Episode 7

1737 Words
Hanggang ngayon ay tulala pa rin si James dahil sa ginawa sa kaniya ni Chloe. Bigla na lang kasi itong nagtatakbo pagkatapos siya nitong halikan. Hindi nga halik ang ginawa nito kung hindi kagat, eh. Ang pang-ibaba niyang labi kasi ay bahagya nitong nakagat dahil sa pagiging agresibo nito kanina. Ibang klase talaga! Sabagay, ano ba ang aasahan niya sa mga kagaya nito? Ni hindi nga ito kinilabutan sa mga sinabi nito sa kaniya kanina, eh. Kung umasta pa ito parang hindi ito babae. Ano ang akala nito sa pakikipagrelasyon, laro lang? Gulong-gulo ang isip niya ngayon dahil hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Iniisip niya pa lang na makikipaghiwalay siya kay Jessa ay naninikip na ang dibdib niya. Ano'ng idadahilan niya rito? Alangan naman na bigla na lang siyang makipaghiwalay ng walang dahilan. At kapag sinabi niya naman na ang babaeng baliw na 'yon ang dahilan ng pakikipaghiwalay niya ay baka lalo lang na magulo ang lahat. Kapag hindi naman niya hiniwalayan ang kasintahan niya ay siguradong mawawala ang lahat sa kaniya. At sigurado rin siya na pati ang mga taong nakikisaka sa lupa niya ay madadamay din kapag hindi siya pumayag sa gusto ni Chloe. Mayamaya pa ay natawa na lang siya ng pagak na para bang nasisiraan na siya ng bait. Hindi naman siguro seryoso ang babaeng ‘yon na gusto siya nitong maging kasintahan. Sana nga hindi ito seryoso sa mga salitang binitawan nito kanina. Pakiramdam niya tuloy ay pinaglalaruan lang siya ng babaeng ‘yon. “Saan kaya nakatira ang babaeng ‘yon?” tanong niya sa kawalan. Balak niya kasing kausapin ulit ito para makiusap ulit na iba na lang ang hilingin nito. Baka kasi nabibigla lang ito sa gusto nitong mangyari sa kanilang dalawa. Gusto ba nitong magkaroon sila ng relasyon kahit walang pagmamahal na namamagitan sa kanilang dalawa? Ano 'yon, maglalaro lang sila ng apoy? Imposible talaga ang hinihiling nito dahil may kasintahan na siya at mahal na mahal niya ito. At kahit ipagpalagay pa nito na wala siyang kasintahan ay hindi pa rin siya papayag dahil hindi ito ang tipo niyang babae. Malayong-malayo ito sa mga babaeng gusto niyang makasama habang buhay. Para kumalma ang sistema niya ay napagpasyahan niyang magtanim na lang muna ng gulay sa gilid ng bahay niya. Sa tuwing nagtatanim kasi siya ay para bang nawalala ang mga problema niya dahil nababaling na rito ang atensiyon niya. “James! James!” Napalingon siya sa kaibigan niyang si Andy nang tawagin nito ang pangalan niya. Kasama nito ngayon ang isa pa nilang kaibigan na si Lito. Kapwa nakangiti ang dalawa habang papalapit sa direksyon niya. “Ano’ng nangyari sa ‘yo? Bakit parang ang lungkot mo yata? May problema ba?” bungad na tanong sa kaniya ni Andy nang makalapit ito sa kinaroroonan niya. "May problema ba, James?" tanong naman sa kaniya ni Lito habang titig na titig sa kaniya. “Ano’ng sadya n’yo? May kailangan ba kayo?” balik niyang tanong sa dalawa sa halip na sagutin niya ang tanong ng mga ito. "Nakita ko siya ulit, Pare! Nakita ko ulit siya!" Napakunot ang noo niya dahil halata ang kasiyahan sa mukha ng kaibigan niyang si Andy. Sino kaya ang taong tinutukoy nito na nakita nito? "Alam ko na rin kung saan siya nakatira! Grabe! Napakaliit talaga ng mundo! Hindi ko akalain na makikita ko siya ulit, Pare!" Wala talaga siyang maintindihan sa sinasabi nito at wala rin siyang ideya kung sino ang tinutukoy ng kaibigan niya. Kung sino man ang tinutukoy nito ay hindi siya interesado. Dahil mas iniisip niya pa ngayon kung paano niya kakausapin ang kasintahan niya tungkol sa kinakaharap niyang problema. Kung paano niya haharapin ang bukas na hindi na ito ang kasama niya dahil wala na siyang pagpipilian pa kung hindi tanggapin ang masamang kapalaran niya. "Pare, 'yong babaeng tinulungan natin nakita ko na ulit siya! At alam ko na rin kung saan siya nakatira!" bulalas nito kaya naman bigla siyang nabuhayan dahil may pagkakataon na siya na makausap ulit ang babae. Lahat ay kaya niyang ibigay maliban sa pakikipaghiwalay sa kasintahan niya para lang maging boyfriend siya nito. They can be friends but not lovers. "Talaga? Saan siya nakatira? Puwede mo ba akong samahan sa kaniya, Andy?" sunod-sunod niyang tanong dahilan para magkatinginan ang dalawa. Siguro nagtataka ang mga ito kung bakit bigla siyang nagkainteres sa isang babae na hindi naman talaga niya gawain. "Kailan ka pa nagkainteres sa ibang babae maliban sa kasintahan mo? Huwag mong sabihin sa amin na sawa ka na sa kasintahan mo, James," sabad ni Lito. "Sabagay, sino ba naman ang hindi magagandahan kay Chloe? 'Yong ganda niya kasi ay kakaiba talaga dahil hindi nakakasawang tingnan. Simple lang din siyang manamit kahit na sobrang yaman niya." Nagtataka siya dahil sa mga sinabi ni Andy. Kung makapagsalita kasi ito akala mo kilalang-kilala nito ang babae samantalang kahapon lang naman nila ito nakita. "Kinausap ka ba niya, Andy?" "Oo naman! Malalaman ko ba ang ilang detalye sa buhay niya kung hindi niya ako kinausap?" "Hindi ba mataray ang babaeng 'yon?" tanong niya ulit dito na may kasamang pagtataka. "Wala akong masabi sa kaniya! Sobrang bait niya, Pare! Wala siyang kaarte-arte sa katawan kahit ubod siya ng yaman." "Hindi ako naniniwala na mabait ang babaeng 'yon. Dahil kung mabait siya kagaya ng sinasabi mo, eh, 'di sana naiintindihan niya ang sitwasyon ko. At kung talagang mabait nga ang babaeng 'yon, eh, 'di sana, hindi niya ako inilagay sa komplikadong sitwasyon. Huwag kang maniwala sa ipinapakita ng babaeng 'yon dahil para sa akin isa siyang masamang tao," pagkontra niya sa mga sinabi nito habang seryosong nakatingin sa dalawa na halatang parehong nagtataka dahil sa mga binitawan niyang salita. "May pinagdadaanan ka ba, James?" tanong sa kaniya ni Lito nang matapos siyang magsalita. "Kilala mo ba ang babaeng tinutukoy ni Andy? May itinatago ka ba sa amin? Huwag mong sabihin sa akin na may nakaraan kayo ni Chloe, James. Kung makapagsalita ka kasi para bang kilalang-kilala mo siya, eh. 'Yong totoo, may nakaraan ba kayo?" "Kahapon ko lang nakita ang babaeng 'yon," pormal niyang tugon kay Lito. "'Yon naman pala, eh! Eh, bakit kung makapagsalita ka parang kilalang-kilala mo siya?" Umiiling-iling pa ito habang nagsasalita. "Kilalanin mo muna siya bago mo siya husgahan, James. Hindi ako manghuhula pero nakikita ko na isa siyang mabuting tao," wika naman ni Andy. Pakiramdam niya tuloy siya itong lumalabas na masama dahil sa mga pinagsasabi niya sa babaeng 'yon. "Paano mo nasabi na isa siyang mabuting tao? May ginawa ba siyang mabuti sa 'yo para masabi mo 'yan?" naghahamon niyang tanong kay Andy. "Alam mo bang niyaya niya kaming kumain sa bayan kahit na hindi naman niya kami gaanong kilala? Namukhaan niya raw kasi ako na isa sa mga tumulong sa kaniya nang masiraan siya ng sasakyan kaya gusto niyang bumawi. Paulit-ulit nga namin siyang tinanggihan ni Lito kasi nahihiya talaga kami pero hindi niya talaga kami hinayaan. Kung tutuusin kasi ay wala na siyang utang na loob sa atin dahil binayaran niya naman tayo, 'di ba? Pero talagang mapilit siya, eh. Pinilit niya kami nang pinilit hanggang sa pumayag kami na sumama sa bayan para lang kumain. Hindi pa roon nagtapos ang lahat dahil ibinili niya pa kami ng mga pangangailangan namin. Kami raw dalawa ni Lito ay kaibigan na niya simula ngayon kaya 'wag daw kaming mahihiya na magsabi sa kaniya kapag may kailangan kami. Ano'ng tingin mo roon, hindi ba 'yon mabait?" mahabang paliwanag nito sa kaniya. Ano kayang mahika ang ginamit ng babaeng 'yon sa mga kaibigan niya at ganoon na lang kung ipagtanggol ito ng dalawa. Hindi niya alam kung ano ang pinaplano ng babaeng 'yon. Siguro kinukuha nito ang loob ng mga kaibigan niya para mapadali ang plano nito sa kaniya. "May nabanggit ba siya sa inyo? May naikuwento ba siya sa inyo habang kumakain kayo sa bayan? Bukod sa inyong tatlo, may iba pa ba kayong kasama?" Gusto niya kasing malaman kung may nabanggit ito sa dalawa tungkol sa mga pinag-usapan nila. "Si Aling Berta." "Ano'ng meron kay Aling Berta?" "Si Aling Berta ang kasama namin na kumain sa labas. Kaya bale apat kami." "Sa bahay ba ni Aling Berta tumutuloy si Chloe?" "Nadali mo, Pare!" sagot ni Andy sa malakas na boses kaya naman inismiran niya ito. "Kamag-anak ba siya ni Aling Berta?" tanong niya ulit sa dalawa. "Siguro!" tugon ni Lito na halatang hindi sigurado. Hindi na siya mahihirapan na kausapin ang babae dahil alam na niya kung saan ito pupuntahan. "Maiba ako, Pare. May balita na ba sa lupa mo? Akala ko ba ngayon darating ang isa sa mga tauhan ng mga Madrigal. Hindi pa ba dumarating?" Bumuntong-hininga muna siya bago sinagot ang tanong ni Lito. "Nagkausap na kami kani-kanila lang. Ang totoo niyan, pagdating niyo ay halos kaaalis-alis lang niya." "Talaga? Kumusta ang pag-uusap niyo? Maayos naman ba? Pumayag ba siya na bigyan pa tayo ng kaunti pang panahon?" tanong ulit ni Lito na halatang umaasa na positibo ang isasagot niya. "Ayos lang naman." "Eh, bakit parang hindi ka masaya? 'Yong hitsura mo kasi para bang mawawala pa sa 'yo ang lahat." Siguro napansin ni Andy na malungkot siya kaya nito iyon nasabi. "'Di ba dapat maging masaya ka kasi wala ka ng problema? Eh, bakit parang ang lungkot ng mukha mo? Kinakabahan tuloy kami sa 'yo." Pinilit niyang ngumiti para hindi na mag-alala pa ang dalawa. "Huwag na kayong mag-alala dahil wala na tayong problema. Ang sabi kasi nang taong nakausap ko saka na lang daw ako magbayad kapag nakaluwag-luwag na ako. Hindi pa naman daw nila kailangan ng pera kaya 'wag daw akong mabahala dahil marunong naman daw silang umintindi." Nag-apir ang dalawa at bakas na bakas sa mga mukha nito ang kasiyahan. "Mabuti naman kung gano'n! Hays! Akala ko talaga palalayasin na tayo rito sa lupa mo, James! Mabuti na lang pala at mabait ang mga Madrigal. Dahil kung hindi, naku! Sa kangkungan talaga tayo pupulutin." Kung ang mga kaibigan niya ay masaya ngayon siya naman ay kabaligtaran ang nararamdaman. Isang desisyon ang nabuo sa isip niya dahil sa nakikita niyang kasiyahan sa dalawa. Hindi naman puwedeng unahin niya ang sarili niya kaysa sa mga taong nakikisaka sa lupa niya. Marahas siyang bumuga ng hangin dahil kahit alin man sa dalawa ang piliin niya ay alam niyang makakasakit siya ng tao. Sa ngayon, kailangan niya munang isakripisyo ang sarili niyang kaligayahan para sa kapakanan ng nakararami.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD