KABANATA 4

2803 Words
IILING-ILING na binagtas ni Liam ang daan palabas ng gubat na iyon. Hindi masasabing mabilis ang mga hakbang niya pero malalaki. Wala siyang intensiyong magpaabot sa dalaga. Siguradong pauulanan siya nito ng mga salita na hindi niya gugustuhing marinig. Napangisi pa siya ng muling maalala ang ginawang paghalik dito. Maging ang itsura nito habang hinahalikan niya ay tila tuksong nagpapabalik-balik na ngayon sa kanyang diwa. Napapikit ito habang hinahalikan niya. Alam niya iyon dahil nakamulat siya habang hinahalikan ito. Gusto kasi niyang makita ang itsura ni Kasandra. Higit sa lahat ay gusto niyang nakikita talaga parati ang mukha ng dalaga. Subalit hindi siya nakatagal at napapikit na rin ng sumampay na ang mga kamay nito sa kanyang leeg. Iyon ang unang halik niya sa babaeng matatawag na … nasa alapaap. Alam niyang nasa likod lang niya si Kasandra dahil dinig na dinig niya ang humahabol nitong mga yabag. Patuloy ito sa pagtawag sa kanya. Siguradong ang lahat ng mga hayop sa paligid ay nabulabog na sa lakas ng boses nito. Alam niyang nagalit niya ito dahil sa ginawa niyang paghalik dito. Nasisigurado na niyang hindi ito titigil hangga't hindi ito nakakaganti sa kanya. At kung gaganti man ito ay nakahanda naman ulit niyang parusahan ang dalaga – siyempre ay sa pamamagitan ng isang halik na mas masarap pa sa unang halik na namagitan sa kanila. Ang pagngisi niya ay lumuwang at nagkasunod-sunod ang pag-iling niya. “Nalintikan ka Liam! Hintayin mo ang maaring gawin sa iyo ng babaeng iyon!” usal niya sa sarili. Hindi naman niya intensiyong halikan ito sa gitna ng gubat kanina pero talagang nainis siya sa ginawa nitong mag-asawang sampal sa kanya. Pinatawad na niya ito sa pagsipa nito sa puwet niya na halos ikangudngod niya sa lupa pero hindi niya mapapalampas ang pananampal nito. Iyon ang unang beses na nasampal siya ng babae. Patas na sila. Nasapo niya ang magkabilang pisngi. Nararamdaman pa rin niya ang hapdi ng mga kamay ni Kasandra. Grabe ang bigat pala ng kamay ng babaeng iyon kahit akala mo eh napakahinhin. At ang lakas manampal! Hindi talaga niya akalaing sasampalin siya nito. Oo, inaamin niya na nakatuwaan niyang takutin ito kanina at asarin. Inaasahan na rin niyang maiinis ito at gaganti pero sa ibang paraan gaya ng nakagawian nila. Kung hindi siya nito sisipain ay babatukan siya nito. Pero hindi bibigyan ng mag-asawang sampal. Hayun ang napala nito, isang halik mula sa kanya! Ah, hindi lang pala isa kundi dalawa. Dalawang beses niya itong naisahan. Na hindi niya pinagsisisihan. Sa totoo lang ay labis niyang ikinatutuwa na nahalikan niya ito lalo na ng malaman niyang siya ang unang halik nito. Nakakaliyad ng dibdib sa totoo lang. May pakiramdam din siyang nanaisin niyang siya ang maging huling halik nito. Ilang taon na rin ba ang nakalipas simula ng makilala niya ito. Hindi lingid sa kanya ang pagkakatanga nito sa harap niya habang pareho silang nasa palengke. Hindi sa pagyayabang pero alam niyang ang kaguwapuhan niya ang ikinatanga nito. Iyon ang unang beses na nakita si Kasandra na mas tinatawag niyang Kiray. Ang totoo ay napansin niya si Kasandra ng araw na iyon. Nagandahan kaagad siya rito kahit pa nakasuot ito ng sombrero. Iyong gandang hindi niya pagsasawaan kahit habang-buhay pa niyang titigan. Ang ganda ni Kasandra ay inosenteng matatawag. Para nga itong isang anghel na nanaog sa lupa – kung totoo man ang mga anghel. Kahit hindi siya direktang nakatingin dito ay kita niya kung papaano ito tumitig sa kanya. Hindi rin lingid sa kanya na nakasunod ito sa mga kilos niya pero mas pinili niya itong hindi bigyang-pansin. Ang ikalawang pagku-krus ng landas nila ay hindi roon nagtapos. Nasundan iyon ng isama ito ng kaibigan nitong si Eymi sa Hasyenda Valerya kung saan sila nagtatrabahong buong pamilya bilang manggagawa. Iyon din ang unang beses na magkaasaran sila dahil nang ipakilala ito ni Eymi sa kanila ay hindi niya napigilan ang bibig. Sinabi niya rito kung ano ang itsura nito habang nakatanga sa kanya sa unang pagkikita nila dahilan para mainis ito sa kanya. Simula noon ay naging magkaibigan na sila. Hindi literal na magkaibigan dahil mas madalas ang pagbabangayan nila keysa sa totoong salitang magkaibigan. Hindi rin niya alam kung bakit gustong-gusto niya itong inaasar. Basta natutuwa siya kapag nakikita niyang namumula na ang mukha nito. Mas gumaganda ito sa paningin niya kapag ganoon ang itsura nito. Madalas ay itatago nito ang mukha sa sumbrero na madalas nitong suot. Nalaman din niyang nakatira pala ito sa simbahan na hindi niya masyadong napapansin noon. Hanggang sa maging karaniwan nalang sa tanawin ang pag-aasaran nila. Pareho silang hindi nagsasawa. Lalo na siya. Aminado rin siyang may ilang pagkakataon na hinahanap-hanap niya ang pagmamaktol nito kapag wala ito sa paligid. Simula kasi ng magsimula ang ganoong eksena sa kanila ay parang nakasama na niya sa sistema ang pang-aasar dito. Alam niyang palagi niya itong naiinis pero hindi niya gustong magalit ito sa kanya. Kapag naman kasi nakaisip ito ng paraan para makaganti sa kanya ay nakakabawi kaagad ito. Na kadalasan ay pinagbibigyan nalang niya. At kapag alam niyang malapit na itong magalit sa pang-iinis niya ay kusa na siyang titigil at kunwa’y aamuhin ang dalaga. Ang hindi niya makalimutan ay ng tudyuin niya ito sa isang babae. Grabe ang pagtitig na ginawa nito noon sa babae habang kausap niya. Sa harap ng babae ay sinabi niyang tibo si Kasandra at maaring may gusto ito sa babae. Pulang-pula ang mukha nito at halos patayin siya sa paraan ng pagtitig nito. Kung nakakamatay lang ang titig ay siguradong bumulagta na siya ng mga oras na iyon. Tinawanan ito ng babae na lalong ikinagalit nito. Sa harap ng mismong babae ay hinampas siya nito ng walis tingting na hawak saka siya nito malakas na binatukan. Hiyang-hiya siya sa harap ng babae kaya marahas niyang hinila ang kamay ni Kasandra at kinaladkad palayo. Buong araw silang hindi nagpansinan dahil doon. Pagdating ng umaga ay siya rin ang nakipagbati. Hindi niya matiis na hindi sila nag-uusap. At bumalik sila sa normal nilang gawain. Ang biro niyang iyon ay alam niyang purong biro lang talaga. Hindi niya kailanman naisip na tomboy si Kasandra. Kahit madalas itong nakasuot ng pantalon at maluwang na t-shirt katerno ang sumbrero sa ulo nito ay alam niyang babaeng-babae ito. Ang totoo ay maganda si Kasandra. Magandang-maganda. Gandang hindi pagsasawaan. Gandang maaakit ang kahit na sinong lalaki sa mundo. Kahit siya pa. Na isang bagay na hinding-hindi niya aaminin dito o kahit sa mga kapatid pa. Iyon ay kung ayaw niyang makatanggap ng sangkatutak na panunukso sa mga ito. Kung mag-aayos lang ito sa pananamit ng isang tunay na babae ay dadaigin nito ang mga modelong makikita sa mga magazine at mga artista sa telebisyon. At kahit palagi silang nag-aasaran ay alam niyang iyon ang nagiging paraan kaya sila nagkakalapit - as in malapit na malapit. May isang bagay siyang aaminin sa sarili kung hindi man sa ibang tao. Gusto niya si Kasandra. Gustong-gusto hindi bilang isang kaibigan. Kundi higit pa sa isang kaibigan. Iyon ang dahilan kung bakit gustong-gusto niya itong inaasar. Ang ganda-ganda nito sa paningin niya kapag namumula na ang mukha nito. Nagandahan na siya rito sa unang pagkikita palang nila - habang nakatanga ito sa kanya. Kung hindi lang siya bilang siya ay baka tinangahan na rin niya ito. Pero hindi niya hinayaang lumawig pa iyon. Dahil nang malaman ng Kuya Ludgi niya ang damdamin niya para sa dalaga – na hindi naman niya inamin kahit kailan dito - ay kaagad siya nitong sinabihan. Alaga raw ito ni Father Anton at kung hindi niya ito seseryosohin ay tigilan na niya ang pagkakagusto kay Kasandra. Iginagalang niya ang pari ng simbahan at alam din niyang parang anak na nito kung ituring si Kasandra. Ayaw niyang magkasala kapag nagkamali siya. Saka siya nakaramdam ng hiya sa kura paroko ng Sitio Tres maging sa dalaga. Oo, gusto niya si Kasandra. Pero kung magkakaigihan sila ay saan tutungo ang magiging relasyon nila? Hindi niya alam kung gaano kalalim ang pagkagusto niya rito. Hindi niya masabi kung umabot na ba sa puntong papasok ang salitang pagmamahal. Pero hindi pala talaga kayang pigilan ang damdamin. Dahil kung kailan tanggap na niyang hanggang sa pagiging magkaibigan lang ang turingan nila ay saka niya napagtanto sa sariling higit pa sa gusto ang nararamdaman niya dito. Isang araw ay natanto niyang nagseselos na siya kapag may kausap itong ibang lalaki. Lalo na kapag masaya itong nakikipag-usap sa mga kuya niya partikular kay Laurens. Inisip niyang may gusto ito sa Kuya Laurens niya. Mas malapit kasi ang dalawa kumpara sa Kuya Ludgi niya. Maayos kung mag-usap ang dalawa hindi kagaya nilang puro pagbabangayan ang alam. Dahil doon ay nakaramdam siya ng selos. Nang paninibugho. At saka niya napagtantong mahal niya si Kasandra. Mahal niya ang dalaga pero wala siyang balak sabihin dito ang nararamdaman. Kuntento na siyang hanggang magkaibigan lang sila. Mamamatay na muna siya bago malaman ng kahit na sinong tao ang nararamdaman niya. Pero hindi siya nagagalit sa Kuya Laurens niya. Wala itong kasalanan kung ito ang magustuhan ni Kasandra. At kung magustuhan din ito ng kapatid niya at ang dalawa ang magkakatuluyan ay maluwag niyang tatanggapin sa dibdib niya. Kahit masakit. Nanatiling magkaibigan sila ng dalaga at nag-iinisan. Sa ngayon ay sinabi nalang niya sa sarili poprotektahan niya ang dalaga kahit buhay pa niya ang itaya. At palagi siyang mayroong oras para sa dalaga. Pero ngayong nalasahan niya ang matamis nitong labi ay hindi siya makapag-isip ng matino. Kanina lang iyon nangyari pero hindi na mapagkit sa kanyang isip ang lambot at tamis ng labi ng dalaga. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang bango nito habang magkalapit na magkalapit ang mga katawan nila. Iyon ang unang beses na sobrang nagkalapit ang katawan nila simula pa noon. Gusto niyang bawiin sa sarili ang sinabi niya noon. Parang mas mahihirapan siyang kalimutan ang nararamdaman niya para sa dalaga. Nasa dalaga at sa labi nito ang isip ni Liam ng manumbalik sa kasalukuyan ang diwa niya ng marinig ang malakas na tili ni Kasandra. Hindi sana niya iyon papansin subalit masyadong mahaba ang pagtili nito at mukhang may nangyayari na rito. Marahas siyang napalingon sa kanyang likuran pero wala na roon ang dalaga. "Kiray!" malakas niyang tawag dito. Iyon ang naibansag niyang pangalan dito dahil sa pagiging makulit nito. Hinanap ng kanyang mga mata ang bulto nito pero hindi niya makita ang dalaga. “Kiray, ano ba! Saan ka ba nagsususuot? Bahala ka diyan, iiwan kita dito!” pananakot pa niya habang iginagala ang tingin. Nitong mga nakaraang araw ay palagi itong nakabuntot sa kanya. Ayaw niyang isipin na nagdududa na ito sa ginagawa nilang magkakapatid nitong mga nakaraang araw pero iyon ang hinala niya. Akala siguro nito ay hindi niya napapansin na palihim itong nagmamasid sa kanila. O mas tamang sabihing nagmamatyag. Hindi sa anupaman subalit hindi maaring may ibang taong makakaalam ng ginagawa nilang magkakapatid ngayon. Para na rin sa kapakanan ng mga ito at hindi madamay kung sakaling magkaroon ng problema. Walang dapat makaalam - maliban kay Father Anton - na silang magkakapatid ay ang mga bandidong pinaghahanap ng mga awtoridad ngayon sa Sitio Tres. SIYA, si Ludgi at Laurens ay kasama sa mga tauhan dati sa hasyenda na pinalayas ni Kanor at ngayon ay naninirahan sa kuweba sa gubat ding iyon ilang linggo na din ang nakakaraan. Ang kuweba ay tinawag nilang HARDIN. Kasabay noon ay lumitaw ang mga tinaguriang mga bandido sa kanilang lugar at karatig bayan – na walang iba kundi silang tatlong magkakapatid. Walang nakakaalam niyon maliban kay Father Anton. At wala ng dapat pang makaalam. Nagawa nila ang ganoong ‘trabaho’ dahil sa mga kasamahan nilang nagsimulang magkasakit at walang makain habang nasa loob ng kuweba. Kasama ang pamilya nila sa pinalayas ni Kanor at kagaya ng iba pang mga pamilyang pinalayas ay nakikitira lamang sila sa lupain ng hasyenda. Nagawa iyon ni Kanor ng mamatay si Esmundo - ang matandang nagmamay-ari ng Hasyenda Valerya at ekta-ektaryang lupain sa Tres. Ayon kay Kanor ay parehong namatay sa isang aksidente ang mag-ama sa daan ng pauwi ang mga ito sa hasyenda galing Maynila ng sunduin ng matanda ang anak nito para umuwi sa Tres. Dahil ito ang kanang kamay ng matanda ay dito iniwan ang pamamahala sa ari-arian nito. Pinatunayan iyon ng abogado at ng ilang kasulatan na nagsasabing si Kanor ang hahalili sa lahat ng ari-arian ni Senyor Esmundo. Nang malaman nilang lahat ang nangyari sa matanda at sa nag-iisa nitong anak ay labis ang naging pagdadalamhati nila. Hanggang sa magsimula si Kanor sa pamamahala sa buong hasyenda. Nagsimula ang pagbabagong hindi ni sa hinagap ay hindi nila naisip na mangyayari. Isang mabuting tao si Kanor sa paningin ng mga tao sa Tres at ni Senyor Esmundo – noon. Naging kanang kamay ito ng Senyor ilang taon na ang nakakaraan ng mapadpad ito sa kanilang lugar. Itinuring itong kapamilya ni Senyor Esmundo at naging katuwang nito sa pagpapalakad ng hasyenda. Hindi nila akalaing may nakatagong kasamaan pala sa kabutihang ipinapakita ni Kanor sa matanda maging sa mga tao doon. Namatay din ang mga magulang nila dahil sa ginawang pagpapalayas ni Kanor. Sinubukang lumaban ng ama nila pero binaril ito ng lalaki at sa tindi ng sama ng loob ng kanilang ina ay sumunod ito. Bumangon ang galit sa kanilang tatlong magkakapatid at isa iyon sa naging dahilan nila kaya nila nagagawa ngayon ang pagiging bandido. Naging bandido sila dahil sa tawag ng pangangailangan. Marami ang naghirap simula ng pamahalaan ni Kanor ang hasyenda at palayasin ang mga taong nakikitira sa lupain nito kasama na ang pamilya niya. Ang lahat ng mga pinalayas ni Kanor ay nagpunta sa simbahan subalit hindi iyon kayang tulungan lahat ni Father Anton kaya dinala ang mga ito sa isang kuweba sa loob ng isang gubat na malapit sa Sitio Tres. Ang Hardin ay teritoryo nilang magkakapatid at alam na nila ang kuwebang ito simula ng mga bata pa sila. Dahil sa pare-pareho silang mahihirap at walang makain ay tinawag sila ng pangangailangan. Ginawa nilang magkakapatid ang manloob sa mga establisimiyento lalo na sa mga pag-aari ni Kanor. Kalaunan, nang magsimulang magkasakit ang mga kasamahan nila sa loob ng kuweba ay sinimulan na rin nilang lumabas ng Sitio Tres at pasukin ang iba pang Sitio. Labag man iyon sa kalooban nila ay wala silang pagpipilian dahil kundi ay pare-pareho silang mamatay lahat. Ang lahat ng nakukuha nila sa panghoholdap nila ay ibinibigay nila kay Father Anton at ito naman ang nagbibigay sa mga taong mahihirap lalo na ang mga nakatira ngayon sa kuweba bilang tulong. Marami ang nagtataka at nagtatanong kung sino at ano ang totoong pagkatao ng mga bandido pero walang makapagsabi. Hindi sila madaling makikilala dahil sa maskara nilang suot kapag ginagawa niya ang 'misyon' nila. Naging wanted sila sa batas ng Tres at sa grupo ni Kanor. Pero magaling sila kahit na hindi nila iyon ginagawa dati. Matatalino silang magkakapatid at madaling matuto. Nagkaroon sila ng mentor sa katauhan ng isang lalaki na notoryus pagdating sa panghohold-up. Isang may edad na lalaki na nakilala nila sa pangalang 'Kalibre'. Nakilala nila ito sa pamamagitan ni Father Anton. Si Kalibre ay isang kilalang notoryus na holdaper hindi lang sa Tres kundi sa buong probinsiya at karatig. Pero siyempre ay walang nakakaalam ng tunay nitong pagkatao o walang nakakaalam na ito ay magaling na bandido. Nalaman lamang iyon ni Father Anton dahil sa mga pangungumpisal nito. Kaya ng sabihin ng pari ang tungkol kay Kalibre ay walang inhibisyong pinuntahan ng Kuya Ludgi niya ang tirahan ng lalaki sa mismong gitna ng malayong bukid. Sinabi nito ang gusto nilang mangyari at ang magiging dahilan nila. Sinabi nilang gusto nilang makatulong sa mga kapwa nilang mahihirap at may buting kalooban din siguro si Kalibre kaya tinulungan sila nito pagkatapos ng isang mahabang usapan. Kapalit niyon ay kailangan nilang tumupad sa isang kasunduan sakali mang humingi ito ng isang pabor sa kanila. Nagsimula sila sa pag-aaral ng paghawak ng baril. Ng mga maaring maging patibong at kung papaano ang paraan ng pagtakas. Ang paggamit ng kutsilyo at ang paghahagis niyon. May isang bagay na itinuro ito sa kanila na hindi nila malilimutan - ang pagkatiwaalan ang kasamahan nila. Pagkatapos lang ng isang linggo ay handa na sila sa kanilang gagawin. Pagkatapos din ng naging session nila kay Kalibre ay umalis na ito ng tirahan at hindi na nila alam kung saan pa ito nagpunta. Hindi nila alam kung kailan ito susulpot at magsasabi ng pabor na hihingin nito. Magkagayunman ay nakahanda sila kapag dumating ang sitwasyon. Si Father Anton lang ang nakakaalam ng lahat at wala ng ibang dapat pang makaalam. Kahit si Kasandra na minamahal niya ay walang nalalaman. Pero sadyang makulit ang dalaga. Kung hindi sila mag-iingat ay malalaman nito ang kanilang lihim. Napatakbo siya pabalik ng muling tumili ng malakas si Kasandra.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD