KABANATA 15
Madaling lumipas ang mga araw at dumating na nga ang araw na pinakahihintay ni Chardee at iyon ang araw na makakatapak na siya sa Mahogany Playground Park na matagal na niyang inaasam na kan’yang mapupuntahan dahil sa mga palarong pambata na talaga naman na kawili-wili at ma-e-enjoy mo talaga ang parkeng ‘yon. Kung hindi dahil kay Sten, malamang ay iisipin niyang hanggang kailan kaya siya maghihintay para makapunta ro’n. Kaya malaki talaga ang kan’yang pasasalamat kay Sten dahil siya lang naman ang naging rason ng lahat. Isang malaking ala-ala na lang din itong gagawin nila dahil aalis na sila at ito na lang ang tanging maiiwan niyang hindi nila makakalimutang dalawa ni Sten. Ito na lang din ang maibibigay niyang makakapagpasaya sa kaibigan.
Napapangiti si Chardee sa mga iniisip niya. Iba talaga ang utak ng batang ito. Iba na talaga kapag may malaking IQ. Parang advance lang siya kung mag-isip. Pero masayang-masaya siya sa araw na ito at ‘yon ang kaniyang nararamdaman. Nasa labas sila ng bahay nila Sten ngayon at hinihintay niya sa loob ng kotse sina butler Jaymi at Sten dahil tinutulungan niyon si Sten sa kan’yang mga gamit para dalhin sa loob ng kotse. Nang makalabas na ng gate si butler Jaymi bitbit ang ‘di gaano kalaking bag ni Sten ay kasunod nito sa kaniyanng likuran sina Sten at ang kaniyang ina.
“Tita!” sigaw ni Chardee sa Mama ni Sten habang kinakawayan niya ito sa loob ng kotse.
“Oh. Chardee, mag-iingat kayo ha? Hindi na ako makakasabay hanggang sa Mansion, alam mo naman kung bakit? ‘Di ba?” paalala nito pero agad din humingi ng despensa. Binalingan naman niya si butler Jaymi na kasalukuyang inaayos ang gamit nila sa loob ng kotse.
“Huwag mo pababayaan ang mga bata, bantayan mo silang mabuti Jaymi.”
“Opo, Maam Mariare. Hayaan niyo po at ako na ang bahala sa kanila,” sabi niya na tila nanunumpa.
Ngumiti naman si Mariare.
“Aasahan ko ‘yan,” panunudyo pa niya kay butler Jaymi. “Pero mag-iingat kayo ha.”
“Yes, po! Thank you po,” at ngumisi sa ina ni Sten.
“Mama, aalis na po kami,” sabi naman ni Sten sa kaniyang Mama. Niyakap niya ng mahigpit ang kan’yang Mama. Niyakap naman siya nito at pinupog ng halik. Tuloy ikinakiliti niya ‘yon kaya napahagik-ik siya.
“Sige na, at ba-byahe pa kayo. Ang mga bilin ko sa ‘yo ha, huwag mong kakalimutan,” paalala ulit ng kan’yang Mama.
“Aalis na po kami,” paalam na ni butler Jaymi sa ina ni Sten at yumuko saka pumunta sa driver seat sa loob ng kotse. “
Mama!” Sigaw ni Sten na nakaupo sa backseat sa loob ng kotse. Saka sabay na kumakaway silang dalawa ni Chardee nang tuluyan ng lumalayo ang sinasakyan nilang kotse. Wala namang tigil ang pagkaway ni Mariare habang hindi pa nawawala sa kan’yang paningin ang mga bata. Sumilay ang ngiti sa kan’yang labi.
Habang nakaupo naman sa swivel chair si Romy Chorein sa loob ng kan’yang opisina ay nakatingin siya sa mga kuha ng litrato nila Sten Marie at sa Unico Hijo nito na nasa kaniyang DIGITAL CAMERA. Seryoso niyang pinagmamasdan ang bawat litrato ng dalawang bata habang malalim na nag-iisip. Ilang minuto pa ang nakalipas at may ipinindot siya sa kan’yang monitor sa itaas ng kaniyang mesa saka nagsalita...
“Make sure you keep an eye on them, follow and protect them. I don’t want anything bad to happen, especially since he will be exposed outside, do you understand?” utos niya sa kabilang linya. Pagkatapos ay tiningnan muli ang mga kuhang litrato ng mga bata. Pumasok naman ang kan’yang sekretarya sa loob ng kaniyang opisina at bumati ito sa kaniya.
“Handa na po ang lahat Sir Lasner, puwede na po tayong umalis ngayon,” ang bungad na sabi ng sekretarya kay Romy Chorein.
“Alright...by the way, you need to buy a bucket of coffee on the trip. I like to drink a lot of coffee on my trip,” ang kaniya na namang utos.
“Yes Sir, right away,” sagot naman ng sekretarya at nagmamadali na itong unang lumabas ng opisina.
Agad naman kinuha ni Romy Chorein ang mga mahahalagang papeles sa ibabaw ng kaniyang mesa at inilagay ito sa kaniyang suitcase saka tuluyan umalis na ng kaniyang opisina.
LASNER MANSION
(Lasner Residence)
Nasa gitna ng pag-iimpaki ng kanilang gamit ang mga bata habang hinihintay nila si Pinky na may kausap pa ito sa telepono. Katulong si Manang Rose, ang may edad na nilang kasambahay sa pag-aayos ng gamit ng mga bata para dalhin sa kanilang pag-alis. Kasama ng mga bata ang Mommy ni Chardee kaya makapag-check-in sila sa Inn ng Mahogany Playground Park. Ayon naman kay Pinky ay ngayon lang din sila makapagpasyal lalo na ang Unico Hijo niya kaya samantalahin na raw nila ang pagkakataong ito. Lubos naman ang tuwa ng mga bata dahil dalawang araw nila ma-e-enjoy ang pananatili nila sa palaruan ng Mahogany Playground Park. Medyo may kalayuan din ang lugar na ‘yon kaya b-byahe sila ng apat na oras.
“Mom!” tawag ni Chardee sa kaniyang Mommy na nasa dining area nila sa telepono nakatanggap ng tawag.
“Are you done on the phone?” tanong niyang pasigaw sa kaniyang Mommy.
Ngunit wala siyang nakuhang tugon nito, marahil ay may kausap pa ito sa telepono at ang Daddy niya iyon. May inahahabilin ito sa kanila kaya ito naka-monitor at laging oras-oras kung tumawag.
“Manang Rose, bakit may mga pagkain po kayong ibinalot?” pagtatakang tanong ni Chardee nang makita niyang may isinilid ito sa isang lalagyan.
“Babaunin niyo ito sabi ng Mommy mo, Señorito,” sabi sa kaniya ni Manang Rose.
Hindi na siya umangal pa lalo pa’t ang Mommy niya ang may gusto. Pagkuwa’y bumungad na ang kaniyang Mommy.
“Is everything ready, Manang? Aalis na tayo, kids at bitbitin niyo na ang sarili ninyong mga gamit,” panawagan ni Mrs.Pinky sa mga bata.
“Opo, Maam. Nakahanda na po lahat, nasa loob na ng sasakyan ang mga gamit ninyo at ng mga bata,” turan ni Manang Rose sa kaniyang amo.
Wala na silang sinayang pa na oras at agad na silang tumungo sa sasakyan kasama si butler Jaymi na siya mismong magmamaneho. Gamit na pang-bihisan nila at kaunting pagkain ang kanilang dinala. Kakainin pala nila iyon sa biyahe dahil apat na oras ang biyahe bago sila makarating sa Mahogany Playground Park. Habang nasa biyahe ay hindi mapakali at excited ang dalawa at ang baon nilang pagkain ay kanilang kinain. Makalipas nga ang lagpas na apat na oras ay narating na nila ang Mahogany St., Dasmarinas place kung saan naka-lokasyon ang Mahogany Playground Park o Playpark. Lubos ang kasiyahan ng mga bata nang makarating na sila at tuluyang nakapasok sa loob ng Mahogany Inn. saka sila pinabantay kay butler Jaymi dahil wala ng pinahintay pa na sandali ang mga bata sapagkat gustong-gusto na ng mga ito ang makalaro sa playground. Hindi naman gano’n karami ang mga tao at batang nag-sipaglaro na nauna ng dumating. Marahil napakaaga pa dahil around 10am sila nang nakarating sa kanilang distinasyon. 6am pa lang ng umaga nang sila ay umalis at sinimulang bumiyahe. Nagpunta naman si Pinky sa Inn.Hotel ng Mahogany Playground Park para makapag-check-in na sila ng kuwartong kanilang mapag-stay-an. Nang magutom ang mga ito’y saka na sila inanyayahan ni Pinky sa isang kainan sa loob lamang ng palaruan na ‘yon.
