Chapter 1

1036 Words
Dilaw "Highest mark, Sadava." nilahad ng Propesor sa ere ang papel ko. Tumayo ako at nagtungo sa unahan para kunin ang ginuhit. May pulang tintang nakamarka sa taas. 94. Iyon ang nakalagay at nakabilog sa kanang sulok. "Paghandaan ang reporting para sa susunod na meeting. Class dismissed," lumikha pa ng tunog ang makapal na rim ng papel na dinampot niya sa lamesa bago umalis. Mabilis na nagtayuan ang mga kaklase ko. Pinasok ko sa tote bag ang ilang gamit sa desk bago sinukbit sa balikat. Hawak ko pa rin ang sinauling output habang naglalakad palabas ng silid. Prayoridad ko ang major subjects sa Nursing pero kahit GE lamang ang PhilArts ay malaking bagay pa rin ang mataas na marka. 3 units din kasi kaya't malakas din ang hatak. Binabasa ko ang kumento ng guro sa drawing ko nang may biglang humablot ng papel. Umangat ang tingin ko at naabutan ang isang pamilyar na babae. Nakilala ko siya bilang kaklase ko sa subject na 'to. Namumukhaan ko ngunit hindi ko alam ang pangalan. Hindi naman kasi ako nakikihalubilo sa mga kamag-aral. Wala rin akong panahon para tandaan ang mga pangalan nila tuwing tinatawag ng guro. Bukod sa walang oras para makipagkaibigan ay iba rin ang lebel sakin ng mga estudyante rito. Ang tanging naaalala ko lang sa kanya ay ang kanyang aktibong partisipasyon sa klase. Madalas sumagot at makakuha ng pinakamataas na puntos. Umarko ang kilay niya habang pinagkukumpara ang gawa namin. "Mas maganda yung akin," anas niya. Lumibot sa kaniya ang tingin ko. Halatang mamahalin ang suot na clip sa buhok. Maganda at makinis ang kutis. Mayaman. Nasanay na kong obserbahan ang estado sa lipunan ng bawat taong nakakaharap ko. Sa dami ng mga nakakasalamuha ay matagal ko nang napagtanto na una pa lang ay mahalaga nang malaman at ihanda ang sarili sa kung gaano sila kataas. Lumipat sakin ang mata niya. "What Uni Pin did you use?" tinapunan niya ko ng tingin. Ikalawang linggo pa lang sa second sem ng unang taon ko sa kolehiyo ay may ganitong engkwentro na agad. Huli sa mga nais ko ang pag-initan ng isang anak mayaman. Pinanatili kong tuwid ang pag-iisip. "Lapis lang ang ginamit ko," saad ko. Kumunot ang noo niya. "Which brand?" Bumaling ako sa bag at binuka iyon para dukutin ang kulay dilaw na panulat sa loob. "Ito," lahad ko sa kaniya. Bumagsak ang tingin niya roon at agad na lumukot ang mukha. Bakas ang animo'y disgusto sa ekspresyon. Binalik niya sakin ang papel ko. "Nevermind," aniya at tila nandidiring pumihit para iwan ako. Nakahinga ako nang maluwag. Gumaan ang loob dahil nakaligtas sa anumang hidwaan. Nang sumapit ang break ay sa grove ako kumain. Mahal ang mga pagkain sa cafeteria ng eskwelahang ito kaya't ang dalawang itlog na nilaga ko sa bahay ang pinagtiyagaan ko sa ilalim ng lilim ng puno. Matapos ang lahat ng klase ay dumiretso na ko sa Swim School na pinagtatrabahuan ko. Nagpapart-time ako rito bilang swimming instructor tuwing weekdays ng hapon. "Good job, Jaja." nakipag-high five ako sa batang estudyante matapos siyang magtagumpay sa floating. Dahil Biyernes ngayon ay isa lang ang kliyente ko. Mas marami akong tinuturuan tuwing Martes at Huwebes. Pang-pitong session na ito ni Jaja kaya't hindi na mahirap ang alalayan siya. Mabilis siyang matuto. Kinalas ko ang pagkakatali ng buhok nang matapos ang swimming lesson. Kinuha ko ang tuwalya pagkapasok sa locker room. Nagpatuyo lang ako at nagbihis bago lumabas na rin para makauwi. "Una na po ko, Mang Dante." paalam ko sa caretaker. "Raya! Sabay na tayo," habol ni Hakeem, instructor din dito. Pumirma lang din muna siya sa logbook bago kami naglakad paalis. "May gagawin ka pa ba? Dinner tayo! Libre ko," aniya. "Kailangan ko nang umuwi." tugon ko. "Ayos lang! Bukas na lang. Sabado naman eh," Umiling ako. "May trabaho din ako bukas," "Ganun ba?" pasimple niyang hinimas ang batok. "Eh sa Linggo?" "May pasok din ako, Hakeem." tugon ko. "At kahit wala, hindi rin pwede." Batid kong natigilan siya sa sinabi ko. Marahil napagtanto na rin ang ibig kong sabihin. Mabuti naman kung ganon. "Sige, mauuna na ko. Dito sa kabila ang daan ko." paalam ko Tinanguan ko lang ang nakamasid niyang pigura bago lumiko sa kanto. Dumaan na ko sa talipapa at bumili ng igigisang gulay. Sa makalawa ang labas ng sahod ko sa pinapasukang Fastfood Chain kaya't pwede kaming mag-karne sa susunod. Pagdating ko sa bahay ay naabutan kong nakatanaw sa bintana si Ate Maya. Likod niya lang ang kita ko nang pumasok ako sa pinto. Tumagal ang hawak ko sa doorknob bago tumuloy. Dumiretso ako sa maliit na kusina upang ilapag ang mga pinamili. "Wala nang hugasin dyan, nilinis ko na ang mga pinagkainan ko kanina.." rinig kong wika ng Ate. Napahinto ako sa ginagawa at bumaling sa lababo. May mga bula at bakas pa ng sabon sa gilid. Magulo ngunit tama sya. Wala na ngang hugasin doon. Napangiti ako. Bumuntong-hininga ako at lumapit sa kanya. Umupo ako sa gilid niya at hinawakan ang kamay niyang nasa armrest ng wheelchair. Binigyan ko ng banayad na pisil ang kamay niya. "Hindi mo naman kailangan gawin 'yon, Ate." ngiti ko. "Pwede namang ako na lang pag-uwi. Kaya ko nama—" "Wag na. Maliit na bagay lang naman yun. Ako ang mas matanda kaya't hindi mo ko kailangang alalahanin. May silbi pa rin ako, Raya." aniya. Lumunok ako at tumango. Kinulong ang palad niya sa dalawang kamay ko at muling ngumiti. "Salamat, Ate.." tanging sinabi ko na lamang. Humugot ako ng malalim na hinga bago tumayo. Nakakaisang hakbang pa lamang ako nang makaramdam ng kung ano sa tinatapakan ng sapatos. Basa. Bumagsak ang tingin ko roon at napansin ang dilaw na likido sa sahig. Nakapaligid sa ilalim ng wheelchair ni Ate. May kung anong bumara sa lalamunan ko habang nakatitig doon. Iniwas ko ang tingin saka tahimik na inabot ng paa ang malapit na basahan. Imbes na sa kusina ay sa may aparador ako dumiretso para gawin ang madalas na ginagawa tuwing nangyayari ito. Hindi malaman kung bakit sa pagkakataong ito ay humahapdi ang sulok ng mata. Kumuha ako ng damit saka dinaluhan ang kapatid.  "Pagabi na Ate, palit ka na ng damit.." malumanay na wika ko, sinusubukan pa ring ngumiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD