MABIGAT ANG PAKIRAMDAM NI ERENA at hindi niya alam kung saan nanggagaling iyon. Nagsimula niya lang namang maramdaman iyon nang dumating si Catalina. Hindi niya alam kung ano ang papel nito sa buhay ni Skyler pero masama ba kung iniisip niyang ayaw niyang nakikitang may interaksiyon ang dalawa?
Napakaganda ni Catalina. Kung ikukumpara silang dalawa ay walang-wala siya. Ngayon niya lang naramdaman ito, ang mainggit. Pero malayo sa inggit na may kasamang galit, kundi lungkot sa puso.
Lumabas siya sa sasakyan nang hindi hinihintay ang sagot ni Skyler. Alam niyang nagpadalos-dalos siya pero pakiramdam niya rin, kapag nakalayo siya kay Skyler kahit papaano ay gagaan ang loob niya.
Alam niya kung anong klaseng lugar ang nahintuan nila, nakita niya ito sa Internet, sa tapat ng parke. Pinasok niya ang loob nang walang pag-aalinlangan.
Masyadong maraming tao at talagang nahirapan siya sa pagdaan.
"A-ah!"
Nabangga siya!
Kasabayan niyon ang paghiyaw ng mga tao nang may muntik nang masagasaang bata sa daan.
Pero hindi iyon ang mas inaalala niya kundi ang hood ng jacket niya.
Hindi.
"Erena!"
Naudlot ang naiiyak sa kinakabahan niyang anyo nang marinig ang boses na iyon.
Si Skyler.
Agad nitong naibalik sa ayos ang hood niya kasabay ng pagsalo nito sa kaniya. Sa maluha-luha at inosenteng paningin naman ay tiningnan niya si Skyler hanggang sa mabawi niya na ang kaniyang balanse.
"Skyler," tawag niya rito.
"Hindi mo ako hinintay. 'Di ba, sinabi ko na sa 'yong delikado rito?"
Nilunok niya ang bikig na namuo sa kaniyang lalamunan. Dismayado ba ito sa kaniya? Gusto niya lang namang lumayo dahil baka hindi niya kayanin ang sakit ng dibdib niya.
"Halika, sasamahan na kitang magbanyo."
Nilingon niya ang sasakyan nila. Naiwan pala roon si John.
Bahagya pa silang pinagtitinginan, siguro ay dahil na naman sa suot na uniporme ni Skyler.
Napabuntong-hininga pa si Skyler bago kunin ang kanang kamay niya. Pakiramdam niya ay bumabagal ang oras habang wala sa kaniya ang paningin nito. Guwapo si Skyler, bagay kay Catalina.
Habang naglalakad tuloy sila papunta sa pampublikong palikuran ng parke ay hindi iyon mawala sa utak niya. Base sa paraan ng pagtingin, pagkausap, at pag-agaw ni Catalina sa atensiyon ni Skyler kanina, masasabi niyang may espesiyal na pagtingin si Catalina kay Skyler—pero si Skyler rin kaya? Hind malabo.
Sandali pang huminto ang paningin niya sa bagay na umiilaw sa gilid, tinitinda iyon.
Nang makita niya namang nakatingin sa kaniya si Skyler ay nag-iwas na lang siya ng paningin.
"Pumasok ka na. Bawal ako riyan. Hihintayin na lang kita rito." Isang matamis na ngiti pa ang ibinigay nito bago lumayo mula sa malaking palikuran.
Tumango naman siya at pumasok kahit na hindi siya naiihi, papasok na rin sana siya sa cubicle nang makita ang salamin sa tapat nang mahabang lababo. Huminto siya roon bago tiningnan ang sarili. Kung normal lang sana siya, magugustuhan man lang ba siya ni Skyler?
Kung normal lang sana siya gaya ni Catalina, baka sakaling sineryoso ni Skyler ang pag-amin niya.
"Ay sandali!" Naagaw ng atensiyon niya ang mga babaeng halos mas bata lang sa kaniya na katabi niya lang kanina na nag-unahan sa paglabas.
"Teka..." Kinuha niya ang gunting na nakapatong doon.
Naiwan iyon ng mga dalagita kanina, pero hindi niya na mahabol ang mga ito.
Kagat-labi niyang pinagmasdan ang hawak na gunting.
NAPABUNTONG-HININGA SI SKYLER NANG ILANG MINUTO na ang nakalilipas ay hindi pa rin lumalabas ng banyo si Erena.
Nakailang tanong na rin siya ng oras sa mga taong napaparaan sa gawi niya.
Wala naman sigurong nangyaring masama kay Erena sa loob, hindi ba?
"Kuya, anong oras na po ulit?" tinanong niya ulit ang fish ball vendor.
"Alas nueve, Sir."
Balak niya na sanang katukin si Erena kung hindi lamang ito naunang lumabas. Iba ang paraan ng pagtayo nito ngayon kumpara kanina. Yakap ni Erena ang sarili at tumamlay na tila ba nahihirapang kumilos.
"Umuwi na tayo." Binigyan siya nito ng pilit na ngiti pero hindi pa rin niya mapigilan ang hindi mag-aalala.
Gusto niyang magtanong ngunit iba ang awra ni Erena ngayon, bagay na nagpahirap sa kaniya ukol doon.
Wala siyang magawa kundi ang sundan ito pabalik sa sasakyan.
"Okay na ba?" si John nang makasakay na sila.
Hindi siya nagsalita, kinuha naman ni John na senyales iyon para i-start na ang sasakyan.
Habang nasa biyahe ay tahimik lang sila. Napansin niya naman ang pagpapalit-palit ng paningin ni John sa kanilang dalawa ni Erena, pero wala pa rin naman sinabi tungkol doon at hindi niya alam kung dapat niya bang ipagpasalamat iyon.
Ilang sandali lang ay nakarating na sila kung saan ipinaparada ang sasakyan.
"Tayo lang ba ang mag-aakyat nito?" si John, nakatingin sa mga binili nilang supplies.
"Hindi." Kahit nang sagutin niya si John ay na kay Erena pa rin ang paningin niya.
Ngunit hindi pa man kompletong naipaparada ay hininto na ni John ang sasakyan.
"Mukhang hindi nga lang tayo ang mag-aakyat."
Umawang ang labi niya nang makitang malapit sa pagpaparadahan ay naroon ang ilan sa mga kasamahan nila.
"Anak ng..." Bumaba siya sa sasakyan at agad na inilahad ang kamay kay Erena. "Kapag may naghanap sa akin, sabihin mong magbabanyo lang ako kaya bumaba muna ako."
"Grabe na talaga," si John.
Hindi tinanggap ni Erena ang kamay niya pero kahit papaano ay ngumiti naman ito sa kaniya, pero hindi naman siya tanga para hindi pa rin mapansin ang bagay na iyon, talagang may mali kay Erena.
Kinagat niya ang labi at binalingan si John sinenyasang tumuloy na, agad din naman siya nitong sinunod.
Nang magsipaglapitan ang mga kasamahan niya sa gawi ni John ay agad niyang inalalayan paupo si Erena. Mataas ang tsansa na makita pa rin sila ng mga ito.
Matapos ay muling dumapo ang paningin niya kay Erena. Hindi niya maintindihan kung bakit ba tila hirap na hirap ito. Sinubukan niyang kapain ang noo nito, pero ganoon din kabilis na napigilan ni Erena ang kamay niya. Ganoon pa rin, nakangiti pero halata ang panghihina.
"A-ayos lang ako," ani Erena.
"Kanina ka pang matamlay."
Hindi sumagot si Erena bagkus ay tumayo, kaya naman napatayo na rin siya.
"Alam ko na ang daan pauwi, Skyler."
"Ihahatid kita," sumeryoso na ang boses niya.
Iyon na naman ang ngiti nito bago siya talikuran, pero hindi niya hinayaang makaalis si Erena.
Walang imik niyang hinugot sa bulsa ang binili niya kanina at inilapag iyon sa palad ni Erena. Tila hindi pa ito makapaniwala nang makita ang ibinigay niya.
"B-bakit? Ano 'to?" tanong nito.
"Nakita kong tinitingnan mo ang bracelet na 'yan kanina kaya binili ko noong nasa banyo ka."
Maluha-luha nitong tiningnan iyon.
Napabuntong-hininga siya. "Para kapag nagkita ulit tayo sa gabi kapag puwede na, mabilis kitang mahahanap dahil sa ilaw niyan."