puro iyon vacation house at may kanya-kanya ding garahe ang bawat isa. Nakapagtatakang may sasakyan na nakaparada sa parteng iyon ng kalsada. Maya-maya pa ay makikitang umandar na ito paalis katibayan na may tao sa loob na kanina pa nagmamatyag.
“Bakit natahimik ka?” tanong ni Cedrick sa kaibigan.
“Wa-la wala” nauutal nitong sagot.
“Kompirmado Sir. Si Cedrick nga ang anak ni Robert Acosta. At kasalukuyan po siyang may injury ngayon base sa mga nakuha kong report. Tumakas siya sa ospital kung saan siya dinala nang tamaan siya ng baril sa isang pagkakagulo sa isang lugar sa Makati at nakumpirma ko rin na nagkaroon ng injury ang kanyang mata na naging sanhi ng kanyang pagkabulag. Narito po sa akin ang impormasyon ng ospital kung saan siya pumupunta para sa checkup.” ani ng isang lalaking nakasakay sa itim na kotse. Nagdadrive na ito palayo sa lugar kung saan naroon si Cedrick.
“Sige salamat. Ako ng bahala sa lahat.” sagot ng kabilang linya. Napangiti ito sa natanggap na tawag.
Isang linggo pa ang lumipas at isinagawa na ang operasyon ni Cedrick sa tulong na rin ng ina ni Adrian kung saan siya ang matiyagang naghanap ng donor na pwedeng tumulong sa kanya. Ito na halos ang tumayo niyang ina mula ng maghiwalay ang kanyang mga magulang noong maliit pa lang siya. Pinsan ito ng kanyang ama. Naging matagumpay naman ang operasyon niya.
Lumipas pa ang dalawang buwan at tuluyan ng gumaling si Cedrick. Malinaw na ang kanyang paningin at nag-iwan ng malalim na peklat ang naging sugat niya sa dibdib. Nagpapagaling pa lamang siya ay pinaplano na niyang puntahan ang charity na nagbigay ng donor sa kanya upang personal na makapagpasalamat.
“Milagrosa de Palacio” basa ni Cedrick sa nakaukit sa isang malaking gate ng bahay. Ito daw yung charity na pinagkuhanan ng kanyang donor. Marahan siyang nagdoorbell at hinintay na may lumabas sa gate.
“Sino po sila?” tanong ng isang madre na nakasilip sa peep hole ng gate.
“Ako po si Cedrick Acosta. Hinahanap ko po si Sister Maribeth.” tagaktak na ang pawis ni Cedrick habang nasa labas dahil sa init ng panahon. Binuksan ng madre ang gate at pinapasok siya.
“Ikaw pala yung tumawag kahapon na pupunta. Ibinilin ka sa akin ni Sister Maribeth may pinuntahan lang sila saglit.” wika nito.
Imbes na sa opisina siya naghintay ay sa isang malawak na garden na may fountain siya nito dinala. May mga upuan doon at lamesa kung saan siya naupo at naghintay.
Kalahating oras pa ang lumipas nang may pumasok na van sa malaking gate ng lugar. Nasa malayo siya at hindi masyadong maaninag ang mukha ng mga taong bumaba mula dito. Namataan niya ang dalawang madre na ang isa wari niya ay si Sister Maribeth at isang babaeng mahaba ang buhok nakatalikod ito mula sa kanya kaya hindi niya makita ang mukha. Ibinaba nila ang mga dala-dala at pumasok sa loob bago pa man siya nakakilos para lapitan ang mga ito. Urong-sulong siya kung papasok din sa loob o hintayin na lang na matapos ang mga ito sa ginagawa. Hindi lang pala siya ang bisita ni Sister tinablan tuloy siya ng hiya kaso andoon na siya. Hihintayin na lamang niya na tawagin siya doon. Baka makaabala lang siya sa loob.
“Sister ok na po ba ang lahat ng pinamili natin? Baka may nakalimutan pa po tayong bilhin.” tanong ni Ashley habang sinasalansan sa ref ang mga pagkaing pinamili nila. Linggo-linggo siyang bumibisita sa pinakamamahal na lugar ng kanyang kapatid na pumanaw. Isa ang Milagrosa de Palacio sa mga sinusoportahan ni Rico nung nabubuhay pa kaya pinangako niya sa kapatid na hindi ito pababayaan.
“Ano ka ba Ashley sobra-sobra na ang lahat ng ito. Maraming salamat sa iyo sa lahat ng mga tulong mo sa amin.” hinawakan ni Sister Maribeth ang kanyang kamay tanda ng pasasalamat.
“Dito ka na maghapunan iha. Magluluto ako ng paborito mo.” nakangiting alok ng madre.
“Naku hindi na po. Tumakas lang ako sa bodyguard ko.” kumindat pa na sabi ni Ashley. Siguradong may mawawalan na naman ng trabaho mamaya. Pangatlong beses na siyang nakatakas dito kaya siguradong sesesantihin na ito ng kanyang ama.
“Dyaske ka talagang bata ka.” pabirong pinalo ng mabait na madre ang kanyang puwetan.
“Sige na po aalis na po ako at may trabaho pa ho ako sa opisina.” paalam ni Ashley. Inihatid siya ng madre hanggang sa sasakyan at pinaandar na ang makina ng sasakyan. Palabas na ng gate ang sasakyan niya, tumingin siya sa side mirror para sipatin ang madre pero nakita niyang may kausap na itong isang lalaki na pakiramdam niya ay pamilyar sa kanya. Nakaside view ang lalaki kaya hindi niya ito masyadong makilala. Baka isa sa mga volunteer. Sabi sa isip ni Ashley at tuluyan ng umalis sa lugar.