LIKAS ANG PAGIGING MATULUNGIN PARA KAY SKYLER. Para sa kaniya, napakagaan na makatulong sa kapwa, pero iba pala ang ganito. Iba ang pakiramdam niya tuwing si Erena ang dahilan. Naroon ang takot, pag-aalala, at tuwa na siya ang gumagawa niyon para rito at hindi ang ibang tao.
Pumasok sa isip niya si Catalina Javier, ang anak ni Governor.
Karamihan naman ay talagang humahanga lang sa kaniya, sa mga pagkakataong may natutulungan siyang indibidwal, hindi gaya ni kay Catalina.
Kahit sa pagiging masungit, ayaw niya mang sabihin ay para bang hinding-hindi siya lubayan nito.
"Skyler!" Bumalik iyon sa kaniyang alaala nang tawagin siya sa magiliw na paraan ni Catalina, unang beses simula nang buhatin niya ito noong umuulan para hindi maputikan.
"Oh," si John sa likuran niya. Nasa canteen sila ng eskuwelahan, magre-recess lang sana bago ang susunod na klase.
Umakto naman siyang parang wala lang iyon sa kaniya sa kabila ng pagsisimulang mang-usyoso ng mga estudyanteng nakapansin sa kanila, halos lahat pa nga yata.
"I'll treat you both!" dugtong ni Catalina.
Nagmadali ito at nakisiksik pa. Maganda rin ang ngiti nito hanggang sa huminto sa tapat nila.
"Hindi pa ako nagre-recess. Sabay-sabay na tayo. Let's go?" Umakto itong pinasusunod silang dalawa, pero halos parehas din silang hindi nakagalaw ni John sa pagtataka at biglaang pagbabago nang trato nito sa kanila.
Kahapon lang ay napakasungit nito.
Nagkatinginan sila ni John. Naroon man ang pagtataka ay sinagi rin nito ang braso niya para pumayag siya.
Libre na iyon at sa totoo lang, parehas silang hindi tumatanggi ni John sa biyaya, pero hindi talaga siya komportable kay Catalina.
"Oy, Skyler." Sinagi siyang muli ni John.
"Ayaw niyo ba?" Sa malamlam na mga mata ay tiningnan sila ni Catalina.
"Trauma lang 'to sa klase kanina, pero hindi kami aayaw sa ganiyan ano!" Inakbayan siya ni John at pilit na pinasunod kay Catalina na nanumbalik ang sigla sa awra dahil sa sinabi nito.
"Then, let's go!"
Buong akala niya ay hanggang doon lang iyon, na marunong lang talaga itong tumanaw ng utang na loob, pero nasundan pa ang kagustuhan nitong dumikit sa kaniya.
Sa kabila niyon ay hindi siya nagbigay ng malisya. Hinayaan niya si Catalina, hindi rin naman siya naaagrabyado.
"What did I say ba?" boses iyon ni Catalina.
Napadaan kasi siya sa restroom ng mga babae sa unang building nang may iutos ang teacher nila isang umaga.
"You are always this stupid! Ano ang ipapasa kong project mamaya?" Unti-unti itong nagtaas ng boses.
Hindi siya makapaniwala sa inaasta nito.
"Hindi ko naman alam na masisira iyon ni James, e. Sinubukan ko namang ayusin, Catalina—"
Nagsalubong ang mga kilay niya nang makarinig nang malakas na tunog—tila palad na tumama sa pisngi ng kausap nito. Sigurado siyang iyon ang nangyari kaya hindi natuloy sa pagsasalita ang isa pang babaeng estudyante na kasama nito sa banyo.
"Tatanga-tanga ka talaga!" Sandaling tumahimik sa loob. "Gawan mo 'yan ng paraan! You have time before lunch time. Kapag hindi mo nagawa, I will release the video."
Video?
Halos mapatalon si Catalina nang buksan ang pintuan ng palikurang pambabae at nang siya ang madatnan.
Mula sa pagiging magiliw nito noong mga nakaraang araw, nawala sa isip niya ang tunay na ugali ni Catalina, pero aaminin niyang umasa siya kahit papaano na nagbago man lang ito.
Kaya sobrang dismayado siya.
"S-skyler!" Agad na bumakas ang pekeng ngiti sa mukha nito. "What are you doing here?"
Imbis na sagutin ito ay tinitigan niya lang si Catalina bago niya inilipat ang paningin sa babaeng nasa likuran na nito ngayon. Nakatungo lamang ito at kanina ay hawak ang pisngi, kung hindi lang napansin ang pagdapo ng paningin niya rito.
"Go," mahina pang ibinulong ni Catalina sa babae.
Agad naman itong tumalima at ilang segundo lang ay wala na ito sa paningin nila.
Hindi niya alam kung tatanungin niya ba ang tungkol doon, pero tila hindi nararapat para sa kaniya ang makisawsaw dahil base sa nakikita niya, kung ipagtatanggol niya man ang babae kay Catalina ay hahadlangan din ito ng babae mismo dahil may iniingatan.
"Buti na lang you are here!" Lumundag pa ito at inabot ang kanang braso niya saka umangkla roon. "My Dad wants to see you. Dinner daw!"
Umawang ang labi niya sa narinig.
Bakit naman gugustuhin ng daddy nito na makita siya? Para sa isang dinner pa.
Dahil ang alam ni Skyler, para sa mga mayayamang katulad ng mga ito ay mahalaga ang pag-imbita para sa hapunan.
"So, are you coming or not?" tanong nito nang may tono ng pangungumbinsi. "I told him about you. If you are afraid, you should not! I am sure, gusto ka lang niyang purihin sa ginawa mo!"
Ang ginawa niya? Para sa kaniya ay hindi iyon ganoon kalaking bagay.
Siguro, iba lang talaga tratuhin ng mga ito ang ganoong mga bagay.
"Mukhang hindi, Catalina. Marami akong gagawin."
"Ipa-reschedule ko na lang?"
Napabuntong-hininga siya nang maramdaman ang pagkadesidido nito.
Wala siyang pagpipilian kundi ang umoo, kaya kahit medyo labag sa loob ay dumalo siya.
Magpapasalamat lang naman ang mga ito, hindi ba?
"Ikaw pala si Skyler Liu?" Binuksan ng Governor ang usapan sa hapag.
Magalang naman siyang tumango.
"Opo," sagot niya.
Dapat ay pinoproblema niya lang kung paanong kakainin ang steak pero lumihis ang usapan palayo sa inaasahan niya.
"Ano ang nagustuhan mo sa anak ko?"
Nagsalubong ang mga kilay niya.
Nang balingan niya si Catalina ay naroon na ang kinakabahang ngiti nito sa kaniya at sa daddy nito.
"Mawalang galang na po?" sabi niya.
"Don't worry, Skyler. I am not against it. Wala sa akin ang status pagdating sa gusto ng anak ko, basta malinis ang intensiyon. Pero ligaw lang muna, nagkakaintindihan ba tayo?"
Naningkit ang mga mata niya.
Magsasalita pa sana siya nang hawakan ni Catalina ang kamay niya mula sa ibabaw ng lamesa para pigilan siya.
Nailabas niya lang iyon nang matapos na ang dinner at ihatid siya ni Catalina sa labas ng gate ng mansiyon ng mga ito.
"Ano 'yon, Catalina?" Hinilamos niya ang mga palad sa kaniyang mukha.
"I told my dad that you are courting me—"
"Pero hindi kita nililigawan, Catalina."
"I know, pero roon na rin naman papunta iyon, right? You'll court me rin. I got so excited about the thought so..."
Humina sa pandinig niya ang boses nito. Hindi pa rin siya makapaniwala sa kung paano ito mag-isip.
"Hindi pinangungunahan ang mga bagay-bagay, Catalina."
Aalis na sana siya nang may matinding galit sa dibdib at habang mabilis ang paghinga nang mapahinto siya ng salita ni Catalina.
"I can do anything with the power of my father, Liu. You can't just reject me like this, or else, I will show you the monster inside me."
Tumatak iyon sa kaniya at tuluyang kinain ng bantang iyon ang pagkatao niya.