Chapter 26
Umakyat na sa kanyang kwarto si Selestina pagkatapos ng makabagbag damdaming pangyayari sa sala. Hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang mahihinang katok na narinig nila kasabay ang nakakatakot na tawag ng kapatid ni Jordan.
Parang coincidence na lang din ang nangyari. Pero pakiramdam niya ay may tao talaga sa labas ng bahay nila bago pa man ang pagtawag ni Jude. Hindi na naulit ang pangangatok pagkatapos ng tawag. Huminga siya nang malalim habang nakahiga sa kanyang kama. Kanina pa siya inaantok pero natatakot siyang matulog. Nakabukas naman ang ilaw ng kanyang kwarto. Medyo makapal din ang kanyang kurtina kaya hindi niya nakikita ang nasa labas. Wala namang veranda kaya alam niyang walang makakapasok dahil nasa second floor siya ng kwarto.
“Tss,” naiinis niyang anas. Nagpaikot-ikot pa muna siya sa kanyang kama bago humikab. Inaantok na talaga siya at hindi na niya napigilan ang sariling pumikit hanggang sa siya ay nakatulog.
“Sel!” Nagising siya dahil sa malakas na tawag sa kanyang pangalan na sinabayan pa nang malakas na katok sa kanyang pinto. Napabalikwas siya ng bangon. “Selestina! Bumangon ka na! Male-late tayo sa klase!” tawag sa kanyang ni Jordan.
“Gising na ako,” ngarah niya pang sagot habang tinitingnan ang oras. Malapit na mag-alas siyete kaya mabilis siyang kumilos at bumaba dala ang kanyang towel at damit pamalit. Half day sila ngayon dahil sa acquaintance party. Kailangan nilang maghanda. Lalo na siya dahil kahit damit ay wala siya.
Lumabas siya ng banyo na nakabihis na at nakapulupot sa kanyang basang buhok ang kanyang tuwalya.
“Kain na tayo. Nakapagluto na ako ng breakfast. Bakit ang tagal mo yatang nagising?” nagtatakang tanong ni Jordan sa kanya.
“Hindi ko rin alam. Matagal akong nakatulog kagabi tapos biglang naging masarap ang tulog ko. Kung hindi mo pa ako ginising ay baka tulog pa ako ngayon,” nakangiwi niyang sagot. “Pasensya ka na. Hindi kita natulungan,” ani Selestina.
“Sus! Sinabi ko naman sa iyo na ako na ang bahala. Ang kailangan ko lang ay roommate. Ang dami mo pang sinasabi.”
Napanguso siya habang sumusubo. “Hindi naman. Para kasing naging pabigat na ako sa ‘yo,” rason niya.
Tinawanan lang siya ng kaharap. “Ano, pupunta ka ba sa party bukas?” tanong ni Jordan sa kanya. “Kasi, mamaya lang ang oras natin para maghanap ng isusuot. Magrenta lang tayo ng simpleng damit.”
“Mmm,” tipid niyang sagot. Napatingin sa kanya ang kaibigan at taas kilay siyang pinagmasdan.
“Anong mmm?”
“Mmm. Oo, sasama ako sa ’yo,” aniya.
“Ah,” tatango-tango nitong sabi.
Tinapos nila ang pagkain at sabay silang pumasok sa klase. Buong magdamag na nakalutang sa ere ang isipan ni Selestina. Kahit anong pokus niya sa lecturer ay kusang nililipad ng hangin ang kanyang isipan. Halos pigilan niya ang sariling humikab dahil dinadalaw siya ng antok. Kinurot niya ang kanyang sariling tagiliran. Ganoon na lamang ang pamimilipit niya dahil sa sakit. Pinagkrus niya ang kanyang mga binti na para bang makakatulong itong maibsan ang sakit na kanyang naramdaman.
“Hoy,” pabulong na tawag sa kanya ni Jordan. “Ano ba ‘yang ginagawa mo?” nagtatata pa nitong tanong sa kanya.
Napangiwi siya. “Inaantok ako, eh,” nakangiwi niyang sagot. “Kinurot ko ang sarili ko para magising tapos ang sakit pala.”
Nakagat ni Jordan ang sariling labi dahil sa narinig. Muntik pang kumawala ang tawa sa kanyang bibig dahil sa kakulitan ng kaibigan. “Ano ba naman iyang pinaggagawa mo? Parang kang may sira.”
