Chapter 10

2732 Words
KB4 C10 Chapter 10 FULL VOLUME na nga ang alarm ni Ricky kinabukasan kaya naman nagawa na siya nitong magising. Mabilisan siyang bumangon at ginising ang sarili sa pamamagitan ng paghihilamos gamit ang malamig na tubig. Matapos nga ang ilang push-ups at sit-ups ay nagbihis na siya ng damit na pantakbo. Lumabas na siya ng bahay at nagsimula nang mag-jogging. Hindi niya ito nagawa kahapon kaya naman babawi raw siya ngayon. Nang makarating na siya sa malayo ay buong-bilis naman siyang tumakbo pabalik sa Balugo. Wala siyang pakialam kung siya ay mapagod at pagdating nga niya sa tapat ng paaralan ay doon na siya napalawit ng dila dahil sa hingal. Nagtatalon pa siya at sumuntok nang ilang ulit sa hangin na tila boksingero. Bago nga siya bumalik sa bahay niya ay eksakto namang may dumaang naka-bisikleta na magtitinda ng pandesal. May bente rin siya sa bulsa kaya nga bumili siya ng ilang piraso ng mainit na tinapay na iyon. Pagbalik niya sa bahay ay agad siyang nagtimpla ng kape at habang umiinom at kumakain ng pandesal ay sandali siyang nag-open ng kanyang social media app. Napabukas din siya sa kanyang inbox at may message request na naman siya mula kay Andrea na hindi naman niya inio-open. Wala rin siyang balak reply-an ito. “Bakit kaya panay ang chat nito sa akin?” tanong na nga lang ni Ricky sa sarili na sinara na ang kanyang inbox. Matapos iyon ay nagsaing na siya at nagluto ng kanyang ulam. Habang hinihintay nga ang pagkaluto ng kanin ay nagbasa muna siya ng lesson plans na ginawa niya kahapon bago matulog. Ilang sandali pa nga ay bigla na lang nag-ring ang kanyang phone at isang unknown number ang lumabas doon. “Sino kaya ito?” nasabi na lang niya at agad na sinagot ang tawag na iyon. Pagkasabi niya ng hello ay isang good morning naman ang narinig niya sa kabilang linya na alam niyang mula sa isang babae. “S-sino ito?” nasabi na nga lang ni Ricky na hinuhulaan din kung sino itong agang-aga kung tumawag. “Si Andrea ito.” Nang marinig na nga ito ng binata ay doon na siya napalunok at sandaling napaupo. Nag-iba rin ang aura ng mukha ng binata na medyo napaseryoso. “May kailangan ka ba?” tanong ng binata at sa kabilang linya naman ay naroon si Andrea na nakahiga pa sa kanyang kama at kakagising lang. “Nope. I just wanted to greet you,” sagot ng dalaga na napaseryoso rin habang kausap sa phone ang binata. “Sige… May inaayos ako dito sa bahay. Baka rin ma-late ako sa school. Bye,” sabi naman ni Ricky na napakalamig ng dating para sa dalaga. “Sige. Ingat ka,” pahabol namang wika ng dalaga kaso, pagtingin niya sa kanyang phone ay tapos na pala ang tawag niya kay Ricky dahil binabaan na siya nito. Napabuntong-hininga na nga lang siya at napatingin sa kawalan na may malalim na iniisip. “Ano ba ang problema ng babaeng ito?” nasabi na nga lang ni Ricky na napatingin na lang sa kanyang sinaing na mukhang malapit nang maluto. Naalala nga niya ang sinabi sa kanya ng dalaga noong isang araw at bumalik daw ito para sa kanya. Napa-iling na nga lang siya na binuksan ang rice cooker para i-check ang kanyang kanin. NANG papasok na nga siya sa paaralan ay eksakto namang lumabas din ng bahay ang kapwa niya teacher na si Ma’am Kath na ngiting-ngiti sa kanya. “Good morning Ricky!” masiglang bati ng dalaga na sinagot din kaagad ni Ricky. Napangiti nga siya dahil ang cute daw nito. Kung kaklase raw niya ito sa school ay baka raw si Ma’am ang dahilan niya kaya siya lagi papasok araw-araw. Naamoy din nga ng binata ang halimuyak ng dalaga at nang makita niyang may dala na gamit ang guro ay agad siyang nagpresinta na siya na raw ang magbibitbit. “Naku Ricky, ako na. May dala ka rin namang gamit,” pagpigil ng dalaga, kaso, mapilit si Ricky kaya wala ng nagawa si Kath. Pagdating