Maginaw. Alas kwatro pa lang ng umaga nang magpunta si Elena sa office ng resident supervisor nila na si Ma'am Larisa. Alam niyang gising na ito at magjojog ng ganitong oras. Maaga ang pasok niya kaya kailangan na niya itong makausap upang magkaroon ng kapayapaan ang isip niya.
Hindi siya nakatulog ng maayos. Hindi dahil sa pagkalap ng impormasyon kay Jane, ngunit dahil sa sinabi ng librarian na may krimen na nangyari sa silid na inuukupa niya. Balot na balot siya mula ulo hanggang paa at naghihintay sa labas ng opisina nito. Naupo siya sa isang silya habang hinihimas ang mga braso. Ayaw na niyang magkape dahil isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi siya makatulog ng maayos. Madalas siyang nagigising tuwing alas tres ng madaling araw at hindi niya alam kung bakit.
Maya-maya pa ay narinig niyang bumukas ang pintuan ni Ma'am Larisa. Nakasuot ito ng makapal na jacket at jogging pants. May bitbit rin itong earbuds at tumbler. Hindi siya nito agad na napansin kaya tinawag niya ang pangalan nito.
"Oh, miss Honobre? Anong ginagawa mo rito? Manghihiram ka ba ng extension wire?" Tanong nito habang inaayos ang sintas ng sapatos. Umupo ito sa ikalawang baitang ng hagdan na papuntang second floor. Umiling siya rito. Strikto ang ginang ngunit gusto niya ang pagiging tapat nito. Nararapat talaga dito ang titulo dahil matapang rin ang ginang.
Nang matapos ay tumayo na ito at nagsimulang maglakad kaya sumabay siya rito. Sa labas ng gate na niya sasabihin ang gusto niyang itanong. "Ano bang kailangan mo, Elena?" Nag stretching ang ginang kaya ginaya niya ito. "May itatanong lang po sana ako ma'am. " Tumango ang ginang at nagsimula ng maglakad. "Ano yun? Importante siguro itong itatanong mo. Sa lamig ng Baguio ay walang estudyante ang gumigising ng maaga at sumasama sa aking mag jog." Natawa siya.
Kasalukuyan nilang nilalakad ang kahabaan ng mapunong daan papuntang library. Sa unahan nito ay ang field kung saan makikita ang ibang nagjojog ngunit kadalasan sa mga ito ay mga atleta. "Ma'am, sa kwarto po na inuukupa ko, totoo po bang may namatay doon?" Mabilis na bumaling ang ulo ng ginang na halatang gulat na gulat sa tanong niya. Napahinto ito sa paglalakad. Kahit madilim sa parteng iyon ay naaaninag niya ang gulat sa ekspresyon nito. "Oo, tama ka, hija."
Ngayong nakumpirma niya ito ay naubusan naman siya ng tanong. Dumoble ang lamig na nararamdaman niya sa simpleng kumpirmasyon nito. "Nagpaparamdam ba siya sa'yo?" Tanong nito at nagpatuloy na sa paglalakad. Huminga siya ng malalim at inisip ng mabuti ang mga itatanong sa ginang. "T-totoo po bang g-ginahasa siya ma'am?" Nagulat siya nang umakbay ang ginang sa kanya." Hinaan mo ang boses mo, Elena." Natutop niya ang bibig. Hindi niya namalayan ang kalakasan ng boses niya.
"Mabuti pa maupo muna tayo sandali." Chineck nito ang smartwatch at nasilip niyang alas kwatro y kinse pa. Naupo sila sa isang bench sa ilalim ng pine trees. Malayo ito sa daan at puro damo ang nakapalibot dito. Mas lalong dumilim ang paligid. Iniisip niyang baka may manuklaw na ahas sa inuupuan nila ngunit mukhang hindi naman nababahala ang ginang. "Ma'am, bakit dito po tayo pumwesto?" Halos hindi niya na maaninag ang mukha nito.
"Elena." Narinig niyang hilaw na natawa ang ginang. Hinawakan nito ang kamay niya na siyang nagpakislot sa kanya. "Kapangalan mo pala ang magandang dilag na iyon. Sa katunayan ay meron ding pagkakahawig ang mukha ninyo. Maingay nga lang siya at maayos manamit." Napakamot siya sa ulo. "Ang ibig kong sabihin ay kikay siyang manamit habang ikaw ay simpleng manamit ngunit sabi ko nga, pareho kayong maganda."
"Sino po ang pumatay sa kanya?" Naramdaman niyang humigpit ang pagkakahawak ng ginang. "Marami." Humikbi na ito. "Bakasyon na noon at nagsiuwian na ang lahat. Kami nalang dalawa ang naiwan sa dorm." Mahina lamang ang pag-uusap nila. Parang bulong na nga iyon. "Alam kong hindi pa siya uuwi at nung gabing iyon ay nakiusap siya sa akin kung pwede ko siyang samahan sa kwarto niya o baka pwede siyang matulog sa kwarto ko."
"Pinasok po ba kayong dalawa sa kwarto ninyo?" Sumandal ang ginang sa balikat niya kaya hinagod ito ng dalaga. "H-hindi ko siya sinamahan. Alam kong secure ang dorm noon dahil may gate naman at nakakandado ang maindoor pero-" Umiyak na ito ng mahina. Niyakap niya ito. Ano ba talaga ang nangyari kay Elena?
"Halinhinan siyang g-ginahasa ng ilang kalalakihan. Ang totoo niyan ay hindi ko alam ang totoong nangyari dahil nasa first floor ako at nakasuot ng headphone. Kumakatok pala siya sa pintuan ko at sumisigaw, humihingi ng tulong. " Tumulo na rin ang luha niya. "Elena patawarin mo ako, patawarin mo a-ako." Niyakap niya ito ng mas mahigpit habang inaalo ito. Hindi niya kayang sabihin na wala itong kasalanan. Ngunit ayaw naman niyang dagdagan ang guilt na nararamdaman nito kaya hindi nalang siya nagsalita.
Naaawa siya sa dalaga. Kalunos-lunos ang sinapit nito. Ang silid na araw-araw niyang inuuwian at kinakainan ay may malagim palang nakaraan. Ang kanyang kama, silya, bintana at sahig ay ilan lang sa saksi ng gabing mangyari ang panggagahasa sa dalaga."N-nahuli na po ba ang mga salarin sa pagpatay kay Elena?" Mas lalong umiyak ang ginang. Hindi ito sumagot sa tanong niya.
P*tangina! Ibig bang sabihin ay hindi man lang nahuli at nakulong ang mga may gawa nito sa estudyante? "Ma'am, magsalita po kayo." Pinahid nito ang mga luha at tinulungan niya ito. "Ang sabi nila , ang isa sa mga lalaki ay anak daw ng isang negosyante. Malakas ang impluwensiya nito sa buong Benguet kaya wala ring nangyari. Ayaw ng rector na mabahiran ang pangalan ng unibersidad dahil nasa rurok na ito ng katanyagan. Wala sa amin ang totoong nakakaalam ng katotohanan maliban sa rector at mga incorporators ng St. Claire. Hindi nila ipinaalam sa lahat ang detalye ng nangyari. Nang magbalik ang pasukan ay parang walang nangyari. Malamang ay ikaw pa lang ang nakakaalam ng nangyari sa estudyanteng iyon." Muling umiyak ang ginang habang siya naman ay sukdulan na ang galit na nararamdaman. Kailangan niyang malaman ang nangyari sa anak ni Ma'am Beth. At si Jane lamang ang makakatulong sa kanya.
_____________________
"Ano 'to?" Maarteng tanong ng dalaga habang nakataas ang kilay sa kanya. Nasa bench si Jane kasama ang dalawang kaibigan nito at nagkukwentuhan. Alam niyang panis na ang istilo niya ngunit kailangan niyang gumawa ng paraan habang pinapagana ang isip. Ayaw na niyang magmukmok at maghintay.
Hinawakan nito ang baunan na may lamang sandwich habang ang mga mata ay nakatingin sa kanya. Nginitian niya ito. "Baka kasi nagugutom ka na, Jane. Galing ako sa canteen at naisip ko na baka hindi ka na naman nag-agahan kaya binilhan na kita. Sakto namang napadaan ako rito." Nang-uuyam na tumawa ang dalaga. Nakita niyang may dinukot ito sa bag kaya pinigilan na niya ito. "Huwag mo ng bayaran, Jane. Kilala mo ako. Sa lahat ng pagtatalo natin ay ni minsan hindi ako ang nauna. Kaya makakaasa kang hindi ko pinahid sa toilet bowl ang tinapay na iyan o nilagyan ng kulangot." Kahit hindi niya pa ito gaanong nakikilala ay alam na niya kung papano ito mag-isip. Natawa ito. Natural na tawa.Umalis na siya dahil nagsisimula ng tumaas ang kilay niya sa dalaga. Iniwan niya itong tumatawa at narinig niya pang kinausap ito ng kaibigan.
Maaga siyang nagpaalam sa librarian nang sumapit ang hapon dahil naawa ito sa kanya. Sinabi niyang masakit ang kanyang tiyan at pinapunta pa siya sa clinic na hindi niya naman ginawa. Alam niyang alas singko umuuwi si Jane kaya nang makauwi ay nilabhan niya ang uniform nito. Plinantsa rin niya ang mga unipormeng susuotin pa nito. Nagsaing siya at nang maluto ito ay agad siyang lumabas at bumili ng afritada sa karinderya. Paborito ito ng dalaga. Dinamihan niya ito at bumili rin siya ng ube cake sa tapat na bakery. Tatlong slice lang iyon dahil bawat slice ay tatlumpong piso ang halaga.
Mabilis niyang ininit ang biniling ulam. Nagtaka siya dahil alas singko y media na ngunit hindi pa rin umuuwi ang dalaga. Inayos niya ang magulong study table nito at kama. Nagwalis siya at nagmop upang hindi na maglinis ang dalaga. Kanya-kanyang task kasi nila ang paglilinis at dahil Myerkules ngayon ay si Jane ang nakatoka. Pinahid niya ang pawis at napatawa dahil hindi pa pala siya nagbibihis.
Muntik na siyang mapatalon nang dumating ito. May dala itong bouquet ng red roses at malapad ang ngiti. Nagdate ba sila ng guro? Nagkita ba sila? Saan? Sunod-sunod na tanong sa utak ni Elena. Umakto siyang hinahalo ang afritada. Nang mapansin niyang nauubos na ang sarsa nito ay pinatay na niya ang kalan at inilipat iyon sa malaking bowl.
Nakikita niya sa gilid ng mga mata ang paglapit ng dalaga. Napangiti si Elena. "Marunong ka palang magluto niyan?" Tumango siya rito at inaya na itong maupo. Pinaghila niya pa ito ng upuan at pinagsilbihan. Nagulat siya ng pinuri siya ng dalaga. Kaya doon niya gustong kumain dahil masarap magluto si aling Rosa. Pati si Paul ay nasarapan sa luto ng ale.
"Salamat. Akala ko kumain ka na sa labas." Hindi umimik ang dalaga kaya tinanong niya ulit ito. "Hindi ba kayo kumain sa labas ni sir Mike?" Ngunit hindi pa rin ito kumikibo sa kanya. Kung anu-ano pa ang tinanong niya sa dalaga ngunit mukhang nag-iingat ito. Mukhang mahihirapan siya dito. Nang matapos ay tatayo na sana ang dalaga ngunit pinigilan niya ito. Kinuha niya ang pitsel at nagsalin ng tubig sa baso at maingat na inilagay iyon sa harap ni Jane. Kinuha niya rin ang platito na may ube cake at inialok iyon sa dalaga.
Habang kumakain ay may biglang nagtext sa dalaga. Hindi tumitigil sa pagtunog ang cellphone nito kaya nang mapansing busy ang dalaga sa pagtitipa ay tumayo siya at inilagay sa lababo ang mga pinagkainan niya. Naghugas siya ng kamay at dahan-dahang lumapit sa likod ng dalaga. Palihim niyang binasa ang conversation nito sa isang tao ngunit hindi pa man siya nakakaalis sa pwestong 'yon ay nagsalita ang dalaga.
"Kung gusto mo pang mabuhay, umalis ka diyan, Elena." Napakislot siya sa sinabi nito. "H-ha?" Umalis siya sa likuran nito at nagkunyaring inaayos ang lalagyan ng mga kape. Hinila nito ang braso niya kaya napaharap siya dito. Nagulat siya nang bigla siya nitong sampalin ng ubod ng lakas. "Alam ko ang ginagawa mo Elena, at sinasabi ko sa'yo, hindi mo ako maloloko." Gusto niya itong sabunutan at pwersahang paaminin kung nasaan nagtatago ang nobyo nito ngunit nagpigil siya.
Nang mapadako ang mga mata niya sa cellphone nito na nakapatong sa lamesa ay kinuha niya ito at dali-daling lumabas ng silid. Ang huling narinig niya rito ay ang malakas na sigaw ng dalaga.
"ELENA, BUMALIK KA DITO!"