HINDI SIYA MAKATINGIN SA COMMANDER. Naaalala pa kasi ni Skyler ang napag-usapan nila sa mansiyon nina Erena. Nakakahiya, daig niya pa ang leading man ng mga oras na iyon.
"Gabi-gabi ka na ba talagang mawawala?" Habang kumakain ay pasimpleng bumulong sa kaniya si John.
Sinagi niya naman ito gamit ang balikat para lubayan siya.
Iba na kasi ang tingin sa kaniya ng Commander, tipong para bang malingat lang ito ay may gagawin na siyang masama. Tama naman ang sinabi niya kahapon, hindi ba?
"Siguro, may ginawa ka ano? Tingnan mo, parang dudurugin ka ni Commander sa tingin."
"Manahimik ka nga." Nagpanggap siyang kumakain.
Natahimik din naman si John pero hindi roon natatapos ang lahat dahil huminto sa harapan niya ang Commander.
Sa totoo lang ay hindi sila masyado nakapag-usap nang maayos kahapon dahil nag-walk-out siya. Nawala pa sa isip niya na maaaring ganito ang kahantungan niya kinaumagahan.
At hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwalang anak lang naman ng kanilang Commander si Erena.
"Liu, sumunod ka sa akin."
Agad niyang naibaba ang kinakain at matikas na sumaludo rito.
"Sir, Yes. Sir!"
Hinabol pa siya ng tanong ni John bago siya tuluyang makasunod sa Commander.
Ngayon ay nasa malayong parte na sila ng kampo. Nakatalikod ito sa kaniya habang ang mga kamay ay nasa likuran. Samantalang, tinatambol na ang dibdib niya sa kaba.
"Gusto kong ipaalam sa 'yo na hindi ko pa rin ipinagkatitiwala sa 'yo ang anak ko, bagama't hindi mo tinanggap ang pera."
Pinagdikit niya ang kaniyang labi.
Nauunawaan niya kung bakit mahigpit ang Commander kay Erena, pero alam niya sa sarili niyang gusto niya lang maging kaibigan si Erena, wala ng iba.
Isa pa, naaawa siya rito dahil walang kaibigan at inaaliw ang sarili mag-isa sa gitna ng kagubatan.
"Fifty push-ups!"
Nanlaki ang mga mata niya. "S-sir?"
"Sinabi ko bang kuwestiyunin mo ako?"
"No, Sir!" Wala na siyang pagpipilian kundi ang dumapa sa damuhan at on the spot na mag-push up sa harapan nito.
Umupo pa talaga sa lilim ng puno ang Commander at talagang binantayan siya.
"Parusa iyan sa hindi pa rin pagsunod sa protocol. Suffer for the consequences!"
Nakailang push-up pa lang si Skyler ay tila bibigay na agad siya. Kaya niya naman, kaso nga lang ay binubundol pa rin siya ng kaba.
Namagitan ang katahimikan sa pagitan nila habang binibilang niya pa rin ang bawat push-up na nagagawa niya.
"Forty-nine... F-fifty!" Bumagsak siya sa lupa matapos niyon. Nang makita namang masama ang tingin sa kaniya ng Commander ay agad siyang napatayo nang tuwid.
"Kailan mo unang nakita si Erena?"
Hindi niya inaasahang magtatanong ito tungkol doon.
"N-noong unang araw natin sa kampo, Sir Inakala kong kailangan niya ng tulong kaya sinundan ko, Sir!"
Marahang tumango ang Commander. "Noong mahulog siya sa bangin?"
"Sir, Yes. Sir!"
Tumalim ang titig nito sa kaniya. Tiningnan niya naman ang Commander nang tila naguguluhan.
"Itigil mo muna ang pagtawag niyan. Gusto kitang makausap nang maayos."
Bagama't nabigla ay sumunod na lang siya matapos tumango. "Hindi ko po alam na matatakot siya sa akin. Siguro ay kasalanan ko rin kaya nahulog si Erena sa bangin, S-sir."
"At ano ang reaksiyon na ipinakita mo sa kaniya?"
Natagalan bago siya nakasagot. Binibiro ang sarili na baka sa oras na hindi magustuhan ni Commander ang sagot niya ay barilin na lang siya nito.
"N-natakot po."
Bumakas ang lungkot sa mga mata nito. "Bakit hindi ka nagsalita?"
Hindi agad siya nakasagot.
"Kung ibang tao siguro, isusuplong na iyon sa lahat para dumugin si Erena."
"Mabuting tao si Erena, Commander. Nararamdaman ko iyon."
Tipid na ngumiti ang Commander nang may bakas na pagmamalaki para sa anak.
Samantalang, nanatili si Skyler na walang kibo.
"Tao?" Tila hindi pa ito makapaniwalang tinawag niyang tao si Erena.
"Walang problema sa akin kung mahihirapan kayong pagkatiwalaan ako, Sir. Naiintindihan ko. Kung hangad niyo ang ikabubuti ni Erena, ganoon din ako."
Nagtagal ang titig nito sa kaniya. Nararamdaman niya iyon kahit pa nakayuko siya.
Matapos ay tumikhim ito. "Salamat..."
Naramdaman niya ang sinseridad nito kahit na naroon pa rin ang pagiging istrikto. "Makakaalis ka na."
Tumango siya bago naglakad palayo. Sobra ang kaba niya kanina. Napahawak pa siya sa dibdib at napabuntong-hininga nang malalim.
At bumalik na nga sa kaniya ang alaala ng pag-uusap nila ng Commander kahapon.
Kung kinakabahan siya kanina, mas doble ang kaba niya kahapon.
Tinutukan lang naman siya ng baril nito matapos papasukin sa silid si Erena.
"Anong ginagawa mo rito?"
Ni hindi siya makagalaw. Agad naman siyang nagtaas ng dalawang kamay bilang tanda na wala siyang balak gumawa nang masama at hindi siya lalaban.
"Bakit mo kasama si Erena?" tanong ng Commander.
Ang takot na naramdaman niya ay nawala nang makita ang nakakubling takot sa mga mata nito, puno iyon ng pag-aalala.
"Ano ang pakay mo sa anak ko?" dugtong nito.
Naibaba niya ang dalawang kamay.
"Commander," sabi niya.
"Tell me!" Pero binalewala siya nito. "Are you a spy, Liu?"
Napalunok siya at mabilis na umiling.
"How much do you want?" Sa pagkakataong ito, kahit papaano ay kumalma na ang boses ng Commander at marahan na rin nitong ibinaba ang hawak na baril.
Matagal siyang natahimik. "Hindi ko kailangan ng pera, Commander. At hindi ganito ang tamang pagtrato sa kaibigan ng anak ninyo."
Natapos ang training. Pasimple niya pang tiningnan ang base, sinisiguradong tulog na nga ang mga kasamahan niya at lalong-lalo na si John.
Aalis na sana siya hawak ang lampara nang makarinig siya ng pag-ubo mula sa likuran niya.
Napangiwi siya nang makitang ang Commander iyon.
Gaya nang parati ay istrikto na naman ang pamamaraan ng pagtingin nito sa kaniya.
"A-ah, Commander!"
"Magdala ka ng lente."
Hindi agad siya nakapagbigay ng reaksiyon. Sa sinabi nito ay mukhang alam na nito kung saan siya pupunta.
Saan pa nga ba—kundi kay Erena.
"A-ayos na siguro ito, Commander." Tukoy niya sa lampara.
Aalis na sana siya nang makitang hindi nagbago ang ekspresiyon sa kaniya nito.
"S-sabi ko nga po, Commander. A-ah, 'yung flashlight ko po kasi..." Susundin niya naman sana ito pero naalala niyang ibinigay niya nga pala ang lente niya kay Erena.
Umawang naman ang labi niya nang maglahad ito sa kaniya ng flashlight.
"S-salamat, Commander!" Sumaludo siya at sa ikatlong pagkakataon ay handa na sana ulit na umalis, ngunit muling nahinto nang pigilan nito.
"Liu," tawag pa nito.
Agad naman siyang nagbalik ng paningin dito. "Ano po iyon, Commander?"
"Biyernes ngayon, mag-iikot ang ilang mga kasamahan ko sa kagubatan. Mag-iingat kayong dalawa."
Habang naglalakad tuloy papunta kay Erena ay hindi niya maiwasang hindi mapaisip. Kung ganoon ay talagang sila lang ni Commander ang nakakaalam ng tungkol kay Erena?
"Skyler!" Tila masayang bata na lumapit sa kaniya si Erena.
Gaya nang palagi ay nagningning ang isang pares ng mga bilugang mata nito dahil sa sinag ng buwan.
Sa talon niya ito natagpuan. Napansin niya ring suot pa rin nito ang bota niya. Ngayon rin ay nakasuot si Erena ng kulay berdeng bestida, at bumabagay ang bawat suotin nito sa maiksi at tuwid nitong itim na buhok.
Kalmado rin ang mga ahas sa likuran nito, bagama't nanatiling magalaw.
Sandali pa silang nagkuwentuhan tungkol sa nangyari kahapon. Samantalang, talagang takot na takot ito para sa kaniya.
"Naiintindihan ko naman si Commander. Kahit sa anong paraan, siguradong poprotektahan din kita." Natikom niya ang labi niya nang matanto ang sinabi.
"Talaga, Skyler?"
Naiilang na lang siyang tumango. Kung anu-ano na tuloy ang mga pinagsasasabi niya. Hindi naman talaga siya mahilig mangako, pero nangibabaw ang kagustuhan niyang maramdaman ni Erena na ligtas ito kapag kasama siya.
Sabay rin silang natahimik.
"Matagal na akong interesado sam kung ano ang mayroon sa labas ng gubat na ito. Madalas naman napanonood ko sa TV, pero kahit imposible ay gusto kong maranasang yumapak sa labas at mamasyal."
Pinagmasdan niya si Erena. Gaya niya ay nakaupo rin ito sa lilim at nakasandal sa katawan ng puno, pinaglalaruan nito ang suot na bota at nakatungo roon.
"Kahit minsan, hindi ka pa nakakapunta?" tanong niya.
Agad na umiling si Erena. "Sabi ni Daddy, siguradong dudumugin ako roon. Siguro, dahil halimaw nga ako—"
"Iyan ka na naman, e." Umasta siyang natatawa para mawala ang lungkot ni Erena. "Hindi ka halimaw. Siguro ay kakaiba, kaya ang mga tao, hindi sanay sa 'yo. Nananakit ang mga halimaw at masama ang ugali, ganoon ka ba?"
Humaba ang nguso ni Erena. "Kahit na ano namang sabihin mo, mukha pa rin akong halimaw sa paningin nila."
Natahimik siya at unti-unting napaisip. "Huwag mong intindihin ang iniisip ng mga taong hindi ka naman kilala, Erena. Mas ituon mo ang iyong atensiyon sa mga taong nasa tabi mo at narito para sa 'yo."
"Gaya mo?"
"Gaya ko—" Muli siyang natigilan. "O-oo, siyempre ako rin." Itinuloy niya nga lang nang awang ang labi siyang tingalain ni Erena habang nag-aabang sa pag-oo niya.
Tipid siyang ngumiti kay Erena.
"Maganda ba ako, Skyler?"
Pakiramdam niya ay nanigas siya sa tanong na iyon. Kusang bumaling ang ulo niya papunta kay Erena at tila nahihipnotismong pinagmasdan ang kabuuan ng mukha nito.
Walang nabago, noong una pa lang ay nasabi niya na sa sarili na napakaganda nito. Hindi nakasasawang titigan ang maamo nitong mukha, ang makinang na mga mata, matangos na ilong, at malambot na labi na bumabagay sa hugis ng mukha nito—perpekto.
"Bakit mo naman iyan naitanong?" Imbis na umoo ay iyon ang sinabi niya.
"Hindi ako tumitingin sa salamin, kaya hindi ko alam kung ano na ang 'itsura ko."
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Skyler.
"Ayaw ko na makita ang kabuuan ko."
"Maganda ka, lalo na ang kabuuan mo." Tumayo siya at pinagpagan ang uniporme bago naglahad ng palad kay Erena. "Tara?"
Nagtataka pa siya nitong tiningnan, pero kinuha rin naman ang kamay niya at nagpaalalay sa kaniya.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong ni Erena.
Sa gilid ng talon lang naman sila nagpunta, sa matubig na parte kung saan nasisinagan ng buwan para malaya nilang makita ang repleksiyon ng isa't isa.
"Manalamin ka sa tubig," sabi niya.
Noong una ay nagdadalawang-isip pa si Erena, pero sumunod din ito sa kaniya.
Umupo siya sa tabi nito. Ngayon ay nakikita niya rin ang repleksiyon niya, ngunit ang mga mata niya ay wala sa sariling repleksiyon kundi na kay Erena.
Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng galit nang makita kung paanong tingnan ni Erena ang sarili sa tubig.
"Nakikita mo ba? Napakaganda mo, Erena."
Tipid lang na ngumiti si Erena.
"Salamat, Skyler."
Umiling siya rito. "At saka mo na ako pasalamatan, kapag nakikita mo na rin ang gandang tinutukoy ko sa repleksiyong 'yan."
