ARABELLA:
“MAMA,” pagtawag ko kay mama na kinakalma ito.
Huminga siya ng malalim na lumambot ang facial expressions nang bumaling siya sa akin. Lumamlam din ang kanyang mga mata at mababakas doon ang takot.
“Anak, pumasok ka sa bahay,” aniya.
Utos iyon pero may halong lambing at pakiusap. Nangilid ang luha ko na marahang tumango. Tumalikod na ako.
“Hindi mo ako mapapaalis na hindi nakukuha ang pakay ko, Laura. Itinago mo siya kaya siya nagtagal sa'yo,” wika pa ng babae.
“Hindi ako nagtago, Vina. Nababaliw ka na. Matagal mo na siyang itinapon dahil hindi mo siya kailangan noon. Kaya hwag kang umasta na isa kang ina dahil hindi ka naging ina sa kanya,” madiing wika ni mama na umabot sa pandinig ko.
Natigilan ako sa akmang pagtulak sa pintuan namin. Nanigas ang katawan ko at ramdam ang pagtayo ng mga balahibo ko sa katawan.
“Anak ko siya, Laura. Pagbalik baliktarin mo man ang mundo? Anak ko siya. Ikaw, pinalaki mo lang siya. Pero ako ha? Ako ang nagdala ng syam na buwan sa kanya sa sinapupunan ko. Ako ang nagluwal sa kanya. Kung hindi ko siya talaga gusto? Sana inilaglag ko na siya noong fetus pa lamang ito. Pero hindi, Laura. Ipinagbuntis ko siya at isinilang sa mundong ito. Kaya hwag mo akong tanggalan ng karapatan sa kanya dahil ako ang ina niya!” madiing sagot ng babae na ikinatulo ng luha ko.
Para akong matutumba sa kinatatayuan at napagtatagpi-tagpi ang mga nangyayari!
“A-ano'ng ibig sabihin nito? H-hindi ko ina si mama?” usal ko na naipikit ang mga mata.
Patuloy ang pagtulo ng luha ko. Nanginginig ang buong katawan ko at hindi makakilos sa kinatatayuan. Sumagi naman sa isipan ko ang narinig ko noong nakaraang gabi na naitanong ni gov kay mama kung alam ko na, pero pinigilan ito ni mama at sinabing wala akong alam sa bagay na iyon!
“H-hindi ako anak ni mama. Hindi siya ang ina ko.” Usal ko.
Buong lakas kong itinulak ang pintuan. Tumakbo ako paakyat sa silid at nagkulong. Padapa akong sumampa sa kama at napahagulhol na isinubsob ang mukha sa unan. Para akong pinipiga sa puso sa mga sandaling ito.
“Hindi ko siya mama. Hindi si Mama Laura ang tunay kong ina. At ang babaeng nagluwal sa akin. . . ay nand'yan na,” usal ko sa isipan.
Lalo akong napahagulhol. Maya pa'y dinig ko na umalis na ang sasakyan sa tapat ng bahay. Nanatili akong nakadapa habang nakasubsob sa unan at umiiyak.
Bakit? Bakit iniwan niya ako at ipinamigay na lang na parang hayop? Gano'n ba ako kawalang kwenta sa totoo kong ina para ipamigay na lang ako at hindi na binalikan pa? Ni hindi niya ako kinumusta habang lumalaki ako. May gabi kaya na naaalala niya pa ako? Na hinahanap ako ng puso niya? Na naiisip kung ano na ang itsura ko?
“A-ara anak,” basag ang boses na pagtawag ni mama sa akin.
Alam kong umiiyak siya. Hindi ako kumilos. Nanatili akong nakasubsob sa unan na umiiyak. Lumapit siya at saka niyakap ako na napahagulhol sa likuran ko. Sobrang higpit ng kanyang yakap na tila takot na takot.
Takot na takot. . . iwanan ko siya.
“Mama, mahal mo naman ako, ‘di ba? Hindi mo naman ako ipapamigay katulad ng ginawa niya sa akin, ‘di ba?” humihikbing tanong ko.
Napahagulhol siya na mas niyakap pa ako. “Oo naman, anak ko. Hinding-hindi kita ipapamigay. Mahal na mahal kita, Ara. Sobrang mahal na mahal kita, anak,” umiiyak niyang sagot.
Pumihit ako patihaya na hinarap itong luhaan. Bakas ang halo-halong emosyon sa mga mata niya. Nasulyapan ko naman si Dexter na nakatayo sa may pintuan. Tahimik na nakikinig at nakamata sa amin ni mama.
“H-hindi mo ba talaga ako anak, Mama?” tanong ko kay mama na bumuhos ang luha at umiling.
“Hindi ako ang nagluwal sa'yo pero– mula unang araw mo, ako na ang mama mo, anak. Ako ang nagdamit sa'yo, nag-alaga sa'yo, nagpapadede sa'yo, lahat, anak ko. Ako ang gumawa dahil sa puso ko, anak kita. Anak kita, Ara. Ako ang nagbigay ng pangalan mo. Ako ‘yong nanghehele sa'yo gabi-gabi sa tuwing umiiyak ka. Ako lahat iyon, anak. Hindi pa ba ako matatawag na ina mo no'n?” aniya na ikinailing ko at niyakap ito.
“Kayo po ang mama ko, Mama. Ikaw lang po ang mama ko. Hwag mo akong ibigay sa kanya, Mama. Ayoko sa kanya. Ikaw ang gusto kong maging mama. Ikaw lang po,” umiiyak kong pakiusap dito na kumalas sa akin at tumango-tango.
Pinahid niya ang luha ko na mariing hinagkan ako sa noo.
“Oo naman, anak ko. Hinding-hindi kita ibibigay sa kanya. Basta, hwag mo ring iiwan si mama ha? Hindi naman nagkulang si mama sa'yo, ‘di ba? Kahit mahirap lang tayo, naging masaya ka naman sa akin, ‘di ba, anak ko?” aniya na ikinatango-tango ko habang bumubuhos ang aming luha.
“Opo, Mama. Hinding-hindi ko po kayo ipagpapalit sa kanya. Mahal na mahal ko po kayo. Kahit ano'ng mangyari, hinding-hindi ko po kayo ipagpapalit sa kanya. Ikaw lang po ang mama ko. Ikaw lang, Mama.” Sagot ko dito na napangiting muli akong mahigpit na niyakap.
“Salamat, anak ko. Salamat, Ara ko.”
MATAPOS naming magkausap ni mama, lumabas na muna ito ng silid ko. Naiwan ako sa silid at mugtong-mugto ang mga mata. Madilim na din sa labas. Wala na akong lakas na lumabas pa at magtungo sa bahay nila Jessa.
“Here, drink this, panget.” Wika ni Dexter na inabutan ako ng tubig.
Napatitig ako doon, bago tumingala sa kanya.
“Hindi ko iyan kailangan. Umalis ka nga sa harapan ko,” malamig kong sagot.
Napahinga siya ng malalim. Naupo sa gilid ng kama at walang paalam na pinainom ako kaya sinamaan ko siya ng tingin.
“You have to drink water after you cry. Gusto mo bang ma-dehydrate?” aniya na inirapan ko.
“Katawan ko ito. Ano namang pakialam mo? Bakit ka ba nakikialam ha? Ano ba kita?” naiinis kong saad na ikinabuntong hininga niya ng malalim.
“Mama ko siya.” Saad nitong ikinatigil ko.
“A-ano?” utal kong tanong na napatitig dito.
Bakas ang kaseryosohan sa mukha niya at malamlam ang mga matang tumitig sa akin.
“Ano'ng sinabi mo?” ulit kong tanong na matiim na nakatitig dito.
“Hindi ba tinanong mo ako kagabi. . . kung nasaan ang mama ko?” wika niya na ikinalunok kong bumilis ang t***k ng puso! “Ang sabi ko sa'yo, nahanap ko na siya. Pero hindi mo nakuha ang punto ko.”
Natulala ako na pinagtatagpi-tagpi ang mga sinasabi nito at hindi maganda ang tumatakbo sa isipan ko sa mga sandaling ito! Napailing siya na muling humingang malalim.
“Si Mama Laura, siya. . . siya ang tunay kong ina, panget. Nag-usap na kami nila mama at daddy na sasabihin ito sa'yo. Umeksena lang ‘yong totoong ina mo,” anitong ikinanigas ko na makumpirma ang tumatakbo sa isipan ko!
“Hindi totoo ‘yan! Sinungaling! Gustong-gusto mo talaga akong nasasaktan, noh? D'yan ka masaya e! Na makita mo akong umiiyak!” galit kong sigaw na naitulak ito!
Sunod-sunod na tumulo ang luha ko na matalim na nakatitig ditong walang emosyon ang mga mata.
“Hindi pa ba sapat sa'yo na magiging madrasta mo na si mama? Inaagaw mo talaga siya sa akin, noh? Ang kapal naman ng mukha mo! Hindi pa nga ako nakaka-getover na malamang hindi ko siya totoong ina. . . pero heto ka’t ipapamukha sa akin na mama mo siya? Mama mo siya? Ano'ng sunod nito? Kukunin mo na ang mama ko sa bahay niyo at mababalewala na ako sa mama ko, gano'n ba?” hindi ko napigilang sigaw at sa kanya na naibubuhos ang galit ko!
“I'm not lying, panget. I'm telling you the truth. Hindi mo ba naiisip kung bakit malapit kami ni mama? Nineteen years, panget. Nineteen years na akong nangungulila sa mama ko. Dahil ayaw sa kanya ni lolo kaya hindi siya malapitan ng daddy ko. Pero ngayong wala na si lolo, wala nang dahilan para hindi namin buoin ang pamilya namin.” Anitong ikinatayo ko at malakas siyang sinampal!
Tumagilid ang mukha nito sa lakas ng pagkakasampal ko sa kanya! Bumakat din ang palad ko sa pisngi niya! Napatayo siya na nasapo ang pisngi niyang namula.
“Hindi totoo ‘yan! Hindi ko ibibigay ang mama ko sa'yo!” galit kong sigaw dito.
Nag-igting ang panga niya. “Hindi ko siya kinukuha sa'yo, panget. Pinapaalam ko lang sa'yo na mama ko siya kaya may karapatan din ako sa kanya. Hindi ko naman siya ipagdadamot sa'yo a. Hindi ba dapat maging thankful ka pa na kasama ka pa rin sa bubuoin naming pamilya?” aniya na pagak kong ikinatawa at tumulo ang luha.
“Dapat maging thankful ako dahil isasama niyo ako sa pagbuo niyo? Hoy, Dexter, mama ko siya mula umpisa. Dahil ba ikaw ang iniluwal niya sa ating dalawa, mas malaki na ang karapatan mo sa kanya?” galit kong sikmat dito.
“That's not what I meant, panget. Ang kitid kasi ng utak mo! Hindi mo maintindihan, na hindi naman kita inaagawan ng ina dito, kundi gusto ko lang ding alagaan ako ng mommy ko.” Sagot nitong ikinatango-tango ko.
“Ah, tama ka, Dexter. Makitid nga ang utak ko. Sorry ha? Hindi kasi ako kasing talino mo!” sagot kong ikinatigil nitong napalunok.
Napailing ako na nagpahid ng tumulong luha. “Alam mo? Gusto kita e. Anim na taon. Anim na taon kitang sinusubaybayan. Kinikilig ako sa'yo at sumasaya ang araw ko na nakikita kita. Pero ngayon?” wika ko na naitulak siya sa balikat. “Pero ngayon, kinamumuhian na kita!”