V. SA BINTANA

1180 Words
"S-Sinong may gawa sa’yo nito, Ricky?! Sino!!!" sigaw ni Inay, habang ang kanyang mukha ay nagpupuyos sa galit at panay na rin ang iyak. Ako man ay hindi makapaniwala sa nakikita ko ngayon sa puno ng balete. Patuloy ang pag-iyak ko habang nakatingin sa duguang katawan ng kuya ko. Ang daming tanong ang pumapasok sa isip ko. Bakit? Bakit ganito? Sinong may gawa nito sa kuya ko? Aksidente kong nilibot ang aking paningin sa mga kasamahan ko rito. Lahat sila’y nakatingin sa bangkay ng kuya. Lahat sila’y umiiyak, pero... "N-Nasaan si Ryan?!" Tama! Wala si Kuya Ryan! Agad kong naalala ang alitan nila ni Kuya Ricky kagabi. Hindi kaya... "Ryan!!" sigaw ng Inay, at nalamayan ko na lang na nakalagpas na siya sa akin at nagtatatakbo papasok sa bahay. Ngunit agad ding nanlaki ang mga mata ko at napalingon ako sa bahay nang may marinig akong mga nabasag. Lahat kami napalingon dahil sa tunog na iyon. Mabilis akong lumingon kay Grace na ngayon ay natigil na sa pag-iyak. Hindi ko alam, pero may nakikita akong pamilyar na tao sa mukha ng batang ito. "Grace, tumawag ka ng ambulansya at pulis, bilis!" utos ko sa kanya at wala nang sinayang na oras, agad akong nagtatatakbo papasok sa bahay. Pagkapasok ko, narinig ko agad ang sigaw ni Inay mula sa ikalawang palapag. Wala na akong sinayang na oras at agad akong umakyat. Pag-akyat ko, nanlaki ang mga mata ko nang makita kong nakatayo si Inay sa harap ng pintuan ng dulong kuwarto kung saan naroon si Kuya Ryan, sinusubukang buksan ito. Pero hindi iyon ang mas nakapanindig ng aking balahibo—kung hindi ang hawak niyang kutsilyo sa kaliwang kamay! "Lumabas ka dyan! Hayop ka!" sigaw ni Inay, kaya bahagya akong napaatras sa gulat at takot. "Wala akong kasalanan!" sigaw naman ni Ryan mula sa loob. Patuloy lang sa pagkalampag si Inay sa pintuan habang ako naman ay hindi makapaniwala sa aking nakikita. "Oh my god!" sigaw mula sa likod. Hindi ko na kailangang lingunin iyon dahil kilala ko ang boses ni Daryl na sumunod din sa akin. "N-Nay, ibaba n'yo po iyan. Nakikiusap po ako..." Ngunit hindi ko natapos ang sasabihin at nanlaki ang mga mata ko dahil— "Huminahon?!" putol ni Inay sa akin sabay bahagyang paglapit sa direksyon ko, itinutok niya ang kutsilyo sa akin. Doon ko nakita nang buo ang mukha ni Inay, at doon na rin ako nagulat. Ang kanyang mga mata— —sobrang pula! "Paano ako hihinaon, Cathy?! Pinatay ang anak ko, kapatid mo! Paano?!" sigaw pa ni Inay, sobrang laki ng mga matang nakatitig sa akin. "Sinabi ko nang wala akong kasalanan! Hindi ako ang pumatay kay Kuya, Nay!" sigaw ni Ryan mula sa loob ng kuwarto niya. Agad kaming napatingin doon, at naramdaman ko ang paggalaw ni Daryl sa likod ko na parang susubukan niyang kunin ang kutsilyo kay Inay. Pero napaatras siya at natulak ako nang bahagya dahil mabilis na lumingon si Inay sa direksyon namin, hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon sa mukha. Galit. Nanlilisik ang mga mata. Maitim ang ilalim ng mga ito at sobrang pula ng mga mata niya. Parang... parang hindi siya ang Inay ko. "Mama, ibaba n’yo na iyan. Parang awa n'yo na," pakiusap ni Daryl sa kanya. "Manahimik ka!" sigaw ni Inay, nakatutok pa rin sa amin ang kutsilyo. Ngayon si Daryl na ang nasa harap ko, at ilang hakbang ang layo niya kay Inay dahil nasa dulong kuwarto ang silid ni Kuya Ryan. "Akala mo ba hindi ko alam, huh?! Alam kong may galit ka sa kuya Ricky mo!" sumbat ni Inay kay Daryl. Galit? "Mama, huminahon po kayo. Ibaba n’yo—" Pero hindi natapos ni Daryl ang pakiusap niya. Ngunit hindi nakaligtas sa mata ko ang pagbukas ng bahagya ng pintuan ni Kuya Ryan, nakita ko siyang sumilip doon. "Sabing tumahimik ka! Siguro ay kasabwat mo ang kuya mong bakla sa pagpatay sa kuya n'yo! Mga kampon kayo ng demonyo, kaya dapat sa inyo ay mamatay!" sigaw ni Inay, at akala namin ay susugod siya sa amin. Ngunit nanlaki ang mata ko nang walang babala niyang itinulak ang kutsilyo sa nakaawang na pinto, dahilan para mapaatras si Kuya Ryan. Narinig ko pang sumigaw si Daryl, kasabay ng sigaw ni Kuya Ryan, pero tuluyan nang nabuksan ni Inay ang pinto at agad na pumasok. Dali-dali kaming tumakbo ni Daryl papunta sa pintuan dahil narinig naming muli ang sigaw ni Kuya Ryan, nagmamakaawa kay Inay. Nang makarating kami sa pintuan, nakita namin si Inay nakaharap patagilid sa kanyang kanan. Nandoon ang kama, at sa kabilang bahagi nito ay nandoon si Kuya Ryan. Natigilan ako sa takot at pagkabahala nang makita ko ang duguan niyang ulo. "N-Nay, parang awa n’yo na. W-Wala po akong kasalanan!" Nanghihinang pakiusap ni Kuya Ryan. Doon na ako napaluha dahil parang bingi si Inay at muling nanlaki ang mata ko. Si Daryl naman ay napatili na nang walang babalang tumalon si Inay sa ibabaw ng kama, itinutok ang kutsilyo kay Kuya Ryan. "Daryl!" sigaw ko sa bunso namin dahil mabilis siyang humila sa paa ni Inay, dahilan para mapahiga ito sa kama. Mabilis akong pumunta kay Kuya Ryan para tulungan siyang makatayo at makalabas. Si Daryl naman ay sinakyan sa leeg si Inay habang nakahiga pa ito. Kanina pa ako nagtataka dahil bakit parang nawala na lang bigla ang mga pamangkin ko. Kanina ko pa sila hinihintay. Bakit parang ang tagal dumating ng tulong? Matagumpay kong nailabas si Kuya Ryan sa kuwarto niya at iniupo muna siya sa gilid. Muli sana akong papasok para tulungan si Daryl kay Inay pero nagulat ako nang makita ko si Inay nakatayo na, habang si Daryl ay nakasabit sa likuran niya. Pareho silang nag-aagawan sa kutsilyo at nagbabangayan, pero ang isang bagay na nakakuha ng atensyon ko ay ang pigura sa labas ng bintana sa likuran nila—isang babae… na pamilyar... parang… "Gee?" nasambit ko, pero agad ding nawala ang pigurang iyon nang humarang muli ang dalawa sa bintana. Ako naman ay muling bumalik sa reyalidad, pero... "Daryl, hindi!!!!!" Malakas na sigaw ko dahil si Inay ay umatras papunta sa bintana, at ang kapatid ko— —nalaglag sa bintana ang kapatid ko! "Hindi!!! Daryl!!!!" "Ate, gising!!!" Agad akong napamulat ng mata dahil nakaramdam ako ng sakit sa kanang pisngi ko. Mabilis akong bumangon, habol ang hininga at hinawakan ang pisngi ko. Habang nililibot ang tingin sa paligid, nakita kong nasa kuwarto pa rin ako. Pero hindi iyon ang nakakuha sa atensyon ko—kung hindi ang mga tao dito: si Nanay, ang pulis na nakatayo katabi niya, si Kuya Ryan na nakatingin sa akin, at ang mga pamangkin ko sa may pinto. Ngunit may kulang… "Ate—" hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita at agad akong nagtanong. "N-nasaan si Kuya Ricky?" Tanong ko kay Daryl. Napaiwas siya ng tingin at naluha. Agad na bumagsak ang balikat ko at nanlamig ang buong sistema nang sinagot niya ang tanong ko—isang sagot na ayaw kong marinig. Hanggang sa maramdaman ko ang luhang bumabagsak sa pisngi ko. "P-patay na si Kuya Ricky, Ate..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD