MAYNILA
ABALA ang lahat sa malaking bahay ng mga McQueen nang dumating ako ngayong umaga. Isang beses isang buwan lang akong umuwi sa probinsya namin sa Mindoro. Bukod sa magastos sa pamasahe ay nakakapagod magbyahe papuntang Maynila. Ang gagastusin ko ay ilalaan ko na lang sa pangangailangan nina Nanay at Tatay. Ngayong nasa edad singkwenta na sila ay nagiging sumpungin na rin ng rayuma.
"Ate Leng, bakit ang dami n'yong naglilinis? May okasyon ba?" tanong ko sa kanya habang nakasukbit ang backpack ko sa likod.
"Naku Shen! Mabuti naman at nandito ka na. Pwede bang bukas ka na lang mag-day off? Tulungan mo muna kaming maglinis ngayon kasi nagmamadali sina Senyora."
Agad naman akong tumango. Sino ba ako para tumanggi? Kahit naman day off ko ngayon basta hiningi nina Senyora Julieta ay susundin ko. Napakabait kasi nila sa akin. Isa pa, sila ang nagpapaaral sa akin ng kolehiyo. Tatlong taon na akong nagtatrabaho sa kanila at ngayon ang huling taon ko sa kursong Business Management.
"Oo naman, Ate Leng. Sandali lang at magpapalit ako ng damit tsaka itatabi ko na rin itong mga dala kong kakanin. Padala sa atin ni Nanay," nakangiting sabi ko sa kanya.
"Ang bait bait mo talagang bata ka. Kaya mahal na mahal ka nina Senyora eh. O s'ya sige at magpalit ka na at bumalik ka dito. Mamaya kainin natin 'yang mga padala ni Nanay. Siguradong masarap 'yan!" excited na sabi nito sa akin.
Nagtuloy ako sa kwarto namin. Nasa dulong pasilyo ito sa bandang kaliwa at magka-share kami ng kwarto ni Ate Leng. Ang iba naming kasambahay ay ganito rin ang set up. May sariling kwarto at palaging dalawa ang umookopa. May sarili din kaming banyo at shower sa silid kaya hindi nag-aagawan.
Anim kami rito. Si Ate Leng ang mayordoma at pinakamatanda sa edad na kwarenta y singko, wala s'yang asawa pero may boyfriend na seaman daw. Si Ate Melba at Ate Linda ay magkapatid at nasa mid-thirties na. Silang dalawa ang kusinera namin. Napakasarap nilang magluto.
Ang pinakamalapit sa edad ko ay si Joy at Happy. Kung anong ikinasaya ng pangalan ay ganoon naman kasungit. Palibhasa, walang lovelife sa edad na trenta. Itong dalawang ito ang palaging ginagawan ako ng issue. Daig pa ang kambal ng kabusangutan este tadhana -- eh hindi naman sila relatives!
Sabi ni Ate Leng, baka naiinggit sa trato sa akin nina Senyora. Nagkibit balikat na lang ako -- baka nga totoo. Mabilis akong nagpalit ng damit at bumalik kay Ate Leng para matapos na sila sa gawain. Ano ba kasi ang nangyayari? Sino ba ang napaka-importanteng bisita na 'yon at halos lahat ng gabok ay higupin naming lahat.
"Ate Leng, ready na ako. Anong gusto mong ipagawa?" sabi ko sa kanya.
"Okay, marami na kami dito sa salas at kusina. Ikaw na doon sa taas. Unahin mong linisin ang kwarto nina Senyora, hindi naman makalat ang mga 'yon kaya paltan mo na lang ang beddings, double check sa banyo nila at magwaliswis ka na rin baka may gabok," hinihingal n'yang sabi sa akin.
"Okay. Pagkatapos kina Senyora, ano ang sunod para hindi na ako mag-akyat baba sa hagdan," kapit ko na ang feather duster, walis tambo at timba na may lamang mga chemicals, malinis na tuyong basahan at pandakot.
"Isunod mo ang kwarto ni Senyorito. Metikuloso daw 'yon at ayaw ng may ni-isang gabok. May allergies daw sa gabok 'yon eh. O s'ya, magsimula ka na at bandang tanghali ay darating na sila."
Habang paakyat ako ng hagdan ay bigla akong napaisip. Allergic s'ya sa gabok? Eh bakit umuwi pa s'ya ng Pilipinas? Napakamot ako sa ulo ko bigla. Wala naman kasing parte dito sa bansa na walang alikabok.
Sabagay, may gamot naman na pwedeng inumin. Baka 'yon ang ginagawa n'ya para hindi s'ya haching ng haching. Aba, hindi ako nurse pero masama din ang palaging dumedepende sa gamot. Isa pa, mahal kaya ng gamot. Palibhasa kasi may sapat naman silang salapi, palaging may pambili.
Palaging malinis ang kwarto nina Senyora pero pinalitan ko na rin ang kubre kama at nagwaliswis ako. Ang banyo ay nilinis ko rin para naman mabango kapag ginamit nila. Sa hotel nga, araw araw ang linis ng banyo. Buti dito sa bahay every other day lang. May laundry shoot dito sa eleganteng banyo nila kaya matapos kong paltan ang mga beddings ay inilaglag ko lang. Diretso na 'yon sa laundry area namin.
Pinasadahan ko ng isa pang tingin ang kwarto at banyo bago ako lumabas para masiguradong wala akong nakalimutan. Na-empty ko na rin kanina ang maliit na basurahan sa banyo at kwarto. Dala ang mga panglinis ay sa kwarto naman ni Senyorito ako nagtungo. First time kong magawi dito sa totoo lang. Once a month lang daw ito ipalinis at wala namang gumagamit. Isa pa, ayaw daw ng lalakeng 'yon na may papasok na ibang tao sa kwarto n'ya.
Ayaw pala n'ya, eh bakit hindi na lang s'ya ang maglinis pag-uwi n'ya? Mahina akong napatawa sa naisip ko. Naimagine ko kasi na nakasuot s'ya ng apron at may hawak na walis tambo tapos haching ng haching gawa ng allergies n'ya. Nagsimula na akong mag-linis. Inuna ko ang banyo. Katulad dito ito ng kina Madam pero mas maliit ng kaunti.
Nang matiyak kong maayos na ang banyo ay sinimulan ko na ang kwarto n'ya. Nilagyan ko ng beddings. Ang kama ay mukhang bagong deliver kasi may plastic pa. Tinanggal ko 'yon at saka nilagyan ng bagong beddings. Ang sarap palang maging mayaman. Limang taon na walang gumamit ng kama, tapos itatapon na at bibili na ng bago. Nga naman, mahirap ng makagat ng surot.
Umagaw ng pansin ko ang litrato n'ya sa night table. Dinampot ko 'yon at tinitigan. Ang pogi n'ya talaga. Walang tapon. Wala ring sinabi ang mga lalakeng nagpapalipad hangin sa akin sa unibersidad.
"Pogi ba?" tanong ng baritonong boses ng isang lalake.
Mabilis kong nilingon ang may-ari ng boses at napanganga ako. Nagpalipat lipat ng dalawang beses ang tingin ko sa picture at sa lalakeng nasa harapan ko. Kinuha n'ya ang picture sa akin at nakangising inulit ang tanong n'ya.
"Senyorito, kayo po pala."
"Hindi mo sinagot ang tanong ko, pogi ba 'yang nasa litrato?"
Napalunok ako ng ilang beses pero tuluyan na yatang naiga ang laway ko.
"Uhm --"
Paano ba 'to? Nakakahiyang sabihin na pogi s'ya, pero mas lagot naman ako kapag sinabi kong ang pangit n'ya? Bwiset na 'yan. Si Ate Leng kasi. Dapat sina Joy na lang ang pinaglinis dito sa taas at sa ibang parte na lang ako ng bahay.