November 11, 2013 (Lunes)
Cathy Quezon
Mausok, maingay, at mainit. Yan agad ang naramdaman ko pagkakababa ko ng bus na aking sinakyan. Miss na miss ko na ang lugar na ito.
Manila.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang lugar na ito. Ang mga kalat sa gilid-gilid, mga usok ng sasakyan, at lalo na ang mga ingay galing man sa mga tao o sa mga sasakyan. In short, polluted pa rin.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ko habang nilalasap ang init ng panahon, pero agad akong tumabi sa gilid dahil nakaharang pala ako sa entrance papasok ng bus. Tumayo na lang ako sa tabi ng bus habang kitang-kita ko ang ibang pasahero na kasabayan kong bumaba. Maya-maya pa, kinuha ko ang phone ko mula sa bag ko na may kalakihan ang size; isa itong sports bag. Kasabay ng pagkuha ko sa phone ko, nakita ko ang isang lalaking papalapit sa akin.
"Ma'am, saan po ang destinasyon niyo?" tanong niya sa akin ng makalapit siya. Mga nasa 5'6 siguro siya, may maliit na balbas, at may tattoo na bulaklak sa balikat. Nakasuot siya ng plain white na sando na tinernuhan ng fitted jeans.
"Hindi po, kuya, inaantay ko lang po yung sundo ko," agad kong sagot kahit ang totoo, wala naman talaga akong sundo. Balak ko na lang kasi mag-Grab taxi pauwi. Hindi ko kasi kaya makipagsiksikan sa MRT o bus ngayon, lalo na't ang laki ng bag ko. Iisipin ko pa lang ang layo mula Cubao hanggang Pasig ay nahihilo na ako at napapagod kahit wala pa akong ginagawa.
Tumango siya sa sinagot ko at tinanong na ang ibang pasahero na kakababa lang. Mabuti naman kung ganoon. Ayoko namang may aaligid-aligid sa akin sa ganitong lugar, lalo na't hindi ko naman kilala ang mga iyon at baka mamaya ay kawatan pala ang mga iyon. Hindi ko naman nilalahat, pero hindi rin maiiwasan makasalamuha ang mga ganitong tao.
Naglakad na lang ako papunta sa waiting chair dito sa Dagupan bus terminal sa Cubao. Katabi lang naman iyon ng banyo sa may likuran ng terminal. Walang tao doon kaya doon na lang ako umupo at inilapag ko sa tabi ko ang bag ko. Kinalikot ko muna ang cellphone ko para tumawag ng Grab. Matapos noon, inilibot ko na lang ang paningin ko sa buong terminal habang naghihintay. Maraming tao dito sa terminal kahit umaga pa lang. May donut store akong nakita na katapat ko lang at napangiti ako nang maalala ko ang bunso kong kapatid.
Napatingin ako sa bag ko. Binuksan ko iyon at kinuha ang isang paper bag na medyo makapal. Puro horror books ang laman noon. Naalala ko pa nga ang sinabi niya sa akin noon bago ako umalis 4 years ago...
"Huwag ka uuwi dito hanggat wala kang pasalubong sa akin, ah. Hindi mo na nga ako isasama sa lakad mo, eh. Hmp!" umiiyak na saad niya habang nakasimangot na nakatingin sa akin.
"Oo na, ikaw talaga. Halika nga dito!" sabi ko sa kanya at niyakap, saka hinalikan ko siya sa noo.
"Yung bilin ko, ah. Pag nalaman ko talaga kay Mama na nagboboyfriend ka na, kukurutin ko talaga singit mo," habilin ko sa kanya.
"Bilisan mo bumalik, ah!" sabi niya, saka ako niyakap ng mahigpit, at ayon, umiyak na naman siya. Iyakin talaga ang baby namin kahit kailan.
Naiiling na lang ako nang maalala ko iyon. Tsaka naman tumunog yung phone ko, kaya agad kong kinuha ulit iyon at ibinalik yung paper bag sa loob ng bag ko. May notification na nagsasabi na nandiyan na yung taxi sa labas, kaya agad akong dumungaw sa harap ko dahil kita naman ang labas doon. Nakita kong may nakaparadang kotse na may logo ng Grab, kaya naman wala na akong sinayang na oras at pumunta na sa labas para sumakay.
"You know I want it, I don't wanna hide~" ringtone ng cellphone ko, kaya agad kong kinuha iyon sa bag ko. Patuloy lang sa pagkakanta iyon nang makuha ko. "More and more" ng Twice pero English version; paborito ko kasi ang K-pop group na Twice. Nang makita ko kung sino ang tumatawag, isang buntong hininga muna ang pinakawalan ko bago ko sinagot iyon.
"Hello, anak? Nasaan ka na?" pambungad na tanong sa akin ng Nanay ko, si Lanny Cruz.
"Nakasakay na ako ng Grab taxi, Nay. Kakababa ko lang po kasi galing bus," sagot ko sa kanya. At bago pa man siya mag-react, nilayo ko na nang kaunti yung phone ko sa tainga ko dahil...
"Grab? Anak naman! Dapat tinawagan mo na lang ako para sabihin na nakarating ka na at nang masundo ka namin ni Kuya mo! Alam mo naman ang panahon ngayon, eh!" rinig kong pagkalakas-lakas na panenermon sa akin ni Inay, at napangiwi na lang ako dahil kahit medyo malayo na ang tainga ko, narinig ko pa rin ang malakas niyang boses. Hindi ko naman siya masisisi, lalo na't iba na talaga ang panahon ngayon dahil maraming nagkalat na masasamang tao. Isama mo pa na mag-isa lang ako.
Muli kong inilapit yung phone sa tainga ko.
"Nay, mapapagod lang po kayo kakalakad, at isa pa, malaki na ang anak niyo; kaya ko na ang sarili ko," sagot ko na lang.
Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang pagbuntong hininga ni Inay sa kabilang linya, kaya naman napangiti ako. Kahit kailan talaga ay maalalahanin si Inay.
"Oh siya, sige na. Basta mag-iingat, ah. I love you, anak. Miss ka na ni Nanay." Sagot niya naman at siya na mismo ang nagbaba ng tawag.
Naiiling na lang ako sa ugali ng nanay ko dahil hindi pa nga ako nagpapaalam, ay binaba niya na agad.
Ibabalik ko na lang sana ulit yung phone ko sa bag nang muli iyong mag-ring.
Kunot ang noo ko nang makita kung sino ang tumatawag.
"09*********? Sino naman kaya ito?" Pero sinagot ko na lang yung tawag dahil baka kakilala ko.
"Hello?" tanong ko sa kabilang linya nang masagot ko ang tawag.
Naghintay ako ng ilang segundo, pero walang sumasagot.
"Hello?" tanong ko ulit sa kabilang linya, pero wala pa ring sumasagot, kaya naman tinignan ko ulit ang screen dahil baka pinatayan na ako, pero umaandar ang time sa tawag. Kaya naman muli kong inilapit sa tainga ko. Naghintay pa ako ng ilang segundo, pero wala talagang nagsasalita, kaya naman pinutol ko na lang ang tawag dahil nagmumukha lang akong tanga.
Ano kaya iyon? Prank call? Baka nagkamali lang ng number na tinawagan? Siguro nga.
Ibabalik ko na sana ulit yung phone ko, pero hindi ko pa man naipapasok iyon sa bag ay muli kong narinig yung ringtone ko.
Pagkakita ko sa screen, yung unknown number ulit ang tumatawag. Ano bang trip nitong pangit na 'to?
Inis na sinagot ko yung tawag.
"Hello?" Pinilit kong ikalma yung boses ko kahit naiirita na ako. Napapansin ko na kasi yung driver na tumitingin sa akin, pero parang hindi kakayanin ng pasensya ko ang kung sino mang tumatawag ngayon dahil katulad kanina, wala pa rin akong naririnig ni hangin.
"Hellooooo?" hinabaan ko pa yung pagsasalita ko dahil sa inis ko, pero maya-maya lang, wala pa ring sumasagot.
Tuluyan na akong nainis dahil sa kung sino man ang tumatawag, kaya naman pinutol ko na lang ulit ang tawag, pero hindi ko muna iyon ibinalik sa bag ko. Naghintay pa ako ng ilang minuto, nakatitig sa phone ko dahil baka tumawag na naman ulit.
Pasalamat naman ako dahil tumigil na sa kakatawag yung unknown number, kaya naman ibabalik ko na sana ulit yung phone ko sa bag, pero...
"You know I want it, I don't wanna hide~"
"Sino ka ba?! Alam mo bang nakakagambala ka sa tao, huh? Ni ayaw mo ngang magsalita kanina, mukhang tanga na ako kaka-hello sayo!" sigaw ko sa kabilang linya nang masagot ko ang tawag at hindi ko na inabalang tingnan kung sino. Nakita ko namang nabigla yung driver sa pagsigaw ko. Nakakainis kasi eh. Akala ba niya nakakatuwa yung ginagawa niya?!
"S-sorry." Nanlaki ang mga mata ko sa pamilyar na boses mula sa kabilang linya. Nang tinignan ko ang screen para makita kung sino ang kausap ko, ay...
"Sorry, Amber! Akala ko kasi ikaw yung kanina pa tawag nang tawag, eh." Agad na paliwanag ko kay Amber, bestfriend ko nung nag-aaral pa ako sa Baguio.
"Bakit ka pala napatawag?" agad na tanong ko kay Amber dahil nabigla yata siya sa pagsigaw ko. Sorry naman, di ba?
Saglit na namayani ang katahimikan. Nahagip pa ng mga mata ko ang manong driver na nakafocus na sa pagmamaneho.
"Cath, nabalitaan mo na ba?" balik tanong niya sa akin kaya naman muli na namang napakunot ang noo ko dahil doon. Nabalitaan ang alin?
"Nabalitaan ang alin?" balik tanong ko din sa kanya dahil kakaiba yata ang boses niya ngayon at isa pa ay wala rin akong kaide-ideya sa tinatanong niya.
"Si—" pero hindi niya na natapos yung sasabihin niya dahil...
"Bullshit!" rinig kong sigaw ng driver at walang babalang nagpreno, kaya naman nasubsob ang mukha ko sa likod ng passenger seat. Kamuntikan ko pang mabitawan yung phone ko, pero buti na lang ay nahawakan ko nang mahigpit.
"Dahan-dahan naman po, kuya!" bulyaw ko sa driver at muli akong umayos ng upo. Bwisit, hindi man lang nag-warning na magpepreno.
"Sorry po, ma'am. May dumaan po kasi bigla na ambulansya," rinig kong pag-sorry niya kaya naman napabuntong hininga na lamang ako, saka ko naalala na kausap ko pala si Amber sa phone, kaya inilapit ko muli iyon sa tainga ko.
"Hello, Amber? Still there?" tanong ko sa kabilang linya, pero wala nang sumagot. Nang tumingin ako sa screen, ay wallpaper ko na ang nakita ko, kaya naman ibinalik ko na lang ulit yung phone ko sa bag at sinandal ko na lang ang ulo ko sa inuupuan ko at pinikit ko na lang ang mga mata ko.