22

2408 Words
TOTOO nga siguro na hindi dapat nagpakakampante sa buhay. Dahil napaka dali lamang na sa isang iglap, muling magulo na naman ang lahat at magkaroon ng bagong pagsubok. Noong mga oras na iyon ay nagpakakampante si Skyler, sa sobrang saya niya, hindi niya na nakita ang paparating na. "Malapit nang matapos ang tanghalian, babalik na tayo sa kampo," paalala pa ng Commander sa kanila. Halos tuwing may libreng oras ay pumupunta siya sa mansiyon nila Erena, siyempre, dahil opisyal na siyang manliligaw nito. "One week na lang pala tayo rito, ano?" anang ni John. "Bakit, gusto mo bang mag-extend?" sarkastiko namang biro ni Santos. At siyempre, hindi mawawala si John. Palagi pa rin itong nakasunod sa kaniya. "Puwede pa rin naman akong bumisita rito, 'di ba, Commander?" Pabiro namang umismid si Commander. "Kung kaya mong magpabalik balik dito, umakyat dito nang hindi ka nananawa, nasa sa'yo naman." Mayabang siyang tumango kay Erena. "Kayang kaya." "E, Commander. Ako ba puwede rin?" si John. "Hindi," nauna pang sumagot si Louie. "Ano namang gagawin mo rito?" "Ikaw ba may-ari ng bahay?" Taka niya na lang na inilingan ang dalawa. Hindi niya alam na close na pala kaagad ang dalawang iyan. "But I'll stay here. Hindi ko gustong makita ka pa." "Anong-" "Enough," si Commander na ang sumaway sa mga ito. Nang magtama naman ang paningin nila ni John ay kaagad itong nag-iwas ng paningin. Weird. Ano naman kaya ang iniisip nito? "Bumalik na tayo sa kampo." Tinignan niya si Erena. Simula yata noong gabing matapos ang kaarawan nito... hindi niya na mabasa ang iniisip nito. Tila ba balisa, hindi ipinapahalata. "Aalis na kami, Erena." "A-ah.. oo." Nagtagal pa ang paningin niya rito bago siya tumayo. "Babalik ako mamayang gabi." "Hindi." Halos lahat sila ay natigilan sa pagtutol ni Commander. Ngayon lang kasi ito tumutol kapag sinasabi niya iyon. "May mga bisita tayo para sa huling linggong ito," dugtong pa nito. "Ngayong hapon darating, Commander?" Umawang ang labi niya. Siya lang ba ang walang alam tungkol sa anunsiyong ito? "Oo. Tara na, bago pa sila mauna sa atin," si Santos. Dumapo naman sa kaniya ang paningin ni Commander. "Liu." "Sir, Yes. Sir!" Sumaludo siya. Nauna namang lumabas ng mansiyon mula sa living room si Commander kasunod si Santos at si John. Napabuntong-hininga pa siya nang kunin ang braso ni Erena, haplusin iyon bilang pamamaalam. Nahuli niya pang nakatingin ito kay Santos na dumikit sa Daddy niya. "Mukhang... hindi muna ako masiyadong makabibisita, pero gagawa ako ng paraan. Basta, dito ka lang sa mansiyon. Huwag kang lalabas kapag hindi naman kailangan. Huling linggong training na namin ito kaya naman... madaraanan namin halos lahat ng sulok ng kagubatan." Hinalikan niya ang noo nito. Tipid lang na ngumiti si Erena. Aalis na sana siya nang hilain nito ang braso niya. "S-sky..." tila kinakabahan pa nitong sinabi. "Mag-iingat ka." Tumango siya bago ito muling hinagkan. "Liu!" 'Ayun na ang huling tawag sa kaniya ni Commander. "Yes, Sir!" Patakbo siyang sumunod sa mga ito, pabalik sa kampo para salubungin ang paparating na mga bisita. PINUNASAN ni Erena ang nagtubig niyang mga mata. Hinabol niya ng paningin ang mga ito na babalik na sa kampo, nagkukulitan pa si Skyler at John habang naglalakad, samantalang magkadikit naman ang Daddy niya at si Santos, nag-uusap. Kung alam kaya ng mga ito... hindi. Kung alam nila, baka mas masira pa ang kasiyahan ng mga ito ngayon. "Let's go inside," si Louie mula sa likuran niya. Tumango lang siya rito, nauna rin naman itong pumasok sa loob. Naalala niya ang pagkikita nila ni Travis kagabi. Napilitan lang siyang lumabas nang paulit ulit nitong batuhin ang bintana nila. "A-anong kailangan mo?" Mula sa gate ng mansiyon ay dinungaw niya ito. Mayabang pa ang pagkakatayo at nakapamulsa sa kaniya. "Tinitignan ko lang kung... okay ka pa." Dumapo ang paningin nito sa likuran niya. "Grabe, hindi pa rin ako makapaniwalang totoo ang babaeng ahas." Hindi siya nagsalita. Ito na ang ikalawang beses na nagkita sila, pero kinakabahan pa rin siya. "Balita ko, gusto ka ni Skyler? Sabihin mo nga, sa ganoong paraan ba siya naging paborito ni Commander?" "Hindi ko alam ang sinasabi mo," tutol niya. Paano itong magiging paborito ng Daddy niya? Sa pagkakatanda niya, noong unang beses na malaman ng Daddy niya na alam ni Skyler ang tungkol sa kaniya, tinutukan kaagad nito ng baril si Skyler. Napaatras siya nang kalampagin nito ang gate para mapalapit sa kaniya. "Sa nakikita ko, maganda ka naman talaga," sabi pa nito. "Siguro isa rin sa rason kung bakit ka nagustuhan ni Skyler. Gustuhin din kaya kita-"| "Tigilan mo na ang mga sinasabi mo. Hinding hindi ka magiging paborito ni Daddy kahit na ano pang gawin mo. Alam ng Daddy ko kung sino lang ang pagkakatiwalaan-" "Ah, talaga?" Natahimik siya. "Kung alam ni Commander lahat ng dapat niyang pagkatiwalaan, e 'di sana ako ang pinili niya at hindi ang kanang kamay niya na si Santos? Nalaman ko kung ano ka, pero wala akong pinagsabihan. Mas okay ako kaysa sa-" "Anong... sinasabi mo?" Pakiramdam niya ay nalaglag ang puso niya sa pagkakataong iyon. Hindi, hindi iyon magagawa ni Santos. Halos matalik na magkaibigan na ang turingan nito at ng Daddy niya. "Na traydor ang kanang kamay ng Daddy mo." Sa ikalawang pagkakataon ay hindi siya nakapagsalita. "Bakit? Hindi ka naniniwala?" Hanggang ngayon ay nasa utak niya pa rin iyon. Halos hindi na siya nakatulog kakaisip. Hindi siya basta-bastang maniniwala na lang sa estrangherong kagaya ni Travis. Isa pa... kung sasabihin niya iyon nang wala namang problema at mali naman pala, maaaring masira lamang ang samahan ng mga ito. WALANG emosiyong tinignan niya ang mga bata nila sa kampo na nakapila na, talagang naghahanda na para sa paparating na bisita. "Papilahin mo na ang dalawa," anang niya kay Santos "Yes, Commander." Tumango siya rito at pinuntahan ang tent ng mga seniors kung saan doon nakaharap ang mga trainee nila. Nag-uusap na ang mga ito para sa bisitang paparating. "Naku, Commander. Paparating na talaga ang totoo nating bossing," naroon ang pangangantiyaw sa tono ni Romulo, pero hindi niya iyon pinansin. "Siguradong kinakabahan ka na ngayon." "Romulo, ang bibig mo," si Santos iyon na kararating pa lamang. "Ang Commander pa rin ang kaharap mo. May darating mang mas mataas, mas mataas pa rin sa'yo si Commander." "Hayaan mo na," saway niya rito. Mas nagtuon siya ng atensiyon sa mga trainee nila, kahit na pasimple nang naglalaro ang tungkol doon sa utak niya. Bakit? Anong magiging papel nito rito para bumisita sa kampo nila? Hindi pa opisyal ang mga batang hinahawakan niya, anong sanhi ng pagbista? O 'di naman kaya... talagang hindi nito tinanggap ang pag hindi niya? "Malapit na po sila, Commander," anang sa kaniya ng pinagmasid niya na kararating lang din. "Ang Governor lang po at ilan sa mga tauhan nito." Tumango siya at taas-noong tinignan ang banda ni Skyler. At hindi rin siya bulag sa katotohanang gustong gusto ng anak ng Governor si Skyler... mas magiging magulo ang lahat. KAKAIBA ang pakiramdam ni Skyler para sa araw na ito. Ikalawang beses niya na ito na nag-training, wala namang ibang bumisita sa kanila na makararamdam ng ganitong tensiyon habang naghihintay. "Tingin mo sino ang bisita?" pasimple namang bumulong si John. Iyon nga rin ang iniisip niya. "Siguro bigtime, 'no?" bulong pa nito. Napabuntong-hininga na lang siya, hindi ito sinagot. Halos sabay-sabay na umayos sa pagkakatayo ang lahat nang unti-unti nang lumitaw ang mga paparating. Naniningkit pa ang mga mata niya nang inaninaw ang mga iyon. Isang matangkad at may katabaang lalaki sa gitna, habang halos limang lalaki na nakaputi ang nakapaligid dito, bodyguards... "Anak ng..." Nagkatinginan silang dalawa matapos sabihin iyon ni John. Ang bisita nila ay walang iba kundi ang Governor. Pero... bakit? Natapos ang pagsalubong nila rito sa simpleng pagbati. Doon lang sila nakagalaw nang malaya, halos lahat ay nagpapanggap lang na abala. Nakita niya namang kausap ng Governor ang Commander. "Tingin mo, anong pinag-uusapan nila?" Doon na rin pala nakatingin si John. "Hindi ko alam," sagot niya. At ngayon, hindi niya rin alam kung bakit pakiramdam niya ay kailangan niyang mag-alala dahil ang huling pag-uusap ni Commander at ng Governor ay tungkol sa interes nito sa mansiyon. Paano kung... "Skyler!" tinawag siya ng Governor. Bahagya pa siyang nagulat nang dumapo sa kaniya ang paningin nito. Sandali niya pang tinignan si John na parang sesenyas senyas pa sa kaniya gamit ang tingin bago siya pumunta roon. "Governor... Commander." Parehas siyang sumaludo sa dalawa. "Kumusta ka naman dito?" anang pa nito. Dumapo ang paningin niya kay Commander na tumango sa kaniya. "Maayos na maayos, Governor. Inaalagaan kaming mabuti ni Commander." "Really?" Tinignan pa nito si Commander na nanatiling seryoso. "Ang training? Nahihirapan ka ba?" "Ganoon naman po talaga kapag sumabak sa ganito, Governor, pero araw-araw, pinagbubuti ko." Natawa ito at bahagya pang tinapik ang balikat niya. "As you should. Kung ganiyan kalakas ang loob mo at kung ganiyan ka katapang, talagang magpakakampante ako na ipagkaubaya sa'yo si Catalina. Sana ay makaasa nga ako sa'yo." Naiilang siyang ngumiti bago tinignan ang Commander na seryoso lang ang mukha, samantalang nagbaba naman ng paningin si Santos. "Gov-" Kokontrahin niya sana iyon kung hindi lamang siya tinalikuran ng Governor. Ang mga mata nila ay nakatanaw lang dito habang nagpapalakad lakad sa kampo, naglilibot ng paningin na tila ba may hinahanap. "Nasaan ang mansiyon mo rito?" Pakiramdam niya ay pareparehas silang nanigas sa kinatatayuan nang marinig iyon. Walang duda, ang mansiyon nga ang pakay nito. Naramdaman niya na lang na nasa gilid niya na si John, narinig din ang sinabi nito. "Sky..." tawag pa nito sa kaniya. "Kung hindi naman kita mapipilit na ibenta sa akin ang property na iyon, maaari mo naman siguro akong ipasiyal doon?" Ngumiti ito, ngunit alam niyang pareparehas na iba ang dating ng ngiti na iyon sa kanila. Dumapo ang paningin niya sa Commander. Blangko ang mukha nito, ngunit sa likuran nito ay naroon ang kamao na unti-unting kinukuyom, itinatago ang inis. "Napaka ganda ng masiyon ni Commander Chavez, Governor." Pasimpleng umabante si Romulo sa tabi ni Santos para mapunta rito marahil ang atensiyon ng lahat. Umastang nagtataka ang Governor. "Kung ganoon ay nakatapak ka na roon..." Tinignan pa nito ang pangalan sa uniporme ni Romulo. "Romulo?" "Biglaan na lang din naming nadiskubre iyon, Governor," anang pa nito. Miski siya ay nakakaramdam na rin ng inis sa paraan nang pag-uusap ng mga ito. Tila ba... "Itinatago mo talaga ang tungkol doon, Commander?" Hindi nagsalita si Commander. "Mahalaga ang property na iyon para kay Commander, Governor." Sumingit na si Santos, gamay nito ang Commander kaya hindi na nakapagtatakang alam na nito ang tumatakbo sa isip nito. "Karapatan ni Commander kung itatago niya o ipapaalam sa lahat ang tungkol sa mansiyon." Naningkit ang mga mata ni Governor kay Santos na nanatiling nakayuko. Tila natatawa pa ito nang tapikin nang halos tatlong beses ang balikat ni Santos. "I see... Kung ganoon ay hindi man lang namin masisilayan ang mansiyon?" Peke ang pagtanggap na naririnig niya sa tono nito. "Paano 'yan, Commander? Hindi maaari? Kasama ko ang mga dadakip sa itinatago mo." NAROON pa rin ang inis ni Catalina para kay Skyler kahit na ilang araw na ang nakalilipas. Nagmistula na siyang tanga, magmakaawa lang na huwag siya nitong iiwan, pero talagang bumalik pa rin doon, atat na atat na parang ayaw magpalampas ng oras. Hindi niya maintindihan. Ano ba ang gustong gusto nitong balikan sa kagubatan? "Ito, Catalina, ay naisip ko lamang. Paano naman kung bakit hindi magustuhan ni Skyler ay dahil may iba ng gusto ang batang iyon?" Kaagad na tumalim ang tingin niya sa kisame. Daig niya pa ang may sakit sa ilang araw na pagratay sa higaan. Wala siyang ganang kumilos. Ilang beses ding tinanong at inalam ng Daddy niya ang dahilan ng akto niya, pero hindi siya umamin. Kung gagawin niya iyon ay siguradong mapapahamak si Skyler. "He's an idiot for liking someone less instead of me. I am already a big shot, just so you know, Yaya." Nasapo na lang nito ang mukha dahil sa isinagot niya. "Sana nga ay naisip mo ang halaga mong iyan noong nagmakaawa ka kay Skyler noong gabing iyon, Catalina. Sablay ka man sa ugali, halos na sa'yo pa rin ang lahat. Sana ay mas iniingatan mo ang nararamdaman mo, kaysa sa pagpilit sa lalaking ayaw naman sa'yo, dahil kapag nalaman ito ng Daddy mo, talagang masasaktan iyon. Pinaka ingat ingatan ka lalo na noong maliit ka pa, nag-iisa kang anak at miracle baby pa. Alalahanin mo rin ang mga ganoong bagay, hindi puro pagkagusto sa iisang tao." Hindi siya nakapagsalita. Pumasok man iyon sa kukote niya ay pilit niya namang itinutulak iyon, na huwag niya ng isipin. Alam niyang mahal na mahal siya ng pamilya niya lalo na ng Daddy niya, alam niya rin na kaya siya sobrang iniingatan ng mga ito ay dahil matagal siyang hiniling, matagal na sinubukang buuin 'tsaka pa lang nakuha, pero wala namang... kaugnayan iyon sa paghahabol niya kay Skyler. O talagang... akala niya lang? "Nasaan nga pala si Daddy?" Inilihis niya ang usapan. "Hindi ko sigurado, mukhang may espesiyal na lakad." "Really?" Napaisip siya. "O? Saan ka pupunta?" Dinig niya kaagad ang paghabol sa kaniya ni Korina. Nagpatuloy naman siya sa pagbaba papunta sa first floor para pumasok sa opisina ng Daddy niya. "Ano bang gagawin mo rito?" Pumasok na rin si Korina kasunod niya. "Hindi naman tayo puwede rito, Catalina." Sumenyas siya nang 'wag mag-ingay. "Just stay quiet." Umawang ang labi niya nang makita ang bagay na hindi pa man niya hinahanap ay nakalahad na sa kaniya. Nasa ibabaw iyon ng lamesa. "See?" anang niya pa. "Feels like meant to be!" Binuklat niya ang folder. "This is the address!" Ipinakita niya iyon kay Korina. "Finally, I now know the address of the camp!" Kinuha naman iyon ni Korina at ibinalik sa folder. "Tumigil ka, Catalina. Isang linggo na lang naman daw bago bumalik ang mga 'yon dito! Bakit hindi na lang tayo maghintay? Atsaka 'yang location na 'yan napaka hirap niyan puntahan. Bundok 'yan, Anak. Inaakyat." Kinuha ulit iyon ni Catalina. "I don't care. I can wear an outfit where it would be easier for me to climb." Tila nawawalan na nang pag-asa na napabuntong-hininga si Korina. "And you'll come with me no matter what!" Hinila niya ito sa kamay. "Let's go!" Umalis ang dalawa sa opisina. Hindi nakita ang litratong nahulog sa sahig kasabay ng paghugot ni Catalina sa address kanina. Litrato ng magandang dalagita... na may siyam na ahas sa likuran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD