Kumakain ng hilaw na mangga si Shanna at sinasawsaw sa alamang na may sili ng may kumatok sa pinto. Sa nakalipas na dalawang buwan ay hinayaan na niyang lumayo muna si Zion para makapag-isip ito ng tama. Miss na miss man niya ito ay pinanindigan niya ang sinabi niya. Nung nagawa kase niyang sabihin dito ang tungkol sa anak nila ay saka lamang niya naramdaman sa sarili na napatawad niya ng buong-buo ang binata. Iyon lang pala ang tanging paraan para makalimot siya. Ang tanggapin ang lahat ng nangyari sa nakaraan at palayain ang sarili sa guilt nung makunan siya. Sinisi kase niya ang sarili na kung wala ang Nanay niya at si Ashton na gumabay sa kanya ay hindi lang niya alam kung anong nangyari sa kanya. Nang maulit ang katok ay inilapag niya ang kinakain at naglakad para buksan ang pinto.

