Ala-una na ng madaling-araw pero hindi pa rin dinadalaw ng antok si Chloe kaya naman naisipan niyang lumabas para magpahangin habang nakasakay sa duyan niya para magpaantok. Pero, pagbukas na pagbukas niya ng pinto ay napakunot ang noo niya dahil kagaya niya ay gising din pala si James. Nakasakay ito sa duyan na binili niya habang may hawak ito na isang bote ng beer. Ano kayang plano ng lalaking 'to sa buhay nito? Ganito na lang ba ito gabi-gabi? Nagulat pa ito nang makita siya nitong nakatayo kaya pasimple nitong binitiwan ang beer na hawak-hawak nito. "Baby, bakit gising ka pa?" tanong nito. Umalis ito sa duyan at pasuray-suray ito nang maglakad papunta sa direksiyon niya. Kaya bago pa man ito masubsob sa lupa ay sinalubong niya na ito at inalalayan niya ito papasok sa kubo nito

