CHAPTER 17

2512 Words
JAY-R’s POV Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang inialok na trabaho sa akin ng aking boss na si Miguel George Saavedra. Hindi lamang iyon basta isang trabaho kundi isang misyon na rin na may kinalaman sa kapatid nitong si Celestina. Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang pumunta ako sa malaking bahay ng dati kong kasintahan na si Celestina Buenavides na ngayon ay isa nang Paleamor dahil sa naging desisyon niya noon na magpakasal sa isang lalaking mas nakakaangat sa buhay. At doon sa bahay na iyon ay naganap ang isang malagim na pangyayari na naging dahilan para hanggang ngayon ay manatili pa rin sa hospital ang babaeng iniwan ako noon. Nagtagis ang aking mga ngipin nang muling maalala ang nilalaman ng sulat na aking natanggap mula kay Celestina ilang araw bago ang kanyang kasal kay Brent Paleamor. Ipinamukha ni Celestina sa akin kung gaano kalayo ang agwat ng buhay namin ng lalaking kanyang napangasawa. Sino nga ba naman ako noon? Isang kahig at isang tuka. Bata pa lamang ako ay iniwan na ako at ang aking ina at mga kapatid ng aking magaling na ama. Sumama ito sa babaeng akala ng aking ina ay tunay na kaibigan ngunit aahasin lang pala nito mula sa aking ina ang dapat ay haligi ng aming tahanan. Alam kong naging napakasakit para sa aking ina nang matuklasan nito ang pagtataksil ng aking ama kasama ang babaeng pinagkatiwalaan nito. Sa loob ng mismong kwarto nilang mag-asawa nahuli ng aking ina na may ibang katalik ang aking ama. Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon. Araw ng Linggo iyon at kagagaling lamang naming mag-iina mula sa simbahan nang pagdating namin sa loob ng aming bahay ay nagkalat ang mga damit sa sahig patungo sa kwarto ng aking mga magulang. Hawak ko sa aking kanang kamay ang kaliwang kamay ng aking batang kapatid na lalaki na si Jules habang sa kaliwang kamay ko naman ay nakakapit ang kanang kamay ng aking bunsong kapatid na si Judith. Nagtatawanan kaming magkakapatid habang malakas na nagkukwentuhan tungkol sa mga nakakatawang nangyari sa loob ng aming paaralan nang nakalipas na linggo. Ang aming inang si Ivy ay naglalakad sa aming harapan habang binabagtas ang daan patungo sa aming munting bahay. May ngiti sa mga labi ng aking ina habang hawak nito sa kanang kamay ang isang plastik na naglalaman ng inihaw na kalahating manok na aming uulamin para sa aming tanghalian. Hindi sumama sa pagsisimba ang aking amang si Ruben dahil sinabi nitong kailangan daw nitong pumasok sa pabrika dahil kulang sa tao ngayon. Nagtatrabaho sa isang pagawaan ng sapatos ang aking ama at lingguhan ang kanilang sahod. Ang sahod ng aking ama bilang factory worker ay malaki ang naitutulong na pandagdag sa perang kinikita ng aking ina mula sa paninilbihan nito bilang labandera ng iba’t ibang pamilya sa aming lugar. Sapat ang mga sweldo ng aking mga magulang para sa pang-araw-araw naming gastusin at sa pag-aaral naming magkakapatid sa isang pampublikong paaralan. Tumigil ang masayang pagkukwentuhan naming magkakapatid nang makarating na kami sa harapan ng aming inuupahang bahay. Ang bahay na pinaupahan sa aking mga magulang ng kapatid ng aking ina. Binitiwan ko ang mga kamay ng aking mga kapatid at hinintay namin na mabuksan ng aming ina ang pintuan ng aming bahay. Ngunit ilang segundo na ang lumipas ay hindi pa rin inaabot ng aking ina mula sa loob ng suot nitong mahabang palda ang susi ng pintuan at nakatitig lamang ito rito. Nagtaka ako kaya naman nilapitan ko ang aking ina. Nakita kong nakakunot ang noo nito habang nakatitig sa pintuan ng aming bahay. Nang tingnan ko ang hinahayon ng mga mata nito ay saka ko lamang napansin na bahagyang nakaawang ang pintuan ng aming bahay. Biglang kumabog nang malakas ang aking dibdib dahil sa isang hinalang nabuo sa aking isipan. Maaaring pinasok ng mga magnanakaw ang loob ng aming bahay. Jay-R: Nay, b-bukas po ang pinto. Mabilis akong nilingon ng aking ina at itinapat nito ang kanang hintuturo sa tapat ng mga labi nito. Alam ko ang ibig sabihin niyon. Gusto ng aking ina na tumahimik ako dahil kung totoong pinasok ng masasamang loob ang aming bahay ay hindi dapat malaman ng mga ito na dumating na kami. May kaba sa aking mga mata na tumango sa aking ina at agad na binalikan ang aking mga kapatid. Tumayo ako sa kanilang tabi para madali ko silang maprotektahan kung may mangyari mang masama. Ivy: Tawagin mo ang Tita Cheryl mo, Jay-R. Papuntahin mo rito kasama ang Tito Nardo mo. Si Tita Cheryl ang kapatid ng aking ina na siyang nagpapaupa sa amin ng bahay na ito. Asawa naman nito si Tito Nardo. Tumango ako sa aking ina at akmang maglalakad na patungo sa bahay ng aking Tita Cheryl nang isang parang malakas na halinghing at ungol ang narinig namin na nanggagaling mula sa kabahayan. Nakita kong natutop ng aking ina ang bibig nito gamit ang kanang kamay habang nanlalaki ang mga mata. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang naging reaksyon ng aking ina matapos marinig ang mga tunog na iyon na parang nahihirapan sa kung anong dahilan. Lumingon sa akin ang aking ina at nakita ko sa mga mata nito ang pangamba. Marahil ay iniisip nitong may sinasaktan sa loob ng aming bahay. Nang tingnan ko ang aking mga kapatid ay nakita kong nakatingin lamang silang dalawa sa aming ina. Jules: Nay, ano po ang tunog na iyon? Nang tingnan ko ang aking ina ay parang hindi nito narinig ang tanong na iyon ng aking kapatid. Pakiramdam ko ay malalim ang iniisip ng aking ina habang halo-halo ang emosyong nababanaag ko sa mga mata nito. Nababasa ko roon ang takot, kaba, at pangamba. Ivy: D-dito lang kayo. Samahan mo ang mga kapatid mo, Jay-R. Matapos sabihin iyon ay nakita kong luminga-linga ang aking ina sa paligid ng aming bahay. Maya-maya ay nagsimulang maglakad ang aking ina patungo sa direksyon ng nakabukas na bintana ng kanilang kwarto ng aking ama. Napukaw ang aking atensyon nang biglang abutin ng aking bunsong kapatid na babae ang aking kaliwang kamay. Niyuko ko ito at nakita ko sa mga mata nito ang labis na takot. Judith: Kuya, a-ano po ang nangyayari? Katulad ni Judith ay wala rin akong ideya sa mga nagaganap nang mga sandaling iyon. Ang alam ko lang ay may dalawang tao sa loob ng aming bahay na lumilikha ng tunog ng pag-ungol at paghalinghing. At habang palapit nang palapit ang aking ina sa nakabukas na bintana ay mas lumalakas pa ang mga tunog na iyon. Jay-R: H-hindi ko alam. Si Jules ang sunod kong narinig na nagsalita. Jules: Pinasok po ba tayo ng mga magnanakaw, Kuya? Noong una ay ganoon ang aking hinala. Na may mga magnanakaw sa loob ng aming bahay. Ngunit habang palakas nang palakas ang mga ungol at mga halinghing ay parang unti-unti na ring naglalaho sa aking isip ang hinalang iyon. Nang tuluyan nang makarating sa harapan ng nakabukas na bintana ang aking ina ay halos mabingi kaming magkakapatid dahil sa isang malakas na sigaw na kumawala mula sa bibig ng aming ina. Ivy: Mga hayop! Nanlaki ang aking mga mata sa takot sa kaisipang may mga mabangis na hayop na nakapasok sa loob ng aming bahay. Mabilis kong inabot sa aking kanang kamay ang kaliwang kamay ni Jules at hawak sa aking magkabilang kamay ang aking mga kapatid ay kaagad ko silang hinila palayo ng aming bahay. Nang lingunin ko ang aking ina ay nakita ko ang galit sa mga mata nito habang naglalakad pabalik sa tapat ng aming pintuan. Sa takot na baka atakehin ng kung ano mang mabangis na hayop ang aking ina ay mabilis ko itong tinawag habang hinihila pa rin palayo ng aming bahay ang aking dalawang kapatid. Jay-R: Nay, dito! Dali! Ngunit parang walang narinig ang aking ina at tuloy-tuloy itong naglakad hanggang sa sipain nito pabukas ang nakaawang na pintuan ng aming bahay. Nanlaki ang aking mga mata nang pagkapasok ng aking ina sa entrada ng aming bahay ay nakita ko ang mukha ng aking ama. At sa tabi nito ay ang matalik na kaibigan ng aking ina, si Tita Gretchen. Nakita kong nakasuot lamang ng underwear ang aking ama habang nagmamadali nitong isinusuot ang hawak na shorts. Nang pasadahan ko ng tingin si Tita Gretchen ay parang nakabalot ng kumot ang katawan nito. Nagulat ako nang makita kong malakas na tumama sa kaliwang pisngi ng aking ama ang kanang palad ng aking ina. Naguguluhan ako sa mga nangyayari. Ang labis kong ipinagtataka at kung bakit naroon sa aming bahay ang aking ama gayong nagsabi ito kanina na pupunta sa pabrika para magtrabaho. At kasama pa nito si Tita Gretchen. Ivy: Haliparot kang babae ka! Pinagkatiwalaan kita! Mabilis kong tinakpan ang mga mata ng aking mga nakababatang kapatid nang makita kong inabot ng aking ina ang mahabang buhok ni Tita Gretchen at malakas na hinatak iyon. Kasabay nang nasasaktang sigaw ni Tita Gretchen ay ang aking pagtalikod kasama ang aking mga kapatid. Hindi ko gustong masaksihan nila ang nangyayari ngayon sa loob ng aming bahay. Jay-R: Jules, Judith, takpan ninyo ang mga tainga ninyo. Makinig kayo kay Kuya. Niyuko ko ang aking mga kapatid at nakita kong dahan-dahan nilang itinakip ang kanilang mga kamay sa kanilang mga tainga habang ang mga kamay ko ay nakatakip sa kanilang mga mata. Jay-R: K-kakantahan kayo ni Kuya kahit alam kong wala kayong naririnig ngayon. Sinabi ko lamang iyon pero ang totoo ay sigurado akong kahit nakatakip na ang mga kamay nila Jules at Judith sa kanilang mga tainga ay naririnig pa rin nila ang gulong nangyayari sa loob ng aming dating mapayapang bahay. Halos umabot sa kabilang barangay ang malakas na sigaw ng aking ina at base sa mga salitang naririnig kong lumalabas mula sa bibig nito ay isa lamang ang tinutumbok ng mga iyon. Nagtaksil ang aking ama. Naramdaman ko ang marahang pag-agos ng mga luha sa aking magkabilang pisngi habang kinakanta ko sa aking mga kapatid ang kantang madalas awitin ng aming ina habang pinapatulog kami nito. Ang awiting minsan ko na ring narinig na sabay na kinakanta ng aking mga magulang. Awiting puno ng pagmamahal. Awitin para sa isang masayang buong pamilya. Nagpapasalamat akong nakatakip ang aking mga kamay sa mga mata ng aking mga kapatid dahil hindi ko gustong makita nilang dalawa ang kalungkutang bumabalot sa aking mukha ngayon. Kalungkutang nilikha ng aming ama. Hindi ko lubos na maisip kung bakit nagawang magtaksil ng aking ama sa aking ina. Sa araw-araw ay nakikita ko kung gaano inaasikasong mabuti ni Nanay si Tatay bago ito pumasok sa trabaho at kahit pagod ang aking ina sa maghapong paglalaba ay may oras pa rin ito para pangitiin ang aking ama sa gabi. At si Tita Gretchen, madalas itong nasa loob ng aming bahay para mag-asikaso sa aming magkakapatid sa tuwing abala ang aming mga magulang sa pagtatrabaho. Para na rin itong pangalawang ina sa amin nina Jules at Judith. Paano naatim ng matalik na kaibigan ng aking ina na agawin sa mga anak nito ang karapatan na magkaroon ng isang buong pamilya? Naisip ko ang aking mga kaklase na hiwalay na ang mga magulang. Ganoon na ba ang mangyayari sa amin ngayon? Bata pa ang aking mga kapatid. Paniguradong malulungkot sila kung lalaki silang walang ama. Kinagat ko ang aking ibabang labi upang hindi makalikha ng tunog ang aking pagluha habang naririnig ko ang pagpapalayas ng aking ina sa aking ama. Parang dinudurog ang aking puso habang naririnig ang pag-iyak ng aking ina at ang sunud-sunod na paghingi ng kapatawaran ng aking ama rito. Bakit ganoon? Kahit naririnig kong sinasabi ng aking ama na nagsisisi ito sa ginawa nitong pagtataksil sa aking ina ay si Tita Gretchen pa rin ang pinili ito. Bakit, Tay? Akala ko po ba ay mahal mo kami? Gustung-gusto kong lapitan ang aking ama at itanong dito ang mga katanungang iyon sa aking isipan ngunit hindi ko itong kayang harapin. Dahil sa totoo lang ay parang may nakadagan na mabigat na bato sa aking puso ngayon. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata nang maramdaman ko ang presensya ng ibang tao sa paligid. Hindi ko namalayan na habang nakapikit akong lumuluha matapos kumanta ay nagkumpulan na pala ang aming mga kapitbahay sa harapan ng aming bahay at nakikiusyuso ang mga ito sa nagaganap sa pagitan ng aking mga magulang at ni Tita Gretchen. Nang lumingon ako ay saktong palabas ng bahay ang aking ama. Nakita kong nakapalibot ang kaliwang bisig nito kay Tita Gretchen. Walang dudang ang matalik na kaibigan ng aking ina ang pinili ng aking ama at hindi kaming pamilya nito. Nagsalubong ang mga mata namin ni Tatay. Namamasa ang mga mata nito. Base sa aking narinig na usapan nilang dalawa ng aking ina ay alam kong umiyak din ito. Dapat ko bang kaawaan ang aking ama dahil sa sinabi nitong hindi na ito masaya sa piling ng aking ina? Dapat ko bang intindihin si Tatay dahil mas pinipili lamang nito kung ano ang makapagpapasaya rito? Kailangan bang may masaktan para lamang lumigaya ang isang tao? Paano ang mga taong iniwan? Magpapakasaya sila habang ang mga taong naiwan sa sakit ay durog na durog at hindi alam kung paanong muling bubuuin ang sarili. Tumiim-bagang ako matapos alalahanin ang malungkot na pangyayaring iyon sa aking isipan. Muli ko na namang naalala ang aking ama at ang ginawa nitong kasalanan sa aming pamilya nito. Mula nang araw na iyon hanggang ngayon ay wala na akong narinig na balita mula sa aking ama. Ngunit hindi na iyon mahalaga pa dahil matagal ko na ring itinuring na patay ito. Ang mga taong katulad ng aking ama na hindi inisip ang mararamdaman ng mga taong iniwan nito ay walang puwang sa aking buhay. Katulad na lamang ng aking ex-girlfriend na si Celestina. Nangako siyang mamahalin niya ako magpakailanman. Na ako lamang ang magiging lalaki sa buhay niya. Ngunit sa huli ay ginawa rin ni Celestina kung ano ang ginawa sa akin ng aking ama noon. Iniwan niya ako. Iniwan niya akong wasak at hindi alam kung paanong magsisimula. Mabuti na lamang at nandiyan ang aking pamilya na umalalay sa akin noong mga panahong halos ayoko nang mabuhay dahil sa pag-iwan ni Celestina sa akin at sa aming mga binuong pangarap. Akala ko ay hindi ko kakayaning muling bumangon pagkatapos ng ginawang pakikipaghiwalay sa akin ni Celestina noon. Ngunit heto ako ngayon. Buo ang loob na makaganti sa pananakit na ginawa ni Celestina sa aking puso. At ngayong nakabalik na ako sa buhay ni Celestina ay hindi na pagmamahal ang namamahay sa aking puso para sa kanya kundi poot at galit na ilang taon ko ring ginawang sandigan para lumaban sa buhay. Ang hinanakit para kay Celestina ang paiiralin ko sa aking puso para ibalik sa kanya ang sakit na ipinaranas niya sa akin noon. Muling bumalik sa aking isipan ang pinag-usapan naming dalawa ni Miguel George Saavedra at isang desisyon ang nabuo sa aking isipan. Hindi ko akalaing mas magiging madali ang paglalapit nating dalawa nang dahil sa kapatid mo, my high maintenance lady. ---------- to be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD