Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago isinubo ang pagkain, wala akong gana ngunit pinilit ko ang sariling ngumuya at nilunok na parang paglunok lang ng pride ko.
Araw na ang nakalipas ngunit ganoon pa rin, wala namang nagbago o hudyat man lang na may magbabago. Preso pa rin kung ituring, kaya nagtataka ako kung bakit ko ba sila hinahayaan na hawakan ako sa leeg?
Kung sabagay, sino nga ba naman kasi ako? Ako lang naman ito, si Karla Mercedes, ang nag-iisang anak ng pamilya na nagmamay-ari ng buong isla— ang pamilyang Mercedes at ang tagapagmana ng kani-kanilang arian.
Hindi naman ako natutuwa kung mapasaakin man o hindi ang kayamanan nila, anong gagawin ko riyan? Hindi naman nito matutumbasan ang mga pangangailangan ko.
Gusto kong maramdaman na mahal nila ako nang hindi tinatapalan ng pera, gusto kong mahalin ako ng mga tao sa paligid ko, hindi iyong pahahalagahan lang nila ako dahil sa mayaman ang pinanggalingan kong pamilya.
"Kanina ka pa tulala, masama ba ang pakiramdam mo?" Dinig kong pagtatanong ni Ama na naroon sa bandang gitna ng hapag.
"Hi—hindi po," mahinang tugon ko na parang tinatamad na ring magsalita.
O mas magandang sabihin na ayoko silang kausapin. Wala lang akong choice ngayon kasi sino ba naman ako? Isang hamak na presong sunud-sunuran sa kanila.
Si Ama ay nasa mid-fifties na ang edad, matanda na kung maituturing dahil huli na rin nang magkaroon sila ng anak ni Ina. Ang sabi ay hirap nang magkaroon ng anak si Ina kaya laking gulat pa nila nang dumating ako.
Kahit ako rin, nagulat kung bakit pa ako ipinanganak sa mundo. Bagsak ang balikat na itinuon ko na lamang ang atensyon sa pagkain, laylay ang mga kamay ko kung gumalaw at tila nanghihina.
"Umayos ka, Karla," anang Ina na bahagya pa akong siniko.
Kamuntikan pang matabig ang baso na naroon sa gilid ko kaya halos mataranta ako para lang masalo iyon, nagawa ko ngang saluhin iyon ngunit hindi ang pagkalaglag ng tinidor na gamit ko.
Malakas na kumalansing ito sa sahig, kasunod nito ay ang marahas na pagbagsak ni Ama ng kaniyang kubyertos sa plato niya dahilan nang pagkakagitla namin ni Ina sa kinauupuan.
"Umakyat ka na lang kung wala kang gana, kung hindi ay ako ang magpapakain sa 'yo at baka hindi mo pa magustuhan ang gagawin ko," matigas nitong turan na labis kong ikinatakot, "Isa..."
Naging doble ang kaba sa dibdib ko, kilala ko si Ama— ano mang sabihin nito ay walang pag-aalinlangan niyang gagawin iyon. Wala siyang pakialam kung anak o asawa man nito ang masaktan niya.
Mabilis ko lang pinulot ang tinidor at inilapag sa lamesa, matapos iyon ay kumaripas na ako ng takbo palabas ng kusina habang malakas ang pagtibok ng puso ko.
Kung nagagawa kong suwayin minsan si Ina ay hindi si Ama, masakit nang magsalita si Ina ngunit mas masakit at tagos sa kaibuturan kung magsalita si Ama, isama pa na namimisikal ito.
Hapo-hapo ang dibdib nang marating ko ang sala, doon ay naabutan ko ang ilang katulong na matiyagang nag-aayos sa paligid. Ang iba sa kanila ay inaayos ang set-up para sa kaarawan ko bukas.
Akalain mo 'yon, labingwalong taon na akong nagtitiis sa buhay na mayroon ako? Akalain mo rin na nakayanan kong tiisin ang pamilyang kinabibilangan ko? Ako na ang magsasabi— hindi nila magugustuhan maging isang katulad ko.
Bumuntong hininga ako. Sana ay magkaroon pa ng dahilan kung bakit kailangan ko pang ipagpatuloy itong buhay ko. Kahit isang rason lang, kasi hindi ko naman nakikitang ang kayamanan ang susi para manatili pa rito.
Sinipat ko ng tingin ang mga ginagawa nila habang naglalakad ako palabas ng mansyon, mayroon pa akong nakitang mga organizer sa labas na inaayos ang mga table, banderitas at disenyo sa paligid.
Sa pagmamatyag ay dumako ang tingin ko sa lalaking naroon sa kabilang dulo, nakaupo ito sa isang upuan kaya minabuti ko siyang lapitan. Wala na sa akin kung suwayin ko man ang utos na bawal akong lumabas.
Kung may isang dahilan man ako ngayon kung bakit pa ako lumalaban ay dahil iyon sa taong nagpapasaya sa akin— at walang iba kung 'di si Kristopher Yu.
"Topher," pagtawag ko rito nang nasa harapan na niya ako.
Mula sa pagkakabusangot nito ay lumawak ang pagkakangiti niya nang mag-angat siya ng tingin sa akin. Maagap pa itong tumayo para magkapantay kaming dalawa, kahit pa'y hanggang balikat lang ako nito kaya tiningala ko siya.
"Kanina pa kita hinihintay. Kamusta ka na? Ngayon na lang ulit kita nakita," aniya sa malamyos na tinig.
Umalpas ang ngiti sa labi ko. "Heto, ayos lang. Ikaw?"
"Nami-miss ka," simpleng sagot niya ngunit ganoon na lamang ang lakas ng epekto sa akin.
Mabilis na nagrigodon ang dibdib ko, tila alon na inanod ang kaninang emosyon ko at napalitan ng tuwa. Hindi rin nakaligtas ang mumunting kilig sa puso ko sa narinig kaya labas ang gilagid na napangiti ako.
Sandali ko pang nilingon ang bandang likuran kung saan bahagyang nalalayo sa mga tao ang kinaroroonan namin, binalingan ko si Topher na siyang matamang nakatitig sa akin.
"Bukas ay labingwalong taong gulang na ako, oras na siguro para maipakilala kita kina Ina at Ama— hindi lang bilang matalik na kaibigan," mahinang sambit ko, iniiwasan na may makarinig.
"Tingin mo ba ay matatanggap nila ako?" aniya sa alanganing boses rason para tumango-tango ako.
"Oo naman. Bakit hindi, Topher? Pareho tayo ng estado sa buhay, hindi ba? Isa pa ay boto sa 'yo si Ina," pahayag ko.
Yumuko ito at tipid na napangiti. At oo, hindi lang matalik na kaibigan ang turingan namin sa isa't-isa. Kami ni Topher, matagal na ngunit lihim lang iyon dahil pareho kaming naduduwag.
Gusto ko si Topher, ganoon din ito sa akin at nang mapagtantong mahal namin ang isa't-isa ay nagpasya kaming pumasok sa isang relasyon. Balak din naman naming sabihin iyon pero huwag lang ngayon.
Lalo pa at wala pa ako sa hustong gulang, hindi ko pa kaya na ipaglaban ang totoong damdamin pero bukas ay susubukan ko. Pagkakataon ko bukas para malaman ng lahat ang namamagitan sa amin ni Topher.
"Sige pero sa ngayon ay mag-iipon muna ako ng lakas ng loob para harapin ang kung ano mang hatol ng magulang mo," nakangiting tugon niya kaya mas lalo akong napangiti.
"Ako rin—" Hindi ko na natuloy ang sasabihin nang may sumigaw mula sa likod ko.
"Topher!" anang matinis na boses babae.
Hindi ko man lingunin ay kilala ko kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Hindi nga ako nagkamaling si Carmen iyon nang lampasan lang ako nito at kaagad na lumapit kay Topher.
"Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala," dere-deretsong sabi nito, animo'y hindi man lang napansin ang presensya ko.
Mabilis na napawi ang ngiti ko. Mahina akong napabuntong hininga, kapagkuwan ay nag-iwas na lang ng tingin.
"Oo, binisita ko lang si Karla. Baka kasi ay nalulungkot na siya rito," kunwaring pagtawa ni Topher para pagtakpan ang totoong nangyari.
"Ganoon ba? Palagi naman siyang mag-isa rito, hindi ka pa ba nasasanay?" wika ni Carmen saka pa ako binalingan. "Hindi ba, Karla?"
Umawang ang labi ko, gusto sanang magsalita ngunit mas pinili kong tumango na lamang. Minsan ay nakakainis itong si Carmen, kung makahawak kasi ito kay Topher ay parang pagmamay-ari niya.
Ayaw mahiwalay at parang tuod na sunod nang sunod dito. Hindi na ako magtataka kung balang-araw ay sabihin nitong gusto niya si Topher dahil ramdam ko naman iyon at kitang-kita ko.
Wala lang akong karapatan sa ngayon, ayoko pang bigyan ito ng pahiwatig na mayroon kaming relasyon ni Topher kahit pa nagseselos na ako sa kung gaano sila kalapit sa isa't-isa.
"Tara na, Topher. Punta ulit tayo ng sapa," anyaya ni Carmen kaya napatingin ako kay Topher.
"Sapa na naman? Ano bang mayroon doon?" takang pagtatanong ko.
Hindi pa kasi ako nakakapunta roon dahil bawal akong lumabas, maski paglabas sa gate ay hindi pwede. Isang beses lang akong nakawala, iyon 'yung wala sina Ina at Ama rito sa mansyon.
Ngunit hanggang Rancho La Mercedes lang ako na naroon sa likod bahay, maikling oras lang din iyon at hindi ko na nagawang magsaya dahil sa mga kasamang bantay na nasa likuran ko.
"Doon kami madalas maligo, Karla," pagsagot ni Carmen rason para mangunot ang noo ko.
"Kayong dalawa lang ba?"
"Minsan? Minsan naman ay hindi. Sumama ka rin kasi para hindi ka na nagtatanong kung anong itsura ng mundo—"
"Carmen," suway ni Topher sa dere-deretsong bunganga nito.
Natahimik ako sa narinig, para akong tinamaan sa sinabi nito at walang makapang sabihin. Bumuntong hininga ako, sanay na ako sa ganitong pag-uugali ni Carmen pero masyado lang sumobra ngayon.
"Oh, siya. Mauna na muna ako. Sumunod ka na lang," sambit niya kay Topher bago tumalikod upang iwan kami.
Minsan ay naisip ko, kaibigan pa ba ang turing sa akin ni Carmen o hindi? Baka napipilitan lang ito? O baka sadya ring ganoon na ang ugali niya kaya dapat ay hindi na ito bago sa akin?
Malakas na napabuntong hininga si Topher, tila ba kinukuha ang atensyon ko kaya nag-angat ako ng tingin dito. Mabigat man sa loob ko ay tumango ako saka pa tipid na ngumiti.
"Sige na, sundan mo na si Carmen. Ayos lang ako rito," mahinang usal ko.
"Sige, bukas na lang, ah? Pahinga ka nang mabuti ngayon, panigurado ay mapapagod ka bukas."
Hindi na ako sumagot at muling tinanguan lang siya, hudyat iyon upang tuluyan na siyang mamaalam. Nang mawala sa paningin ko ay pagak akong natawa sa kawalan.
Mayamaya pa nang makarinig ako ng mga yabag mula sa likuran ko, madalian ko itong nilingon at nakita ang mga bantay ko na naghuhumikahos marahil sa pagtakbo at paghahanap sa akin.
"Hinahanap na po kayo ni Don Agustin," saad ni Kuya Thomas ngunit hindi ako nagsalita.
Balak ko na sanang maglakad kung hindi ko lang natanaw ang pamilyar na mukha mula sa gilid ko, hindi iyon ganoon kalayo kaya natanto kong galing ito sa kinalulugaran ko kanina.
Kunot ang noo ko habang pinagmamasdan ang papalayong pigura niya. Kung hindi ako nagkakamali ay si Felix iyon, siya iyong lalaki na nakilala ko ilang araw lang ang nakalilipas.
Kalaunan nang umahon ang kaba sa puso ko sa natanto, hindi kaya ay narinig nito ang usapan namin kanina ni Topher? Nanlaki ang parehong mata ko sa katotohanang baka nga ay ganoon.
Mahabaging Diyos, huwag naman sana at baka isumbong kami nito kay Ama.