Nagpupumiglas si Rain para makawala. Sintatag ng pader ang taong may hawak sa kanya at hindi man lang natinag sa paglubog ng mga kuko niya sa kamay nito. Nagawa pa siyang hilahin papasok sa nag-iisang pinto na malapit sa kanila.
"Shh... It's me," mahinang bulong nito malapit sa kanyang tainga. Ini-lock agad nito ang pinto gamit ang kamay na nakapulupot sa katawan niya at sumandal doon.
Unti-unting bumabaw ang pagbaon ng mga kuko ni Rain nang mapagsino ang boses ng lalaki. Kasabay niyon ang pagluwag ng pagkakatakip nito sa bibig niya saka siya pinakawalan nang tuluyan.
Hindi na siya nagsayang ng oras at hinarap ito. "Paanong..." Natikom ang bibig ni Rain nang pumagitna roon ang hintuturo ng kaharap. Hinawi niya iyon at hindi na nagsalita pa nang mapagtanto ang ibig sabihin niyon.
Namayani ang sunod-sunod na mga yabag mula sa labas. Lumampas ang isang pares ng mga paa ngunit agad ding bumalik.
"Nasaan na? Nakita mo ba?" rinig niyang tanong ng mayor mula sa kabila.
"Hindi po, Dy. Dead end na," tinig naman iyon ni Casimir.
Muling dumagundong ang kaba sa kanyang dibdib dahil sa narinig. Pinausog niya si Koen at mas inilapit niya pa ang tainga sa pinto na gawa sa kahoy.
"Wala ka talagang kwenta! Ni hindi mo nakita kung babae o lalaki?" bulyaw ni Mayor.
Muling rumehistro sa isipan ni Rain ang ginagawa nito kay Casimir sa tuwing pinapagalitan nito ang anak. Sa kabila niyon, wala siyang maramdamang awa para dito dahil mas tumatak sa kanya ang kasamaan ng lalaki.
"Paano ko makikita kung nadulas ako? Kayo rin naman di ba? Mahahabol ko iyon kung walang mantika 'yong sahig," reklamo ni Casimir.
"At talagang sumasagot ka pa!"
Tinaasan niya ng kilay si Koen, pilit kinumpirma ang hula niya. Kumindat naman ito na ikinangiti niya.
"Tingnan mo riyan. Siguradong nasa loob iyon."
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig pero hindi man lang kakitaan ng takot ang katabi niya.
"Nariyan po pala kayo, Mayor. Malapit na pong simulan ang pageant. Dito po sa kabila ang pinto ng theater room, sa props at dressing room po iyan."
Medyo nakahinga siya nang maluwag na may tumawag dito. Naririnig na niya ang mga yabag mula sa labas, na papalayo sa kinaroroonan nila.
Makalipas ang ilang sandali, akmang hahawakan na ni Rain ang seradura ng pinto nang gumalaw-galaw iyon. Senyales na may nagtatangkang buksan iyon mula sa labas.
"Dito..." Hinila siya ni Koen palapit sa iba't ibang uri at istilo ng damit pang-theater play. Namili ito mula roon saka iniabot sa kanya. "Isuot mo 'to."
Isa iyong dress na kulay puti. Gawa sa silk ang sleeves at overskirt niyon na napapalamutian ng bulaklaking burda. Nagdalawang-isip man, agad niya itong sinunod nang lumipat ito sa kabilang panig ng rack at tumalikod.
Nakatingin siya sa likod nito habang nagbibihis at napapalingon pabalik sa pinto sa tuwing kumakalampag iyon. Nanginginig man ang mga kamay ay nagawa niyang maisuot iyon sa loob lang ng ilang minuto. Nang matapos na, saka niya tinawag si Koen.
"Akin na ang cellphone mo." Inilahad nito ang isang kamay sa harap niya.
"Ayoko nga!" Mabilis niyang itinago sa likod ang kamay na nakahawak sa gadget. "Hindi pwede."
"You don't trust me, huh?" Ngumuso ito sa naging reaksiyon niya. "Fine."
Sinundan niya si Koen nang maglakad ito patungo sa kabila. Noon lang niya napansing may pinto rin pala roon pero naka-lock.
Hindi niya napigilang mapanganga nang may kinalikot lang ito at agad iyong nabuksan.
"A-ano'ng..."
Kunot ang noong binalingan niya si Koen nang matunghayan niya ang karugtong na bahagi ng kwarto. Iyon na pala ang dressing room at backstage ng theater stage. At maraming pares ng mga mata ang nakatutok sa kanila.
"You have no choice but to join. O baka gusto mong magpahuli na lang," mahinang anas nito.
"Pero, Koen!" Pinandilatan niya ito ng mata.
"I know you can do it. Trust yourself." Tinulak siya nito papunta sa isang bakanteng upuan saka nito inutusan ang makeup artist ng isa sa mga candidates na makeup-an siya.
May mga nakanganga, may namilog ang mga mata, at mayroon ding nakasimid habang tinitingnan sila.
Hindi niya mabilang kung ilang beses siyang naghikab habang hinihintay na matapos ang bading na naglalagay ng kolorete sa mukha niya.
Tahimik lang si Koen na nakapamulsang sumandal sa pahabang mesa at nakatalikod sa salamin, nakatunghay paharap sa kanya.
"Talent pa lang ang ipapamalas niyo ngayon, right?" tanong nito sa isang kanditata na malapit dito.
Tumango naman ang babe.
Bumagsak ang mga balikat at nagsimulang manlamig ang mga kamay sa nalaman. Ni hindi niya alam kung may talent siya o wala.
"I'll prepare the things you'll need. Wait for me here."
Lumingon siya kay Koen na salubong ang mga kilay. Ni wala siyang alam sa iniisip nito na gagawin niyang talent. Sa pagkakataong iyon, muling bumukas ang pintong pinanggalingan nila kanina.
Lumitaw mula roon si Casimir na hindi maipinta ang mukha. Halatang hindi nito inaasahan na marami sila roon. Nagdalawang-isip siya kung lilingon siya rito o magpapanggap na hindi ito napansin. Ginawa niya ang huli pero lumingon din matapos magkunwaring napansin niya na may tinititigan ang ibang nandoon.
"Estrella?" Tumayo si Ainsley mula sa kabilang side at humarap sa bagong dating.
Nakamot niya ang isang kilay sa isiping posibleng magtanong ito kay Ainsley kung sino ang huling pumasok mula roon. At mabubulilyaso sila ni Koen.
Nakahinga lang siya nang maluwag nang umatras na ito at isinarado ang pinto. Tumayo na rin si Koen at nagpaalam na may kukunin. Wala na siyang nagawa kundi ang tumango.
Ilang sandali lang at tinawag na silang lahat para rumampa sandali at isa-isang magpapakilala. Panay ang buntong-hininga habang naglalakad sa makitid na daan papunta sa stage.
"Naka-rubber shoes ka?" tanong ni Ainsley na hindi niya namalayang nasa likuran niya pala.
Nag-init ang pisngi niya at kagat-labing tumango. Wala kasing sandals sa props room na kasya sa kanya.
"Oh, my gosh! Ba't di mo sinabi? Eh, di sana napahiram kita," may kalakasang sabi nito. Naagaw niyon ang atensiyon ng iba pang naglalakad.
Gusto na niyang lumubog sa nilalakaran o di kaya'y mag-backout. Pero sa t'wing naiisip niya ang effort ni Koen, napipilitan siyang patatagin ang loob at iwaksi lahat ng agam-agam.
Isa-isa nang tinawag ang mga kandidata paakyat sa stage. Nang siya na ang tinawag, huminga muna siya nang malalim saka lakas-loob na rumampa sa stage.
Marami ang mga matang nakatitig sa kanya at mas dumarami rin ang mga nakapansin sa suot niyang rubber shoes. Nagsimulang manlambot ang mga paa niya. Ang kaninay, mataas niyang na kumpiyansa sa sarili ay unti-unting nabawasan. Ang mabilis niyang lakad ay unti-unting bumagal.
Pagdating niya sa gitna, agad niyang itinago ang namamawis na kamay sa kanyang likod at tumayo nang tuwid sa harap ng mikropono.
"G-good..." Nanginig ang boses niya sa pagbigkas ng unang salita at umugong ang hiyawan. Napapikit siya sa sobrang na pagkapahiya.
Nataranta na siya at hindi alam ang gagawin. Naglakbay ang paningin niya sa mukha ng mga taong pinagtatawanan siya. Tuluyan na siyang napipi at napako sa kinatatayuan.
"Silence, please," sabi ng emcee. Pero hindi nagpatinag ang ilan.
Bumukas ang pintuan ng theater room at pumasok roon si Koen na may dalang paper bag. Kasunod nito ang isang lalaki na buhat-buhat ang isang easel stand at may puting canvas.
Lumakas ang loob niya dahil sa nakita. Marami rin ang nakapansin sa bagong dating kaya muling nangibabaw ang katahimikan.
Hindi niya inalis ang tingin niya rito at muling humakbang palapit sa mikropono. Ngumiti si Koen sa ginawa nita kaya nahawa na rin siya. Sa puntong iyon, nilakasan na niya ang loob at nagpakilala. Laking pasasalamat niya nang hindi na naulit ang pagkakamali niya.
Nangibabaw ang palakpak ni Koen sa buong silid na agad sinabayan ng iilan.
"Thank you," piping usal niya bago tumalikod at naglakad patungo sa backstage.