NAGING mabilis ang paglakad na ginawa nila ni Christian. Sa bilis nito ay naging mahirap para sa kaniya na sundan ito. Isa pa, talagang nagiging mailap ito.
Hindi naman siya bobo para hindi maramdamang dahil iyon sa nangyari noong isang araw.
Hanggang ngayon, ganito pa rin ang trato nito sa kaniya. Lalo na kapag silang dalawa lang ang magkasama. Kapag may iba kasing kaharap ay halatang sinisikap lang nito na umato ng normal.
Masiyadong mataas ang pride.
Hindi ba't siya dapat ang nagtatampo? Tutal siya naman ang pinagmukha nitong mahina ang utak, ang pagkakamali niya lang naman ay nawala sa isip niya ang bun nito.
Hindi naman siya robot na naka-program, tao siya na sa isang iglap, kahit gaano ihubog para maging perpekto, magkakamali't magkakamali pa rin.
Nang makalabas sa building ay roon lamang siya nagkalakas ng loob na magsalita. May lakas naman talaga siya ng loob, talaga lang na pinili niyang irespeto ang gusto nito; na huwag ipahalata sa iba kung ano man ang mayroon sila.
Tutal nasa labas na at wala ng ibang tao bukod sa kanila, puwede naman na siguro.
"Kailan mo kaya ibababa ang pride mo?" sarkastiko niyang itinanong.
Hindi man huminto mula sa paglalakad si Christian, alam niyang nakikinig ito.
"Ikaw, kailan mo balak makinig? Kailan mo balak itanim sa utak mo ang mga bilin ko?"
Sa kabila ng pag-uusap at ng umaalab na nararamdaman ay nagpatuloy silang dalawa sa paglalakad. Sa pampang ang tungo nila kung saan naroon ang yate nito.
"Hindi naman ako tanga, Christian. Ilang ulit ko ba sasabihing hindi ko sinasadya?" anang niya, pinipili pa rin na kumalma.
Gusto niyang daanin ito sa mahinahon na usapan.
"Ireserba mo na lang ang enerhiya mo para sa kakausapin natin mamaya." Mas bumilis ang lakad nito, senyales na wala na itong panahon pa para pag-usapan iyon.
Pigil ang hininga siyang nahinto sa paglalakad, kinalma ang sarili habang pinapanood ang paglayo sa kaniya ni Christian.
Wala naman siyang nagawa kundi sumunod pa rin dito papunta sa yate hanggang sa umandar iyon nang hindi man lang sila nagkikibuan.
Ang hirap ng ganitong sitwasiyon. Nakatago na nga sila, hindi pa magkaunawaan kapag magkasama, kapag may pinagtatalunan.
Isa pa, malaking balakid ang pagiging mataas nito sa kaniya.
"Uminom ka muna." Inilahad nito ang bote ng mineral water na galing sa cooler.
Nagpanggap siya na walang narinig.
Matagal bago nito binawi ang bote na inilahad bago umupo roon at napabuntong hininga.
"Kung magkakaroon kaagad ng alaala si Skyler, kasunod na niyon ang tungkol sa Erena."
Hindi siya nagsalita, pero ang sinabi nito ay tila kusang pumapasok sa kukote niya.
"Kapag bumalik siya sa kung ano siya, dahil sa nalalaman niya na, hindi niya ipapahawak sa'tin ang Erena."
"Hindi mo naman sasaktan si Erena, 'di ba?" Iyon ang sinabi nito sa kaniya, kaya hindi niya maintindihan kung ano pa ang ikinatatakot nito.
"Kahit na, hindi magtitiwala sa atin si Skyler."
"Kahit sa akin?" Tinuro niya ang sarili.
"Kahit sa'yo, John."
"Pero... kaibigan ako ni Skyler. Kababata niya ako. Makikinig siya sa akin, at para naman iyon sa ikabubuti ng lahat."
"Iba ang kaibigan sa minamahal. You also knew that, John." Natahimik siya sa sinabi nito. "At imposibleng makinig si Skyler kung maaalala niya ang nangyari noon, nang gustong kuhanin ng Governor si Erena, hindi na siya magtitiwala sa kahit na sino dahil ang maging mahalaga lang sa kaniya ay ang babaeng pinaka mamahal niya."
Inaamin niyang... may punto si Christian.
Sa oras na makompleto ang alaala ni Skyler, tanging ang kaligtasan na lang ni Erena ang iisipin nito at wala nang iba.
"Hindi pa puwedeng bumalik ang alaala ni Skyler, dahil hindi siya susunod sa atin. Imbis na mailapit niya sa atin si Erena, baka mas mailayo niya lang."
"Ano ba ang balak mo sa kaibigan ko?" tanong niya.
Ang alam niya lang ay kung ano ang pakinabang ni Erena, hindi ang buong pinaplano ni Christian, dahil sa totoo lang, mahirap basahin ang isip nito at hindi rin ibinabahagi ang karamihan ng nasa isip at ng pinaplano pa lang. Ang pag-uusap nga na ito ay ikalawang beses pa lang na binuksan nito ang usapan tungkol dito, na nagbahagi ito ng naiisip.
"Ayon sa balita, hindi rin nakakaalala si Erena."
Nalaglag ang panga niya.
"Gagamitin natin si Skyler para mapalapit kay Erena, kaibiganin ito at madala sa atin ng hindi pinupuwersa, dahil ang kasundaluhan na mismo ang nagbabantay rito."
Hindi pa rin tuluyang namumuo sa kaniya ang ideyang iyon. Ano nga ba ang nangyari kay Erena bago matapos at nang matapos ang trahedya?
"Nasaan si Erena?" tanong niya.
"Nasa Maynila. Balita ko, nagtago na ang Governor kaya nakakagala na ito-"
"Nakakagala?" Awtomatikong pumasok sa utak niya ang imahe ng mga ahas ni Erena sa likuran; ang siyam nitong mga ahas.
"Normal na si Erena."
Pakiramdam niya ang nalaglag ang puso niya nang marinig iyon dahil masiyadong mahirap paniwalaan.
Paanong mangyayari iyon gayong naroon mismo siya sa senaryo nang ikuwento sa kaniya no Louie na imposibleng maalis ang mga kakambal ni Erena at ang kamag-anak na mismo nitong siyentista ang nagsabi niyon.
Mapanganib... maaaring ikamatay ni Erena.
Paano nito nagawang lagpasan ang bagay na iyon? Ano ang nangyari... ano ang pinagdaanan nito simula nang makahiwalay ng landas si Skyler.
"Marumi ang minthiin nila, iba sa kung ano ang mithiin natin," anang pa nito.
HINABOL ni Skyler si Dion na naglalakad na palayo mula sa senaryo matapos umalis ni John at ng kanilang lider.
"Bakit?" anang nito.
Gulat siya at muntik pang mabangga si Dion nang biglaang huminto.
Gusto niya lang sanang itanong kung ano ang mayroon sa lider at kay John, kung ano ang pupuntahan ng dalawa at kung anong proyekto ang nabanggit.
"Kung may itatanong ka, bumaba ka na lang sa canteen mamaya. Doon tayo mag-usap. Ayaw kong ubuhin sa lagay kong ito, ikaw rin siguro hindi mo gugustuhin."
Awang ang labi niyang pinanood itong lumayo sa kaniya, kalmado, pero nagmamadali.
Mariin siyang napapikit bago pumihit. Kusa rin siyang napahinto nang maisip na hindi niya pala alam kung saan siya pupunta dahil wala rin namang nagsabi sa kaniya kung saan ang magiging bagong kuwarto niya.
"Need help?" Isang lalaki ang huminto sa harapan niya, mas matangkad pa ito kumpara sa kaniya.
Awtomatiko namang humupa ang tensiyon sa utak niya at unti-unti siyang kumalma.
Tinulungan siya ng matangkad na lalaki nang pumayag siya. Sandali lang naman iyon at nagtanong lang sila sa opisina ng system operators sa itaas ng gusali at sinamahan na lang din siya ng lalaki papunta sa kuwartong iyon.
"Ako nga pala si Ramil," anang nito.
Bumaba pa ang paningin niya sa palad na inilahad nito sa kaniya.
Ramil...
"Ngayon pa lang tayo magkakakilala." Nabasa siguro nito ang iniisip niya.
Natatawa naman siyang nakipagkamay rito.
"Skyler..." sagot niya.
Naiiling naman nitong tinapik ang braso niya matapos makipagkamay.
"Kilala ka naman ng lahat dito. Ang lalaking tulog ng isang taon," biro pa nito. "Alam mo pakiramdam ko nga ikaw na ang bagong paborito ng lider natin."
Natigilan siya.
May kung ano siyang naramdaman nang marinig iyon.
"H-hindi naman ako mukhang paborito..." Inalala niya kung paano itong tumingin at magsalita sa kaniya. "Si John siguro."
Nagkibit-balikat pa ito sa kaniya. "Pumasok ka na. Basang basa ka, Pare. Mamaya, magkasakit ka ng bago kahit na kagagaling mo lang sa clinic natin."
Kumaway pa ito sa kaniya mula sa malayo hanggang sa mawala ito sa paningin niya nang lumihis papunta sa gilid kung saan may panibagong hallway.
Paano naman nito nasabing paborito siya ng lider, hindi niya naman maramdaman iyon.