Chapter 19
Nawala ang inis ni Selestina sa nangyari dahil sa maikling biruan nila ni Jordan. Kaagad siyang umuwi dahil bagot na bagot siya at gusto na niyang maligo. Nangangamoy spaghetti sauce pa siya at lagkit na lagkit pa rin siya dahil dumikit ang amoy nito sa kanyang balat. Mukhang pati sa anit niya ay may sauce. Nag-init na naman ang kanyang dugo dahil sa naalala.
Malalaman din niya kung sino ang may gawa. Humanda ito sa kanya dahil hindi niya ito palalagpasin. Mukhang hindi naman inutos ni Irish dahil narinig niya na nagtatanong ang dalaga sa kausap nito at mukhang ang kausap ang may sala.
“Tss. Mukhang hindi magiging maganda ang buhay ko rito, ah,” iiling-iling niyang komento. Naalala niyang kailangan niyang tawagan ang ina kaya pagdating ng dormitory ay kaagad siyang naligo at nagbihis pagkatapos. Tinutuyo pa lang niya ang kanyang buhok ng biglang tumunog ang kanyang cellphone.
Sinilip niya kung sino ang tumatawag. Si Jordan. Kaagad niya itong sinagot. “Bakit?” bungad niyang tanong sa dalaga.
“Ano na? Pumayag na ba ang mama mo? Nandito kasi ako sa bahay na rerentahan natin. Nandito rin kasi ang may-ari. Excited na akong makasama ka.” Narinig niya itong bumungisngis.
“Ang bilis mo naman? Hindi pa nga ako tumatawag sa bahay, eh. Katatapos ko lang maligo.”
“Oh! Sige. Tawagan mo muna. Maghihintay ako ng tawag mo, ha?”
“Oo na.”
“Bye!”
Kaagad niyang tinawagan ang numero ng inang si Cynthia pagkatapos ibaba ng kaibigan ang tawag. Tatlong ring pa ang nangyari bago nito sinagot ang tawag. “Oh, Sel! Napatawag ka?” bungad nitong tanong sa kanya. “Kulang ba ang allowance mo? May kailangan ka ba? May nangyari ba? Ano? Ano ang nangyari?”
“Mama naman! Ayos lang po ako. May hihingiin lang po sana akong pabor sa inyo,” panimula ni Sel.
“Ganoon ba? Akala ko naman kung ano na ang nangyari. Nagulat kasi ako sa tawag mo. O, ano ba ‘yon?”
“Gusto ko po sanang lumipat ng rerentahang bahay. Masyado po kasing maingay rito at magulo. Marami din pong lalaki at hindi po ako komportable,” pagsisinungaling niya kahit ang totoo ay wala naman siyang nakikitang pagala-gala sa floor nila maliban kay River. Kaagad siyang napangiwi nang maalala ang binata.
“Ganoon ba? Bakit ngayon ka lang nagsabi? Kailangan ko bang pumunta riyan?”
“Huwag na po. May nakita na po akong bahay na pinaparentahan ng may-ari. Kaso nga lang medyo may kamahalan po, Ma.” Kinakabahan si Selestina. Ngayon niya lang nagawang humingi ng pabor mula sa ina. Nasanay kasi siyang sumunod sa gusto nito para sa kanya kaya hindi siya mapakali habang hinihintay ang sagot nito.
“Magkano ba iyan nang mahanapan ko ng paraan,” anito.
“Two thousand five hundred po. Kasama na po roon ang kuryente, tubig, at wifi.” Nanginig pa ang kanyang labi dahil sa sobrang kaba.
“Ha? Iyon lang ba? Sus, Ginoo! Akala ko naman na sobrang mahal. Ang mura lang niyan, naku! Kakayanin ko ‘yan basta mag-aral ka lang ng mabuti, ha? Huwag kang magpapaloko sa mga lalaki dahil bobolahin ka lang ng mga ‘yan. Gagawin kang bola. Pabibilugin nila ang ulo mo at paiikutin ka lang. Mag-aral ka lang ng mag-aral. Ako ang bahala sa ‘yo.”
Napasinghap siya dahil sa narinig. “Talaga po? Payag po kayo? Akala ko po kasi ay magagalit kayo sa akin kaya natagalan bago ako nagsabi sa inyo.”
Sinungaling.
Saway niya sa kanyang sarili. Kanina pa nga lang niya nalamang may bahay silang rerentahan kasama si Jordan.