Nang makaupo na sila sa kanilang chair and table na naka-reserved na sa kanila ay agad naman silang um-order ng mga pagkaing gustong-gusto na nilang kainin dahil sa gutom ng mga bata. Ang naging tanghalian nila ay umabot na ng pasado alas-dos na ng hapon. Sinimulan na nila ang kanilang pagkain nang mailapag na ito sa kanilang harapan. Maskin si butler Jaymi ay kasabay na nilang kumain. Para na talagang bahagi na ng kanilang pamilya si butler Jaymi. Ngunit sa katayuan ni Jaymi ngayon ay nahihiya pa rin siya sa pamilyang Lasner. Malaki ang utang na loob niya sa mga ito kaya gano’n na lang kung pagsilbihan niya ang pamilya at laging tapat ang kaniyang mga ginagawa para sa pamilyang Lasner. Sa edad na dalawampu ay bihasa na siya kumilos bilang tagasunod. Matalino rin kasi si Jaymi dahil kahit paano ay nakapag-aral siya at nakatapos ng kaniyang kursong Engineering. Hindi na niya nagawa pang magtrabaho sa kursong gusto niya dahil ayaw ni Chardee. Si Chardee ang dahilan kung bakit ang nag-iisang anak ng mga Lasner ay gustong-gusto si Jaymi na makasama niya ito parati, ayaw ni Chardee mahiwalay sa kaniya si Jaymi na itinuring na niyang totoong kapatid. Napag-isip-isip din kasi ni Jaymi na malaki rin ang sinasahod niya at sasapat na ‘yon sa kaniya lalo pa’t itinuturing siyang pamilya ng mga Lasner kaya wala na siyang mahihiling pa kun’di ay manatili sa pamilyang nagpalaki’t nag-aruga sa kaniya na ang buhay niya ay kaniya nang ini-alay para rito. Hindi na niya kailangan pang magtrabaho dahil pareho lang naman din ang kalalabasan. “Oh, Jaymi kain ka pa ng kain dahil alam kong pagod ka sa kababantay sa mga batang ‘to,” pag-alala ni Pinky kay butler Jaymi.
“Naku Tita, ayos lang po ‘yon. Natutuwa naman akong kasama sila habang binabantayan kaya hindi na ako nakaramdam ng pagod,” sagot naman ni butler Jaymi kay Pinky.
“Tita?” takang sambit ni Sten sa sinabi ni butler Jaymi. “Mag-kapamilya po kayo ni Tita Pinky, Kuya Jaymi?” patuloy pa ni Sten na may tanong sa huling sinabi niya.
Napatawa naman doon si Pinky maging si butler Jaymi ay ngumisi at may nakalokong ngiti naman na humarap si Chardee kay Sten sabay sabing...
“Parang gano’n na nga...hindi niya kasi matawag na Tita si Mommy kapag maraming tao. Nahihiya pa rin kasi siya hanggang ngayon, right Mommy?” sangguni naman ni Chardee kay Pinky. Palinga-linga naman ng tingin si Sten kay butler Jaymi at sa Mommy ni Chardee. Ngumiti naman si Pinky at tumango bilang tugon.
“Ewan ko ba riyan kay Kuya Jaymi niyo at tinatawag niya lang akong tita kapag kami lang ni Chardee or ni Romy pero kapag kaharap na namin ang ibang tao bigla naman niya iniiba na may paggalang kahit sinasabi naman naming huwag na niya kami masyadong galangin. Sadyang napakabait lang na bata ‘to kaya gano’n. Sige na ipagpatuloy niyo na ang inyong kinakain,” mahabang turan ni Pinky.
“Tita naman...ayoko pong abusuhin ang kabaitan niyo sa akin kaya mas nakakahiya kung hindi ako maging pormal sa ibang tao, tinagurian pa naman akong isa Butler sa Mansion...ano na lang ang iisipin nila kapag bigla ko kayong tinawag na tita sa harap nila,” pagrarason ni butler Jaymi.
“Kung sabagay may punto ka rin diyan kaya nga nagsisisi kami kung bakit ginawa ka pa naming butler. Nagpupumilit ka kasing magtrabaho kaya ‘yan,” panghihinayang pa na sabi ni Pinky kay Jaymi.
Napakamot naman sa kan’yang ulo si butler Jaymi at parang nasapol sa sinabing iyon ni Pinky. Humalakhak naman ang mga bata na tila natutuwa sa pinag-usapan ng nakatatanda sa kanilang harapan.
“Kung gano’n magpamilya nga kayo...Chardee, ang suwerti mo may kuya ka pala!” hangang wika ni Sten.
“Oh naman!” sagot ni Chardee na tumaas pa ang tono ng kaniyang boses.
“Kaya sekreto lang natin ‘to senyorita Sten ha, ‘wag mo ipagsabi kahit kanino,” bulong pa kunwari ni butler Jaymi sa tenga ni Sten.
Dinig na dinig naman nila Chardee at Pinky ang ibinulong ni butler Jaymi kay Sten kaya napahalakhak silang muli. Puno ng kasiyahan ang naging pag-uusap nila nang pananghaliang ‘yon kaya walang paglagyan ng tuwa ang naging bonding ng dalawang bata. May bago na namang kaalaman na napakahalaga ang nalaman ni Sten sa araw na ‘yon. Kaya matapos ang bulgarang pag-uusap nilang iyon ay muli na namang naglaro sina Sten at Chardee sa parkley(Mahogany PP). Gano’n nang gano’n ang naging paglilibangan ng dalawang bata habang si Pinky ay nakatuon lang ang paningin sa mga bata at lagi niya ito pinasusundan kay butler Jaymi na minsan ay nakisali sa kanilang paglalaro. Hanggang sa nakaramdam ng pagod ang mga bata at pinaglinis na sila ng kanilang katawan bago magbihis para makahiga na sa kanilang kama. Isang masaya’t nakaaliw na araw ito para kina Sten at Chardee kaya kinabukasan para sa ikalawang araw nila sa Mahogany Playground Park ay nilubos-lubos na naman nila ang paligid na ang lahat na lang na naroroon ay kanilang sinubukang laruin. Pagsapit ng gabi matapos ang kanilang hapunan sa isang restaurant sa ground floor ng Mahogany Inn.ay niyaya ng mga bata si Jaymi na samahan sila sa hardin ng park kung sa’n kapag gabi ay pina-iilawan ang mga bombilyang nakahilera’t nakapaligid sa bawat bulaklak na may paso. May mga maliliit din na bombilyang ilaw na sa mga dahon naman isinasabit na mistulang dekorasyon ng isang Christmas Tree.
“Napakaganda nga rito,” ani ni butler Jaymi nang maupo sila sa isang nililok na upuang kahoy.
“Parang wala lang naman eh, mas maganda talaga rito ang maglaro kaya nag-enjoy ako...ikaw ba?” sabi niya nang mapalingon kay Sten at tinanong niya ito.
“Nag-enjoy rin ako at saka tama ang sinabi mo Kuya Jaymi na napakaganda nga rito, ngayon lang kasi ako nakapunta rito at salamat naman nakasama ako,” ngiti niyang sabi.
“Syempre naman, alangang iwanan ka nito eh, hindi ka nga maiwan ni senyorito Chardee,” sabi ni Jaymi na kinakalmot pa ang buhok sa kan’yang batok.
“Ano po?” takang tanong ni Sten.