nila sa may kalsada ay naroon na nga ang mga estudyante na excited na namang pumasok. Binati nga sila ng mga ito ng magandang umaga at nang makita si Ricky ng kanyang mga estudyante sa advisory class niya ay isang pambungad na kantyaw sa umaga ang ibinigay ng mga ito sa kanya. Si Kath nga ay tawang-tawa na lang sa nangyaring iyon habang si Ricky ay natahimik na lang. Hinatid niya nga ang dalaga sa faculty room at pagkatapos ay nagpasalamat ito sa kanya. “Sabay uli tayong mag-lunch mamaya?” sabi nga muna ni Ricky sa dalaga na napangiti na naman. “Sure…” tugon ng dalaga. “Ricky… Galingan mo!” dagdag pa ng dalaga at ganoon din ang sinabi ng binata rito. Napatawa na nga lang ang dalawa nang may tumikhim na kung sino sa hindi kalayuan. Isa sa matandang co-teacher pala nila ito at may laman ang tingin nito sa kanila na sinundan ng parang kinikilig na ngiti. “Kayo bang dalawa ay magkasintahan na?” tanong ng guro at agad na sinabi ng dalawa na hindi. Sumama nga bigla ang tingin nito kay Ricky nang marinig iyon. “Aba! Mr. Mendez! Napakahina mo naman kung ganoon. Sa panahon ngayon, bawal nang babagal-bagal at baka maunahan ka pa ng iba… Alam mo kasi… May isa ring teacher ang nagpaparamdam kay Ms. Ilagan…” wika pa nga ng guro kay Ricky at si Kath naman ay nabigla at medyo nahiya. “M-ma’am Cruz!” naibulalas na nga lang ng dalaga at ang matandang guro ay napatawa na lang kay Kath. “Sinabi ko lang kay Sir Mendez… Para alam niya,” wika pa ng guro at si ma’am na matanda ay tumuloy na sa loob na sumisipol pa na parang wala lang. Nagkangitian naman nang pilit sina Kath at Ricky dahil doon. “Sige Kath, pupunta na ako sa advisory class ko,” sabi ng binata at si Kath naman ay simpleng ngiti na lang ang tinugon na pumasok na rin sa loob ng faculty room. “Pasensya ka na iha. Nadulas ako,” sabi ni Ma’am Cruz sa umupo na si Kath. “O-okay lang po ma’am. Tsaka hindi ko po manliligaw iyon… Ex-boyfriend ko po iyong tinutukoy ninyo,” sabi naman ni Kath na kasalukuyang inaayos ang kanyang lamesa. Kahapon kasi, pagkatapos ng lunch break ay isang binata ang biglang nagpunta rito sa faculty room na nakasuot ng uniporme ng guro. Hindi ito rito nagtuturo, pero mukhang gusto lang talaga nitong puntahan ang isa sa mga nasa faculty at may dala pa itong boquet na medyo nagpakilig sa mga gurong naroon. Gusto kasing makipagbalikan ng ex-boyfriend ni Kath sa kanya kaya nagpaparamdam na uli ito. Napatingin na nga lang sa malayo ang dalaga. Kilala niya ang kanyang dating kasintahan at sa oras na mangulit ito ay mahirap na itong pigilan. Panay na nga rin ang chats nito sa kanya nitong nakalipas na mga araw at pakiramdam niya, anumang oras ay pwede itong magpakita sa kanya rito sa school o maging sa kanilang bahay. Halos kalahating-taon na rin silang break at para kay Kath ay naka-move-on na siya sa lalaking iyon na iniyakan niya nang sobra dahil sa ginawa nito sa kanya. Sinuportahan niya ang gusto ng lalaking iyon nang sila pa at palaging pinapanood ang bawat laro nito, kaso, hindi niya akalain na dahil sa pagiging sikat nito sa sports na iyon ay ito pala ang magiging dahilan para mambabae ito. Napabuntong-hininga na nga lang si Kath at winaglit iyon sa kanyang isip. Nang mapatingin nga siya sa kanyang phone ay nakita niyang may notification sa kanyang inbox at pag-open niya ay nakita nga niya ang message ng kanyang ex. “Pupunta ako mamaya sa inyo. Nakapagsabi na ako kay Ate Lorna.” Napalunok na nga lang si Kath nang mabasa iyon. Na-contact na nga rin nito si Ate Lorna niya na alam din naman na kanyang ex ito. Sa oras na magsimulang mangulit ang lalaking iyon… ay napakahirap na raw nitong pigilan at hindi niya alam kung kanyang mapapahinto pa ito. Sinabihan na niya ito na wala na siyang nararamdaman dito, pero, wala namang nangyari. Nagalit na nga rin siya rito noong tumawag ito, pero ganoon pa rin. Ganitong-ganito rin daw ang lalaking iyon noong niligawan siya at ito ang dahilan kaya sinagot niya ito noon at minahal. “Pero iba na ngayon… Naka-move-on na ako sa iyo…” nasabi na nga lang ni Kath sa sarili at naghanda na ng kanyang gamit para sa una niyang klase ngayong umaga. KINAHAPUNAN, pagkatapos nga ng huling klase sa advisory class ni Ricky ay agad na nagdiwang ang mga estudyante dahil isang araw na naman ang natapos. Wala na ngang ano-ano ay umalis na sina Andrew at ang kanyang grupo para maglaro raw muna ng basketball sa court bago sila umuwi. Ang iba namang estudyante ay naiwan para maglinis nang bahagya bago umuwi. Kakarating lang din ng kanilang teacher na si Ricky na kaagad na tumulong sa mga estudyante niya na nagwawalis. Inayos naman nga ng binata ang mga upuan. “Kami na po sir…” sabi nga ng isa niyang estudyante na mataba. “Tulungan ko na kayo, para maka-uwi na rin kayo,” sabi naman ni Sir Mendez at pasimpleng napangiti si Faye na malapit lang sa kanila nang mga sandaling iyon. “Kayo kaya sir ang umuwi na? Baka isasabay mo pa po si Ma’am Ilagan?” biglang banat naman ni Faye at ang mga kaklase niyang naroon ay napakantyaw sa kanilang guro na napatawa na lang. “Ano ba ang pinagsasasabi ninyo?” patay-malisya namang wika ni Ricky na pasimpleng napatingin sa labas. “Pero sir, type mo ba si Ma’am Ilagan?” bigla namang tanong ng isang medyo lambutin niyang lalaking estudyante. “Oo nga sir. Hindi naman namin ipagkakalat,” sabi naman ni Faye na humabol pa ng kantyaw. “Kayo talagang mga bata… Hindi ko sasagutin ang tanong ninyo. Okay na ang ating room. Umuwi na kayo dahil baka may mga assignments pa kayo. Baka hinihintay na rin kayo ng mga magulang ninyo,” bulalas na nga lang ni Ricky na pumunta na sa kanyang mesa. “Si Sir, talagang pa-sekreto pa? Sige sir, bukas na lang po uli,” sabi naman ng estudyante niyang si Faye na nakasukbit na ang bag at nakasuot na ng sumbrero. Lumabas na nga ang mga ito at naiwan na lang si Ricky sa loob na napabuntong-hininga na lang. “Mga batang ito…” sabi na lang niya sa kanyang sarili at nakarinig siya ng malakas na sigawan sa ibaba na sa tingin niya ay nagmumula sa court ng school. Kinuha na nga niya ang kanyang gamit at sinara ang classroom. Naabutan pa nga niya si Faye na nakatingin sa ibaba mula sa floor kung nasaan sila. “Ano’ng nangyari?” tanong ni Ricky sa kanyang estudyante. Pagtingin nga ng binata sa court ay may nakita siyang lalaki na tumakbo papunta sa basket at doon ay gumawa ito ng isang dunk na ikinasigaw ng mga estudyanteng nanonood. “May bisita sir…” “Si-sino iyan?” tanong naman ni Ricky na napansing nakauniporme rin ng teacher ang lalaking gumawa noon. Nakita rin niya sina Andrew na lumapit doon na sa tingin niya ay kakilala ng mga ito. “Siya po sir si Jerald Valdez…” wika ng estudyante na seryosong nakatingin sa lalaking nasa court, hindi bilang isang guro, kundi bilang isang manlalaro ng basketball. “Siya sir ang ace player ng Mansalay Team at isa rin po siyang teacher na katulad ninyo. Sa ibang paaralan siya nagtuturo at parang kasing-edad lang po ninyo siya,” dagdag pa ni Faye at si Ricky ay mas lalong napaseryoso ng tingin sa nasa court na iyon. Nakita kasi niya na ang taas nitong tumalon at sa tantiya niya sa height nito ay nasa mahigit 6-foot ito. “Ah, ganoon ba? Sige Faye, uuwi na ako. Ikaw rin, umuwi ka na rin,” sabi na nga lang ni Ricky at sa paglakad niya ay nakita niyang sumabay na rin sa kanya ang estudyante niyang ito. “Kayo sir? Wala ba kayong balak maglaro sa Provincial League?” biglang tanong ni Faye na ikinaseryoso ni Ricky dahil hindi niya ito inaasahan. Kung hindi siya nagkakamali ay alam ng estudyante niyang ito na naglalaro siya ng basketball dati. Napanood daw kasi nito ang ilang laro niya noon sa Calapan noong nagbakasyon ito roon. Ang tagal na nga raw noon, pero natatandaan pa ng estudyante niyang ito. “Parang wala na. Alam mo kasi, busy na ako sa pagtuturo,” simpleng sagot na lang ni Ricky habang silang dalawa ay nasa hagdanan na ng gusali. “Pero kung mabibigyan po kayo sir ng chance? Maglalaro po kayo?” tanong muli ng dalaga at pasimpleng napangiti si Ricky at napatingin sa malayo. “Hindi na rin… Para kasing nag-retiro na ako noong nag-focus ako sa pagiging teacher,” sagot ng binata na parang gustong magmadali na ng lakad. “Pero okay pa naman po kayong maglaro noong kinalaban ninyo si Andrew. Tapos ngayon po, magiging coach pa kayo ng varsity team. Nakadikit pa rin po kayo sa basketball,” wika muli ni Faye na napatingin na nga muli nang pasimple sa court ng kanilang paaralan. Tama naman ang kanyang estudyante. Tila nga basketball pa talaga ang lumapit sa kanya sa pagsisimula sa pagtuturo rito sa Balugo NHS nang gawin siyang coach ng varsity team. Pero alam ni Ricky sa sarili na ayaw na niyang maglaro nito para sa career na kanyang pinili. Nakalabas na nga ng paaralan si Ricky at sumakay na ng tricycle si Faye. Siya naman ay dumiretso na sa bahay niya para magpahinga. Habang nakaupo nga siya at abala sa pagkain ng tinapay na may palaman ay bigla na namang nag-ring ang kanyang phone. Mula ito sa isang unknown number at nang sagutin niya ay isang pamilyar na boses na naman ang kanyang narinig. Si Andrea ito. “Nakauwi ka na ba Ricky? Kumusta ang day mo?” pambungad ng dalaga sa kabilang linya na kasalukuyang nakaupo sa may salas ng kanilang bahay. Nakabukas ang laptop nito at sa tabi ay may notebook at bolpen pa na makikita. “Bakit ka tumawag?” tanong naman ni Ricky at si Andrea ay medyo napalunok. “W-wala naman. I’m just wanting to know kung nakauwi ka na,” sagot naman ng dalaga na napasandal sa malambot na sandalan ng kanilang sofa. “Nakauwi na… Sige na, may gagawin pa ako,” malamig namang wika ng binata at pinatay na rin nito ang tawag para hindi na magsalita si Andrea. Napaseryoso na nga lang si Ricky kung bakit daw gumagawa nang ganito ang dalaga gayong hindi naman nito ito gawain. Nag-scroll nga siya sa phone at naisipan niyang i-block ang number ni Andrea para hindi na siya matawagan pa. Gusto na lang daw niya ng katahimikan. Habang nakaupo nga siya ay may katok naman sa pinto siyang narinig at pagtingin niya ay nandoon si Kath na nakangiti sa kanya. “Ricky… Busy ka? P-pwede ba kitang makausap?” wika ng dalaga na medyo kinakabahan. “H-huh? Hindi, ano ba iyon?” tanong pa ng binata na napatayo na para lumapit kay Kath na napansin niyang tumingin pa sa likuran na parang may inaalala na kung ano. “B-baka naman matutulungan mo ako?” “Sure, ano ba iyon? About ba sa school?” masaya namang wika ng binata. Pinapakita niya kay Kath na siya ay napakadaling lapitan. “H-hindi about sa school… A-about ito sa makulit kong ex… A-ano kasi…” Parang ayaw pang ituloy ng dalaga ang kanyang sasabihin dahil nakakahiya raw talaga. Si Ricky naman ay napalunok sa sinabi ng dalaga. Parang hindi niya makuha kaagad ang nais nitong sabihin. “Pupuntahan ako ngayon ng ex ko… Ang totoo, nasa school siya kanina…” wika ni Kath na nagpapaligoy-ligoy pa. “B-bakit? Tinatakot ka ba? Gusto mo bang suntukin ko?” tapang-tapangan namang sagot ni Ricky na medyo na napalunok din. “Bahala na!” sabi nga ni Kath sa sarili bago diretsuhin ang binata. “Pwede bang magpanggap kang boyfriend ko? Para lang umalis kaagad siya pagpunta rito ngayon?” wika ng dalaga at nang marinig ito ni Ricky ay para siyang nagyelo sa kinatatayuan dahil sa pagkabigla.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD