Halos araw-araw na kaming magkasama ni Ross sa mga nagdaang araw. Sa tuwing may klase kami ay lagi niya akong ginagabayan kung ano ang mas tamang gawin. Kapag vacant time naman, kung hindi sa library ay nasa park kami ng campus para mag-review o kaya ay mag-advance study lalo na kapag alam kong alanganin ako sa topic. Minsan nga mas naiintindihan ko pa kaagad kapag naituturo na niya sa akin. Siguro kasi mas pinipili niyang ipaliwanag sa akin sa madali at mabilis na paraan para makuha ko.
Wala ring naging palya ang paghuhulog naming dalawa sa ipon. Minsan nga nakikita ko na lang ang sarili ko na nangangarap kaagad kung ano ang gagawin ko sa pera na maiipon ko. At s'yempre, pagsasabihan na naman niya ako na kesyo dapat daw hindi ko muna iniisip iyon.
Habang nakakasama ko siya ay mas lalo ko pa nga siyang nakikilala. Doon ko rin nalaman na hindi naman pala ganoon kasungit ang lalaking ito. May pagkakataon lang talaga lalo na kapag hindi ko na rin nakokontrol ang kakulitan ko.
"Teka! Time out na muna. Nanunuyo na ang mga dugo ko sa utak," reklamo ko habang nakapangalumbaba matapos isarado ang librong nasa aking harapan.
"Sige. Sa susunod na lang."
Kanina pa namin inaaral ang subject naming Taxation kaya kanina pa ako nalulula. Basta ang mahalaga, alam kong importante ang pagbabayad ng tax. Pero kung iko-compute na, huwag ako.
"May bibilhin lang ako. May ipasasabay ka ba?" biglang tanong niya sa akin matapos ang pagrereklamo ko.
"Wala," tugon ko kasabay nang pag-alis niya. Gusto ko sanang may bilhin pero iyong natitira kong pera ay ihuhulog ko rin sa ipon ko na sarili. Noong nagsimula kasi kaming mag-ipong dalawa ni Ross ay naisip ko kung subukan ko ring mag-ipon ng ako lang. Maganda na ring manifestation kung may natututuhan ba talaga ako kay Ross.
Napasandal ako sa aking kinauupuan. Narito kami ngayon sa park. Wala namang gaanong estudyante na nakatambay rito kaya pinili namin na mag-aral dito para kahit papaano ay makasagap man lang kami ng sariwang hangin. Baka sakali rin na gumana ang utak ko kapag nandito.
Nasa lilim kami ng puno kaya maganda ang puwesto namin dito. Hindi mas'yadong mainit, pero masarap ang ihip ng hangin. Kalagitnaan ng pagdadrama ko rito nang may tumawag sa pangalan ko.
Nilingon ko ito. Kaklase rin namin ni Ross na babae. "Sino kasama mo? P'wede makiupo?" bungad nito.
"Sige, maupo ka na muna. Si Ross lang din naman ang kasama ko, eh. May binili lang."
Nagulat ako sa biglaang paghampas nito sa aking braso kasabay nang pagngiti niya nang kakaiba. "Lagi kamo kayong magkasama ni Ross. Kayo na ba o nililigawan ka pa lang niya?"
"Hoy, kumalma ka nga. Hindi, 'no! Nagpapatulong lang ako sa kanya kasi hirap talaga ako sa mga subjects natin," depensa ko.
Tumango-tango naman siya sa akin na para bang naiintindihan niya ako pero ang totoo ay hindi, dahil iba ang sinasabi ng mukha niya. "Ah, okay. Oo nga naman kasi matalino talaga siya," sang-ayon niya rin. "Pero hindi mo siya crush? Kasi imposible. Ako nga crush ko siya kasi napaka-ideal type niya pero hindi naman kasi kami close. Kaya sana all na lang sa iyo," dugtong pa niya na halatang nang-aasar pa nga.
Tinawanan ko lang siya. "Ikaw, nakikiupo ka na nga lang tapos ganyan ka pa," biro ko pa. Humingi naman siya sa akin ng paumanhin at nagpaalam na rin na aalis at tatambay na lang daw muna sa dorm ng isa naming kaklase. Mas mabuti pa nga. Napasabi ko na lamang sa aking isipan.
"Kaloka iyon! Bihira ko na nga lang makausap, nagawa pa akong i-hotseat," habol ko pang komento nang tuluyang makaalis ito.
Sa pananahimik ko rito sa aking upuan ay napaisip ako sa itinanong ng kaklase namin sa akin. Mukha ngang nag-iisip na rin ng iba ang mga iyon tungkol sa aming dalawa ni Ross sa palagian naming pagsasama. May masama ba roon? Uso pala talaga ang stereotyping.
Nagawi ang aking paningin sa parating na si Ross. May hawak siyang dalawang inumin sa magkabilang kamay niya. Hindi ko napigilang matitigan ang kanyang kabuuan. Totoo naman kasi talaga, eh. Hindi malabong walang magkagusto sa kanya. Kung may malabo man, ay iyon ang magkagusto siya sa tulad ko.
Saka, alam ko naman at aminado ako na sa una pa lang ay manghang-mangha talaga ako sa kanya. Ang guwapo kasi, kaasar.
"Binilhan na rin kita. Hindi nga lang ako sigurado kung gusto mo ang flavor niyan," bungad ni Ross sa akin nang tuluyan siyang maupo sa harapan ko.
Mabilis kong tinanggap ang inumin habang umiiling. "Hindi, ayos lang naman sa akin ang kahit na ano. Basta wala lang lason," pagbibiro ko pa.
Nilagok ko ang laman niyon habang lumilinga sa paligid. Ganito kasi iyong mga gusto kong atmospera ng paligid. Nakaka-relax. Gawain ko rin kasi ito madalas kapag gabi. Iyong mauupo ako sa bangko na nasa labas lang ng bahay namin tapos magpapahangin lang. S'yempre hindi mawawala iyong mga panggulo tulad na lang ni Vince na laging nagpapasira ng momentum ko kapag ganoong oras. Ganoong oras ko na lang din kasi nakikita at nakakausap iyong lalaking iyon, eh. Kapag umaga ay nasa school ako, siya naman ay may trabaho.
Malaki nga talaga ang nababago kapag tumatanda ka. Nadadagdagan ang responsibilidad mo, pero nababawasan naman ang oras mo para sa mga bagay na nagsisilbing pahinga mo. Sana kapag dumating na rin ako sa ganoong punto ng buhay ko ay mahanap ko pa rin iyong pahinga ko.
"Ano ang iniisip mo?"
Nawala ako sa malalim kong pag-iisip nang tanungin ako ni Ross na hindi ko namalayang nakamasid na pala sa akin. Nilalaro ko kasi ang bote ng inumin ko sa aking kamay.
"Wala naman. Natutulala lang talaga ako paminsan-minsan," pagsisinungaling ko. Muli na namang natahimik sa pagitan namin. May oras talaga na tamad akong magsalita. Pero nang may pumasok na katanungan sa isip ko ay isinatinig ko iyon sa kanya. "Ilan kayong magkakaptid?"
"Bakit mo natanong? Magpapaampon ka?" balik-tanong niya sa akin na halata namang trying hard mag-joke.
"Ayan, ah. Kasasama mo sa akin ay natututo ka ng mag-joke."
"Kaya nga iyong mga natututunan kong joke ay corny, eh."
"Marunong ka na rin mang-trashtalk, ah!" alma ko. Tinawanan niya lang ako habang may mga mapaglarong ngisi sa kanyang labi. Nitong mga nakalipas na araw ay nagagawa na niyang tumawa at mang-asar sa akin na katulad ngayon. "So, ilan nga kayong magkakapatid?" muli kong tanong sa kanya.
Inilapag niya ang ininumang bote sa ibabaw ng lamesa na ngayon ay wala ng laman bago sumagot. "Dalawa lang kami. Ako ang bunso."
"Oh? Ang cute naman. Parehas kayong lalaki?" pag-uusisa ko pa.
"Hindi. Babae ang panganay."
"Ilang taon na siya?"
"Twenty-five."
"Ano ang work niya?"
"She is not a full-time worker dahil nagma-masteral siya ngayon sa law school," aniya nito na siyang nagpa-wow! talaga sa akin.
"Grabe! Pamilya pala talaga kayong matatalino, ano? Respect Sarmiento family."
Naiiling ito habang natatawa kaya hindi ko na rin napigilang matawa. "Anong klaseng pamilya mayroon kayo? Masaya kayo siguro, ano?" pagpapatuloy ko sa pang-uusisa.
"Akala ko last question mo na iyong kanina," komento ni Ross. "Masaya kami. Kuntento rin kami. Masasabi kong hindi naman kami kinulang sa aruga at pagmamahal ng mga magulang namin."
Hindi mapuknat ang pagkakangiti ko dahil nakatutuwa na makarinig nang ganitong klaseng kuwento na sa lalaki pa na tulad niya mismo nanggagaling. Masasabi mo na nanggaling talaga siya sa maayos na pamilya.
"Close kayo ng Ate mo?" Napansin ko kaagad ang pagngiti nito pero kaagad rin namang itinago.
Tumango lang siya pero hindi na sumagot. Nabitin tuloy ako sa sagot niya pero ayaw ko namang mangulit pa at hindi naman na tama iyon. "Ikaw? Kayo ng pamilya mo?" baling niya sa akin.
Mas lumapad ang pagkakangiti ko. "Masaya kami. Masayang-masaya. Tipong kahit patong-patong na iyong problema kasi maraming bayarin, nagagawa pa rin naming tumawa. Ang sarap sa pakiramdam kapag alam mong tahanan ang inuuwian mo sa araw-araw at hindi basta bahay lang," tugon ko. Namalayan ko na lang na nagngingitian na kami habang nagkukuwento ako.
"That's good to hear," anito.
Muli na namang nagkaroon ng katahimikan. Kasabay niyon ang pag-ihip ng malamig na hangin. Pa-hapon na kasi kaya mas malamig na ang ambiance ng paligid. Nagpapaubos na lang kami ng oras dito habang wala pang time para sa susunod naming klase.
Hinarap ko si Ross at doon ko siya naabutang nakapikit ang mga mata habang nakasalikop ang mga braso sa harap ng kanyang dibdib. Hindi ko tuloy kung itutuloy ko ba ang itatanong ko sana sa kanya o hayaan na lang. Pero bago ko pa mabawi ang aking pagkakatingin sa kanya ay naidilat na niya ang kanyang mga mata. Bahagya tuloy akong nakaramdam ng pagkailang at baka isipin niya na kanina ko pa siya tinititigan, samantalang wala pa naman sa isang minuto iyon.
"A-Ah, totoo ba talaga iyong dahilan mo kung bakit ka nag-part time sa convenience store kasi gusto mo lang ma-feel maging empleyado?" kuryoso kong tanong.
Tinitigan muna ako nito nang saglit bago sumagot. "Oo. For experience na rin at para may mailagay ako sa CV."
"Taray naman nito. Curriculum Vitae pa ang nais, eh resume nga lang sa akin iyon," pang-aasar ko sa kanya.
"Mas maikli ang CV kumpara sa resume. Nakatatamad bigkasin," dahilan ni Ross.
"Buti ka pa kahit papaano ay hindi ka na masho-shock kapag nagtrabaho ka na talaga. Samantalang ako, baka magpasama pa ako sa nanay ko sa mismong job interview," nakanguso kong sambit.
Hindi nito napigilan ang matawa kaya mas lalo akong napasimangot. "Really, Rosie?" natatawa pa rin nitong saad.
"Really, Ross?" inis kong panggagaya sa tono niya na mas lalong nagpatawa sa kanya. "Malakas na loob mo ngayon na asarin ako. Galing."
"Yes, so, thank you," nakalolokong wika niya sa akin. Nagawa pa nga ang magpasalamat ng loko.