“Anak, bakit naman ako magagalit? Responsibilidad kong gawing komportable ang buhay mo kaya gagawin ko ang lahat para sa ‘yo. Ang gusto ko lang gawin mo ay magtapos ng pag-aaral. Ayaw kong darating ang panahon na magsisisi ka dahil hindi ka nagtapos kaya mag-aral ka lang diyan. Huwag mo ng isipin ang mga bayarin dahil kaya ko namang bayaran ang mga ‘yan. May ipon na ako maliit ka pa lang kaya huwag kang mag-alala. Iraraos kita hanggang matapos ka.”
Bigla siyang naging emosyonal dahil sa narinig. “Salamat po, Ma. Pagbubutihin ko po ang pag-aaral ko para maging proud po kayo sa akin.”
“Naku! Matagal na akong proud sa iyo, Anak. Kung may kapatid ka sana, sigurado rin akong proud siya sa ‘yo. Sige na. Ipapadala ko na lang sa ‘yo ang pang-down mo, ha? May costumer na ako. Ingat ka riyan. Bye!”
“Sige po. Bye!” Naestatwa siya nang maputol ang tawag. Parang hindi siya makapaniwala dahil sa narinig. Noong bago naghiwalay ang kanyang mga magulang ay panay ang away ng mga ito dahil sa pera. Hindi niya alam kung bakit palagi na lang tungkol sa pera ang pinag-aawayan ng dalawa dahil may maliit naman silang puwesto sa market. Palaging nanghihingi ang kanyang ama para pang-inom nito at pang-bisyo pero hindi nagbibigay ang kanyang Mama. Wala rin naman siyang nakikitang pera na hawak nito maliban sa pambayad ng kung ano-ano.
Imposible naman na nakaipon ito ng malaki ngayon lalo pa at sakto lang ang kinikita nito sa pang-araw-araw nila noon pa man. Walang labis, walang kulang.
Napalundag siya nang tumunog ulit ang kanyang cellphone. Bumilis ang t***k ng kanyang puso. Irita niyang tiningnan ang tumatawag. “Bwisit ka! Nagulat ako dahil sa ‘yo!” asar niyang singhal sa kaibigang si Jordan nang sagutin niya ang tawag nito.
“Bakit? Inaano ba kita? Tumawag lang naman ako, ah?” nagtataka nitong tanong sa kanya.
“Alam ko. Nagulat lang ako dahil sa ring tone ko, bwisit na ‘to. Oo na! Pumayag si Mama kaya dalawa na tayo. Kailangan ko bang pumunta riyan ngayon?” kaagad niyang tanong. Humiga muna siya sa kama dahil sumakit ang kanyang likod. Napagod talaga siya kanina sa ginawa nilang activity.
“Hindi na kailangan. Wala naman tayong pipirmahang kontrata. Saka fully furnished naman ang bahay at matanda na ang may-ari. Kailangan niya lang ng tulong para sa maintenance niya. May gamot kasi siya na kailangan niyang bilhin kaya malaking tulong na rin tayo para sa income niya. Wala na rin siyang asawa at wala pang anak,” mahabang kuwento ng kausap.
“Woi! Inuto mo yata ako, ah,” napapailing na usal ni Selestina. “Kaya pala atat ka na dahil diyan. Pero ayos na rin. Kailangan ko din talagang lumipat dahil hindi ako nakakakilos nang maayos dito. Ang daming sagabal,” aniya. Bigla siyang nalungkot nang maalalang lalayo siya sa binatang si River.
Tss. He’s just friendly. Let’s not complicate things.
Huminga siya nang malalim. “Kailan ba ako lilipat?”
“Bayad na ang first deposit ng bahay. Sa akin ka na lang muna magbayad dahil kailangan na niya ng pera at hindi na siya makapaghintay. Nandito na nga ako at tinitingnan ko na ang loob. Lilipat na ako bukas dahil weekend naman. Wala tayong pasok.”
“Sige. Bukas na rin ako. Maghihintay pa ako kung kailan ipapadala ni Mama ang pera.”
“Don’t worry. Hindi naman kita sinisingil. Ang gusto ko lang ay may makasama ako rito dahil malaki naman ito saka marami tayong kapitbahay. Gated naman siya kaya safe tayo.”
“Sige. I trust your words. Basta kapag hindi ko magustuhan, pipingutin ko ‘yang ilong mo,” banta niya sa kanya.
“Sus, my friend. Magugustuhan mo ‘to. Promise pa.”
“Bukas na lang tayo magkita at inaantok na ako. Hindi pa nga ako kumakain ng hapunan. Ang sakit kasi ng likod at balakang ko. Pati paa masakit. Lintek talaga ang baklang ‘yon.”
“Haha! Same. Uuwi na rin naman ako pagkatapos nito. Kita tayo bukas. Bye!”
Nalunod sa malalim na pag-iisip si Selestina pagkatapos nilang magpaalam sa isa't isa. Hindi pa nga nangangalahati sa first semester ang kanilang pasok ay pagod na pagod na siya. Pagod siyang makipagsagutan, makipag-away at makipagkaibigan. Gusto na lang niyang magpahinga sa kanila pero dahil sa sinabi ng ina ay pinili niyang magpatuloy. May isang misyon pa siya na kailangan niyang gawin.
Ang mahanap ang kanyang kakambal.
Nakarinig siya nang mahinang katok. Pinilit niya ang sariling bumangon. Tinatamad siyang naglakad para pagbuksan ang kumatok. “Ate Joy. Ikaw lang pala. Pasensya na. Nakalimutan kong may kasama ako kaya ni-lock ko na kaagad.”
“Ayos lang naman. Nakalimutan ko rin kasi ang susi ko kaya pasensya ka na rin at mukhang nagpapahinga ka na. Ito oh, hindi ko nakain dahil busog pa ako. Ikaw na kumain niyan,” anito sabay abot ng supot. “Kanin at adobong manok lang ‘yan.”
Takam siyang binuksan ang supot. “Salamat, Ate.” Umupo siya at kaagad na nilantakan ang pagkain. Halos mabulunan pa siya dahil sa sobrang sarap.
“Dahand-dahan naman!” paalala nito sa kanya habang nagbibihis ito sa harap niya. “Hindi ka pa ba kumakain?” tanong nito.
Tumango siya. Hindi siya makapagsalita dahil puno ang kanyang bibig.
“Naku! Kaya naman pala para kang patay-gutom diyan sa ginawa mo.”
Kaagad niyang tinapos ang pagkain. “Salamat po, Ate, ha. Tinatamad na kasi akong lumabas para kumain. Napagod ako kanina sa ginawa namin sa physical education. Pinatakbo ako ng sampung beses sa buong gym at ginawa ko naman. Nalaman ko na lang na ako lang pala ang tumakbo ng ganoon kahaba at katagal. Halos mahilo pa ako. Pinag-iinitan yata ako ng guro namin, eh,” sumbong ni Sel.
Kaagad na nanlaki ang mga mata ng kausap. “Naku! Eh, di, napagod ka nga? Magpahinga ka kaagad pero hintayin mo munang mag-settle ang kinain mo at baka hindi ka makatulog. Ganiyan din ako noon. Ibang klase ang trip ng guro ko at halos ako lang ng ako ang napapansin niya. Napaka-b*lly.”
“Tama ka. Sinabi lang sa akin ng kaibigan ko pagkatapos naming maglaro ng batuhan ng bola. Hindi kasi siya makaimik dahil pati siya ay hindi gusto ng guro namin. Nakakapagod.”
“Hay, naku! Isumbong n’yo na lang sa Dean ninyo. Puwede naman kayong magsumbog. Ganoon ang ginawa ko dahil dumating na sa puntong nagkakapasa na ako dahil sa mga pinaggagawa sa akin ng guro ko. Ayon, natanggal siya at nalaman kong hirap siyang maghanap ng trabaho ngayon dahil sa record niya.”
“Hindi po ba niya nalaman ang ginawa ninyo?”
“Alam niya pero wala siyang nagawa dahil halos lahat ng estudyante niya ay lumaban din. Sinabi nila ang totoo kaya mas lalong lumakas ang panig sa akin.”
“Talaga po? Hay, gusto ko ring gawin kaso ngayon niya lang ginawa sa akin pero talagang nanghina ako.”
“Hayaan mo na muna pero kapag hindi mo na kaya ay gawin mo lang ang ginawa ko.”
“Salamat po.”
“Mauna na akong matulog sa ‘yo dahil napagod ako sa trabaho. Mag-aral kang mabuti.”
Ngumiti lang siya saka pinagmasdan itong magpahinga. Hindi pa niya nagawang makapagpaalam dito dahil ilang segundo pa lamang ang nakakalipas ay narinig na niya itong humihilik.
Napahikab siya at inayos ang kanyang unan at kumot. Pwede na siyang matulog pero mabigat ang kanyang tiyan. Ayaw niya ring lumabas dahil paniguradong makikita niya ang binata. Pinili na lamang niyang tumayo hanggang sa matunaw ang kanyang kinain.