“Tss. Inaantok talaga ako, eh,” nakangusong wika ni Selestina.
Mabuti na lang at tumunog na ang bell. Hindi na napigilan ni Selestina ang pagkawala nang malakas niyang hikab. Halos malaki ang pagkakabuka ng kanyang bibig kaya pinagtawanan siya ni Jordan.
“Maghahanap tayo ng dress para bukas. Gusto ko ng simple pero narinig kong pupunta ang may-ari ng school. Parents ni Third actually,” pagbibigay alam ni Jordan sa kanya.
Namilog sa gulat ang mga mata ni Selestina. “T-Talaga? Ganoon sila kayaman?” nagugulat niyang tanong.
Tumango si Jordan. “Sa kanila ang school na ‘to. Akala ko alam mo na, eh,” anito.
Umiling si Selestina. “Hindi naman kasi ako nagtanong-tanong. Kaya naman pala.”
Kaagad silang pumunta sa boutique ng kakilala ng pamilya ni Jordan. Hirap namang makapili ni Selestina dahil walang nagkakasya sa kanya. Masyado raw siyang payat at walang boobs. Napapangiwi siya habang pinagmamasdan ang mga tube dress. Hindi iyon pwede sa kanya dahil paniguradong mahuhulog ito at magmumukha siyang baka kapag nadamay pa ang tube niyang bra at mapunta ito sa kanyang baywang. Lalo siyang napanguso dahil sa kanyang imahinasyon.
Lumapit siya kay Jordan. “Ang mahal naman ng renta,” nakangiwi niyang bulong.
Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Ang kuripot mo,” nangiwi din nitong sagot.
“Eh, ikaw naman ang mayaman sa atin.”
Huminto ito sa ginagawa at humarap sa kanya. “Girl, pahihiramin kita. Alam ko namang hindi ka pa tumatawag sa mama mo,” naninigurado nitong sabi.
“Paano mo nalaman?”
“Wala lang.”
“Weh?”
“Sige na. Maghanap ka na saka mo ako sabihan.”
“Basta sabi mo, ha?”
“Oo nga.”
Kaagad naman siyang naghanap. Wala pa talaga siyang allowance para sa ganito dahil ang pinadala ng mama niya ay binayad niya para sa bahay at ang natira ay binili niya ng mga personal na gamit. Nakapili siya ng simpleng dress na kulay gold. Silk ang tela kaya napakakinis tingnan. Tinitingnan niya ang price nang bigla na lang nabungaran ang dalawang pares ng mga mata na nakatingin sa kanya.
Kaagad na kumawala mula sa kanyang bibig ang matinis na boses. Nagulat pati ang mga naroon sa loob dahil sa kanyang pagsigaw. Aligagang kumaripas ng takbo si Jordan palapit kay Selestina.
“Oh my god! Bakit? Ano ang nangyari?” taranta nitong tanong sa kanya.
Doon naman lumabas ang binatang si River. Nakangiti ito at pinipigilan lamang ang tumawa nang malakas. “Did I scare?”
“Anong did I scare? Sumigaw nga di ba?” singhal ni Jordan sa binata.
Humingi kaagad ng pasensya si River. Hindi naman nakapagsalita si Selestina. Hindi mawala sa isip niya ang itsura ng mga mata ng binata. Ibang-iba ito kanina. Siguro dahil natabunan ang mukha nito ng tela? Huminga siya nang malalim at malakas na hinampas sa braso ang binata.
“Nakakainis ka!” pabulong niyabg singhal. “Muntik na akong atakihin sa puso dahil sa ‘yo,” naiinis niyang dagdag. Talagang kinabahan siya. Dumagdag pa ang naalala niyang nangyari kagabi kaya lalong gumulo ang kanyang isipan.
Tumatawa itong nag-iwas. “Sorry. Sorry. Hindi ko alam na makikita kita rito.”
Nakanguso siyang nag-krus ng braso. “Ewan ko sa ’yo. Naiinis ako.”
“Forgive me, please?”
“Hindi ko alam,” seryoso niyang sabi. Tiningnan niya ang presyo ng damit at lalo siyang napakamot sa ulo. “Ang mahal naman nito? Hay, ewan ko. Hindi na lang siguro ako pupunta.”
Sabay na napalapit sa kanya ang dalawa. Nakanguso siyang bumaling sa kaibigan. “Pwede naman sigurong magpantalon?” kunot-noo niyang tanong.
“B@liw! Ikaw lang ang magpapantalon sa party. Patingin nga?” Seryoso nitong tiningnan ang price ng damit. “Four thousand for one night,” aniya.
“Kaya nga mahal. Isang araw mo lang naman susuotin.”
“Gaga. Puwede mo naman itong bilhin. Hindi ito ang aisle ng gown for rent. Psh!” natatawa nitong bulong sa kanya.
Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Sel. “Ha? Talaga? Bakit hindi mo sinabi?”
“Akala ko naman kasi ay naglilibot ka lang. Psh! Utangin mo na lang sa ’kin ’yan,” aniya.
“Hoy! Wala ako pera na ganiyan kalaki. At saka, seryoso ba ‘yang four thousand na ’yan? Tss. Ang mahala talaga.”
“Pero gusto mo ’tong dress na ‘to?”
“Oo naman,” napalatango niya pang sagot.
“Ako nga ang magbabayad tapos uutangin mo sa akin. Saka mo na ako bayaran kapag nagkapera ka. Kuripot!” parinig pa nito sa kanya.
Napanguso siya nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. May nag-text. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang may nagpadala ng pera. “Oh!”
“Patingin,” anang Jordan. “Oh, di ba? May pambayad ka na kaya kunin mo na ‘to. Masusuot mo pa naman ito kapag may party ulit. No worries. Worth it ang pera mo rito.”
“Kasya kaya ‘to sa akin?” nakangiwi niyang tanong.
“Oo naman! Tara na at gumagabi na rin,” aniya at hinila siya nito. Nawala sa isip niya si River na nakatayo lang at nakatingin sa kanila. Naglakad ito palapit sa kanila sa counter.
“Hey.” Sabay silang napalingon sa boses ni River. “May I join you?” Tumango lang si Selestina at hindi naman natinag si Jordan.
“Do you have a date tomorrow?” tanong ulit ng binata.
Umiling si Selestina. “Hindi ko naman kailangan ng ganoon,” aniya.
“Puwede namang mayroon, Sel. At saka, party ‘yon kaya pwede ring wala kasi hindi naman formal na party. Acquaintance palang.”
Lumingon si Selestina kay Jordan. “Pwede rin namang siya ang partner mo. Sinabi ko sa kanya noong nakaraan na ikaw ang yayain niya,” aniya.
Gulat na tumingin sa kanya si Jordan. “Ha? Bakit mo naman sinabi? May date na ako,” nakanguso nitong sabi.
“Ay, ganoon ba?” Bumaling si Selestina sa binata. “Sige. Ikaw ang date ko.”
Kaagad na lumiwanag ang mukha ng binata. “Really?”
Tumango si Selestina. “Sa school na tayo magkita. Kay Jordan ako sasabay, eh.”
“Okay lang. At least I have a date.” Nagngitian lang silang dalawa.
“Nagkakamabutihan na ba kayo ni River?” usisa ni Jordan habang pauwi.
Lumingon si Selestina sa kaibigan. Tumango-tango siya. “Ayos naman kami. Hindi naman kasi kami magkaaway.”
“Tangek ka. Ang sabi ko nagkakamabutihan na ba kayo? Kasi iba ang tingin niya sa ‘yo, eh. Sabagay, una nga silang nagkagustuhan ni Celestine bago si Third. Psh! Parang mauulit lang, ah. Lalo na at kamukha mo talaga se Tin.”
Bumuntonghininga si Selestina. “Ewan ko. Hindi ko alam kyng ano ang mangyayari.”
“Hay, basta mag-ingat ka. Lalo na ang puso mo. Psh! Hay, naku! Bakit ba ako ang nai-i-stress sa lovelife ng iba? Psh!” Tumawa lang si Selestina dahil sa tinuran ng kaibigan. Wala namang mangyayari sa kanya.
Kailangan niyang mag-ingat ng doble dahil bukas na bukas marami siyang makakatagpong personalidad n may posibilidad na konektado sa buhay. Sino kaya ang una niyang makikita?
Ang tunay niyang ina?
O
Ang taong dahilan nang pagkawala ng kanyang kakambal?