“Himala, naalala mong may pamilya ka pa pala?” patuyang tanong ni Bernice matapos siyang madatnan sa kusina na kumakain.
Nilunok muna niya ang pagkaing nginunguya bago nagsalita, “Sa pagkakaalala ko ho, ako ang hindi ninyo tinuturing na pamilya,” matabang niyang sagot dito.
Puyat siya kagabi. Hindi na rin siya nakapagluto dala ng pagod. Matapos ang unang round nila ng binata ay may namagitan ulit sa kanila.
Natatawa pa rin siya sa tuwing naaalala ang reaksiyon ni Bryce nang magising na nasa ibabaw siya nito. Kulang na lang ay umusok ang ilong nito sa galit.
Pero dahil nadadala na din sa init ay hinayaan na lang nito na siya ang gumalaw hanggang sa bigla siyang iangat sa ibabaw nito at sabay nilang marating ang rurok.
“Ate, huwag mo naman pong sagutin ng ganiyan ang mommy natin. Irespeto mo naman po siya. Isa pa, nasa harap ka ng pagkain,” saway naman sa kaniya ng nakababata niyang kapatid na si Alexa sa mahinahong tinig.
Nakasunod pala ito sa kanilang ina. Agad itong kumapit sa braso ni Bernice. Sa amo ng mukha nito, aakalain mo talaga na wala itong bahid ng kalandian sa katawan. Subalit hindi siya nito maloloko.
Gusto na niyang palakpakan ito sa galing nitong umarte at magkunwaring mabait. Kung hindi pa niya nadiskubre ang mga kalokohan nito ay baka makumbinsi pa siya sa ipinapakita nitong kabaitan sa harap ng mga magulang nila lalo na ni Bryce.
“Ah, talaga ba? Okay po, bunso. Magpapakabait na ang ate,” nang-uuyam niyang tugon dito saka ngumisi.
Mabuti na lang at patapos na siyang kumain bago dumating ang ina at kapatid niya. Isinubo niya ang natirang pagkain sa plato. Minadali niyang nguyain saka agad na uminom ng tubig.
“Kakain po ba kayo? Kung gusto po ninyong kumain magsasandok ulit ako para sabay-sabay na tayong tatlo,” aniya sa dalawang babae na hindi pa rin umaalis at nanatiling nakatanghod sa kaniya habang kumakain siya.
“Ano na naman ba ang ginawa mong kalokohan, Blaire? Bakit ka umuwi dito sa bahay?” kunot ang noo at may bahid ng iritasyon na tanong ng kaniyang ina. Nang-aakusa ang mga mata nitong nakatunghay sa kaniya.
“’Ma, bakit naman po sa tuwing uuwi ako dito lagi n’yo na lang sinasabi na may ginawa akong kalokohan? Bawal ko ba kayong ma-miss? Bawal ko ba kayong makasama? Si Alexa lang ba ang puwedeng tumira dito sa bahay?” ganting-tanong niya.
Kunwa’y nagdaramdam dahil pinag-iisipan na naman siya ng hindi maganda kahit ang totoo ay may ginawa na naman talaga siyang kahihiyan sa pamilya nila.
“Kasi po ate sa tuwing uuwi ka dito sa bahay kinabukasan may bad news na agad na nakakarating kila Mommy at Daddy,” sabat ni Alexa sa mahinahong tinig.
Naitirik niya ang mga mata nang umeksena na naman sa usapan ang bida-bida niyang kapatid na akala mo’y hindi makabasag pinggan sa sobrang hinhin kumilos at magsalita.
“Hay naku, bunso. Sa halip na bantayan ang mga kilos ko, bakit hindi ka mag-focus sa fiancé mo? Sige ka, baka mamaya hindi mo namamalayan may binebembang na pala siyang iba,” nakangisi at makahulugang tugon niya kay Alexa.
Inurong niya ang plato at saka tumayo. Muntik pa siyang mabuwal nang sumigid ang kirot sa pagitan ng mga hita niya. Sa laki at haba ba naman ni Bryce, sinong hindi mananakit ang kuweba? Idagdag pa na ’yun pa lang ang pangalawang beses na may umangkin sa kaniya sa loob ng halos siyam na taon.
“Blaire! Huwag kang nagsasalita ng ganiyan sa kapatid mo! Matinong lalaki ang pinapatulan niya, hindi kagaya mo na kung sino-sino na lang!” namimilog ang mga matang bulalas ng kaniyang ina, naeeskandalo.
Sa ilang ulit niyang pagbanggit sa salitang “bembang” tuwing uuwi siya ay alam na ng ina niya kung ano ang ibig sabihin ng salitang ito.
“Hindi ako magagawang pagtaksilan ng fiance ko, Ate. Halos tatlong taon na kaming magkarelasyon, never pa niya akong pinilit na may mangyari sa amin. Malaki ang respeto niya sa akin. Kaya niyang maghintay hanggang sa maikasal kami,” malumanay at taas-noo na sambit ng kaniyang kapatid.
“Okay! Sabi mo, eh,” aniya saka nagkibit balikat.
Dinampot niya ang mga pinagkainan upang dalhin sa lababo at hugasan. Habang papunta sa lalabo ay dumating naman si Nana Cedes bitbit ang mga pinamili sa palengke kasama ang pamangkin nito.
“O, Beng, nandito ka pala. Kanina ka pa ba, Iha?” may pananabik sa tinig na tanong ng yaya nila saka ito ngumiti sa kaniya. Ngunit agad ding nabura ang ngiti nang dumako ang tingin sa kaniyang ina at makita ang pormal nitong anyo.
“Mga forty minutes na po mula nang dumating ako, Nana,” tugon niya. Tuluyan niyang dinala sa lababo ang mga hugasin kahit hirap sa paglalakad.
“Hayaan mo na ’yang mga hugasin diyan, kami na ni Mary ang bahala. Magpahinga ka na,” malambing na sabi ng kaniyang Nana. Dinala nito sa may lababo ang mga pinamili.
“Hayaan n’yo ho siyang kumilos dito sa bahay, Nana Cedes. Hindi ’yung puro lang lakwatsa ang alam niyan. Matanda na pero wala pa ring nararating sa buhay,” pasaring ni Bernice.
“Naku! Kami na po, Ma’am Bernice. At saka mukhang may dinaramdam itong si Beng. Napansin kong paika-ika siya kung maglakad.” Tutol ni Nana Cedes.
Tila hinaplos ang puso niya nang makita ang pag-aalala sa mukha ng kaniyang Nana. Mula pa pagkabata, sa tuwing may masakit sa kaniya ay ang Nana Cedes niya ang unang nakakapansin at nagbibigay lunas sa kaniya lalo na kapag nasusugatan siya. Kailan man ay hindi niya nakitaan ng pag-aalala sa kaniya ang sariling ina.
“Ano po ba ang nangyari sa ’yo, Ate? Bakit nga ba medyo hirap kang maglakad?” usisa naman ni Alexa na nakatutok ang mga mata sa kaniyang binti.
“Wala ’to, huwag mo na lang pansinin. Namamaga lang,” sagot niya saka ngumisi.
“Ano ang namamaga sa ’yo, Iha? Baka kailangan nang inuman ng gamot ’yan,”
Lumapit sa kaniya si Nana Cedes, bakas ang pag-aalala sa mukha. Pinagmasdang maigi ang ibabang bahagi ng katawan niya upang hanapin kung saan ang tinutukoy niyang namaaga.
“’Yung kïffy po, Nana. Magang-maga,” pilyang sagot niya sa kaniyang yaya pero kay Alexa naman nakatuon ang mga mata niya.
“Santisima kang bata ka!” hiyaw ni Nana Cedes, pinandilatan siya ng mata sabay hampas sa kaniyang braso.
Bumunghalit siya ng tawa sa naging reaksiyon nito. Sanay na ito sa mga kalokohan niya kaya kahit papano ay alam na nito ang ibig sabihin ng ibang mga salita na madalas niyang gamitin. Ang ina at kapatid naman niya ay bakas sa mga mata ang disgusto sa mga pinagsasabi niya.
Mas bata si Alexa sa kaniya ng dalawang taon. Ang madalas na kaibigan at nakakasalamuha nito ay mga galing sa mayayamang pamilya. Samantalang siya ay mga ordinaryong tao ang mga kaibigan at nakakasama kaya may alam siya sa mga ganoong uri ng salita.