“Kuya Jaymi, Chard na lang po. Wala naman tayo sa harap ng iba,” singit pang sabi ni Chardee.
Ang ibig kong sabihin Senyorita isinama ka nga rito eh, pa’no ka naman mapag-iwanan,” ngising sabi ulit ni butler Jaymi.
“Kuya Jaymi, shut your mouth...ibili mo na lang kami ng pagkain,” ani pa ni Chardee sa kaniyang Kuya Jaymi.
“Sige. Ano ba ang gusto ninyong kainin?” tanong ni butler Jaymi sa mga bata.
“Kahit ano na lang...” agad na sagot ni Chardee. Napalingon naman si Sten kay Chardee. “
‘Di ba bago lang tayo kumain, kakain na naman?” angal ni Sten. Marami kasi siyang nakain ng dinner nila kaya totoong busog pa talaga siya.
“Hayaan mo na Senyorita, natunaw na ‘yon...sige bibili lang ako para may mangunguya kayo rito’t mapaglilibangang kainin,” sabi ni butler Jaymi sa mga bata. Agad na siyang umalis kaya naiwan ang dalawang bata na nanatiling nakaupo sa upuang inukit sa kahoy.
“Gutom ka ulit?” sabay harap ni Sten kay Chardee. Hindi sinagot ni Chardee ang pagtatakang tanong ni Sten ngunit iniba niya ang usapan.
“Natatandaan mo ‘yong nagbahay-bahayan tayo?” panimulang sabi ni Chardee kay Sten. Mataman lang siya tiningnan ni Sten na pinagtakhan siya sa klase ng itsura nitong nakatingin sa kaniya. Hindi rin nito sinagot ang naging tanong niya.
“Gusto ko magkaroon din tayo ng totoong bahay,” ngiting sabi niya kay Sten na ang mga biloy sa kan’yang pisngi ay biglang lumalim.
“Promise ko sa ‘yo na kapag bumalik na ako rito ay may bahay na tayo!” sabi niyang pasigaw na in-aksyon pa.
“Talaga, iyong totoong bahay na?” tanong din ni Sten na parang natutuwa pa.
“Oo naman!” malakas na sagot ni Chardee.
“Talagang magagawa mo ‘yon eh hindi ba mahal ‘yon,” sabi ni Sten na hindi sigurado sa sinasabi ng kaibigan.
“Naman...ako yata ang tagapagmana ni Daddy and it will be mine lahat ng ari-arian mayroon kami,” pagmamalaki pa niyang sabi kay Sten.
“Kung aalis na kayo, kailan naman kayo babalik ni Tita?”
“Hindi ko alam pero babalik kami, sigurado ko sa ‘yo ‘yan kaya huwag na huwag ka malulungkot uh, lagi kitang tatawagan kapag nandoon na ako,” sabi niya kay Sten sabay tapik sa balikat nito.
“Pangako?”
Malaki ang ngiting tiningnan ni Sten si Chardee habang di napigilang hinawak-hawakan ni Chardee ang mahabang buhok ni Sten.
“Pangako ‘yan,” sagot naman ni Chardee sa tanong na ‘yon ni Sten.
“Kapag nando’n ka na ‘wag mo ako kalimutan at saka salamat pala ro’n sa binigay mong Teddy Bear sa ‘kin, may katabi na akong matulog palagi,” sabi ni Sten.
“Ah. Yeah, that Teddy Bear...okay na ‘yon,” ikli lang niyang sagot at... “oo nga pala, kumusta na ‘yong pakiramdam mo? Hindi na ba sumasakit ang dibdib mo?” nag-uunahang tanong ni Chardee kay Sten.
“Hindi naman...ayos na ako,” sagot naman ni Sten.
Talagang hindi niya sinabi ang totoo sa kaibigan. Parang wala na lang naman kasi sa kan’ya ‘yon, bunga lang siguro ng laging kapaguran niya o sa mga bagay na ginagawa niya kaya siya nagkagano’n. Dahil sa nawawala lang naman ang sakit kaya para sa kaniya ay okay na iyon...okay na ‘yon na kung hindi pa sa murang edad ay baka maintindihan niyang hindi pala okay.