LAGPAS na ng hatinggabi nang maalimpungatan si Yanah. Nagising siyang bahagyang kumakalam ang tiyan. Nitong hapunan kasi, hindi siya masyadong nakakain dahil wala siyang gana. Nakita niyang umalis si Sir Li at mag-isa lamang siya sa malaking bahay. Wala rin si Ma'am Lalaine. Kung magkasama ang mga ito at kung nakauwi na ang mga ito o hindi pa, hindi alam ng dalaga. Wala na siyang alam sa ibang nangyari maliban sa huling pag-uusap nila ni Sir Li kanina dahil napahaba ang tulog niya. Bumangon siya at lumabas ng kaniyang silid. Akmang bubuksan niya ang switch ng ilaw sa labas nang makarinig ng kalabog sa bandang malapit sa kusina. Nakiramdam pang saglit si Yanah hanggang sa makarinig siyang muli ng mas malakas na tunog na animo taong bumagsak sa sahig. Kasunod niyon ang mahihinang daing. No

