NOON pa man ay pangarap na ni Melissa na maging siyentista at makalikha ng matatawag niyang eksperimento na siya lamang ang magtatagumpay.
Pinaghirapan niya iyon, hanggang sa magkaroon siya ng oportunidad.
Ngunit, hindi naging sapat iyon. Inulan pa rin siya ng batikos.
Noong mga panahong iyon ay kasal na sila ni Miguel Chaves, isang sundalo. Magiting na sundalo kung tawagin.
Sa labas ng mansiyon nila sa Sierra Madre ay lumabas siya para magpahangin. Masiyado nang mainit sa laboratoryo niya sa basement.
Nagsindi siya ng sigarilyo at hinithit iyon.
Ilang taon na siyang ganito, wala pa ring maipagmalaki na kahit ano.
"Naninigarilyo ka na naman." Kinuha ni Miguel na kararating lang mula sa kaniya ang hawak niyang stick ng sigarilyo at inalis ang sindi niyon.
Walang emosiyon siyang kumuha ulit ng isa para sindihan sana nang kunin na ni Miguel ang buong kaha.
"Doktor ka, alam mong masama ito sa kalusugan."
"Alam ko," anang niya.
"Mabuti."
Tinignan niya ito nang masama. Natawa naman ito sa reaksiyon niya kaya hinagkan na lang siya para lambingin.
"Hindi ko na kaya ang ganito, Miguel." Pagtatapat niya.
"Magaling ka, huwag mo hayaang lamunin ka ng mga negatibong bagay."
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila.
"Ikaw nga, aalis na rin dahil may misyon," anang niya pa.
"Ilang buwan lamang iyon. Palagi kitang kukumustahin, padadalhan ng sulat sa libreng oras."
Napatayo siya gulat nang mula sa paanan niya ay dumapo ang isang ahas. Hindi naman siya takot sa ganoon, sanay siya sa mga hayop na nagagamit niya sa eksperimento at isa na ang ahas doon.
"Huwag!" Kaagad niyang pinigilan si Miguel nang akma nitong hahampasin ang ahas. "Ako na ang bahala."
Awang ang labi siyang pinanood ng asawa na kunin ang ahas nang hindi siya natutuklaw hanggang sa mailagay niya iyon sa laboratoryo, sa loob ng isang transparent at salaming lalagyan.
Magka-krus ang braso niyang pinagmasdan iyon. Namuo ang tipid na ngisi sa labi niya matapos dumapo rin ang paningin sa mga lab equipments.
Nakipagtalik siya sa asawa niya bago ito umalis para sa misyon.
Nang maiwan siya ay roon niya na binuo ang plano, ang formula na gagamitin para maisakatuparan ang naiisip niya.
Hindi niya iyon kakayaning mag-isa kaya naman humingi siya ng tulong kay Meldie, isa ring doktor at siyentista.
"Ahas, Melissa?" anang pa nito. "Pinag-isipan mo ba talaga ang bagay na ito?"
"Yes, that's why I made myself pregnant to ensure the baby-"
"Hindi iyan ang tinutukoy ko!"
Hindi niya maintindihan. Bakit ba pinapahirap ng mga ito ang mga bagay-bagay? Napaka simple nang gusto niyang mangyari, ang gumawa ng kombinasiyon ng isang tao at isang hayop, kung saan ahas ang napili niya.
"Anak mo iyan, Melissa."
"E 'di mabuti, magagabayan ko siya hanggang sa paglaki-"
"At paano iyan pag lumaki? Anong mararamdaman ng batang iyan? Siguradong itatago mo siya-"
"Hindi ko itatago ang bata," pilit niyang pinakalma ang sarili, iniisip na sa ganoong paraan ay mas mauunawaan siya ni Meldie. "Look, I won't hide this child! The purpose of this experiment is to show my product to the world! Kaya paanong itatago?"
Napailing na lang sa kaniya si Meldie, sumuko na sa pagpapaliwanag.
"Don't worry. This will work, okay?"
Gaya nang naaayon sa gusto niya, ginawa nila ang eksperimento.
Kagaya rin nang ipinangako ni Miguel sa kaniya ay madalas itong magpadala ng sulat. Lumalaki na lang ang tiyan niya, hindi niya pa rin nagagawang sabihin dito ang tungkol sa bata hanggang sa mag-ikapitong buwan na ang tiyan niya, ngunit sa buwan na iyon ay umuwi na si Miguel na gulat sa nasaksihan.
Hindi niya makakalimutan kung gaano kasaya ang mukha nito nang makitang nagbunga ang pagmamahalan nila, ngunit kung gaano ito kasaya nang araw na iyon ay ganoon naman ito naging malungkot nang malaman ang totoo.
"Melissa, bakit?"
Sa mga oras na ito, naramdaman niya na ang kirot sa puso niya.
"Tao iyan, Melissa. Higit sa lahat... anak natin."
"Para sa inyo rin ang lahat ng ito, Miguel. Believe me."
"Hindi... you just created a mons-"
"Monster?" siya na ang nagtuloy nito. "You are calling our child monster?"
"E, ano pa nga ba, Melissa?!" Doon na nito hindi napigilan ang pagsigaw.
Napatalikod, nanghihina.
Bakit ba hindi magawa ng mga ito na maniwala sa kaniya? Kung maniniwala lang ang mga ito, hindi na kailangan pang maging mahirap ng lahat.
"You don't understand me..." anang niya. "Simula pa lang, hindi ka na naniniwala sa akin. Hindi mo ako magawang suportahan."
"Pero, Melissa..." Naudlot ang sanang sasabihin nito, bigo na napatayo at yumakap sa likuran niya. "I'm sorry..."
"You love me, right? I know you love me as much as you love this child, Miguel. So please... dito man lang ay pagbigyan mo ako."
Miserable mang pumayag ang kaniyang asawa noong panahong iyon ay naging masaya pa rin siya, dahil sa wakas ay wala ng kokontra sa kaniya, pero hindi pala roon nagtatapos lang ang eksperimento niya.
"Kailangan mo ng tanggalin ang bata, Melissa." Naroon ang takot sa mga mata ni Meldie nang tignan ang mga resulta.
"Tanggalin?" Natatawa niya pang sinabi. "Halos isang buwan na lang bago ko ilabas ang batang ito. Bakit pangungunahan pa natin? At isa pa, kung ilalabas ko kaagad ang batang ito, mataas ang porsiyento na maaaring hindi siya mabuhay. Para saan lahat ng ito kung hindi na naman ako magtatagumpay?"
Umiling ito bago ipinakita ang resulta sa kaniya.
"Kung hihintayin mong manganak ka... maaring ikaw ang bawian ng buhay, Melissa."
Noong minutong iyon, pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit, pero hindi ibig sabihin niyon ay titigil na siya. Hindi ibig sabihin niyon ay... pipiliin niya ang sarili niya.
"Erena."
Awang ang labi siyang nilingon ni Meldie. "Erena ang pangalan ng eksperimentong ito-"
"Hindi, Melissa. Hindi-"
"Makinig ka," kontra niya rito. "Natuklasan ko na ang lahat ng mayroon sa mundong ito. Mas mahalaga ang buhay ng eksperimentong ito."
Iyon ang nasa utak niya.
Alam niya na kung ano ang mayroon sa mundo, kaya niya ng mawala. Ang eksperimento ang mas mahalaga na kahit kapalit ang buhay niya, tatanggapin niya.
Ito na lang ang maipagmamalaki niya, ito na lang ang masasabi niyang nag-iisang bagay kung saan siya nagtagumpay.
Hindi na siya nag-aksya ng oras noong mga panahong iyon. Kinalap niya ang lahat ng datos, wala siyang itinirang detalye, lahat iyon ay mahalaga at kailangan ng susunod na makakakita o makakadiskubre ng eksperimento.
Kahit na nahihirapan na dahil nalalapit na ang araw ng panganganak niya, kahit na alam niya ang kahahantungan niya sa araw na iyon ay nagawa niya pang maging masaya nang makumpleto ang lahat ng iyon.
Wala, iyon na kasi ang pangarap niya.
Natigilan siya matapos itago ang chip kung saan naroon lahat ng datos ukol sa eksperimentong kung tawagin niya ay Erena nang maramdaman niya ang pagputok ng panubigan niya.
Ito na ang araw.
Kaagad na dumating sa laboratoryo niya si Miguel at Meldie na inakay siya papunta sa hospital bed na naroroon.
"Manganganak na ba siya?" dinig niya pang tanong ni Miguel kay Meldie.
Hindi naman magkanda-ugaga sa pagsusuot ng lab gown, gloves at mask si Meldie bilang paghahanda.
Hindi niya gaanong makita ang mga nangyayari dahil sa sakit na nararamdaman, hindi niya na maimulat nang maayos ang mukha niya.
Mas gugustuhin niya na lang na mahimatay o mamatay na lang nang tuluyan, kaysa indahin ang sakit.
"Please, Melissa. Hold on or else... Erena will die."
Nagawa niya pang matawa sa isip niya. Talaga bang ipapangalan na ng mga ito ang pangalan ng eksperimento niya sa batang ito?
Erena...
"Erena?" anang ng kaniyang asawa. "Erena ang pangalan ng anak namin?"
Hindi na siya nakarinig ng sagot mula kay Meldie na kaagad siyang ginabayan sa pag-ire.
"Lakasan mo pa, Melissa!"
Nagpakawala siya ng ilang mahahabang ire, bago tuluyang lumabas ng bata, bago iyon tuluyang mahugot ni Meldie palabas ng sinapupunan niya.
Lumuwag ang pagkakahawak ni Miguel sa kaniya nang makita ang kalagayan ng anak nila.
Nagawa niya pang marinig ang pag-iyak ni Erena bago siya tuluyang lagutan ng hininga.
Nagtagumpay siya...
Nagtagumpay ang eksperimento niya.