Dinala niya ang kaniyang palad sa bumbunan nito at marahang hinaplos iyon. Gaya nang unang pagkakataon niyang gawin ito, ganoon pa rin ang emosyon na ipinakita ni Erena sa kaniya at tila namamangha pa rin.
"Ang cute niya," nasabi niya sa sarili.
Sa totoo lang ay si Erena pa lang yata ang babaeng nakitaan niya nang ganitong kainosentehan at parang gusto niya ring humanga.
Magana namang tumango sa kaniya si Erena.
Hindi rin nagtagal ay napagpasyahan na nilang umuwi. Ihahatid niya muna si Erena bago siya bumalik sa kampo.
"Napakasaya ko na alam na ni Daddy na kaibigan kita at hindi na ako magsisinungaling!"
Tipid lang siyang napangiti rito at bumaba pa ang tingin niya sa magkahawak nilang kamay.
Ngunit wala pa man sila sa tapat ng mansiyon ay nakarinig na sila ng ingay.
"Bakit?" Inosente siyang tiningala ni Erena.
Agad niya namang inilagay ang hintuturo sa labi niya, senyales na kailangan nilang tumahimik.
May mga tao... at sigurado siyang malapit lang ang mga ito sa kanila.
"Pareparehas naman nating hindi alam na may mansiyon pala rito si Commander!" Tila masaya pang nagkukuwentuhan ang mga iyon.
"Masusurpresa iyon kapag nakitang bumisita tayo nang biglaan."
Agad niyang hinila si Erena papunta sa labas ng bakod ng mansiyon. Mabuti na lang at madamo ang bahaging iyon kaya hindi sila makikita.
Nakagat niya ang labi niya nang maramdaman ang paghigpit ng kapit ni Erena sa kamay niya, senyales na natatakot ito at kinakabahan.
"Skyler..." mahinang pagtawag pa nito sa pangalan niya.
"Shh..." Muli niyang sinenyasan si Erena na huwag mag-ingay.
Humigpit din ang paghawak niya sa braso ni Erena nang dumaan sa harapan nila ang mga iyon. Nakaupo naman sila at nasa gilid ng mga ito, masuwerte na hindi sila natapatan ng liwanag ng lente nang igala ng mga ito ang ilaw sa paligid.
Ilang sandali pa ay mas lumakas ang ingay sa mansiyon.
Nagtawanan ulit ang mga iyon at magiliw na tinawag ang Commander na inaakala ng mga ito na nasa mansiyon.
Nakauwi na rin siguro rito si Commander, pero hindi pa rin naman sila puwedeng pumasok dahil hindi pa puwedeng umuwi si Erena.
Iyon din siguro ang tinutukoy ng Commander na mga kasamahan nitong naglilibot sa kagubatan.
Ang alam niya rin ay halos sila lang ang nakakaalam na may mansiyon ang Commander dito, ayon na rin sa sinabi ng isa kanina na namukhaan niya pa, ang mga iyon ang nagte-train sa kanila sa kampo.
Hindi rin naman sasabihin basta-basta ni Commander ang tungkol doon dahil kay Erena. Kung ganoon, saan kaya nalaman ng mga ito?
"N-natatakot ako, Skyler."
Nilingon niya si Erena na halos sumiksik na sa bakod.
"Naaalala mo ba ang sinabi ko?" Nilapit niya ang mukha kay Erena. "Huwag kang matatakot kapag kasama mo ako. Maghintay lang tayo rito. Sigurado akong aalis din sila mamaya. Ayos ba iyon?"
Marahan na tumango sa kaniya si Erena.
Nagulat pa siya nang yakapin siya nito at ni hindi niya maigalaw ang katawan niya nang dahil doon. Hindi iyon dahil sa takot, kundi dahil nararamdman niya na mismo ang pintig ng puso ni Erena na humahalo sa pintig ng kaniya na tila nagkakarera.
Ang kay Erena ay dala ng takot. Samantalang, ang kaniya ay hindi niya matukoy, pero masarap sa puso.
GULAT NA TININGNAN NI COMMANDER CHAVEZ ANG LABAS ng bahay nang makarinig ng pagtawag sa kaniya. Alam na alam niya ang mga boses na iyon.
"Commander!" naulit pa iyon.
Ang mga kasamahan niyang sundalo sa kampo na may matataas din na ranggo ang pumasok sa bakuran ng kanilang mansiyon.
"May mga b-bisita sa labas, Sir." Maging ang kaba ni Manang Tessing ay nararamdaman niya.
"Nasaan si Erena?"
"Hindi pa nakakauwi."
Napahilot siya sa sentido niya. Hindi puwedeng makita ng mga ito si Erena.
Agad niya namang tiningnan ang kanang-kamay niyang si Santos na nakatayo sa tabi niya.
"Chief?" senyas nito sa kaniya.
"Hanapin mo si Erena. Sa likod ng mansiyon kayo dumaan papasok."
Agad na sumaludo sa kaniya si Santos bago dumiretso sa likurang parte ng mansiyon para roon na rin dumaan at hanapin si Erena.
"Papasukin mo na, Tessing."
Agad namang tumango si Manang Tessing sa kaniya na naroon pa rin ang pagkabahala sa mukha habang naglalakad papunta sa main door.
Pasimple naman niyang inayos ang uniporme nang mamataang papasok na talaga ang mga iyon.
"Napakalaki pala ng mansiyon mo rito, Commander Chavez?"
Peke siyang ngumiti at pinilit na hindi ipahalata ang pagkabahala.
"Naparito kayo?" pagmaangmaangan niya.
Halos sabay-sabay na sumaludo ang mga ito sa kaniya.
"Nabalitaan kasi namin na may mansiyon ka pala rito, napakaganda rin palang talaga. Bakit naman hindi mo sinabi? E 'di sana, nakapag-party tayo rito!"
Ang ngiti niya ay nauwi sa ngisi.
Iba ang pakiramdam niya kay Romulo, ang sundalong kasunod niya sa matataas ang ranggo.
"Saan niyo naman nabalitaan? Alanganing oras pa ang pagsugod niyo rito?"
Awtomatiko na nagtama ang mga mata nila ni Romulo.
"Kay Governor, Commander." Matunog pa itong tumawa.
Kumuyom ang mga kamao niya na nakatago sa kaniyang likuran.
"Nag-iikot na rin kami, Commander. Kaya naman dumaan na rin kami rito," anang isa pa.
Naalala niyang galing nga pala si Romulo sa bayan kahapon nang ipinatawag ng Governor.
Hinding-hindi siya mabibilog nang ganitong klaseng istilo. Sinusubukan lang ng mga ito na takutin siya.
"Sa laki ng bahay mo, Commander. Ikaw lang ba ang nakatira rito? Sino naman ang magmamana nito? Wala na ang misis mo at wala ka namang anak, hindi ba?" tanong pa ng isa na bahagyang nililibot ang paningin sa bawat sulok ng mansiyon.
"Hindi tayo sigurado," si Romulo.
Halos lahat ay natigilan, pero hindi siya. Kundi ay matalim ang tingin na ibinigay niya rito nang ngisian siya.
"Ano ba kayo? Hindi pa naman lumalagpas sa kalendaryo ang edad ni Commander. Siguradong magkakaanak pa si Commander! Kung hindi man ay maraming bata riyan na maaaring ampunin, mga batang kailangan ng aruga. Hindi ba, Commander?"
Ngayon ay talagang sigurado na siya. Sa lahat ng narito, si Romulo lang ang mukhang may alam sa lihim niya.
Bago niya pa man tanggapin ang atas na ito, iba na ang pakiramdam niya sa gobernador. Dito pa talaga isinentro ang kampo, kung saan malapit sa mansiyon niya.
Ngumiti lamang siya sa sinabi ni Romulo.
Kung nakamamatay nga lang ang ngiti ay baka tumumba na ito ora mismo.
"Bakit kaya hindi tayo magpalipas ng gabi rito?" Kunwari pang nilingon ni Romulo ang mga kasamahan.
"Aba, oo nga! Sabado bukas, pagpahingahin muna natin ang mga bata sa kampo! May alak ba rito, Commander?"
Mula sa gilid niya ay naramdaman niya ang pag-abante sa kaniya ni Manang Tessing, tila may nais sabihin. Samantalang, dumapo naman ang paningin ni Romulo rito.
Nahinto lang ang tawanan at ang usapan nang mula sa likuran na parte ng mansiyon ay may nalaglag na bagay, umalingawngaw iyon hanggang sa kinatatayuan nila na nakaagaw sa atensiyon ng lahat.
"Ang mga baril!" sigaw ni Romulo.
Agad na naglabas ng baril ang mga kasamahan nito at itinutok sa likuran niya.
Hindi niya na napigilan ang lahat sa bilis ng mga pangyayari.