Wala kaming nagawa ni Kuya Timothy kung hindi ang lumuwas na agad at hindi na tapusin ang bakasyong iyon. Hindi na kami umapela pa dahil baka nga mamaya ay totohanin nina Mommy at Daddy ang pagbabanta sa amin. Nag-usap pa naman kami ni Kuya na babawi sa susunod na taong bakasyon namin sa lugar. Hindi kami papayag na maunsyami na naman ang kasiyahan sana namin dito na tatagal ng halos dalawang buwan. Wala eh, kailangan naming lumuwas para matapos na ang lahat.
“Huwag ka ng malungkot Safiera, babawi tayo next year.”
“Sayang lang talaga Kuya, ni hindi man lang tayo nag-isang linggo.”
Sa loob-loob ko ay natatawa ako sa reaction ni Kuya sa aking sinabi. Evident ang guilt na nasa kanyang mga mata ngayon. Siya naman talaga ang may kasalanan sa lahat ng nangyari sa amin. Binully niya ako. Hinamon at saka inasar nang inasar hindi ba?
“Oo nga. Aminado naman akong kasalanan ko, kaya babawi ako sa’yo. I'll be good next vacation.”
Pabirong inirapan ko siya. Noong nakaraan sobrang bully niya, ngayon akala mo ay kung sinong ulirang kapatid. Ang sarap niya sanang asarin, kaso huwag na at baka kung saan na naman kami humantong na dalawa at ang malala ay baka magkapikunan pa. Ayoko namang mangyari iyon.
“Paanong pagbawi ang gagawin mo sa akin, Kuya Timothy?”
“Titigilan na kitang i-bully para hindi ka na napapahamak. In short, magiging mabuti na ako.”
Lulan na kami ng van at hinihintay na lang na sumakay si Ate Luz na walang tigil ang bibig sa kakasermon sa aming magkapatid. Pinapalagpas na lang namin iyon sa kabilang tainga at nagkukunwari kaming bingi-bingihan dito.
“Ate Luz, tama na. Sige ka, ikaw din naman ang kumukulubot ang balat at hindi kami. Hindi ko na nga po iyon uulitin kay Safiera.” si Kuya Timothy na bahagya pang inihilig ang kanyang ulo sa isang balikat ni Ate Luz na panay ang pandidilat ng kanyang mga mata sa kanya. Umaandar na ang sasakyan.
“Dapat lang talaga Timothy! Naku, kung nabingutan o ‘di kaya ay nabulag iyang kapatid mo ay paniguradong lagot ka talaga sa mga magulang mo!”
At kagaya ng aming inaasahan pagdating namin ng Manila, pareho kaming inulan ng sermon galing sa aming mga magulang. Hindi lang basta si Kuya ang kanilang pinagalitan, maging akong biktima ay nadamay pa rin doon.
“Pasalamat kayong magkapatid at hindi masyadong malala, kung nagkataong malala iyan ay paniguradong parehong malilintikan kayo sa amin. Sana ay matutunan niyo ang lesson sa pangyayaring ito. Huwag na kayong uulit.”
Walang imik kaming parehong yumuko ni Kuya. Tinanggap kung anuman ang kanilang mga sinabi. Tama naman sila doon. Masyado kaming makulit. Hanggang matapos ang bakasyong iyon ay naburo lang kaming magkapatid sa bahay. Hindi pinayagan nina Mommy at Daddy si Kuya na lumabas. Anito ay iyon ang kabayaran sa kanyang kalokohan. Hindi naman na siya doon umangal. Panaka-naka niya akong tinutulungan at nanatili nga siya sa tabi ko.
“Kumusta ang bakasyon mo?” si MD sa unang araw ng aming pasukan, nasanay siya na marami akong baong kwento sa kanya tuwing first day.
“Hindi masaya.” walang gana kong tugon sa kanya, “Nakita mo ito? At saka ito?” pakita ko pa ng ilang pilat sa aking katawan na unti-unting nabubura. “Ang crush mo lamang namang kapatid ko ang nagbigay niyan sa akin.”
“Hala! Bakit? Anong nangyari?”
Napilitan akong ikuwento sa kanya ang mga nangyari sa amin ni Kuya wala pa man kaming isang linggo sa Pampanga. Ganun na lang ang lakas ng hagalpak niya dahil sa hindi siya makapaniwala. Inirapan ko siya dahil halatang tuwang-tuwa ang gaga sa aking mga pinagdaanan noong bakasyon.
“Seryoso? Bakit hindi ka kasi nag-iingat? Ayan, hindi niyo tuloy na-enjoy!”
Hindi ako nagsalita. Pinili ko na lang ang pabayaan siyang pagtawanan ako.
“Eh, ikaw? Kumusta ang bakasyon mo sa ibang bansa?”
“Ayos lang naman. Walang pagbabago.”
“Okay na kayo ng step-mother mo?”
Ganun na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata sa akin. Halatang ayaw niyang pag-usapan ang bagay na iyon. Hindi ko naman siya masisi. May step-sister daw kasi siyang feeling niya ay inaagaw sa kanya ang lahat-lahat.
“Huwag mo ng itanong. Kung disaster ang bakasyon niyo ng Kuya mo, sa akin hindi ko alam kung ano ang itatawag ko. Huwag na nating pag-usapan.”
Matuling muling dumaan ang panibagong school year. Pasalamat na lang kami ni Kuya na muli kaming pinayagan nina Mommy at Daddy na magtungo ng Pampanga. Blessing in disguise ang ilang business trips na pupuntahan nila sa labas ng bansa. Ayaw naman namin ni Kuya na sumama.
“Timothy, iyong paalala ko ha? Huwag naman sanang maulit iyon, hijo.” makailang beses na wika ni Mommy habang inihahatid kami sa loob ng van. Nakailang tapik pa si Daddy sa balikat ni Kuya na parang sinasabi na isa pang pagkakamali at paniguradong magagalit na sila sa amin nang lubusan.
“Tatandaan ko po Mom, ako na ang bahala kay Safiera.”
“Good. Tandaan, wala dapat accidents ha? Kahit bukol o kaunting galos.”
Pareho kaming tumango ni Kuya. Isinapuso namin iyon. At saka hindi na nga rin niya ako madalas na inaasar. Iyong nangyari ng nakaraang bakasyon ay hindi niya na inulit. Hindi na rin niya ako kinulit pa kung paano ko nakilala ang lalakeng nakita namin noon. Pero syempre, hindi ko pinalagpas na sabihin sa kanya ang pagtulong nitong ginawa noong unang naligaw ako.
“Sigurado kang mabuting tao iyon? Baka mamaya bait-baitan lang. Tanda mo ang sabi ni Mommy? Huwag magpapakatiwala sa kung kani-kanino lang.”
Awtomatiko akong tumango. Nagbago pa ng pwesto habang inaalala ang pangyayaring iyon. Hindi ko iyon makakalimutan. Umuulan pa nga noon.
“Oo Kuya, nasisigurado ko iyon sa pagtambay ng ilang oras sa kanila. At saka kung masama silang tao, e ‘di dapat ay hindi na nila ako tinulungan.”
Mariing tinutulan iyon ng aking kapatid.
“Safiera, hindi porket tinulungan ka ay mabuting tao na. Ang iba kaya ka tinutulungan ay para may kapalit na hingin sa’yo. Kumbaga, ginawa nila ang bagay na iyon kapalit ng nais nilang makuha mula sa’yo. Gets mo ba ha?”
Napawi ang ngiti ko. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun na lang ang pananaw ni Kuya sa buhay. Hindi naman porket salat sila sa buhay ay pangit na rin ang ugali at ang pagtulong ay may hinihintay na kapalit. Kung gagawin nila iyon, e ‘di sana noon pa nila ginawa. At saka hindi naman sila ganun.
“Ah, basta Kuya, hindi ganun ang kanilang pamilya.”
“Let me see. Tingnan natin sa muling pagbabakasyon kung hindi nga ba.”
Napakunot na ang noo ko doon. May ibang nahihimigan ako sa tono niya.
Wait, uungkatin ba ng kapatid ko ang pangyayaring iyon sa kanila na ilang taon na ang nakakalipas? Hindi ba nakakahiya iyon? Ako na nga ang tinulungan nila tapos nagdudududa pa ako at gagawa ng gusot? Natatandaan ko pa nga noon na malaki ang respeto nila kina Lolo at Lola.
“Ano bang pina-plano mo Kuya?”
Ngumisi siya sa akin ng nakakaloko.
“Wala. Kakaibiganin ko lang ang lalakeng iyon at titingnan ko ang ugali.”
“Ano?!”
Ginawang totoo nga ni Kuya Timothy ang kanyang plano. Ilang araw pa lang kami sa bakasyon sa Pampanga nang magawa na niyang ipakilala ito sa akin na animo ay hindi kami magkakilalang dalawa, nang isang hapon ay ayain niya akong magtungo sa pinaka-sentro ng baranggay. Kakain lang daw kami. At hindi ko alam kung paano sila bigla na lang naging magkaibigan ni Kuya. Halos mahulog ang aking panga nang makita siya sa bakuran ng mansion.
“Marunong ka bang mag-bike, Ravin?” formal pang tanong ni Kuya sa kanya na animo ay isa lang ito sa kanyang mga kaibigan na kausap.
“Oo—”
“Good, i-angkas mo si Safiera.”
Kung kanina ay halos mahulog lang ang aking panga, ngayon ay tuluyang nahulog na iyon. Ano ba ito si Kuya? Ipinagkakatiwala niya ako agad dito? Kahit pa may hindi ako maipaliwanag na pakiramdam sa aking kalamnan habang nasa harapan ko si Ravin ay hindi ko pa rin mapigilan na tubuan bigla ng hiya. Hindi kami magkaibigan! At saka, hello? A-angkas ako sa kanya? Ni hindi ko pa nga subok kung totoo ba talagang marunong siya. Baka mamaya siya pa ang maging dahilan upang tuluyan akong mautas. Paano na si Kuya?
“Kuya—”
“Hindi ka pwedeng umangkas sa akin. Natatanggal iyong kadena ng bike ko at delikado. Gusto mo bang hindi na makapagbakasyon dito next year?”
Ilang beses kong ibinuka ang aking bibig. Gusto ko pang mangatwiran kaya lang ay hindi ko na iyon nagawa nang biglang magsalita si Ravin gamit ang seryoso at malalim niyang tinig. Bagay na pinagsisihan kong umangal ako.
“Okay lang Timothy, maglalakad na lang ako. Doon na lang tayo magkita.”
At bago pa makapagsalita ang isa sa amin ay malalaki na ang mga hakbang na lumabas ito ng gate ng aming mansion. Makahulugan akong tiningnan ni Kuya na may bakas ng paninisi kahit na hindi niya pa isatinig iyon sa akin.
“Ano pang tinutunganga mo diyan? Tara na, Safiera.”
Alumpihit akong sumunod sa kanya kahit na gustong-gusto kong sabihin na hindi ako sasama. Dapat kasi pinahiram na lang niya ang bike niya doon tapos siya na lang ang gumamit nitong bike ko at ini-angkas niya ako ‘di ba? Paladesisyon siyang ako ang kailangang umangkas doon. Ni hindi ko nga nakitang nag-bike iyon. Paano ko malalaman kung talagang kaya niya talaga?
“Kuya Timothy, mali ka naman eh...” hindi ko na napigilang isatinig makaraan ang ilang minuto naming pagtahak sa daan patungo ng sentro.
Nilingon niya ako. Mabagal lang ang aming takbo. Nasa malayong unahan namin ang bulto ng katawan ni Ravin na mas mabilis na doong humahakbang. Siguro ay nakita niya kaming dalawa ni Kuya sa likod niya.
“Saan ako nagkamali?”
“Iyong pagpapahiram ng bike sa kanya kanina. Dapat ibinigay mo iyang bike mo sa kanya tapos ikaw ang gumamit nitong bike ko at ini-angkas mo ako.” tugon kong deretso pa rin ang tingin sa unahan, naramdaman ko ang ilang sandali pa niyang paglingon sa aking banda. “Hindi kami magkakilala, malamang ay magugulat ako at maiilang. Pinapa-angkas mo pa ako sa kanya.” nguso kong alam kong naiintindihan naman ng kapatid ang punto.
“Hindi mo ako naiintindihan Safiera. Hindi ba at ang sabi ko ay natatanggal ang kadena nito?” mabilis ko siyang sinulyapan, nakakunot na ang noo niya. Mukha nga yatang naging slow ako kanina sa pag-intindi sa sinasabi niya. “Ako, kilala ko ang sakit ng bike ko at kung paano ko-kontrolin. Siya hindi. Paano kung bigla siyang madisgrasya? Sagutin pa natin. Ang sabihin mo ay ang damot mong magpahiram. Hindi ka ba naaawa doon sa tao? Pagod iyon.”
“Bakit kasi inaya mo—”
“Hay naku! Sana ay hindi ka na lang sumama.”
Itinikom ko ang aking bibig. Mukhang napikon na nang tuluyan si Kuya.
“Sa sunod ay hindi na kita aayain. Kami na lang. Bahala ka nga diyan.” anitong nilagpasan ako at iniwan na doon, matulin na ang takbo ng bike.
Ikinibot-kibot ko lang ang aking bibig. Kasalanan ko bang ‘di ko agad iyon na-gets? Hindi niya naman ipinaliwanag sa akin nang maayos. Ano raw iyon? Alam naman niya kung gaano ako ka-slow at maka-gets ng mga bagay-bagay sa aking paligid eh. Pambihira!
“Kuya Timothy, hintayin mo ako! Hindi ko alam kung saan ang sentro.”
Hindi niya ako pinansin. Kunwari lang naman iyon. Pwede ko namang sundan si Ravin at bagalan ang takbo ng bike ko. Kaya lang hindi ko maatim dahil sa pangre-rejecct na iangkas ko siya kanina. Maramot din kaya ang iniisip niyang ugali ko? Nakakahiya! Babawi ako sa kanya, hindi man ngayon iyon.