NANATILI siyang nakaratay sa silid na iyon hanggang sa gumaling siya. Nakakainip, pero nagtiyaga siya. Nagtiyaga sa paghihintay na opisiyal nang ianunsiyo na maaari na siyang lumabas.
At ang sinabi ng kanilang lider, hindi na rin naaalis sa isipan niya. Hindi niya alam kung ano eksaktong proyekto iyon, pero may parte sa kaniyang gusto na rin na malaman kung ano nga ba iyon.
Mukhang mahalaga.
"Gusto mo ba ulit ng tubig, Sky?" Samantalang sa mga araw na nanatili siya sa silid na ito ay hindi naman pumalya sa pagbisita si John. Halos araw-araw na nga.
Isang hinuha ang namuo sa utak niya.
Hindi ba... malapit sila?
Dahil kahit naman wala siyang maalala, nararamdaman niya iyon. Nararamdaman niya ang koneksiyon.
"Mamaya na lang," sagot niya.
Nakapuwesto siya sa kama ngayon, suot pa rin ang puting hospital gown, pero wala na ang mga suot niyang suwero nang magising siya.
"Kakain ka na ba? Kumain ka na lang," anang pa nito. Ngayon kasi ay sila lang ni John ang nasa silid. Si Doc Gabby, bahagya lang siyang dinadalaw dalaw sa pang araw-araw para tignan ang lagay niya. "Sabi ni Doc Gabby, wala naman daw bawal sa'yo. Bale may canteen tayo sa ibabang floor ng building, doon kumakain ang lahat, ikukuha na lang kita rito, tapos hintayin mo ako."
Tutal desidido na naman ito sa pagkuha ng pagkain niya sa sinasabi nitong Canteen ay hindi na siya kumontra at pinanood na lang na mawala ito.
Makalipas ang ilang segundo, tila ba tinatawag siya ng bintana.
Oo nga. Ilang araw na siya rito, ilang araw na siya rito nang gising, pero ngayon niya lang naisipan na dungawin ang paligid sa bintanang iyon.
Ano nga ba ang meron dito?
Marahan siyang tumayo.
Sa totoo nga lamang ay kumbinsido na siyang may angkop na lakas na siya, pero talaga lang na hindi pa rin sinasabi ni Doc Gabby na maaari na siyang umalis sa silid na ito.
Balita niya, lahat ng tauhan din dito ay binibigyan ng silid. Apat na tauhan sa bawat silid. Kung magkakaroon man siya, sana ay si John ang makasama niya.
Sa ilang hakbang lamang ay narating niya ang malaking bintana na gawa sa salamin.
Ang gusaling ito ay maganda at moderno. Tila ba pinaglaanan ng malaking budget.
Kung ang lider ang founder nito, iyon din ba ang nagpagawa ng gusaling kinatatayuan niya? Ganoon ba ito kayaman para pondohan ang ganitong establisiyemento? Kung hindi man... sino ang magpopondo?
At bakit nga ba palalim nang palalim ang naiipong tanong sa utak niya?
"A-ano ito..." anang niya sa sarili.
Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya ngayon.
Ang building na ito ay nasa gitna nang napakalawak na karagatan.
Saan ito? Halos hindi niya na matanaw ang dulo, bawat panig, kundi puro kulay asul; ang dagat.
Pakiramdam niya tuloy ay nasa loob lang siya ng isang panaginip.
Ang kinatitirikan ng gusali ay tila isang maliit na isla. Malawak ang lupain, may parteng magubat at merong sementado.
Hindi nga biro kung ano ang organisasiyong ito.
At sa lagay na ito, hindi nga imposible na naging tao ito nang napaka tagal hanggang sa ngayon.
"Sandali lang akong nawala... nandiyan ka na."
Awang ang labi niya nilingon si John na kararating lang. Ang bilis naman nito.
"Heto na. Paborito mo 'yung ulam, Sky! Mapaparami ang kain mo!"
Awtomatiko namang dumapo ang paningin niya sa ulam na sinasabi ni John na paborito niya.
Nasa dulo na ng dila niya ang tawag doon, pero hindi niya masabi... hindi maalala. Ganoon ba talaga ang magka-amnesia o talaga lang na lumulutang ngayon ang utak niya dahil sa nakita?
"Nakita kong... nasa gitna tayo ng dagat," sabi niya.
Inosente namang nilingon ni John ang bintanang pinanggalingan niya habang ibinababa ang dalang tray.
"Nabigla ka? Normal na 'yan sa akin ngayon, pero noong una ko ring malaman parang guguho ang mundo ko. Pero huwag kang mag-alala, may taniman tayo ng mga gulay at prutas sa ibaba, may imbak rin na buhay na mga hayop, manok, baboy at baka, pero nakakalabas pa rin naman ang ilan sa headquarters papunta sa pinaka malapit na siyudad para bumili ng stock ng mga pagkain dito. Isa na rin ako sa nakakalabas araw-araw, kapag may aasikasuhin."
Sandali niya pang tinignan ang bintana at ang natatanaw na dagat bago niya muling balingan si John.
"Ilang oras?"
Taka itong nag-angat ng paningin. "Ha?"
"Ilang oras bago makarating sa pinaka malapit na siyudad?" tanong niya.
Hindi kaagad na nakasagot si John. "Balak mo bang tumakas, Sky? Kasi... ako na ang nagsasabi, hindi ka puwedeng magpunta sa ibang lugar bukod dito."
"Hindi," mabilis niyang sinagot. "Gusto ko lang malaman kung gaano tayo kalayo sa lahat."
Tinignan siya nito na para bang pinag-iisipan pa rin ang tanong niya, ngunit sa huli ay wala rin namang nagawa.
"Apat na oras kung biyaheng dagat, isang oras sa helicopter. Tatlo ang helicopter dito, pero siyempre, hindi naman magagamit kung walang pirma o consent ni lider." Inilahad ni John sa kaniya ang pagkain. "Kain ka na?"
Hindi na siya umalma at kumain na lang dahil nagugutom na rin naman siya. Siyempre, habang ginagawa iyon ay hindi natigil sa pagkukuwento si John nang mga ginawa nito habang natutulog pa siya nang isang taon, pero kagaya nang palagi, hindi parte roon ang tungkol sa nakaraan niya.
Hanggang sa sumapit na ang gabi.
"Naku, mag-a-alarm na. Alam mo kasi, parang mili...tary rin dito," parang nagdalawang-isip pa ito kanina. "Kailangan ko nang umalis bago mag-alarm para sa oras ng pagtulog, kung hindi, mapaparusahan ako ni lider. Kahit na gusto pa sana kitang samahan dito. 'Di bale, bukas na lang ulit."
Tumango siya at pinanood ang pagliligpit nito ng mga naikalat. Hinintay niya namang makaalis ito bago nahiga sa kama.
Military...
"Ah!" Pakiramdam niya ay nayanig ang ulo niya nang paulit ulit na isipin iyon. Masakit, mahirap hindi indahin!
Pinisil niya ang ulo niya gamit ang magkabilang palad na tila ba sa paraang iyon ay maiibsan ang sakit na nararamdaman niya, pero hindi.
Imbis ay nagliwanag ang paningin niya kahit sa pagpikit nang isang senaryo ang nagpakita sa kaniya.
Mga tunog ng baril at ng pagtakbo.
"Binalaan ko na kayo." Sa pagbukas ng ilaw at sa pagbukas ng pinto ay nasundan iyon ng pamilyar na tinig.